Monday, June 25, 2007

Aswang, Totoo Ba?

Binaha ako ng sandamukal na mga tanong sa aking website nang ilahad ko ang isang larawan ng umanoy manananggal na nakunang lumilipad sa isang lugar sa Pilipinas at samut saring tanong kung totoo bang merong ganitong uri ng nilalang sa modernong panahong ito?

Sa aking website http://misteryo.multiply.com ang nakunang larawan umano ng manananggal ay lumilipad o nakalutang sa di kalayuan sa ibabaw kabahayan, ngunit ang pinagtataka ko mismo ito ay nakunan sa araw, taliwas sa nakagisnan nating paniniwala na ang mga ito ay lumalabas lamang sa gabi.

Sinuri kong mabuti ang larawan at sa tingin ko ay peke ito dahil dun pa lamang sa nakunan ito na maliwanag ang sikat ng araw at katanghalian tapat mahirap na paniwalaan na totoo itong aswang o manananggal. Maaaring ito ay isang saranggola na hugis-manananggal na pinalipad sa katanghaliang tapat.

Ngunit, bukas naman ang aking kaisipan na posible rin itong totoo dahil sa alam naman natin na nagbabago ang panahon, malay natin hybrid na aswang ang nakunang iyon ng larawan.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon ng mga kababayan natin na nakakita sa inilagay kong larawan ng isang manananggal.

Emily Vli: nagulat ako totoo ba ito?..pinakita ko sa anak ko natakot ayaw nya sa pilipinas may asuwang daw sabi ko na lang movie ito.. pero alam nyo storya ng father ko sa probinsya namin sa Quezon bata pa ako noon may sakit brother ko kailangan madala namin siya sa clinic kabilugan ng buwan nuon isinama ako ng mother ko para dalhin namin sa clinic ang brother naiwan ang fatherko sa bahay namin sa storya ng father ko may lumilipad daw ng malaking ibon pero nagulat daw father ko dahil maliwanag ang buwan nakita nya sa anino na taong malaki na lumilipad at sinusundan daw kami.. yon ang storya ng father ko tapos sabi nya ako daw nakauponuon kabilugan ng buwan nuon malaking aso daw ako malapit ng sunggaban ginawa daw ng father ko humiyaw at tinaboy bigla daw nag laho taka daw siya dahil napakalaking aso .wala naman asong malaki sa lugar namin at itim ng itim daw ang kulay..nuon di ako naniniwala pero ng makita ko tong video bigla kung naalala ang storya ng father ko.

Grace dela Cruz: Manananggal/aswang in broad daylight? Baka oversized paniki lang yan. Ako rin, natakot sa kwento ni Emily. Di na naman ako makakatulog nyan.

Carlos Yu: i like to believe its real but! why is it he is not flapping his wings palaging lang na sa isang position

Eponine Ortiola: so, its mananagal?? i really dont know.. na existing pa pala yang mga yan...


Ang ganitong mga katanungan ang nagtulak sa akin para sikapin kong talakayin sa aking programang Misteryo sa DZRH ang tungkol sa mga aswang.

Isang kaibigan natin na may personal na karanasan ang aking nakapanayam tungkol dito, siya ay si Psychic Healer Anthony Rivero na minsan nang tinaguriang “Aswang Hunter” dahil sa magkakasunod na ginawa nitong pagtugis sa mga ito para patunayan lamang na totoong merong aswang.

Nang tinanong ko si Anthony tungkol sa larawang manananggal heto ang kanyang naging sagot: “Nakarating sa akin ang larawang yun at tinignan ko…hindi tunay yun kasi sa unang-una pa lang yung liwanag eh…kung makikita mo in broad daylight yung manananggal ay lumilipad. So based on my experience, yung personal account ko, halos padilim na sila lumalabas at talagang nawawala sila bago uli lumiwanag. Blue skies eh kung makikita mo yung background blue na blue yung kalangitan. Definitely, kung ano man yun ay gawa lang ito ng isang tao na merong malikot na imahinasyon.”

Dito na lumalim ang usapan namin ni Anthony tungkol sa mga aswang nang siya mismo ay magtungo sa lugar ng mga ito sa Kabisayaan: “Marami akong natuklasan tungkol dyan sa pagiging aswang so far based on my personal account. Ang nakita ko ay plain and simple ito lang ang masasabi ko. Ang aswang para akin ay they eat human flesh (sila ay kumakain ng laman ng tao) kaya nga may criminal aspect ito eh….kaya nga alam nating bawal kainin ang karne ng tao…at kung tatanungin mo kung paano nila i-prepare ang tao is one of the most na mabango, though hindi ko tinikman ah kasi ayaw ko talaga tikman.”

RS: Pero pinatitikim ka?
AV: Hindi naman nila ako pinipilit pero hinipo-hipo ko yung karne….yung amoy ay talagang one of the best na pinakamabangong naamoy ko kung sa pagkain ang pag-uusapan. Kasi they prepare it na sobrang bango at hindi ko alam kung ano ang mga nilagay nilang herbs. Kasi makikita mo yan sa may tiyan tapos pinadaan sa may pusod, iba-iba kung ano ang inilagay sa bibig talagang grabe as in ang bango, ang sarap. May kasama nga akong duktor na pathologist from US nang pinuntahan naming yung lugar…

Ang aking panayam kay Anthony Vivero ay itutuloy natin sa mga susunod na labas ng aking artikulo tungkol dito at buo kong ibabahagi sa inyo ang palitan ng aming talakayan ni Anthony. Para sa inyong mga katanungan at suhestyun mag-text sa 09209386533; mag-email: misteryolohika@gmail.com ; bisitahin ang aking website: http://misteryo.multiply.com. #

Monday, June 18, 2007

Engkuwentro sa Isang Kapre

Sabado ng gabi (Hunyo 16), nagtungo ako sa bahay ni Edlyn sa Mandaluyong City para personal na makita at masubaybayan ang pakikipag-ugnayan sa isang kapre na umano’y matagal nang nanliligaw sa kanya.

Bahagi ito ng naging usapan sa isang team ng himpilang GMA7 para sa kanilang segment sa palabas na 100 Percent Pinoy sa darating na Huwebes ng gabi, Hunyo 21.

Umalis ako ng istasyon mga alas-6:30 ng gabi, 30-minuto pagkatapos ng aking programang Misteryo sa DZRH at naging panauhin ko si Professor Jimmy Licauco na kagagaling lamang sa Poland mula sa kanyang ginawang lecture doon tungkol sa kapangyarihan ng isip, pakikitungo sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon at iba pang usapin tungkol sa paranormal.

Sa daan pa lamang ay naramdaman kong pilit na gumagawa ng paraan ang mga kapanalig ng kapre para hindi ako matuloy sa bahay ni Edlyn marahil ay para hindi matuloy ang usapan o kundi man ay matuloy sila na di na ako kailangan.

Dumaan ako sa Gil Puyat Avenue, Makati City ngunit paglagpas ng riles ng tren patungong Pasong Tamo ay grabe ang trapiko at hindi na umuusad ang mga sasakyan. Dito ako inabot ng halos 30 minuto oras at sa tulong na rin ng ating mga kapanalig sa pwersa ng Liwanag sa pagpapala ng Panginoong Diyos ay nakalagpas ako sa naturang sitwasyon.

Bagaman di ako naniniwala sa nagkagtaon lamang ay nakita kong ang dahilan ng matinding trapiko ay ang napakalapad na hukay sa gitna ng kalsada patungong Edsa sa kanto ng Gil Puyat at Pasong Tamo.

Ang sabi ko sa aking sarili, ah talagang meron palang problema dahil sa hukay na yun ngunit hindi ko lang lubos maisip na kung bakit nagka-sabay-sabay pang bumuhos ang mga sasakyan dun sa ganung oras na dapat sana ay medyo maluwag dahil sa Sabado naman.

Binalewala ko yun sa aking isip at nang makarating ako sa Makati Avenue ay naging maluwag ngunit ang patungong Kalayaan ay medyo masikip dahil na rin sa kaliwat-kanang mga videoke bar.

Ngunit pagdating ko ng Mandaluyong City Hall sa circle nito ay dun na ako tila nalito dahil sa ang pagkaka-alala kong Boni Avenue ang direksiyon patungo sa bahay nila Edlyn ay sa kabila ako napadpad yung patungong EDSA at doon ako inabot ng halos 30 minuto pang pa-ikot ikot, matrapik din at hanggang sa matunton ko ang tamang direksiyon na tila iniligaw pa ako ng todo sa kanilang lugar na sa alam ko ay napakalapit na.

Halos mag-alas 9 na ng gabi ng makarating ako sa bahay ni Edlyn na nahirapan pa rin kong makita ito buti na lamang ay siya na mismo ang lumabas ng kanilang bahay para ako sunduin sa kabilang lansangan. Inaamin kong hindi ko kabisado ang naturang lugar ngunit dapat sana ay madali kong makita ang pangalan ng mga lansangan na sa mga sumandaling iyon ay tila naglaho lahat.

Dun ko nalaman pagdating sa bahay nila Edlyn na sinadya ng Kapre at mga kapanalig nito na hadlangan ako sa aking pagbisita sa kanilang lugar nang ito ay sabihin mismo ng isang dalagita dun na “hindi siya makakarating dito.”

Ilang minuto ang lumipas ay sinimulan naming ang pakikipag-ugnayan ngunit sa aking talagang plano na kausapin ang isang kaibigang Kapre na si Ferdi at hindi direktang kausapin ang manliligaw na kapre na si Marko.

Ngunit nag-iba na ang lahat ng biglang pasok sa katawan ni Edlyn si Marko at dito na nagpumiglas ang dalagita na sa sobrang lakas niya ay tatlo hanggang apat na tao kaming nagtulong na hawakan siya.

Sa pagpapala ng Panginoong Diyos, kanyang mga Anghel kasama ang mga mabubuting kaibigan tulad ni Ferdie, Nicktus at kanyang mga kapatid at iba pang nilalang sa kabilang dimensiyon ay hindi nagwagi si Marko na tuluyang makontrol ang katawang lupa ni Edlyn.

Dito ko napatunayan na talagang masidhi ang kagustuhan ng matapang na kapre sa naturang dalagita na may halong matinding galit marahil dahil sa pakiki-alam namin, ngunit sa pagkakataong ito ay nanaig ang lakas ng Liwanag laban sa kampon ng Kadiliman.

Para sa inyong katulad na mga karanasan sa mga kapre, tikbalang, duwende, mag-text sa 09167931451. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website – http://misteryo.multiply.com ; http://misteryolohika.tripod.com

Monday, June 11, 2007

Mga Karanasan sa mga Engkanto, Dumarami

Habang umuusad ang ating panahon, sari-saring karanasan ng ating mga kababayan ang aking natutuklasan na hindi kayang maipaliwanag ng lohikang kaisipan tulad na lamang ng mga nararamdaman, naaamoy at nakikitang mga nilalang.

Bagaman tayo ngayon ay masasabing nasa makabago nang panahon dahil sa pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya, tila sumasabay at ayaw mawala sa ating personal na buhay ang mga misteryo at hindi kayang maipaliwanag na mga pangyayari.

Kung noon ay pilit na itinatago ng tao ang mga misteryong bumabalot sa kanilang kakaibang karanasan, ngayon ay masasabi kong unti-unti nang lumalantad ang tao para isiwalat ang mga ito sa pag-asang magkaroon ng kasagutan sa kanilang mga katanungan.

Tunay ngang ang ating daigdig na ginagalawan – ang pisikal na realidad ay karaniwan na ngayong ginagalawan ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon o kilala rin bilang kabilang buhay.

Lalu na at dumarami na ngayon ang nakakaranas ng paglitaw ng mga kakaibang nilalang sa ating pisikal na realidad, na mahirap na tanggapin ng ating isipan dahil sa limitadong kaalaman o kundi man ay dahil sa wala ito sa turo ng ating relihiyon.

Saka lang natin nauunawaan ang lahat at sasang-ayon tayo na totoo ang mga nilalang na ito kung bubuksan lang natin ang ating isipan at tanggapin ang paliwanag ng mga taong nabigyan ng di man sapat ay merong konting nalalaman sa ganitong mga karanasan.

Ito ang isa sa mga layunin ng inyong lingkod sa aking pagsusulat tungkol sa paranormal at malaki ang aking pasasalamat sa Poong Maykapal sa kabila ng mga masamang pagpuna sa kin ay napag-iibayo ko ang paglalahad ng katotohanan tungkol sa mga kababalaghan.

Kabilang sa mga misteryo na aking sinikap na mabigyan ng lohikang kasagutan ay ang mga katanugan tungkol sa manipestasyon o pagpaparamdam ng mga engkanto o mga nilalang dito sa kalupaan o tinatawag na earth elements o elementals.






Bobot Pamplona ng Iloilo: Totoo ba malas sa negosyo kung ang bahay namin ay may tikbalang at mga duwendeng puti at itim.
RS: Para sa akin wag nating isisi sa mga engkanto o mga elementong tulad ng tikbalang, duwende at kapre ang anumang kamalasan na dumarating sa ating buhay. Bagaman aminado ako na ang mga engkantong masama ay nagdudulot ng negatibong epekto sa kabuhayan ng tao, ngunit ang mahalaga dito ay nasa tao rin dahil sa meron tayong sariling kaisipan at kapasyahan kung mabuti o masama ang pananaw natin sa ating buhay. Maaaring kaya naging aktibo o mas malakas ang kamalasan na dumating sa buhay dahil na rin sa masama nating kaugalian o naiisip. Marami nang pananaliksik ang ginawa na nagpapatunay na kayang impluwensiyahan ng ating kaisipan ang takbo ng ating pamumuhay at hindi rin malayo ang posibilidad na nahahatak natin ang mga negatibo o masasamang elemento sa ating buhay.

Tanong: Gud pm po ano po kaya ung nagpapaamoy skin lalu na kung my sakit ako masangsang ang amoy na parang anghit na parang natuyong ihi pero nawawala rn kapag panay ang salita ko na ang baho dito po ito sa tirahan kong bukid tapos may hinihiram siyang mukha pero di naman pala siya ang taong kilala ko.
RS: Likas na sa mga engkanto ang mapagbiro at nagiging mas akbito na sila ngayon sa pakikisalamuha sa tao, hindi tulad noon na sa mga ilang na lugar lang natin sila nasusumpungan. Sa katunayan dito sa kalunsuran ay pagala-gala na rin sila. Ang masangsang na amoy na merong kaakibat na mapanghi ay posibleng manipestasyon ng tikbalang. Maaaring gusto lang magpapansin o kundi man ay kasa-kasama na sa inyong bahay, maaaring dahil sa nasira ang kanyang dati’y tinitirhan.

Alam po ninyo sa totoo lang may kaakibat na awa ang aking nararamdaman sa mga engkanto lalu na dito sa kalunsuran dahil sa patuloy na pag-unlad ng pamumuhay ng tao ang resulta ay ang pagsira din sa likas na yaman tulad ng mga punungkahoy na nagsisilbing tirahan ng mga elemento at sila ay nagiging skuwater na rin.

Iyan ang isa pa sa nakikita kong dahilan kung bakit ang ibang mga engkanto ay napipilitan nang makitira sa loob ng bahay ng mga tao, ngunit ating tignan mabuti kung masama na ang ginagawa ng mga ito tulad ng pananakit, dahil sa kailangan na dito ang tulong ng mga eksperto sa pagharap sa mga espiritu.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking mga website; http://misteryolohika.tripod.com/ http://misteryo.multiply.com./

Saturday, June 09, 2007

Numero ng Kadiliman?

Takot ba kayo sa numero 666? Marami ang nagtatanong ano nga ba ang tunay na nasa likod ng naturang kinatatakutang kumbinasyon ng mga tatlong numero 6. Naukit sa ating isipan na dapat na iwasan ang naturang kumbinasyon ng numbero 6 dahil sa ito raw ay “tatak ng demonyo”.

Ngunit alam ba ninyo na ang pagkatakot sa bilang na 666 ay tinatawag na HexakosioihexekontahexaphobiaAno ba ang katotohanan sa likod ng 666? Ito nga ba ay ang tatak ng demonyo o mali lamang ang interpretasyon ng mga grupong relihiyon at iba pang sektor tungkol dito.

Dahil sa paniniwalang ito nga ay tatak ng demonyo na maghahasik ng kadiliman sa buong sanlibutan ay marami nang mga personalidad sa buong daigdig mula pa noong unang panahon hanggang ngayon ay inakusahang siya ang Anti-Christ na merong tatak na 666.

Ang mga sinaunang Kristiyano na naniniwalang magugunaw na ang mundo ay gumamit ng numerology sa wikang Aramaic, Greek at Hebrew at lumabas na si Roman Emperor Nero ang umanoy Anti-Christ.

Nang hindi mangyari ang kinatatakutang katapusan ng mundo sa mga panahong yun tulad ng pagkakaintindi sa Revelation o Pahayag, nangangamba ang tao na posibleng mangyari ang katapusan ng mundo sa malapit na hinaharap, at marami sa mga maimpluwensiyan lider ang inakusahang may tatak na 666.

Kabilang na nga sa umanoy may tatak na 666 ay sina Martin Luther, Henry VIII, Robespierre, Napoleon Bonaparte, George Washington, Adam Weishaupt, Lenin, Adolf Hitler, Stalin, Mao Tse Tung, Franklin Roosevelt, