Thursday, August 24, 2006

Multo ng Guro, Nagwala sa Klase

Tumawag sa akin ang kaibigan kong clairvoyant at nangangatog sa takot dahil sa nasaksihan nitong insidente sa loob ng kanilang klase nang magpakita sa kanya ang multo ng isang babae, at ito ay nagwala habang nasa kalagitnaan ng kanilang eksaminasyon.

Ito ay nangyari sa isang kilalang Kolehiyo sa Northern Luzon habang abala sa kanilang pagsusulit ang mga estudyante ng Nursing para sa kanilang MS o Medical Surgical subject.

Dakong alas-2:30 ng hapon, habang kasagsagan ng pagsusulit ng may limampung estudyante para sa kanilang laboratory class ay nagpaalam saglit ang lalaki nilang prupesor para mag-meryenda.

Nabulabog ang buong klase ng biglang gumalaw ang silya na siyang upuan ng kanilang prupesor na tila may humihila dito, at kasunod nito nito ay bigla silang nakarinig ng mga yabag ng sapatos paikot sa kanilang klase.

Hindi nagtagal ay nakita na lamang nilang lumipad ang mga test paper sa ibabaw ng mesa at tila galit ang multo na pinaghahagis ang mga ito.

Dahil sa matinding takot na kanilang nasaksihan ay nag-unahan na lumabas ng kanilang silid ang mga estudyante at karamihan sa kanila ay nangangatog sa takot sa nangyari.

Kitang-kita ng dalawang mata ng kaibigan kong clairvoyant kung ano ang buong pangyayari. Nakita niya ang isang multo ng babae na naka-puting blouse at naka-itim na mini na naka-sandalyas na mataas ang takong o high heels.

Halos matawa pa ako nang sabihin niyang multo na nakatakong at naka-mini samantalang ang karaniwang hitsura ng mga multo ay mga nakaputi o kaya ay naka-itim na mahabang damit, at ibang-iba ang hitsura ng nakita niyang multo sa loob ng kanilang klase.

Ngunit, talagang ganun ang nakita ng aking kaibigan kung kaya’t nabuo sa aking isipan na sa mga panahong ito ay sumasabay na rin sa uso ang mga multo kung ano ang kanilang nakikita sa ating pisikal na daigdig.

Nang tanungin ng mga estudyante sa kanilang prupesor kung sino marahil ang multo ng babaeng guro na nagwala sa kanilang klase, at dito nabuo ang konklusyon na ito ay multo ng babaeng prupesor na namatay nung isang taon dahil sa atake sa puso.


Ang naturang prupesora ay sinasabing istrikto sa klase at nasa edad na 50 pataas at galit ito lalu na sa mga mag-aaral na merong kodigo habang nasa kalagitnaan ng pagsusulit.

Kitang-kita ng aking kaibigan kung gaano katindi ang galit ng multo nang makita niyang may mga estudyante sa likurang bahagi ng silid ang may kinokopyahan habang sila ay nagsusulit, at ito marahil ang dahilan kung bakit ito ay nagwala ng todo at pinalipad ang lahat ng mga papel sa ibabaw ng mesa.

Ang insidenteng ito ay isa lamang sa maraming kaso ng pagpaparamdam at pagpapakita ng mga multo sa mga mag-aaral ng naturang kolehiyo at kamakailan lamang ay isa namang mag-aaral sa high school department ang nakatuwaan ng isang multo nang paglaruan ang cellphone nito at pinatunog ng pinatunog samantalang hindi naman niya ito hawak.

Sa preparatory department ng naturan ding paaralan ay malimit na may nagmumulto lalu na sa playground nito, kung saan palaging nakikita gumagalaw ang swing kahit na wala namang tao.

Ang mga pangyayaring ito sa naturang paaralan ay isa lamang sa ebidensiya na kahit saang lugar ay merong multo o mga gumagalang kaluluwa.

Ito ay taliwas sa ating paniniwala na ang mga multong ito ay matatagpuan lamang sa mga sementeryo o libingan kundi kahit sa bawat bahay, pook-pasyalan, paaralan, simbahan, o kahit saanman ay merong gumagalang espiritu, multo man yan o mga nilalang sa kabilang dimensiyon tulad ng mga kapre at tikbalang.

Meron ding ipinadala sa aking larawan ng tatlong estudyante habang sila ay nasa on-the-job training sa Philippine General Hospital, at laking gulat na lamang nila nang tignan nilang mabuti ang kanilang larawan ay malinaw pa sa sikat ng araw na may “white lady” sa bintana sa labas ng gusali. Ang akala nila ay may nagbibiro sa kanila ngunit ang malaking katanungan, paano may magbibiro e unang-una mga madaling araw nila kinunan ang litrato, at ang kanilang kinalalagyan ay nasa ikatlong palapag at labas na ng gusali kung saan nandun ang image ng isang babaeng nakabuti at nakalugay ang buhok.

