Telekinesis: Kaya Mo Bang Magpagalaw ng Bagay?
Telekinesis: Kaya Mo Bang Magpagalaw ng Bagay? Rey T. Sibayan November 29, 2005 Hanggang ngayon ay hindi pa rin kumbinsido ang karamihan sa kapangyarihan ng isip ng tao bagaman may mga ebidensiya na tungkol dito tulad ng pagtingin sa lugar na hindi direktang nakikita ng mga mata (remote viewing/clairvoyance), at pagpapagalaw ng bagay (telekinesis/psychokinesis). Sa mga kababayan natin na nagtatanong sa akin kung paano nga ba matuto ng telekinesis, ito na ang inyong inaabangan at ihahayag ko dito ang ilang pamamaraan kung paano ito gawin ngunit hindi ko ginagarantiyahan na lahat kayo ay magagawa ito dahil ito ay nakasalalay din sa inyo – hindi sa pamamaraan na ihahayag ko at hindi rin sa akin. Ang tagumpay ng anumang kapangyarihan ay hindi nakasalalay sa pamamaraan o sinuman ang magtuturo nito kundi iyan ay depende sa inyong kakayanan, pagpupursige at ang pinakamahalaga ay ang inyong paniniwala. Ngunit, bago natin tumbukin ang mga pamamaraan nais ko lamang ibahagi sa inyo ang katotohanan na tayong lahat ay may ganitong kakayanan at hindi sa iilan lamang, bagaman may mga tao na talagang mula pagkabata ay hindi nawala ang kanilang abilidad na gawin ito, gayunman ang iba ay nagawa ito ng di inaasahan tulad ng dahil sa matinding galit. May mga kilalang mga personalidad tulad ni Uri Geller ng Israeli na may kakayanang baluktutin ang kutsara at mga susi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang isip. Gayundin si Nina Kulagina ng Rusya na may kakayanang pagalawin ang mga bagay sa kanyang paligid kapag ito ay natitigan nya tulad ng posporo, bolang kristal, pagpigil sa paggalaw ng clock pendulum at iba pang bagay. Nang dumalo ako minsan sa seminar ni Jimmy Licauco, isang paranormal expert at mind trainer, nagawa naming baluktutin ang kutsara nang hindi mo kailangan gamitan ng lakas, gayundin ang pagpapagalaw ng palito sa isang mangkok ng tubig. May iba naman akong kaibigan na nagsabing nagawa nilang patumbahin ang silya dahil sa matinding galit sa taong nakaupo doon, samantalang ang iba naman ay tinitigan lamang nya ang kanyang cellphone at inutusan itong gumalaw ay bigla itong tumilapon, kaya hayun basag nang bumagsak sa sahig. Ang psychokinesis (PK) o kilala rin sa tawag na telekinesis ay ilang beses na ring pinag-aralan ng mga siyentista, ngunit bagaman ang ilang pagsusuri ay merong magandang resulta, ang iba naman ay nanatiling duda sa ebidensiya kaugnay ng kapangyarihan ng pag-iisip ng tao. Ngayon, di na ako magpapasikut-sikot pa, narito na ang pamamaraan kung paano maaaring paganahin ang isipan sa pagpapagalaw ng anumang bagay, ngunit inuulit ko hindi garantisadong ang mga paraan na sasabihin ko ay mabisa. Maaari kayong magtagumpay sa unang beses bagaman ang iba ay nagawa ito pagkalipas ng ilang beses na pagtatangka. Sa paraan ng pagbaluktot ng kutsara: pumili kayo ng masasabi niyong pinakamakapal na kutsara sa inyong kusina, ngunit siguruhin niyong magpa-alam kayo para naman di kayo pagalitan. Wag niyo akong sisihin kapag napagalitan kayo dahil nais ko lamang ibahagi sa inyo ang paraan ng spoon bending. Kung kanan ang malakas ninyong kamay, hawakan niyo ang pinaka-ulo ng kutsara sa gawing ito at ang hinliliit sa kaliwang kamay niyo ang magtatangkang baluktutin ang hawakan. Bago ito gawin, paganahin ang inyong isip at taimtin na isipin na palambutin ang bahagi ng hawakan malapit sa hinahawakan mong pinaka-ulo ng kutsara. Maaari mo itong himasin ng paulit-ulit habang pinagagana mo ang iyong isip. Isipin mong ang kutsara ay isang tsokolate na kapag nainitan ay natutunaw o di man kaya ay inisip mong nakasalang ito sa apoy at unti unti itong nagbabaga hanggang sa lumalambot. Ngayon kapag buo na ang paniniwala mo sa iyong isipan na malambot na ang hawakan ng kutsara, subukin mong mahinang itulak pababa ng inyong hinliliit ang pinakadulo ng hawakan at diyan mo malalaman na kaya mong paganahin ang telekinesis sa sarili mo. Gayunman, may mga insidente na kusa itong bumabaluktot pababa man o pataas habang hinihimas ang kutsara. Hayaan mo na lamang na kusa siyang bumaluktot dahil yun ay isang napakatibay na ebidensiya ng kapangyarihan ng isip. Ang isang buhay at talagang di matatawaran sa kredibilidad na nagawa nya yan ay walang iba kundi ang iginagalang sa industriya ng broadcasting – si Tiya Dely Magpayo. Ngayon kung di niyo nagawa ang sinabi kong paraan, ay wag kayo mawalan ng pag-asa, tulad ng binabanggit ko, hindi naman maaaring sa isang beses mo lang magagawa ito dahil marami pang pagkakataon – ika nga kasabihan sa wikang ingles: “Constant Practice Makes Perfect” o kaya ay “Try and Try Until You Succeed”. Sulatan niyo ako kung naging matagumpay man kayo o hindi sa binanggit ko dito. Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mangyaring mag-text sa 09206316528/09167931451 o kaya mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website sa http://misteryolohika.tripod.com. # |