Monday, July 23, 2007

Kalituhan sa Nakalipas na Buhay

Maraming hiwaga ang nagaganap sa ating buhay na hindi basta maipaliwanag ng lohika nating kaisipan.

Lalu na sa larangan ng pag-ibig na karaniwan na ngayong nalalagay sa masalimuot na sitwasyon, mga hindi maipaliwanag na trahedya na karaniwan nang nasasangkot ngayon ang mga miyembro ng pamilya, at iba pang mga sitwasyon na ni minsan ay hindi natin naisip na nangyayari pala.

Isang kaibigan ko ang nagtanong kung bakit marami ang mga nagmamahalan sa maling sitwasyon na mga tinatawag na bawal na pag-ibig. Ang naging tugon ko dito, malalim ang kasagutan tungkol diyan na posibleng makasira sa mga itinuturo ng mga sekta o relihiyon.

Dahil papasok ito sa paniniwala o konsepto ng reinkarnasyon kung saan tayo bilang mga lumang kaluluwa o old soul ay marami na tayong pinag-daanang buhay sa mundong ito.

Nangangahulugan na ang ating buhay ngayon o lifetime ay isa lamang sa mga pagkakataon na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos para maitama ang anumang pagkakamali sa mga nakalipas nating buhay o di man kaya ay maisaayos ang anumang di magandang epekto ng nakalipas na buhay o past life.

Ang mga taong dumadaan ngayon sa masalimuot na sitwasyon tulad ng pagkakaroon ng relasyon sa ibat-ibang tao tulad ng relasyon sa ibat-ibang lalaki o babae at ang matindi nga ay ang relasyon ng kapwa lalaki o kapwa babae, ay isang patunay na tayo bilang nilalang ng Diyos ay dumaan na sa mga nakalipas na buhay sa ibang katawan at sa ibang panahon.

Ganito rin ang alam kong dahilan kung bakit nangyayari ang di dapat na maganap sa mga krimen tulad ng panggagahasa o pagpatay at anupamang krimen na ang sangkot ay ang magkakasambahay o isang pamilya.

Ang ganitong mga pangyayari sa aking personal na kaalaman at batay na rin sa mga pananaliksik na ginawa ng mga eksperto sa larangan ng reinkarnasyon, ay bahagi ng tinatawag at kilala sa pangalang Karma.

Ito ang karma ng mga nakalipas nating buhay sa mundong ito kung saan sa mga nakalipas na buhay ay natagpuan na rin natin at nakahalubilo ang mga taong nakakasama, nakakahalubilo o nakakarelasyon natin sa panahong ito na ginagalawan natin.

Ang dahilan kung bakit natin sila kailangang makita, makasama, makarelasyon ngayon ay para maitama ang anumang di magandang resulta sa nakalipas na buhay. Maaaring walang naging kapatawaran sa isat isa sa nakalipas na buhay o di man kaya ay hindi naputol ang siklo o cycle ng inyong ugnayan o karma.

Sa paniniwala tungkol sa reinkasyon, kailangan lamang na maisaayos natin lahat sa bawat buhay natin sa mundong ito ang hindi naging resulta ng ating mga desisyon sa nakalipas na buhay para makatulong ito sa pag-usad ng ating espiritwal na katauhan patungo sa pagiging pekpersiyon.

Ang isang kaluluwa ay kailangang maipanganak ng maraming beses para ito ay maganap at kailangang umiral ang isang napakamatinding desisyon para hindi na paulit ulit pa ang mga maling karanasan sa buhay.

Ang isang nakita kong dahilan kung bakit parang paulit-ulit na nangyayari sa ating buhay ang mga naganap na sa nakalipas ay dahil na rin sa umiiral na free will sa ating sarili kung saan karaniwan nang naaabuso dahil sa katigasan ng ulo.

Hindi ko hangad na sirain ang paniniwala ng karamihan lalu na sa mga nakatayo lamang sa mga turo sa Bibliya ngunit kung susuriin nating mabuti ang naturang aklat ay meron ding pinapatungkulan dito tungkol sa konsepto ng reinkasyon.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyon mangyaring mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Makinig sa aking programang Misteryo tuwing sabado 5:30-6 ng gabi sa himpilang DZRH.#


Monday, July 09, 2007

Paniniwalang Espiritwal ng Bawat Isa, Igalang

Isang kaibigan ko ang nagsabi sa akin na siya ay hinihimok na sumama sa kanilang sekta at pinayuhan ko naman na pag-isipan niyang mabuti, damhin kung nararapat ba siyang lumahok sa kanilang samahan.

