Monday, July 31, 2006

Walang Ulo, Babala Ba ng Kamatayan?

Maraming mga kababalaghan sa ating kapaligiran na hindi pa rin maipaliwanag hanggang sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang mga pangitain na sa akala natin ay pawang mga kuwento lang, ngunit kapag naranasan natin ay masasabi nating totoo pala.

Hindi ba’t marami nang mga kaso na kapag kinunan ng litrato ang isang tao ay magugulantang ka na lang pag nakita mong walang ulo ang tao sa larawan.

Bakit nga ba nangyayari ito? Samantalang buo naman ang imahe ng taong kinunan mo nang litrato nang silipin mo sa kamera bago mo ito pinindot para kunan ng larawan.

Maraming teorya tungkol dito ang mga nasa larangan ng paranormal kung bakit nawawala ang ulo ng isang tao sa pagkakataong kinunan ito ng larawan. Subalit ang kagimbal-gimbal ay bigla mong makita ang isang tao na walang ulo ngunit alam mo namang siya ay buhay na buhay.

Isa sa mga kababayan natin ang nagtanong sa inyong lingkod tungkol dito. Sa katunayan, matagal na itong itinatanong sa akin ng marami ngunit ngayon ko lang napagtuunan ng pansin nang isang kaibigan ko ang humingi ng sakloklo tungkol dito. Mamaya ay ikukuwento ko ang kanyang karanasan sa mga taong nakita niyang walang ulo.

Tanong ni Jerry Bongtayon: Gusto ko lang pong isalaysay yung experience ng mga kasamahan po namin dito sa library. Student librarian po kami. Isang araw, may nakita po silang isang estudyanteng walang ulo as in wala hangang sa collar lang ang visible papuntang paa. Nilapitan pa po ng isa at nakitang gumagalaw naman po ang paa habang nakatayo at nakasandal sa mesa ang dalawang kamay habang nagbabasa ng dyaryo. Pagkatapos hinintay po syang lumabas ng library at tinapik sya sa balikat para daw po walang mangyaring masama sa kanya sabi ng isang staff. Paano po ba nangyayari ang ganun. Akala ko po sa mga pictures lang nangyayari ang ganun. Salamat po.

Ayon sa paniniwala ng karamihan, ang ganitong mga manipestasyon ay maituturing na mensahe sa taong nakakita nito at sa taong nakitaan nito, at ang karaniwang nasa isipan ng karamihan, ito ay babala sa tao na sadyang mag-ingat sa pangambang merong masamang mangyayari sa kanya – maaaring ito ay kamatayan.

Maalala ko minsan nang bigla akong tawagan ng isa kong kaibigan na itago natin sa pangalang Samuel na kinakabahan pa ng makita niyang walang ulo ang isang bata habang kasama ang ina nitong kapitbahay lamang nila habang naglalaro sa di kalayuan sa kanilang bahay.


Sinabi ko sa kaibigan ko na maaaring isang babala yan sa anumang mangyayari sa bata, kung kaya’t pinayuhan ko na hangga’t maaga ay sabihan ang kanyang ina na ingatang mabuti ang bata.

Bagaman, nagawa niyang bigyan ng babala ang ina ng bata ay nagulat na lamang ang aking kaibigan nang pagkalipas ng isang linggo ay nabalitaan niyang namatay ito dahil sa isang malalang karamdaman. Alam na rin ng ina na mamamatay ang kanyang anak dahil sa taglay nitong karamdaman ng pagdurugo ng ilong.

Ayon sa aking kaibigan, matagal na siyang nakakakita ng mga taong walang ulo mula nang siya ay bata pa at karamihan sa mga taong kinakitaan niya nito ay mga namatay sa aksidente, habang ang iba naman ay sanhi ng malubhang sakit sa katawan.

Sa katunayan, nung isang araw na sumakay siya sa isang pampasaherong bus ay nakita niya ang konduktor na walang ulo habang sila ay nasa biyahe, ngunit ng makarating sila sa terminal, ay nagulat na lamang siya na ilang sandali lamang ang lumipas ay patay na ito. Ayon sa mga kasamahan, nagpaalam lang ito sa driver na matutulog dahil sa pagod ngunit hindi na ito nagising.

Kabilang sa mga taong nakita niyang walang ulo: kaibigan ng kuya niya at maging kaibigan niya sa Zamboanga City na kapwa namatay sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada; lolo ng kaibigan niya, pagkalipas na apat na araw na makitang walang ulo, namatay dahil sa sakit; at pinsan ng kanyang ina na namatay sa aksidente.

Batay sa karanasan ng aking kaibigan, hindi na niya matandaan ang iba pang mga taong nakita niyang walang ulo at naging kasunod nito ang kamatayan. Ngunit ng tanungin ko kung ano ang agwat ng panahon mula nang makita niyang walang ulo hanggang sa mamatay, sinabi nitong mula 15 minuto hanggang sa pinakamatagal na isang linggo.

