Monday, November 21, 2005

Magic: Ilusyon ba o Psychic Ability

Magic: Ilusyon ba o Psychic Ability?
Rey T. Sibayan November 19, 2005

Minsan may nagtanong sa akin kung ang mga magician - mga taong nagpapakita ng mahika para mang-aliw ng tao, ay totoong gumagamit ng abilidad sa kanilang pag-iisip o di kaya ay gumagawa lamang ng pandaraya o magic trick. Ang direktang naging sagot ko dito ay lahat tayo ay may kakayanan sa pag-iisip na gawin ang isang bagay na para sa ibang tao ay imposible. Kailangan lamang na naniniwala ka na kaya mong gawin yun.

Yung paniniwalang yun ang para sa akin ay siyang susi para magawa ang isang "imposibleng" bagay. Sinundan ko pa ang sinabi kong paliwanag na hindi rin natin maaaring itanggi ang katotohanan na ang mga mahikerong ito o stage players ay gumagamit din ng trick para palabasin na totoo ang kanilang ginagawa tulad ng paggamit ng mga props o kagamitan sa kanilang pagpapalabas kabilang na rito ang mga playing card, mga kahon at iba pang instrumento. Kailan nga ba nagsimula ang paggamit ng mahika o pagpapakita nito sa tao?

Ito ay sinasabing nagsimula noong 135 BC sa pamamagitan ng isang mahikerong taga-Syria na si Eunios. Nagawa nitong pigilin ang pag-aalsa ng mga alipin sa Sicily nang magpakita ito ng abilidad na pagbuga ng apoy. Ipinagyabang ng magician na binigyan umano siya ng kapangyrihan ng isang diyosa para hindi masunog sa apoy.

Mula sa panahon na iyon ay naging interesado na ang tao sa pagpapakita ng mahika o magic, na siya namang sinamantala ng ilang tiwaling tao para makapanloko ng tao, bagaman may mga taong totoo namang may kakaibang abilidad na ito na gawin ang imposible. Taong 1782, nang magsimulang gawing libangan ng tao ang pagpapakita ng mahika sa pamamagitan ng magician na si Chevalier Joseph Pinetti, nang gumamit na ito ng ibat-ibang trick o daya para lamang mapasaya ang mga manonood tulad ng pagpapatubo ng isang orange tree sa entablado hanggang sa ito ay mamunga.

Lalu pang tumindi ang paghanga ng tao sa mahika sa ika-18 siglo nang gamitin din ng mga mahikero ang pag-usad ng siyensiya sa kanilang palabas. Si Jean-Eugene Robert Houdin ay gumamit ng electric magnet para lokohin lamang ang mapasuko ang isang rebeldeng sundalo. Si Alexander Hermann na kilala bilang "Hermann the Great" ay gumamit ng mga alagang hayop sa kanyang mga mahika at nagagawa din nito ang pagpapalutang at paglaho ng mga bagay.

Sinundan pa ito ng pagsikat ng iba pang mahikero tulad nina Harry Kellar; T. Nelson Downs, binansagang King of Koins; Howard Thurston, tinaguriang master card manipulator; Harry Houdini, kilala sa kanyang escape technique; David Copperfield, ang naglakad papasok sa Great Wall of China at nagpalaho ng ilang saglit sa Statue of Liberty sa New York. Hanggang sa ngayon ay lalu pang tinatangkilik ang pagpapakita ng mahika ngunit sa mas modernong pamamaraan na tulad ng mga ipinapakita nina David Blaine, Chris Angel at ang sarili nating kababayan na si Eric Mana. Ngunit, ,may mga pagkakataon bang ang pagpapakita ng mahika ay hindi lahat masasabing ilusyon o pandaraya lamang sa mga mata ng manonood, bagkus ay gumagamit ang mga ito ng sarili nilang kapangyarihan sa pag-iisip?

Nang tanungin ko tungkol sa bagay na ito si Jimmy Licauco, kinikilalang paranormal expert sa Pilipinas, inamin nito na ang mga stage at street magician ay may abilidad ang pag-iisip o psychic power na gawin ang mga imposible. Kabilang sa mga karaniwan na nating nakikitang kakayanan nila ay ang pagpapagalaw ng mga bagay (telekinesis), pagpapalutang (levitation), komunikasyon sa isip (telepathy) at pagkakita sa mga espiritu (clairvoyance).

Kapareho din ng pananaw ni Licauco ang obserbasyon ng iba pang psychic tulad nina Cora Guidote ng Inner Mind Association of the Philippines, Daisy at Chito Mercader - kapwa psychic counselor. Ngunit, nang tanungin ko sila kung hindi ba maituturing na pagsasayang lamang ng enerhiya ang ginagawa ng mga mahikero, dahil sa halip na pagtulong sa kapwa ang ginagawa gamit ang kanilang abilidad ay pang-aaliw lamang ang ginagawa ng mga ito.

Bagaman may mga nakita naman akong abilidad na ginawa ni David Blaine na tinulungan niya ang taong ginamitan niya ng kanyang mahika. Ayon kay Martinez, wala tayong karapatan na husgahan kung ano man ang ginagawa ng mga mahikero nakatutulong man ito o hindi sa tao, ngunit ang simpleng pagpapasaya sa tao ay maituturing na ring pagtulong.

Ngunit sa aking pansariling pananaw, mas mainam marahil na ituro ng mga mahikerong ito ang kanilang mga abilidad para makatulong sa tao na magamit ng todo ang kanyang sariling abilidad sa pag-iisip o kaya ay magic tricks para maiangat ang kanilang pamumuhay sa mabuting pamamaraan.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com , at pwede rin kayo bumisita sa aking sariling website ang http://misteryolohika.tripod.com/.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home