Monday, April 23, 2007

Lahat Ba ng Panalangin, Nasasagot ng Diyos?

Ang sagot sa tanong na yan ay “OO”. Ito ang lumabas sa pag-aaral na ginawa ng mga mananaliksik sa Arizona State University at inilathala sa kanilang March Journal na may pamagat na Research on Social Work Practice.

Nagsagawa ng kumprehensibong pagsusuri si assistant professor David R. Hodge ng College of Human Services sa 17 pangunahing pag-aaral sa epekto ng tinatawag na intercessory prayer o ang panalangin sa Diyos na iniaalay para sa kapakanan ng ibang tao.

Positibo ang nakita ni Hodge na epekto ng intercessory prayer na inialay lalu na sa mga pasyente na merong psychological at iba pang medical problem o taglay na karamdaman.

Bilang eksperto sa mga pag-aaral ng espiritwal at relihiyon, inihayag ni Hodge na sadyang importante ang kanyang ginawang mga pag-aaral dahil sa nakapaloob dito ang resulta ng maraming pag-aaral at hindi lamang iisang pananaliksik na meron lamang iisang konklusyon.

“This is the most thorough and all-inclusive study of its kind on this controversial subject that I am aware of,” ani Hodge. “It suggests that more research on the topic may be warranted, and that praying for people with psychological or medical problems may help them recover,” dagdag pa ng prupesor.

Isang pag-aaral nitong 2006 na pinangunahan ni Dr. Herbert Benson ng Harvard Medical School ang may konklusyon na wala daw positibong epekto sa mga pasyente ng cardiac bypass ang intercessory prayer, ngunit ayon kay Hodge hindi naman isinantabi ang naturang pag-aaral bagkus ay naging susi din ito para tignan ang tinagurian niyang “big picture” o mas malawak na pananaw sa naturang usapin na kapag pinagsama-sama ang 17 ibat-ibang pag-aaral tungkol sa intercessory prayer ay makikita ang average na resulta na meron pa ring positibong epekto sa mga pasyente.

Sa pangkalahatan, napatunayan ngang mabisa ang panalangin o dasal lalu na sa kapakanan ng ibang tao para sa ikabubuti ng kalagayan nito, bagaman kahit sa pansariling kapakanan ay may epekto rin.

Kung bakit maituturing na mas malakas ang epekto ng pagdarasal para sa ibang tao, dahil sa maituturing na buung-buo ang pananampalataya at pagmamahal sa tao na tinutukoy sa dasal, kesa sa pansariling kapakanan na karaniwang nahahaluan ng pag-aalinlangan.

Ngunit, kung magiging buo lamang ang ating pananampalataya, pagtitiwala at walang halong pag-aalinlangan ke ito man ay para sa iyong sariling kapakanan o para sa ibang tao, tiyak pa ring magkakaroon ng katuparan ang inyong panalanganin.

Ang lagi ko ngang sinasabi sa sinumang nagtatanong sa akin tungkol sa panalangin, kahit na anupaman itong panalangin kung sa akala niyo ay makatutulong ito para sa sinuman at hindi kayo nagdududa ay tiyak na matutupad ito.

Ang mainam nga sa lahat, hindi mo na kailangan pang humiling sa Diyos dahil sa totoo lang ay alam naman niya kung ano ang kailangan mo sa iyong buhay, ang mahalagang panalangin ay ang pagpapasalamat.

Sa panalangin ng pasasalamat ay nangangahulugan ito na tinatanggap mo na ng buong pagtitiwala sa Kanya ang anumang iyong kahilingan, hindi man ito makita agad sa madaling panahon ay magugulat ka na lang isang araw nandiyan na.

May pagkakatulad din ito sa isa pang pamamaraan na maaari nating gamitin ang ating isipan para matupad ang ating mga pangarap o naisin sa buhay. Ito ay ang tinatawag na visualization o ang paglikha sa iyong isipan ng isang sitwasyon o pangarap mo sa iyong buhay.

Kailangan lamang na wag mo na isipin kung paano mo iyon maaabot bagkus ay isipin mo na lang na nandun ka na sa ganung sitwasyon. Maaari itong gawin sa gabi bago ka matulog.

