Thursday, July 27, 2006

Batang Nabuhay, Totoo Ba?

Totoo bang nabuhay yan? Paano naman nangyari yan? Ilan lamang yan sa mga reaksiyon ng ating mga kababayan nang ilathala ko sa aking nakalipas na pitak na si Dante “JunJun” Cardel Jr. ay ebidensiya ng taong dumanas ng Near Death Experience.

Ivan ng Paranaque City: Totoo po bang nabuhay si Jun Jun Cardel. Imposible naman po kasi e.
RS: Bakit naman imposible? Mismong mga magulang ni Jun Jun ang nagsabi na namatay na ang kanilang anak at pagkalipas ng 17 oras ito ay biglang nagmulat ng mga mata, at doon na nagsimula ang kanyang ikalawang buhay. Minsan mahirap talaga tanggapin ang katotohanan na kahit imposible ay maaaring mangyari sa ating buhay. Akala ko ba naniniwala tayong habang may buhay lahat ay possible.

09208834082: Talaga po ba na nakagagamot ang batang yan? Nasubaybayan ko po kasi yung istorya e.
RS: Marami nang kaso ng mga dumanas ng NDE ang nabigyan ng abilidad na makagamot ng mga may karamdaman, kahit na anong karamdaman. Natural hindi ito basta paniniwalaan lalu na ng mga ayaw maniwala. Wala naman sigurong masama kung subukin ninyo hindi po ba.

Lawrence Bagnes ng Sta. Mesa, Maynila: May katanungan po ako. Kapag ang isang tao ay namatay na makikita pa rin ba niya ang mundo ng mga tao.
RS: Oo. Dahil sa karaniwan lalu na kapag hindi pa tanggap ng isang tao ang nangyari sa kanya kung bakit siya namatay ay nagpapasyang manatili muna sa daigdig ng mga buhay o pisikal na daigdig ang kanilang mga kaluluwa. Ito ang tinatawag nating earthbound souls. Sila ang mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na meron pang dapat na tapusin sa daigdig ng mga tao na hindi nila nagampanan nang sila ay buhay pa. Kabilang na rito ang pagbibigay ng alalay sa mga kaanak nilang buhay pa – sila ang mga tinatawag na spirit guide.

Ilan lamang yan sa mga ipinarating sa ating reaksiyon ng ating mga kababayan tungkol kay Jun Jun Cardel.

Tulad nga ng aking unang sinulat, hindi lamang si Jun Jun ang dumanas ng NDE na nagkaroon ng biglang pagbabago sa kanilang buhay. May mga kasong ang mismong mga kaanak ay nagtataka kung bakit tila hindi sila kilala ng taong muling nabuhay.

At ang pagkakaroon nila ng kakaibang abilidad tulad ng panggagamot at iba pang mga pahayag o detalye tungkol sa isang tao ay pangkaraniwan na rin dahil sa maituturing na ito ang talagang misyon ng kanilang pangalawang buhay.

Mismong si Father Efren Borromeo, ang kinilalang “The Healing Priest” ay umamin na siya man ay nagtataka nang nagkaroon siya ng abilidad na makapanggamot pagkatapos na siya ay maaksidente.

Ito ay resulta ng proseso ng muling pagkabuhay ng isang maituturing na sumakabilang buhay bagaman ang iba ay muntikan nang mamatay habang ginagamot sa tinamo nilang pinsala sa katawan.

Batay sa mga sinaunang paniniwalang Hinduism, ang mga taong dumanas ng ganitong proseso ng NDE o Near Death Experience ay pawang mga kaluluwang Walk-In kung saan ito ay maituturing nang bagong kaluluwa na nagpasyang magpatuloy na lamang sa buhay ng taong sumakabilang buhay.

Harinawa kahit paano ay nakapagbigay ako ng mga impormasyon tungkol sa aking tinalakay ngayon. Mahirap talaga paniwalaan ang ganitong mga pangyayari ngunit kahit na may paliwanag dito ang mga hindi naniniwala ay mahirap pabulaanan ang mga ebidensiya na totoo ang nangyari.

Ugaliing makinig sa aking programang Misteryo, 5:30 – 6 ng gabi tuwing araw ng Sabado sa himpilang DZRH. Maaari din kayong magbigay ng inyong suhestyun at katanungan sa textline 09206316528 o mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

1 Comments:

Blogger jolyza1209 said...

Ang turo po sa akin ng aking ina ay sabihin daw po sa taong nakitaan na walang ulo na tanggalin lahat ng suot niya mula ulo hanggang paa hanggang sa kaloob looban at sunugin ang mga ito upang mawala ang sumpa.

4:39 AM  

Post a Comment

<< Home