Kung nais niyong makita ang larawang ito, bisitahin ang aking website – http://misteryolohika.tripod.com; mag-e-mail din sa misteryolohika@gmail.com; pwede rin kayong mag-text sa aking cellphone: 09209386533.#

Thursday, August 17, 2006

Totoo Ba ang ET at UFO?

Mula nang isulat ko ang mga artikulo ko tungkol sa Planetang Serpo na umanoy pinagdalhan sa labindalawang tao bilang bahagi ng palitan ng mga impormasyon ng mga Ekstra-Terestriyal at Estados Unidos, marami pa rin sa ating mga kababayan kung totoo nga bang merong ET.

Tulad ng aking mga naunang sinulat, talagang mahirap paniwalaan sa ngayon ang ganitong katotohanan dahil sa una – hindi natin sila nakikita sa pangkaraniwan; pangalawa – wala pang lumalantad na ET na nagsasabing siya ay taga-ibang planeta at talagang sinadyang magtungo dito sa ating planeta para sa mahalagang misyon; pangatlo – mismong mga makapangyarihang gobyerno sa buong mundo tulad ng Amerika ay ayaw aminin na meron talagang mga ET sa kabila ng mga tsismis na noon pa man 1947 ay meron nang ugnayan ang tao sa mga nilalang na ito.

Kung ebidensiya ang hahanapin, marami nang UFO sightings ang naganap sa ibat-ibang panig ng daigdig, maging dito sa Pilipinas ay laganap na rin ang pagpapakita ng Unidentified Flying Object, ngunit sa kabila nito ay marami pa rin ang ayaw maniwala o tumatangging paniwalaan ang mga ito.

Noong una tulad ng karamihan ay duda rin ako kung totoong may mga ET at UFO, hanggang sa sandaling mismong ako ay nakaranas ng kanilang presensya mula sa panaginip hanggang sa mismong pisikal.

Karaniwan silang nagpapakita sa panaginip para hindi ka agad matakot dahil sa karamihan sa kanila ay kakaiba ang hitsura, malayo sa tunay na anyo ng mga tao. Ngunit may mga pagkakataon na nagpapakita sila sa pisikal tulad na lamang ng naging karanasan ng mga kabataan sa lalawigan ng Leyte ilang taon na ang lumipas.

Tanong ni Allan ng Batangas: Totoo po ba talagang may ET? At kung meron bakit kailangan pang pagtakpan nila? Anong dahilan? Bakit hindi nila ihayag sa tao ang totoo? May napanood ako isang araw tungkol dun sa bata na kinunan ng larawan ang kanyang sarili tapos may nakita sa picture na parang ET. Sabi naman e sadya lang daw yun sa kamera yun. Pero ako naniniwala na may ET kasi hindi lang naman Earth ang planet natin e.
RS: Sa tanong mo na kung totoong may ET, ayaw kitang pilitin kung ayaw mo paniwalaan ngunit tanong din ang sagot ko sa iyong tanong. “Ano ba ang pangunahing layunin kung bakit nilalang ng Panginoong Diyos ang milyun-milyun kundi man bilyun-bilyung planeta at mga bituin sa buong kalawakan, kung tayong mga tao lamang sa planetang Earth ang siya lamang buhay na nilalang ng Diyos?” Kung bakit pinagtatakpan, mahirap magsalita ng tapos at wala tayong eksaktong alam na dahilan kung bakit. Tulad na lamang ng umanoy patuloy na pagtatago tungkol dito ng Amerika,

lumabas ang mga haka-haka na ginagawa ito ng US para masarili lamang ang mga makabagong teknolohiya ng mga kakaibang nilalang. Tungkol sa pagpapakita kapag kinunan ng larawan – ako man ay merong larawan na may nagpakitang ET sa aking digital picture, karaniwan na itong nangyayari ngayon. Sa kinunan kong larawan ay mismong isang eksperto sa photography ang nagsabi at kumbinsidong totoong merong ibang nilalang ang lumitaw sa larawan at yun ay makikita niyo sa aking website: http://misteryolohika.tripod.com.