Isa lamang yan sa patuloy pa ring kaisipan ngayon ng bawat relihiyon o sekta na nagpapadami ng kanilang mga miyembro para ipakita lamang sa tao na sila ay malakas na grupong espiritwal.

Isang paniniwala na kapag marami ang mga ka-miyembro ay hindi mo basta-basta makukuwestyun ang kredibilidad na sila nga ang grupong nagtataglay ng katotohanan at ang palaging ipinangangalandakan na “maliligtas ang kaluluwa” mula sa kasalanan.

Bawat isa sa atin ay hindi naman talaga alam kung ano ang katotohanan ng buhay maliban lamang sa ibang mga tao na may kakayanan na silipin ang kabilang buhay sa pamamagitan ng pamamaraan na tiyak namang kokondenahin ng mga panatiko sa kanilang relihiyon na kinaaaniban.

Ang usaping espiritwal ba hanggang sa ngayon ay maituturing na tila isang pakontes o paligsahan at kailangang ibatay sa relihiyon para masabi mong wala kang kasalanan, malinis, matuwid at tiyak ang kaligtasan?

Hindi na ba maaaring mawala ang ganung paniniwala sa atin na kesyo ang ibang relihiyon o sekta ay masama at ang iba naman sa paningin ng kanilang tagasunod ay natatangi sa lahat?

Paano naman kung ang akala ninyong kinaaaniban niyong relihiyon o sekta ay siya palang nagtutulak sa inyo sa dagat-dagatang apoy ng impiyerno at huli na ang lahat para kayo ay umatras o kumalas.

Hindi ako laban o salungat sa itinuturo ng mga relihiyon ngunit ang lagi ko lang napapansin ay bakit laging banatan, batikusan, siraan at kung anu-anong mga salita ang dapat na bitawan para lamang ipamukha sa tao na ang kani-kanilang relihiyon ay tama at nasa tuwid na landas.

Oo nga at tama naman ang layunin ng bawat sekta na kaya nila ginagawa yun ay para bigyang gabay ang tao kung saan sila dapat na makisalamuha kung espiritwal ang pinag-uusapan.

Ngunit para sa akin, hindi naman siguro dapat na siraan natin ang isang sekta o relihiyon para lamang mahjmok ang sinuman na sumama sa atin, bagkus ay lalu pang palaganapin ang Banal na Salita at hayaan na lamang natin ang tao na silang pumili at hindi pilitin na umanib sa alinmang kapatiran.

Ako ay naniniwala na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang paniniwala at kanya-kanyang pananampalataya at hindi mo maaaring ihambing ang iyong pananampalataya sa iba dahil sa hindi natin saklaw kung ano ang itinuturing na katotohanan ng iba na posible namang kaiba sa katotohanan na alam natin.

Maalala ko minsan sa aking website http://misteryo.multiply.com ay merong nagbabala sa akin na ilagay ito sa black list kanilang website dahil sa kanilang paniniwalang ikinakampanya ko ang paniniwalang New Age.

Para sa kanila ang New Age ay itinuturing na kampon ng kasamaan dahil sa salungat daw sila sa itinuturo ng simbahan o anumang relihiyon na hindi nakabase sa Bibliya.

Unang-una nilinaw ko hindi ako kaanib ng New Age dahil sa katotohanan ako ay nanatili sa nakagisnan kong relihiyon, na bagaman alam kong meron ding mga dapat ipaliwanag sa tao dahil sa magkakasalungat na detalye sa buhay ni Hesukristo, ay nandun pa rin ang aking respeto.

Yun ang sana ay dapat na manaig sa bawat isa sa atin, ang respeto sa bawat isa kahit na magkakasalungat ang paniniwalang espiritwal at kinaaanibang relihiyon o sekta ay wag nating husgahan ang isang grupo na sa akala natin ay taliwas sa ating paniniwala.

Ako ay naniniwalang kaya pinahintulutan din ng Panginoong Diyos na magkaroon ng ibat-ibang relihiyon para na rin sa ikabubuti nating lahat dahil sa magkakaiba ang takbo ng ating kaisipan, pilosopiya, at mga paniniwala.