Ngayon, ano ang dapat na gawin kung makita niyo ang isang tao na walang ulo at kayo ay nangangamba na may masamang mangyayari sa kanya? May punto ang sinasabi ng mga matatanda na tapikin mo ang taong iyon at sabihan mong mag-ingat bagaman tulad ng karanasan ni Samuel tinapik niya yung konduktor subalit kalaunan ay namatay din. Sa aking personal na kaalaman, maaari mong ipagdasal ang taong iyon na wag sapitin ang kamatayan ngunit kung talagang oras na niya ay talagang wala na tayo magagawa.

Ang isa pang naisip kong paraan para bigyan ng proteksiyon ay isipin na merong puting liwanag na dumadaloy mula sa kalangitan at babalot sa buong katawan at katauhan ng tao. Ang kapangyarihan ng puting liwanag na animoy isang haliging puting-puti at nakasisilaw na liwanag ay napatunayan kong mabisa bilang proteksiyon at pampaalis ng karamdaman sa katawan. Sa mga taong clairvoyant ay malinaw itong nakikita ng kanilang mga mata, ngunit sa iba ito ay karaniwang nakikita sa isip at nararamdaman ito sa pamamagitan ng kilabot sa katawan at gumagaan ang inyong pakiramdam. Ang iba naman ang pakiramdam ay parang binuhusan ng napakalamig na tubig ang buong katauhan. Laging tandaan na iisa lang ang susi para maging mabisa ang lahat lalu na ang panalangin, manalig, maniwala ka at magtiwala ka sa Panginoong Diyos.

Ugaliing makinig tuwing Sabado sa DzRH, 666 khz, 5:30-6 ng gabi sa aking programang Misteryo. Maaari din kayong magtanong sa inyong lingkod, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Thursday, July 27, 2006

Batang Nabuhay, Totoo Ba?

Totoo bang nabuhay yan? Paano naman nangyari yan? Ilan lamang yan sa mga reaksiyon ng ating mga kababayan nang ilathala ko sa aking nakalipas na pitak na si Dante “JunJun” Cardel Jr. ay ebidensiya ng taong dumanas ng Near Death Experience.

Ivan ng Paranaque City: Totoo po bang nabuhay si Jun Jun Cardel. Imposible naman po kasi e.
RS: Bakit naman imposible? Mismong mga magulang ni Jun Jun ang nagsabi na namatay na ang kanilang anak at pagkalipas ng 17 oras ito ay biglang nagmulat ng mga mata, at doon na nagsimula ang kanyang ikalawang buhay. Minsan mahirap talaga tanggapin ang katotohanan na kahit imposible ay maaaring mangyari sa ating buhay. Akala ko ba naniniwala tayong habang may buhay lahat ay possible.

09208834082: Talaga po ba na nakagagamot ang batang yan? Nasubaybayan ko po kasi yung istorya e.
RS: Marami nang kaso ng mga dumanas ng NDE ang nabigyan ng abilidad na makagamot ng mga may karamdaman, kahit na anong karamdaman. Natural hindi ito basta paniniwalaan lalu na ng mga ayaw maniwala. Wala naman sigurong masama kung subukin ninyo hindi po ba.

Lawrence Bagnes ng Sta. Mesa, Maynila: May katanungan po ako. Kapag ang isang tao ay namatay na makikita pa rin ba niya ang mundo ng mga tao.
RS: Oo. Dahil sa karaniwan lalu na kapag hindi pa tanggap ng isang tao ang nangyari sa kanya kung bakit siya namatay ay nagpapasyang manatili muna sa daigdig ng mga buhay o pisikal na daigdig ang kanilang mga kaluluwa. Ito ang tinatawag nating earthbound souls. Sila ang mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na meron pang dapat na tapusin sa daigdig ng mga tao na hindi nila nagampanan nang sila ay buhay pa. Kabilang na rito ang pagbibigay ng alalay sa mga kaanak nilang buhay pa – sila ang mga tinatawag na spirit guide.

Ilan lamang yan sa mga ipinarating sa ating reaksiyon ng ating mga kababayan tungkol kay Jun Jun Cardel.

Tulad nga ng aking unang sinulat, hindi lamang si Jun Jun ang dumanas ng NDE na nagkaroon ng biglang pagbabago sa kanilang buhay. May mga kasong ang mismong mga kaanak ay nagtataka kung bakit tila hindi sila kilala ng taong muling nabuhay.

At ang pagkakaroon nila ng kakaibang abilidad tulad ng panggagamot at iba pang mga pahayag o detalye tungkol sa isang tao ay pangkaraniwan na rin dahil sa maituturing na ito ang talagang misyon ng kanilang pangalawang buhay.

Mismong si Father Efren Borromeo, ang kinilalang “The Healing Priest” ay umamin na siya man ay nagtataka nang nagkaroon siya ng abilidad na makapanggamot pagkatapos na siya ay maaksidente.

Ito ay resulta ng proseso ng muling pagkabuhay ng isang maituturing na sumakabilang buhay bagaman ang iba ay muntikan nang mamatay habang ginagamot sa tinamo nilang pinsala sa katawan.

Batay sa mga sinaunang paniniwalang Hinduism, ang mga taong dumanas ng ganitong proseso ng NDE o Near Death Experience ay pawang mga kaluluwang Walk-In kung saan ito ay maituturing nang bagong kaluluwa na nagpasyang magpatuloy na lamang sa buhay ng taong sumakabilang buhay.

