Monday, December 17, 2007

Sino si Santa Klaws?


Ngayong kapaskuhan kahit gaano kahirap ang buhay o kapus sa pera ay nairaraos ng sambayanang Pilipino sa kahit na anong paraan ang masaya at masaganang pagdiriwang alang-alang sa diwa ng Pasko.

Hindi ba sa ganitong panahon ay hindi maipaliwanag ang kasiyahan ng mga bata at kitang kita natin sa kanilang mga mata ang kasabikan na makatanggap ng regalo, at tradisyunal na nating naimulat sa ating lahat na ito ay ibibigay sa atin ng isang nilalang sa pangalang Santa Klaws.

Sino nga ba si Santa Klaus? Totoo bang siya ay nabuhay sa mundong ito noong unang panahon? At totoo rin ba ang paniniwalang siya ay nakasakay sa isang karwahe na hinahatak ng mga usa (reindeer) at lumilipad sa himpapawid para maghatid ng regalo sa bawat bahay?

Nais kong ilahad sa inyo ang dalawang paniniwala tungkol kay Santa Klaus – una ay ang paniniwalang pang-relihiyon at ang pangalawa ay ang paniniwala at pananaliksik ng mga eksperto sa kasaysayan ng mundo.

Sa paniniwalang pang-relihiyon lalu na sa Simbahang Katoliko Romano at konserbatibong Protestante, si Santa Klaus ay walang iba kundi ang santong si San Nikolas o Saint Nicholas ng Bari na umanoy nabuhay sa Asia Minor at namatay noong 345 o 352 A.D. o Anno Domini sa Latin o “Year of the Lord” sa Ingles – ang taon ng kapanganakan o “birth year” ni Hesu Kristo.

May espekulasyon ang Catholic Information Network na si San Nikolas ay maaaring ipinanganak sa Patara, sa probinsiya ng Myra ng Asia Minor. Ito ay base sa paniniwalang siya ay naging Obispo ng Myra sa Lycia na ngayon ay ang bansang Turkey.

Sinasabi din na si San Nikolas ay dumalo sa Unang Konseho ng Nicea bagaman hindi naisulat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga Obispo. Idineklara siyang Santong Patron ng mga bansang Austria, Belgium, Germany, Greece, Italy, Netherlands, Russia, Sicily at Switzerland. Itinuturing din siyang Santo ng mga Bata at mga Naglalayag sa Karagatan.

Sa paniniwala naman ng iba pang grupong relihiyon at mga eksperto sa kasaysayang pang-relihiyon sa buong mundo, walang balidong ebidensiya na magpapatunay na naging tao nga si San Nikolas o kilala bilang Santa Klaus.

Sa halip ayon sa mga historian, ang buhay ni San Nikolas ay maituturing na halaw sa paniniwalang Pagano sa mga itinuturing nilang diyos, tulad ng mga paniniwala ng mga Griyego sa kanilang diyos na si Poseidon – ang Roman God Neptune at ang Teutonic God Hold Nickar, na sa paniniwala ng mga mamamayang Ruso ay siya umanong magiging tagapagmana ng Mikoula – ang diyos ng Anihan na umanoy siyang papalit sa Diyos na Lumikha kapag naging matanda na.

Nang likhain ng simbahan ang persona ni San Nikolas, ginamit nila ang titulo ni Poseidon sa tawag ditong “the Sailor”. At pinaniniwalaang kinuha ang pangalan nito sa diyos na si Nickar. Karamihan sa mga templo ni Poseidon ay naging mga templo din ni San Nikolas.

Natuklasan din ng mga mananaliksik, na ang katangian ni San Nikolas ay halaw din sa naging ugali ng itinuturing na na “grandmother o befana” ng Italya nang naging kilala siya sa paglalagay ng mga regalo sa stockings o medyas ng mga bata, at ang kanyang kapilya ay sa Bari ay inialay din kay San Nikolas.

Noong ika-11 Siglo, batay sa turo ng Simbahang Katoliko na noong panahon ng pananakop ng mga Muslim sa Asia Minor, ang mga labi ni San Nikolas ay inilipat sa Bari, Italya at dun siya kinilala bilang Nicholas of Bari. Nabatid na ang katawan umano ni San Nikolas ay hindi naagnas sa halip ay naging mabango pa umano ito at nakagagamot sa ibat-ibang karamdaman.