Para sa inyong mga katanungan mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryo.multiply.com; http://misteryolohika.tripod.com.#

Monday, July 02, 2007

Aswang, Totoo Ba? (Part 2)

Narito ang karugtong ng naging usapan namin ni Anthony Vivero (AV) noong Sabado Hunyo 23 sa aking programang Misteryo tungkol sa mga Aswang.
RS: Saang lugar ito?
AV: Magbanggit na lamang tayo ng medyo malaking ano…sa Pilipinas sa bandang Visayas area.
RS: Sa Visayas area?
AV: Ok. Sooo….talagang as in tsinek nga ng pathologist na even siya ay she so amazed kung bakit ganun yung hitsura ng corpse o bangkay kasi based on medical na ano aspeto, dapat ay nabulok na pero hindi pa nabubulok.
RS: Dapat nasa decomposition stage na siya.
AV: Kasi medyo advance na sila eh. Alam mo yung aswang is common tao rin na katulad natin, na highly psychic na matatawag natin na katulad din ng mga pangkaraniwang psychic na matatawag natin but they are so powerful.
RS> Meron din silang psychic abilities?
AV> Sobra as in grabe.
RS> Ano? Can they teleport from a place to another?
AV> Yes! They can levitate.
RS> Nakapagle-levitate din sila?
AV> Yes. Yung teleportation yun talaga ang mabigat talaga.
RS> Teleportation!
AV> Andyan sa harapan mo tapos biglang mawawala siya at biglang andun na sa kabila.
RS> Grabe naman.
AV> So ganun yun.
RS> Ito pa ang tanong ko. Totoo bang nakapag-transform sila sa isang unusual na laki ng hayop o animal. Let say sabi nila, yung aswang parang nagiging malaking pusa, aso, baboy.
AV> actually yan ang isa sa mga paniniwala, which ako naniniwala din ako kaya lang malungkot hindi ako nakakita ng the way they transform, pero may encounter ako, one of my interviews with one television network na matatapang daw na maghanap kami ng aswang, so naghanap kami.
RS> Kasama ka dun ha.
AV>Sila ang isinama ko…actually nung ini-engage naming kasi merong nagsabi, ang aswang kasi heto yun, pag maingay sila, malayo yun…pero pag tahimik, andyan na sa harapan mo.
RS> Ha!
AV> Oo andyan na sa harapan mo.
RS> So ganun bay un?
AV> Ganun yun. There are signs na kakaiba na naririnig mo, malayo yun. Pag tahimik na tahimik…
RS> Tahimik na yung parang nakakabinging katahimikan…
AV> Nasa tabi mo nay un.
RS> Nasa harapan mo na.
AV> Oo, actually ganun ang nangyari.
RS> Pero hindi mo lang nakikita dahil invisible sila?
AV> Hindi naman invisible pero parang naka-camouflage sabi ko nga nakapag-tra-transform.
RS> Ah…
AV> So one of those meetings na ginawa namin talagang all of a sudden nagulat kami nasa harapan na namin. So kumbaga lahat ay nagkagulatan at of course, siguro nagkaka-amuyan na I can do harm sa kanila so kumbaga walang gumawa…standstill ang lahat.
RS> Sandali, sandali yun bang amoy ng aswang ay ano?
AV> Actually, kakaiba ang amoy.
RS> Mabaho o paano?
AV> More of parang oil..na nasunog na oil.
RS> Ano yun? Ang sabi ng mga kuwento ipinapahid daw sa buong katawan yun.
AV> Oo kasi bago sila magsimula ay talagang ipinapahid sa kanilang katawan yung oil
RS> So may ritwal pa?
AV? May ritwal talaga. Yun nga ang nakatutuwa yung sabi ko harapan to nagbubulungan kami. Sabi ko: “atras karamihan atakehin ko para magkagulatan. Kasi ang tendency nito, iisipin nila aatras tayong lahat pero sasalubungin ko. So skapol, bahala na kayo. Eh nung nagka-skapol kami yung cameraman nanakbo eh.
RS> Bahala na kayo, takbo na sa gusto niyong puntahan?
AV? Akala ko matapang nung una kukunan eh so hayun na-drag ako for several meters kasi sinalubong ko kesa ma-harm yung kasama ko. So yun ang one of the worst na encounter ko na ano.

Sa susunod sa patuloy naming usapan ni Anthony ay inilahad nito kung paano inihahanda ng mga lahi ng aswang ang kanilang kakaining bangkay ng tao dahil sa sinasabing merong isang bahagi ng taon na may kapiyestahan sila kung saan sa isang lugar ng mga aswang ay may naka-tokang sila ang maghanda ng isang katawan ng tao na kakainin.

Ngunit, para marinig niyo ang buong usapan namin ni Anthony noong Sabado Hunyo 23 ay bisitahin lamang ang aking website http://misteryo.multiply.com/. Kung gusto niyong matunghayan ang lahat ng aking inilagay sa site na yun bukod sa usapang ito ay mas mabuting mag-sign up kayo sa multiply.com at malaya kayong panoorin ang mga video, pakinggan ang mga na-ere kong programa, mga kakaibang larawan at mga naisulat kong artikulo.

Para sa inyong katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533 o kaya mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Makinig tuwing Sabado alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi sa DZRH sa aking programang Misteryo. #