Harinawa kahit paano ay nakapagbigay ako ng mga impormasyon tungkol sa aking tinalakay ngayon. Mahirap talaga paniwalaan ang ganitong mga pangyayari ngunit kahit na may paliwanag dito ang mga hindi naniniwala ay mahirap pabulaanan ang mga ebidensiya na totoo ang nangyari.

Ugaliing makinig sa aking programang Misteryo, 5:30 – 6 ng gabi tuwing araw ng Sabado sa himpilang DZRH. Maaari din kayong magbigay ng inyong suhestyun at katanungan sa textline 09206316528 o mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Tuesday, July 25, 2006

Batang Nabuhay, Bagong Kaluluwa

Tulad ng aking inaasahan bagupaman nabalitang nakapanggagamot si Dante "Jun Jun" Cardel Jr. ng Legazpi City, alam ko nang magkakaron ito ng pambihirang abilidad matapos na siya'y mamatay at muling nabuhay.

Napag-usapan na rin namin ito kamakailan sa isang hapunan ni Professor Jaime Licauco bago ang kanyang panayam sa programa ni Tiya Dely Magpayo sa DZRH.

Maging si Prof. Licauco ay naniniwalang nakaranas si Jun Jun ng Near Death Experience (NDE) nang ito ay mamatay noong Hunyo 21 sanhi ng taglay nitong malubhang karamdaman at muling nabuhay kinabukasan pagkalipas ng 17 oras.

Bagaman, itinanggi ng mga manggagamot ng Philippine General Hospital na hindi namatay si Jun Jun bagkus ay nagpumilit ang kanyang mga magulang na iuwi na lamang ito at tumangging lapatan ng lunas sa kanyang sakit na terminal brain tumor.

Ngunit, nanindigan ang kanyang mga magulang, sina Dante Sr., at Sheila, na talagang patay na ang kanilang anak nang ilabas nila ng ospital at minabuti na lamang nilang iuwi agad ito sa kanilang lalawigan sa Bikol, paglamayan at ilibing.

At nang inihahanda na ang lahat para sa burol ni Jun Jun ay bigla na lamang itong nagmulat ng mga mata habang katabi ang kanyang tatay at dito na nagsimula ang bagong yugto ng buhay ni Jun Jun para sa isang misyon, at ngayon nga ay may abilidad na siyang manggamot ng mga karamdaman.

Sa report na lumabas sa pahayagan, unang ginamot ni Jun jun ay ang kanyang lolo na si Fortunato Moneda, 42 taong gulang nang gumaling ito sa kanyang sakit na arthritis matapos na haplusin ng mga kamay ng kanyang apo.

Bagaman, ayaw ipamalita ng pamilya Cardel na isa nang manggagamot si Jun Jun ngunit hindi na ito maaari pang itago pa dahil sa kailangan niyang gampanan ang kanyang misyon sa kanyang ikalawang buhay.

Ito ang karaniwang nagaganap dahil sa naipagkaloob sa kanyang abilidad nang ito ay "mamatay" o muntikan nang mamatay na kilala sa katagang "near-death experience" (NDE).
Kung bakit biglang nagkaroon ng pagbabago sa bata mula ng ito ay "mamatay" ay dahil sa bagong kaluluwa ang pumasok sa kanyang katawan nang siya ay muling mabuhay -- ang kaluluwang ito ay tinatawag na Walk-In Souls.

Ang paniniwala tungkol sa walk-in souls ay isa nang matandang konsepto na isinalarawan noon sa relihiyong Hinduism, kung saan ang dati nitong kaluluwa ay tuluyan nang lumisan sa kanyang katawang lupa at ito ay pinalitan ng bagong kaluluwa.

May iba namang teorya na ang bagong kaluluwa, na posibleng nasa mas mataas na antas ng espiritwal ay siyang pumasok sa katawang lupa ngunit ang dating kaluluwa ay nanatili lamang bagaman hindi na ito ang may pangkalahatang kontrol sa katawang lupa.

Hindi ito maituturing na pagsanib ng isang ligaw na kaluluwa na karaniwan nating naiisip bagkus ay nagkaroon ito ng proseso ng komunikasyon, kasunduan at transisyon ng dalawang kaluluwa para magampanan ang pangunahing misyon sa buhay ng may katawang lupa.

Marahil nagtataka ang pamilya ni Jun Jun sa mga pagkakataong kakaiba ang kilos nito kesa sa dati dahil sa ang bagong kaluluwang pumasok ay kailangan niyang mapag-aralang mabuti ang kanyang kapaligiran at parang maituturing na ito ay bagong panganak o "born-again".

Ang maituturing na pinakatampok na kuwento ng walk-in ay ang misyunerong si Santo Tirumular, na umanoy boluntaryong umalis sa kanyang katawang lupa para pumasok sa patay na katawan ng isang pastol ng mga baka. Dito nagawang maalala ni Tirumular ang kabuuang kaalaman ng namatay na pastol at nagkaroon siya ng kakayanang makapagsalita ng Tamil.
Sa makabagong panahon ay nagpatuloy ang ganitong misteryo ng kakaibang personalidad ng isang taong namatay o muntik nang namatay sa ilalim ng proseso ng NDE.