Marami umanong mga himala ang nagawa ni San Nikolas nang ito ay buhay pa batay sa turo ng simbahan. May mga paniniwala noon na nung siya pa ay sanggol, pinaiinom lang siya ng gatas tuwing miyerkoles at biyernes at fasting siya sa iba pang mga araw. Pinatigil nito ang isang bagyo para iligtas ang tatlong naglalayag sa karagatan. Mahal na mahal nito ang mga bata sa buong buhay nya at laging naghahagis ng regalo sa binatana ng bawat bahay.

Kung susuriin nating mabuti ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ng mga relihiyon at paniniwala sa buong mundo, wala ni isa man dito ay nagsasabi na si San Nikolas na kilala bilang si Santa Klaus, ay nakasakay sa lumilipad na karwahe at naghuhulog o naghahatid ng mga regalo.

Bagaman nagising tayo sa paniniwalang dumarating si Santa Klaws tuwing Kapaskuhan, mainam na buhayin natin siya sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagbibigayan, pagmamahalan at pagpapanatili ng kapayapaan. Tayo mismo sa ating mga sarili ay magsilbing Santa Klaws sa ating kapwa – bata man yan o matanda.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09167931451, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com.

Source: http://www.religioustolerance.org/santa1.htm

Monday, December 10, 2007

Pagbabago sa Planeta, Di Dapat Ipagwalang-bahala

Maniwala man tayo sa hindi, nangyayari na ngayon ang masasabi nating mga pagbabago sa ating planeta na nagreresulta sa maituturing nang abnormal na temperatura, lakas ng bagyo, mga lindol at iba pa.

Samut-saring mga espekulasyon tuloy ang ating naiisip. May mga nagsasabi na ito daw ay tanda na ng papalapit nang katuparan ng mga sinaunang prediksiyon na posibleng magwakas na ang mundo lalu na at usap-usapan na ngayon ang sinasabing katapusan ng Mayan Calendar pagsapit ng Disyembre 21, 2012.

Ang petsang ito ay sadyang kinatatakutan dahil sa magkakaron ng mas matinding pagbabago sa ating planeta, dulot ng impluwensiya ng alignment ng ating mundo sa araw at sa kalagitnaan ng Milky Way Galaxy.

Kabilang sa matitinding epekto nito ay ang polar shifting kung saan ang North Pole at South Pole ay mapupunta sa Equator ng ating planeta, na ang mas matinding epekto ay ang pagbabago sa ating klima. At kung mangyari man ito ay isipin na lang po natin kung ano ang maituturing na worst-case scenario.

Ngunit, marami sa atin ang naniniwala na hindi mangyayari ang kinatatakutan ng lahat na tuluyan nang magwawakas ang buhay ng tao sa planetang ito dahil sa buo ang ating tiwala sa Diyos na hindi nito kailanman sisirain ang kanyang nilikha.

Bagaman, masasabi nating hindi maaaring sirain ng Diyos ang kanyang nilikha sa planetang ito, ngunit mahirap tanggapin ang katotohanan na ang mga nangyayari sa planetang ito ay epekto na rin ng impluwensiya ng anumang “normal” na kaganapan sa mga planeta sa ating Solar System at anumang mga pangunahing kaganapan sa kalawakan.

Sinasabi kong normal dahil sa aking personal na paniniwala batay na rin sa pag-aaral ng mga siyentista, ang mga nangyayari sa ating kalawakan ay natural dahil sa ang ating Universe ay parang tao na may normal ding buhay na dapat niyang gampanan na kapag hinadlangan mo ay baka lalu pang magiging mas malala ang epekto.

Bukod sa planetary alignment ay meron ding matatawag na comets alignment tulad na lamang ng alignment ng tatlong kometa – 17P/Holmes, 8P/Tuttle, at Boattini na inaasahang magaganap sa darating na Disyembre 18-31 2007.

Ayon sa pag-aaral ng mga astronomer, ang ganitong alignment ng mga comet ay hindi dapat na ipinagwawalang bahala dahil sa posibleng masamang epekto nito sa ating planeta, kung anuman ang impluwensiyang dulot nito.

Napatunayan na ang matinding impluwensiya ng comets alignment na ito noong Disyembre 26, 2004 nang magkaroon ng lindol at tsunami sa Indonesia na kumitil ng libu-libong buhay noon.

Harinawa ay hindi mangyari ang mas matinding epekto ng alignments na ito sa ating planeta, gayunpaman, kailangang maging handa tayo sa anumang magiging kaganapan.

Mainam na samahan natin lagi ng panalangin na kung sakali mang di maiwasan ay wala sanang buhay na madadamay at kung di maiwasan na may mamatay ay hindi sana higit pa sa bilang ng mga namatay sa mga naunang kalamidad.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09167931451. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com.#