Kapag relaks na relaks na ang iyong katawan at isipan at pagkatapos mong manalangin, maaari mong iukit sa iyong isipan ang pinakamagandang sitwasyon na nais mo sa iyong buhay – may bago kang bahay, kotse, biyahe o trabaho sa ibang bansa at iba pa kasama na dito ang maituturing mong imposibleng maibigay sayo dahil sa kasalukuyan mong sitwasyon. Kailangan lamang na mismong sa isipan mo ay nararanasan mo na ang ganung sitwasyon na pinapangarap mo.

Kailangang gawin mo ang visualization ng walang pagdududa dahil sa isang isip mo lamang na nagduda ka ay mawawalang parang bula ang naturang pangarap sa iyong isipan.

Kung ano ang paliwanag tungkol dito? Hindi ba’t kung tutuusin lahat ng mga nakikita natin o nahahawakan natin sa pisikal na daigdig na ito ay mula sa malikot na kaisipan o pangarap ng taong unang gumawa ng mga bagay na ito lalu na ang mga imbentor.

Bagaman, tayo ay nanalangin na matupad ang lahat ng pangarap natin, makatulong sa kapwa at iba pa maging ang visualization o tayo ay nangangarap, isaisip lang natin lagi na nasa Diyos ang Awa, Nasa Tao ang Gawa – ibig sabihin kung ano man ang buhay, o daigdig na ginagalawan mo ay ituloy mo lang na gawin at magsikap ka at magugulat ka na lamang isang araw – lahat ng panalangin mo o pangarap mo ay natupad na.

Ugaliing makinig sa aking programang Misteryo sa DZRH, tuwing sabado alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking abang website http://misteryolohika.tripod.com.#

Click the link for the article: http://physorg.com/news93105311.html

Tuesday, April 17, 2007

Mga Abusadong Pari, Dapat Parusahan

Tila isang bangungot sa hanay ng mga mananampalataya sa relihiyong Katoliko ang paulit-ulit na lamang na mga kaso ng pang-aabusong seksuwal ng mga Paring Katoliko.

Pinakahuli sa mga ito ay ang ginawang pag-molestiya ng isang Father Benjamin Zozobrado Ejares sa dalawampung kabataang babaeng estudyante ng Abellana National School sa Cebu City.

Sa katunayan, nahaharap ngayon sa kasong Child Abuse at Acts of Lasciviousness si Fr. Ejares, limang buwan matapos na magawa ni “father” ang pang-aabusong seksuwal ng molestiyahin nito ang 20 kabataan.

Heto ang pangyayari: Sa affidavit ng pito sa mga bata na isinumite sa National Bureau of Investigation (NBI), noong Nobyembre 14, 2006 nangumpisal sila bilang bahagi ng kanilang Life and Spirit Seminar ngunit laking gulat, takot at umiyak ang mga batang babae nang sila ay minolestiya ni father Ben.

Nabatid na ang kanilang pangungumpisal ay kaiba sa nakagawian sa loob ng simbahan na dapat ay nasa kumpisalan na kaharap mo ang pari ngunit may pagitan na maliit na bintana na merong screen at naaninag mo lang ang alagad ng simbahan sa kabila.

Sa halip na kaharap sa kumpisalan ay katabi ng mga batang-estudyante si father Ben at ito ang sinamantala ng manyakis na pari. Malikot ang kamay ng pari, inakbayan ang mga estudyante, hinawakan ang kanilang braso, siko at pinitikpitik ang kanilang bra. Habang ginagawa ang kalaswaan sa mga estudyante ay tinatanong pa ang mga ito kung meron na silang boyfriend at hinimok pa ang mga ito na makipag-date sa kanya.

Bilang isang Katoliko, wala akong hangarin na sirain ang paniniwalang Katoliko bagkus ay masakit ang epekto nito bilang isang mananampalataya lalu na at hindi ko na masikmura ang ganitong pang-aabuso ng ilang mala-demonyong pari na sa kabila ng kanilang abitong suot sa kanilang pagmimisa ay pawang kabastusan ang nasa isipan at nadadarang sa init ng kanilang katawan.

May ang katwiran pa ang ilang kakampi ng mga “bastos” na paring tulad nito na tao rin sila na may mga pagkakataong natutukso. Ang sagot ko naman, eh bakit pa sila pumasok sa pagkapari kung ganun lang ang kanilang gagawin samantalang alam naman nilang alisunod sa sinusunod nilang Canon Law ay meron silang tinatawag na “vow of celibacy”, ang kautusan na hindi dapat nasasangkot sa anumang seksuwal na aktibidad ang kaparian.

Ilang pari na ba ang nasangkot sa ganitong kahalintulad na “kasalanan” sa kautusan ng Simbahang Katoliko? Hindi lang isa, dalawa, tatlo kundi daan daan, o kaya ay libu-libo na. Bakit di na lang aminin ng simbahan na malala na ang ganitong sitwasyon na sangkot ang mga pari at hindi yung pagtatakpan ang ganitong uri ng usapin.

Bagaman, sinasabing nagpataw daw ng kaparusahan ang Simbahang Katoliko sa mga abusadong pari, ang tanong meron bang paring nakulong dahil sa ginawa nila? Karaniwan nang pinapaalis sa isang lugar ang isang pari at hindi muna pinapayagang makapag-misa habang sinisiyasat ang kasong kinasangkutan – ngunit ang imbestigasyon sa hanay ng simbahan ay ginagawang sikreto.

Nasaan na ang saysay ng nilagdaang kasunduan ng Vatican nang ratipikahan nito ang Convention on the Rights of the Child noong Setyembre 1990 at ang Optional Protocol to the Convention on the Rights on the Sale of Children, Child Prostitution and Child Pornography noong Oktubre 24 2001, kung hindi nito kayang bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan laban sa mga abusado, at pedopilyang pari?

Sa aklat na sinulat ni Armando Ang na may pamagat na The Darkside of Catholicism, lumabas sa maraming survey na 4,450 ng 110, 000 ng mga paring-Romano Katoliko ang nasangkot sa pag-molestiya ng mga menor de edad mula taong 1950 hanggang 2002. Ang ganitong bilang ng mga paring sangkot sa pang-aabusong seksuwal ay kokonti sa katotohanang mas marami pa ang mga kasong hindi nai-report sa mga kinauukulan at sa tinatawag na “confidential washing.”

Bahagi ng tinatawag na “silent conspiracy” para maitago ang pang-aabuso ng mga pari ay ang pagsasailalim ang mga ito sa “mental reservation”, umanoy pagkakataon ng mga inirereklamong pari na magsinungaling under oath para umanoy protektahan ang simbahan laban sa kahihiyan. Ang doktrina ng mental reservation ay pinapayagan ang mga pari na wag magsasabi ng buong katotohanan sa ilang pagkakataon para maiwasan ang matinding iskandalo at para pagtakpan ang nagawang pang-aabuso ng isang pari. Isa umanong halimbawa ng mental reservation ay isang kaso ng pari na hindi naman talaga nagkaroon ng pakikipagniig sa biktima dahil sa hindi naman nito naabot ang climax o orgasmo. Tinatawag din itong “reserved embrace”. Karaniwan nang ginagamit ang mga teknikal na katagang teyolohika lalu na ang latin para mailigaw ang publiko.

Bilang isang Katoliko, ang tanging apela ko lamang sa Simbahan, tanggapin na natin ang katotohanan na meron tayong problema sa loob na dapat na lutasin at wag pagtakpan. Kung sa akala natin na hindi na uubra sa ngayon ang vow of celibacy eh di gumawa tayo ng paraan na alisin na lamang ito at payagan ang mga pari na magsipag-asawa ngunit kailangan pa ring disiplinahin para maiwasan ang sexual abuse lalu na sa mga kabatang babae at lalaki. Pangalagaan naman sana natin ang kapakanan ng marami kesa ng iilang alagad ng Simbahan na umaabuso sa kanilang tungkulin.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. #