Texter # 09287836674: Nabasa ko po yung article niyo tungkol sa UFO. Tanong ko po kung totoo yung ET at flying saucer. Paano naman po nalaman yung planet Serpo at yung Zeta Reticuli Star System.
RS: Katulad din ng mga katanungan ng marami kung totoo ang mga ET at UFO. Sana ito ang sagutin po ninyo mga giliw naming kababayan. “Handa niyo bang tanggapin ang katotohanan na merong mga nilalang sa ibang planeta? Kaya ba ninyong tanggapin ang katotohanan na ang mga ET na ito ay mas nauna pa sa atin sa planetang ito, mula noon hanggang ngayon ay patuloy pa rin silang tumutulong sa tao. Yung tungkol sa planetang Serpo at Zeta Reticuli Star System ay matagal nang alam yan ng tao ngunit kamakailan lamang inilabas ang mga detalye tungkol sa planet Serpo. Sa planetang ito nagpadala ng 12 kataong siyentista at mga eksperto ang bansang Amerika kapalit ng mga detalye ng kanilang teknolohiya at mga kaalaman. Batay sa website na http://www.serpo.org/release1.asp tumagal ng sampung taon ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng mga ET at US, ngunit lahat ng mga taong nagtungo at tumira sa planetang Serpo ay nangamatay din sanhi ng masamang epekto sa kanilang katawan ng klima sa naturang planeta.

Ram Mellida, Mariveles, Bataan (09108231501): Totoo po ba talaga ang ET. That’s what I read in Balita.
RS: Ang tao para maniwala ay kailangan muna niyang makita. Ngunit ang masaklap nito, kahit nakikita na ayaw pa rin paniwalaan ng tao. Ilang beses na bang may mga nagpakitang ET at UFO sa buong planetang ito? Maraming beses na ngunit ayaw pa ring paniwalaan. Kung kayo ang mga nilalang na ito, ano ang inyong mararamdaman? Marahil sinasabi nilang masyado tayong makulit ngunit wala namang patutunguhan ang ating kakulitan.

Ang mga ET at UFO ay sa aking palagay ay mga totoong nilalang at sasakyan ng mga nilalang sa ibang planeta. Sa katunayan, marami sa mga ito ay nakatira na dito sa ating planeta mula pa noong mga sinaunang panahon kung kayat wala tayong karapatan na sabihin na tayo lamang ang nilalang dito.

May mga nakita na ba kayong ET at UFO? Mainam kung meron kayong larawan o anumang ebidensiya na nakita niyo siya, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, mag-text sa 09209386533. Bisitahin din ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Makinig tuwing araw ng Sabado, 5:30-6 ng gabi sa DZRH, 666 khz sa aking programang “Misteryo”.#

Thursday, August 10, 2006

Hipnotismo, Masama Ba Ito?

Marami sa ating mga kababayan na kapag narinig ang hipnotismo ay biglang papasok sa isipan na isa itong masamang pamamaraan. Ito naman ay mahigpit kong sinasalungat dahil sa ang pagkaka-alam ko ang hipnotismo ay ginagamit para makatulong sa kapwa lalu na sa paggaling ng sakit, pag-ala-ala sa pangyayari sa buhay ng isang tao at marami pang iba.

Gayunman, may mga pagkakataon na ang ganitong abilidad ay maaaring magamit sa kasamaan ngunit sa limitadong panahon lamang at hindi maaaring magtagal. Alalahanin natin na binigyan tayo ng kalayaan ng Diyos na mag-isip para tayo makapag-desisyon.

Narito ang katanungan ni April ng Angat, Bulacan: Maaari po ba akong humingi ng advice sa inyo. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Naglakas loob na lang po ako. Tungkol po ito sa aking kapatid na sa palagay po naming ay nahipnotismo ng isang tao upang magkagusto sa kanya. Binabasa kop o kasi ang kulom niyo sa Balita tungkol sa paranormal. Mahaba po ang istorya ang involve po nasa abroad. At kapag kinokompronta ang ate ko about dun nag-threaten po siya na magpapakamatay ang she doesn't know na alam naming dahil once daw po nabulgar yun magpapakamatay daw po siya.
RS: Yes, maaaring gawin ang hipnotismo sa isang tao. Ngunit, kaya mo itong labanan dahil sa unang-una meron tayong free will na ipinagkaloob sa ating ng Diyos, kaya mali ang paniniwala ng iba na wala ka ng control sa sarili mo at anuman ang nais ng isang tao sa iyo ay wala ka nang magagawa pa. May mga pagkakataon na masyadong malakas ang impluwensiya na marahil ay ginamitan pa ng dasal o orasyon. Ngunit, maaari pa rin itong harangin ng lakas ng iyong pananalig ibig sabihin ay wag mong pakinggan ang nais na idikta sa iyo ng isang tao. Ngayon, kung sa pag-ibig ang pag-uusapan, may mga pagkakataon daw na maaaring magayuma ang isang tao para umibig. Ngunit kalaunan kahit na ganito ang nangyari ay tiyak ring mawawalan ito ng bisa dahil sa ang pagkakaalam ko mas malakas pa rin ang kapangyarihang taglay ng pag-ibig na hindi kayang talunin ng simpleng hipnotismo o gayuma.

Lawrence Bagnes, Sta. Mesa Manila: Ka Rey may katanungan po ako kasi habang ako ay natutulog ay nanaginip po ako ng mga espiritu. Gusto ko pong kilalanin ang sarili ko kung ano pa ang mga kakayanan ko na hindi ko po alam sa sarili ko pati anghel ng Diyos napapanaginipan ko rin.
RS: Karaniwan na para sa mga nilalang na nasa kabilang buhay o ibang dimensiyon tulad ng mga ligaw na kaluluwa, mga elemental o engkanto at mga ekstra-terestriyal na makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay o pisikal sa pamamagitan ng panaginip. Habang tulog ang isang tao ay namamahinga ang kanyang kamalayan na siya namang pagiging mas aktibo ng subconscious mind dahil sa hindi alerto dito ang normal na kaisipan ng tao.

Texter: Bago nalagnat ang anak ko may binabasa siyang horror komiks, naospital siya at namatay. Pumutok balita na sa room niya marami namatay, hinahanap namin komiks hindi ko na nakita. May isang nobela akong nabasa na parang ganun ang nangyari o pakiwari ko lang.
RS: Hindi ako naniniwala na dahil sa komiks ay namatay ang inyong anak bagkus ay talagang oras na niyang sumakabilang buhay. Bagaman, maaaring may impluwensiya sa kanyang kaisipan kung ano ang istoyang kanyang nabasa sa komiks. Sinasabi mong ang inyong anak anak ay namatay sa isang silid ng isang kilalang ospital na kilala ring marami nang mga namatay. Posibleng nahatak din siya ng enerhiyang taglay ng mga multo sa naturang silid, ngunit lagi natin tandaan kung hindi pa natin oras mamatay ay kahit na ano pa ang mangyari ay hindi pa tayo mamamatay.

Josie ng Maynila: Bakit po nakita sa panaginip ng aking ate ang isang nakabiting patay na bata sa kanyang silid. Sa pakiwari ng aking ate, nais ng batang yun ang tulong kung kayat nakipagkita sa kanyang panaginip.
RS: Tulad ng naging paliwanag ko sa katanungan ni Lawrence, ang mga espiritu lalu na ang mga multo o sumakabilang buhay ay kayang makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay sa pamamagitan ng panaginip.

Ilan po yan sa mga katanungan ng ating mga kababayan sa kanilang mga karanasan. Pag meron kayong suhestyun o katanungan, mag-text sa 09209386533, Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com .
Makinig tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi sa DZRH para sa programang Misteryo.#

Saturday, August 05, 2006

Mga Multo at Near-Death Experience

Marami sa ating mga kababayan ang may ibat-ibang karanasan tungkol sa mga multo at sa tinatawag na Near-Death Experience (NDE) o muntikan nang pagkamatay, o namatay man ay nabuhay.

Bagaman, may ilan na alam nila kung ano ang paliwanag tungkol sa kanilang karanasan, ang iba naman ay patuloy pa ring nangangapa ng mga kasagutan lalu na at kung puro haka-haka lamang ang kanilang naririnig at hindi ang tamang paliwanag.

Ang iba naman ay minamabuti na lamang na manahimik kapag hindi alam ang tumpak na sagot sa kanilang katanungan, at unti-unting kalilimutan lalu na kapag ang kanilang karanasan ay nakakatakot.

Ngunit, ang lagi kong paalala sa lahat kung meron kayong karanasan tungkol sa mga espiritu, nakita niyo man ito ng personal, lumitaw man sa larawan, narinig man ang kanilang boses o di man kaya ay kayo ay dumanas ng pananakit sa mga ito, mas mainam na ito ay bigyang halaga at wag lamang ipagbawalang bahala.

Narito ang ilan sa katanungan ng ating mga kababayan batay sa kanilang karanasan:

Tanong ni Christian Nider: May tanong lang po ako. Bakit po kaya nakakakita po ako ng mga spirits pero mga anino lang po. At kapag pinag-uusapan naming ng mga kaibigan ko sumasakit ang ulo. But why do I see them. Just last night, I was with my friends were at the 2 nd floor of an unfinished house, madilim and dun sa may hagdan, may nakita kaming umaakyat and palinga-linga pa nga e kaya lang walang mukha and bigla na lang nawala.
RS: Kung ikaw ay nakakakita ng mga espiritu, ang karaniwang tawag sa iyong kakayanan ay "clairvoyance". Merong dalawang uri ng clairvoyance – ang objective at subjective clairvoyance. Ang Objective Clairvoyance ay yung abilidad na makakita ng mga espiritu at multo sa pamamagitan ng pisikal na mata. Maaaring ang tingin nito sa multo ay usok, anino at ang pinakamatindi sa lahat ang tingin sa kanila ay tulad ng isang pisikal na tao. Ang Subjective Clairvoyance naman ay ang kakayanan na makakita ng mga espiritu sa pamamagitan ng isip, o ang tinatawag na "mind's eye". Ang mga multo ng sumakabilang buhay na tao ay karaniwang nagpapapansin lamang ngunit ang iba naman ay gumagawa ng paraan para sila ay magbigay ng mensahe. Gayunman, kailangang mag-ingat na mabuti sa pakikipag-ugnayan sa kanila, merong ibang uri ng multo o espiritu ng namatay na tao na marahas at may kakayanang manakit ng tao lalu na sa mga sensitibong tao.

Tanong ni Milen dela Cruz ng Potrero, Malabon: Nabasa ko lang po yung column niyo sa diyaryo, gusto ko po sana magtanong sa inyo kasi nag-picture po ako dati sa bahay na pinagta-trabahuan ko tapos may lumitaw po na ibang tao na nakaputi. Ano po ibig sabihin nun? Isang lalaki at isang babae tapos nakatayo sila, nakasandal yung ulo ng babae sa balikat ng lalaki. Tapos yung isang picture namin mukhang witch tapos nakaharap sa kamera. Sarili ko po yung kinunan ko tapos nakita kop o sa background, tapos yung mukhang witch nakunan ko dun sa pwestong pinanggalingan ko.
RS: Karaniwan na sa mga panahong ito ang mga multong nakukunan ng larawan. Ang manipestasyon ng mga ito ay magkakaiba. Maaaring sila ay sa pormang usok, anino, at liwanag. Sa tanong mo Milen kung ano ang ibig sabihin ng pagpapakita nila sa larawan ay karaniwang gusto lang nila sabihing nandun sila at dapat silang bigyang pansin. Ang mga kaluluwa ng mga namatay na tao ay kadalasang gusto nilang mamuhay bilang isang pisikal na tao lalu na at hindi pa nila matanggap na sila ay sumakabilang buhay na. Sila ang mga karaniwang tinatawag nating mga ligaw o gumagalang kaluluwa, ngunit mas mainam na tawagin silang Earthbound Souls. Kung hindi naman sila nananakit ay walang problema ngunit kung madalas na silang perwisyo sa inyong lugar ay mainam na komunsulta kayo sa mga eksperto. Kung madalas naman sila magpakita ay maaaring may gusto silang sabihin na kailangang pakinggan.

Tanong ni Neng ng Bulacan: Just read your column. Naranasan ko rin ang NDE. Heto ako nanggagamot at kalaban ng masasamang elemento (elementals) sa gabay ng banal na santisima trinidad at mahal na birhen. Pati ng mahal na Sto Nino. Pero may alam ka bang dasal para sa kamamatay kong ina kasi two heads are better than one. Lagi niya haplos ang buhok ng anak kong bunso na mag-19 years old na sa Oktubre. Inang died June 29, 2006. I'm your fan.
RS: Mismong si Neng ay umamin na siya ay dumanas ng Near Death Experience (NDE) at tulad ng nauna kong sinulat na ang mga taong may ganitong karanasan ay nagkakaroon ng pambihirang abilidad tulad ng panggagamot, yun ang ginagawa na ngayon ni Neng. Sa tanong niyang kung ano ang dasal para sa sumakabilang buhay na kaanak ay yung karaniwang dasal na ginagawa natin. Nakatutulong ito ng malaki para matanggap ng sinumang namayapa na sila ay nasa kabilang buhay na. Yung pag-haplos ng kaluluwa sa buhok ng anak niyang bunso ay hindi ko naman masasabi na yun ay isang uri ng pananakit bagkus ay nais lamang gawin yun ng isang namayapa dahil sa tulad natin meron din silang emosyon lalu na ang mga hindi pa nakaka-akyat sa langit o nakakapunta sa ibang dimensiyon.

Ugaliing makinig sa aking programang Misteryo tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi sa DZRH. Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com.#