Karaniwang nagkakaroon ng walk-in ay ang mga taong tinamaan ng matinding karamdaman na kalaunan ay namatay, inoperahan sa malubhang sakit, o di man kaya ay naaksidente na muntikan na niyang ikinamatay.

Kapag nagkamalay ay kapansin-pansin ang kakaibang kilos o pag-uugali ng tao na siyang ipagtataka ng kanyang mga kaanak at nagagawa nito ang dati-rati'y hindi niya ginagawa noong bago siya "namatay" tulad ng paggawa ng mga "himala."

Sa pag-aaral ng mga eksperto sa larangan ng paranormal, ang bagong pasok na kaluluwa ay mga matataas na espiritu tulad ng mga anghel o di man kaya ay mga umakyat na sa kalangitan na nagpasyang bumaba sa lupa para gampanan ang isang pangakong tumulong sa kapwa tulad ng panggagamot at iba pa.

Sa paniniwalang New Age sa panahong ito ng Age of Aquarius, ang walk-in souls ay pumapasok sa katawan ng isang indibidwal sa napakahalagang misyon sa mundong ito lalu na at napakalakas ng kanilang psychic ability tulad ng talas ng kanilang pag-iisip at pakiramdam dahilan para kaya nilang basahin ang personalidad ng isang tao at makapanggamot.

Mismong ang paring si father Efren Borromeo alyas Father Momoy ng Bonga, Bacacay, Albay ay umamin na nagkaroon siya ng abilidad na manggamot mula nang siya ay maaksidente ilang taon na ang lumipas.

Bagaman, ang ganitong pangyayari ay pilit na pinapawalang-saysay ng mga taong ayaw maniwala sa naturang misteryo kesyo ang mga gumaling ay sanhi ng "placebo effect" ang sikolohikal na epekto ng paggaling ng isang tao na sa akala niya ay napagaling siya ng himala o kapangyarihan ng isang indibidwal na may kakaibang abilidad, hindi naman maitanggi ang katotohanan na ang ganitong kaganapan ay hindi lamang minsang nangyari kundi marami na at ito ay hindi lamang sa ngayon nagaganap kundi noon pang sinaunang panahon.

Makinig sa aking palatuntunang Misteryo tuwing araw ng Sabado, alas-5:30 hanggang 6 ng hapon sa DzRH, 666 khz, para sa pagtalakay ng mga kababalaghan sa ating buhay at magkaroon ng kasagutan ang mga katanungan sa larangan ng paranormal.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528 at mag-email sa misteryolohika@gmail.com.#

Thursday, July 20, 2006

Mga Taong Nabuhay, Ebidensiya ng Kabilang Buhay


Kung kayo ay nagtatanong kung totoong merong kabilang buhay, ang sagot ko palagi ay totoong may kabilang buhay dahil kapag ang isang tao ay namatay ang pisikal na katawan, mananatili namang buhay ang kaluluwa – ang esensiya ng buhay na nilalang ng Panginoong Diyos.

Marami nang pag-aaral na ginawa ang mga siyentista na nagtangkang patunayan na merong kabilang buhay sa pamamagitan ng mahigpit na monitoring sa mga tao na nahaharap sa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay.

Ito ay sa paniniwala ng mga siyentista na sa pamamagitan ng kontroladong sitwasyon ay maaaring magkaroon sila ng konklusyon sa katotohanan sa likod ng ating buhay sa pisikal na daigdig.

Batay sa mga ginawang pananaliksik ang mga ebidensiya ng kabilang buhay ay ang nakita ng tao na nakahiwalay siya sa kanyang katawang lupa, nakita ang kanyang mga sumakabilang buhay na kamag-anakan, ang pagdaan sa tinatawag na “tunnel of Light,” ang pagkakakita sa mga anghel at iba pang personalidad ng relihiyon tulad ni HesusKristo, Birheng Maria at San Pedro.
Tulad na lamang ng karanasan ng 10-taong gulang na batang lalaki na si Dante “JunJun” Cardel Jr. ng Legazpi City na umanoy nakita niya si Hesukristo habang ang kanyang pisikal na katawan ay wala nang buhay.

Si JunJun ay unang idineklarang patay ng mga manggagamot ng Philippine General Hospital noong Hunyo 21 dahil sa umanoy atake ng tumor sa kanyang utak.

Nagpasya ang mag-asawang Dante at Sheila na iuwi ang bangkay ng kanilang anak sa lalawigan ng Albay, at nang sila ay dumating sa Puro, Legazpi City pagkalipas ng 17 oras ay nagulat na lamang sila nang biglang nabuhay si Junjun.

Nang tanungin kung ano ang naranasan ni Junjun sa kanyang pagkamatay hanggang sa mabuhay, sinabi nitong tinulungan siya ni Hesuskristo na nagsabi sa kanyang imulat ang kanyang mga mata.

Ang kaso tulad ng kay Junjun ay kaiba naman sa naranasan ng isa kong kaibigan na si HRV nang habang siya ay isinasailalim sa operasyon sa tinamo niyang pinsala sa nabali niyang buto sa binti ay bigla na lamang niya nakita ang sariling humiwalay sa kanyang katawan at dumaan siya sa napakaliwanag at nakapakahabang animoy walang hanggang kuweba o tunnel.

Naranasan din ni HRV ang dumaan sa umanoy mga solidong bagay sa pisikal na daigdig na animoy plastik lamang o kaya malapot na sapot ng gagamba sa kanyang pakiramdam habang tumatagos siya.

Maging ang aking 82-taong gulang na Lola Ilang noong ito ay buhay pa sa mundong ito ay nagkuwento sa akin na minsan na rin siyang namatay, at ibinurol.

Marami siyang pinuntahan sa kanyang paglalakbay at sinamahan siya ni Santa Maria tulad ng nagagandahang mga lugar, pagtawid sa maitim na tubig na may madulas na tulay na kawayan, at maaliwas na lugar na ang turingan ng bawat isa ay magkakapatid.

Ilan lamang yan sa mga patotoo na merong kabilang buhay, na hindi basta-basta matatawaran ng sinuman dahil sa mismong ang mga nakaranas nito ay nagsabing sila ay namatay o naranasan nilang mamatay hanggang sa sila ay mabuhay.

Ang kaso ni Junjun at iba pang dumanas ng kamatayan hanggang sa muling mabuhay ay tinatawag na “Near-Death Experience (NDE)” na patuloy pa ring sinasaliksik ng mga eksperto sa larangan man ng paranormal at siyensiya.

Ang 17 oras na deklaradong patay si Junjun ay hindi maituturing na kauna-unahan dahil sa may mga kaso tulad ng sa Rusya ay deklarado siyang patay ng tatlong araw, inilagay sa freezer at nang i-otopsiya ay bigla siyang nagmulat ng kanyang mga mata.

Ang mga eksperto sa Estados Unidos ay seryoso sa pag-aaral tungkol sa ganitong mga kaso na sinimulan nina Elisabeth Kubler-Ross, George Ritchie at Raymond Moody Jr. Ito ay sinundan ng pagkakatatag ng International Association for Near-Death Studies o kilala bilang IANDS noong 1978 at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang pag-aaral at pagkolekta ng mga taong dumanas ng NDE.

Minsan may nagtanong sa akin, ang NDE ba ay katulad din ng Astral Projection? Ang aking naging sagot dito ang NDE at Astral Projection ay malaki ang kaibhan dahil sa ang NDE ay talagang naranasan ng isang tao ang mamatay sa kanyang pisikal na katawan, humiwalay ang kanyang kaluluwa sa katawang-lupa at siya ay nagbalik. Samantalang ang Astral Projection naman o Astral Travel ay ang paghiwalay ng bahagi ng iyong kaluluwa sa katawang lupa na hindi mo kailangang mamatay, ngunit ang pakiramdam ay parang mamamatay ka rin dahil sa magbabago ang iyong mararamdaman tulad ng pagka-paralisa, may maririnig kang malalakas na tunog at mag-iiba ang tingin mo sa paligid, mas maliwanag kesa sa normal na paningin sa pisikal na mga mata.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528 o mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com./

Thursday, July 13, 2006

Multo, Totoo Bang Nakakatawag sa Telepono?

Totoo bang nakatatawag sa telepono o nakakatext sa cellphone ang mga multo? Ito ang naging tanong ko sa aking isipan nang may mga tinatanggap akong mga mensahe na maging sila ay nakaranas ng kababalaghan sa ganitong pamamaraan – na ang multo ng namayapang tao ay nakatatawag sa telepono o nakaka-text sa cellphone.

Ano ba ang katotohanan tungkol dito? Maituturing ba itong guni-guni lamang ng taong tumanggap sa tawag o text ng isang multo na ang ginamit ay cellphone?

Tulad na lamang ng isang pagtatapat sa atin ng isa nating reader ng Balita si Junior ng Baguio City:

“Mr. Sibayan, nabasa ko po ang iyong kolum Misteryo at Lohika sa Balita, yung tungkol po sa pag-tetext ng mga patay, may kakilala po ako, namatay yung asawa niya pero after a week tumawag po ito gamit ang cellphone number nya, samantalang isinama sa libingan yung cp nya. Nung sinagot daw po nya yung tawag, nasa linya lang daw po pero hindi sumasagot. Ang dahilan po ng pagkamatay niya car accident.”

Sa maniwala man tayo sa hindi, ang mga multo ay may kakayanan na manipulahin ang mga electronic gadget ng makabagong panahon kabilang na ang mga tape recorder, video recorder, telebisyon, radyo at maging ng cellphone. Ito ay kinikilala ngayon sa katagang EVP o Electronic Voice Phenomena – ang manipestasyon ng mga espiritu o mga kaluluwa sa daigdig ng mga buhay o pisikal na dimensiyon.

Sa mga ginawang imbestigasyon ng mga eksperto tungkol dito, ang tawag sa telepono ng mga kaluluwa ay karaniwang abnormal ang dating, malabo ang kuneksiyon at halos pawala-wala ang boses sa kabilang linya. Kadalasan ay pamilyar ang boses nito para hindi kaagad ibaba ang telepono o di man kaya ay magbabanggit ito ng mga kilalang pangalan ng ibang tao maaaring ito ay kaibigan o di man kaya ay pangalan ng alagang hayop.

Kung gaano katagal ay depende rin yan sa bawat karanasan. Pag alam ng taong tumanggap ng tawag na patay na ang may-ari ng boses na kausap nito ay bigla itong maibababa o di man kaya ay biglang matatakot kayat sabay baba ng telepono. Ngunit kapag hindi alam na patay na ang kausap, may mga pagkakataon na ang usapan ng magkabilang panig – sa panig ng buhay at patay ay tatagal ng 30 minutos.

Ang paggamit sa telepono, tawag man ito o text ng mga kaluluwa ng patay ay nangyayari beinte kuwatro oras mula nang ito ay sumakabilang buhay, ngunit may mga pagkakataon na ang tawag sa telepono ay nangyari ilang taon na ang lumipas para lamang iparating ang kanilang masidhing mensahe.

Ano nga ba ang pangunahing layunin ng pakikipag-usap ng mga patay sa daigdig ng mga buhay? Ito ay depende rin sa sitwasyon na kinakaharap ng bawat taong kaugnayan nito sa pamilya man, kaibigan man o kaaway.

Sa pangkalahatan, nais ng mga kaluluwa na magbigay o mag-iwan ng mensahe sa kanyang mga mahal sa buhay. O di man kaya ay magbigay ng babala sa isang panganib o kaya ay mga pangunahing impormasyon na sadyang kailangan ng mga naulila nitong mga mahal sa buhay. May mga pagkakataon na tumatawag ang mga ito o nagte-text sa mga araw na mahalaga sa kanila nung sila ay buhay pa sa daigdig na ito tulad ng kaarawan o anibersaryo. Ang iba naman ay nakalimutan nilang sabihin ang kanilang habilin.

Ano nga ba ang mga teorya ng mga eksperto sa ganitong pagpaparamdam ng mga sumakabilang buhay sa pamamagitan ng tawag sa telepono o pagte-text sa cellphone? Walang sapat na paliwanag tungkol dito ngunit ang pinakamalapit na maaaring may katotohanan ay ang kakayanan ng mga espiritu na manipulahin ang anumang electronic gadgets tulad ng cellphone.

Ang isa pang posibleng dahilan ay ang umanoy maaaring kagagawan din ito mismo ng taong tumanggap ng mensahe o tawag sa telepono sa pamamagitan ng tinatawag na Psychokinesis (PK) o Telekinesis na marahil ay hindi nila namalayang ginawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan ng isip.

Ang isa pang teorya ay maaaring kagagawan ito ng mga espiritu na nais magbiro sa tao. Maaaring ang mga ito ay lamang-lupa o engkanto ngunit depende pa rin kung paano ang pagpaparamdam.

Bagaman, maituturing na ang mga multo, kaluluwa o mga espiritu ay sumasabay na rin sa makabagong panahon dahil sa gumagamit na rin sila ng mga modernong kagamitan para iparating ang kanilang mensahe, ang mahalaga dito maging nasa kabilang buhay ay hindi ito hadlang na makipag-ugnayan ang mga patay sa mga buhay.

Habang sa panig ng mga siyentista, sila ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang para maka-ugnayan ang mga kaluluwa o espiritu. Sa katunayan noong unang bahagi ng ika-20 siglo, tinangka ng mga eksperto na baguhin ang disenyo ng telegraph at wireless device para makipag-ugnayan sa mga patay. Maging ang imbentor na si Thomas Edison ay ginawa niya ito hanggang sa nitong dekada 60 nang makasagap ng mga boses sa pamamagitan ng electromagnetic tape si Konstantin Raudive na ngayon ay tinawag na sa EVP o Electromagnetic Voice Phenomenon.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09167931451. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website sa internet: http://misteryolohika.tripod.com.#

Saturday, July 08, 2006

UFO Crash sa Roswell, Totoo Ba?

Tulad ng sinulat kong artikulo tungkol sa Planetang Serpo, dinagsa ako ng mga katanungan tungkol sa Roswell UFO Crash na nangyari noong Hulyo taong 1947 kung ito nga ba ay totoo o hindi.

Batay sa salaysay ng mga taong mismong nakakita sa mga debris o pira-pirasong bahagi ng bumagsak na sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal (ET), maituturing na totoo ngang nangyari ang naturang insidente, limamput-siyam na taon na ang lumipas.

Bukod sa mga taong personal na nakakita sa crash site o lugar na kinabagsakan ng UFO malapit sa Corona, New Mexico, sa salaysay ng isang opisyal ng militar ng Estados Unidos tungkol sa US-Zeta Reticuli Exchange Program noong 1965, kinukumpirma nito batay sa nakita mga dokumento sa Intelligence ng Amerika, na totoong may bumagsak na spaceship noong 1947, hindi lamang isa kundi dalawang spaceship bagaman ang huling insidente ay natuklasan lamang noong 1949.

Sa website na Serpo. Org, isang ET na tinawag noon sa pangalang EBE o Extraterrestrial Biological Entity ay nakitang nagtatago sa isang malaking tipak ng bato sa lugar na kinabagsakan ng sasakyang pangkalawakan. Binigyan siya ng tubig ngunit tumanggi naman itong kumain, at dinala sa Los Alamos.

Ang EBE na ito ay napag-alaman na nagmula nga sa planetang Serpo, isa sa anim na planeta ng Zeta Reticuli Star System, nasa layong 39 light years mula sa planetang Earth.

Ngunit paano ba pinagtakpan ng mga otoridad ng Estados Unidos ang naturang insidente? At ano nga ba ang motibo ng ganitong hakbang ng pamahalaang Amerika ng mga panahong yun.

Hapon ng Hulyo 8, 1947, tinawagan ni General Clemence McMullen na noon ay nasa Washington si Colonel Thomas Dubose na nakabase naman sa Fort Worth, at maging si General Roger Ramey ng Eight Air Force Command. Ipinag-utos ni McMullen kay Dubose na sabihin kay Ramey na baligtarin ang nauna nilang report tungkol sa natagpuang flying saucer at gumawa ng ibang kuwento para pagtakpan ang tunay na insidente ng UFO Crash, at magpadala ng bahagi ng mga debris o pira-pirasong material ng sasakyang pangkalawakan sa Washington para masuring mabuti.

Kinahapunan ng July 8, 1947, nagpatawag ng press conference si General Ramey sa 8th Air Force headauarters sa Fort Worth at pormal na sinabi na ang bumagsak ay hindi flying saucer kundi isang weather balloon.

Para makumbinsi ang tao lalu na ang mga kagawad ng media, ipinakita pa ni Ramey ang mga bahagi ng bumagsak na weather balloon at hindi mula sa sasakyang pangkalawakan ng mga ET.

Ang ilan sa mga pahayagan na unang naglabas ng bersiyon na flying saucer ang bumagsak sa rantso ng mga Foster ay ang Midwest to the West, Chicago Daily News, the Los Angeles Herald Express, San Francisco Examiner at ang Roswell Daily Record.

Samantalang ang The New York Times, Washington Post at Chicago Tribune dahil sa pang-umaga silang mga pahayagan ay ang cover-up story o ikalawang bersiyon na weather balloon ang kanilang inilabas.

Bahagi umano ng pagtatakip sa tunay na insidente ay ang pagpapakalat ng maraming sundalo kabilang ng MPs o military police sa paligid ng crash site sa rantso ng mga Foster na ang pangunahing tungkulin ay wag pahintulutan ang sinuman na makapasok sa naturang lugar.

Naglunsad ng malawakang paghahanap ang mga sundalo labas sa tinatawag na debris field at sa loob ng dalawang araw, ilang milya ang layo mula sa crash site ay natagpuan ang pangunahing katawan ng bumagsak na flying saucer at isa hanggang dalawang milya ay natagpuan naman ang mga bangkay ng mga namatay na ET na tinaguriang humanoid.

Agad naming isinailalim sa custody o pangangalaga ng military si Mac Brazel na tumagal ng isang linggo, at nakita siya sa mga lansangan ng Roswell na palaging merong bantay na mga sundalo. Lubos na nagtaka ang mga kaibigan ni Brazel dahil sa hindi na sila pinapansin nito at nakakabigla na bumaligtad na ito sa mga nauna niyang sinabi tungkol sa flying saucer.

Ngunit nanindigan si Major Jesse Marcel noong 1979 na hindi weather balloon kundi totoong flying saucer ng mga ET ang bumagsak. Tinataya niyang sumabog muna ang sasakyang pangkalawakan na ito sa himpapawid bago tuluyang bumagsak sa lupa sa napakabilis na pagbulusok nito.

Sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaang Amerika na pagtakpan ang lahat tungkol dito ay matatag ang paniniwala ng mga taong personal na nakakita na talagang spaceship o flying saucer ang bumagsak sa Corona, malapit sa Roswell, New Mexico.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Thursday, July 06, 2006

Roswell Crash, Simula ng UFO Cover-up?

Marami sa ngayon ang nakarinig sa pagbagsak ng UFO sa Corona malapit sa Roswell, New Mexico noong Hulyo 1947 ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang naturang insidente ay maituturing na kauna-unahang cover-up o pagtatakip sa totoong pangyayari.

Sa kabila ng mga nakuhang mga ebidensiya ng naturang insidente ay idineklara ng pamahalaang-US na hindi UFO (Unidentified Flying Object) bagkus ay weather balloon ang bumagsak at ang sinasabing mga labi o bangkay ng mga ekstra-terestriyal (ET) ay pawang mga manika na nakalagay dito.

Kailan nga ba nangyari ang Roswell UFO Crash? Ano ang mga sumunod na pangyayari? Totoo bang may mga nakuhang mga patay na ET sa naturang bumagsak na sasakyang pangkalawakan? Bakit idineklara ng Amerika na hindi ito UFO kundi ay bahagi ng operasyon ng pamahalaan para sa pagsubaybay sa kilos ng panahon? Ngunit, ito ay ginawa sa kabila ng naunang pahayag na ibinalita pa ng pamahalaang-Amerika na nakakuha sila ng bumagsak na UFO.

Narito ang mga sunud-sunod na pangyayari sa Roswell UFO Crash at kayo na lamang ang bahalang humusga:

Hulyo 2, 1947: Sa gabing ito na kasagsagan ng mga pagkulog at pagkidlat ay biglang nabulabog ang mamamayan ng Corona nang bumagsak sa rantso ng pamilya Foster ang hinihinalang flying saucer. Ang pinakamalapit na base militar sa kinabagsakan ng UFO o crash site ay nasa Roswell, New Mexico kung kayat tinawag itong Roswell Crash sa kabila nang mas malapit sa crash site ang bayan ng Corona.

Hulyo 3, 1947: Natagpuan nina William “Mac” Brazel at pitong taong gulang na si Dee Proctor ang umanoy mga pirasong bahagi ng bumagsak na flying saucer. Si Brazel ay ang foreman ng rantso ng mga Foster. Namangha sina Brazel at Proctor sa nakita nila dahil sa nagkalat ang mga pira-pirasong bahagi ng bumagsak na sasakyang pangkalawakan. Nagawang makakuha ng isang piraso sina Brazel at Dee kayat pagdating sa bahay ng bata ay ipinakita ito kina Floyd at Loretta – mga magulang ni Dee at sinabing maging sila ay noon lamang nakakita ng naturang mga materyales.

Hulyo 6, 1947: Nagawang ipakita ni Brazel kay Chaves County Sheriff George Wilcox ang piraso ng bumagak na UFO. Agad na tumawag si Wilcox sa Roswell Army Air Field at nakipag-usap kay Major Jesse Marcel, isang intelligence officer. Agad na nagtungo sa sheriff’s office si Marcel at nagpasyang tignang mabuti ang piraso ng material. Agad naman itong nag-report sa kanyang commanding officer, si Colonel William “Butch” Blanchard at inutusan nito si Marcel na kumuha ng kasama mula sa counter intelligence corps at agad na nagtungo sa rantso kasama si Brazel, sa layuning makakuha pa ng mga karagdagang mga ebidensiya. Ilang sandali lamang ay biglang dumating sa sherrif’s office ang mga kagawad ng military police at kinuha ang kapirasong bahagi ng UFO na bumagsak at dinala kay Blanchard. Agad na inilipat sa 8th Air Force headquarters sa Fort Worth at dinala sa Washington. Sina Marcel, Brazel at Sheridan Cavitt ng Counter Intelligence Corps ay dumating sa rantso ng mga Foster kinagabihan, nakitulog at kinaumagahan ay nagtungo sila sa crash site.

Hulyo 7, 1947: Nangolekta sina Marcel at Cavitt ng mga piraso ng bumagsak na flying saucer sa rantso Foster at nang mapuno ang sasakyan ni Cavitt, sinabihan ni Marcel ang intelligence officer na mauna nang ihatid ang mga nakuhang pira-pirasong bahagi ng UFO at saka na lang sila magkita sa Roswell AAF. Napuno rin ng mga nakolektang pira-pirasong bahagi ng UFO ang sasakyan ni Marcel at habang ito ay nasa daan patungo sa air field, ay dumaan muna sa kanilang bahay at ipinakita sa kanyang asawa at anak ang kakaibang materyal na natagpuan nila.

Hulyo 7, 1947, 4 ng hapon: Sinimulan ni Lydia Sleppy sa Roswell radion station KSWS ang transmisyon ng istorya sa pamamagitan ng teletype machine tungkol sa bumagsak na flying saucer sa Foster Ranch. Ngunit, naudlot ang transmisyon na posibleng kagagawad umano ng FBI – Federal Bureau of Investigation.

Hulyo 8, 1947: Sa umaga ng araw na ito ay dumating sina Marcel at Cavitt sa Roswell AAF lulan ng kanilang mga sasakyan na punung-puno ng mga nakolekta nilang mga materyales, at ito ay inihatid sa pamamagitan ng eroplano patungong Fort Worth AAF.

Tanghali ng Hulyo 8, 1947: Inatasan ni Colonel Blanchard na nakabase sa Roswell AAF si 2nd Lt. Walter Haut na maglabas ng press release para ibalita na ang US Army ay nakakita ng mga pira-pirasong bahagi ng bumagsak na flying saucer. Si Haut ay siyang public information officer ng 509th Bomb Group sa Roswell AAF, Dinala ni Haut ang press release kay Frank Joyce ng radio station KGFL, at hinintay muna na makabalik sa base military ang opisyal saka tinawagan ni Joyce para kumpirmahin ang balita at saka ipinadala patungo sa United Press Bureau.

Malinaw sa mga magkakasunod na araw na ito mula Hulyo 2, 1947 ay merong nakuhang mga materyales sa bumagsak na UFO o flying saucer na sa bandang huli ay pagtatakpan na ng mga opisyal ng military sa mga panahong iyon.

Idinetalye ko sa inyo ang pangyayaring ito para kayo ang humusga kung totoo ba na merong bumagsak na UFO sa Roswell, New Mexico at gaano kabilis din itong pinagtakpan ng militar sa Amerika. Abangan ang karugtong ng pangyayaring ito.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang website: http://misteryolohika.tripod.com.#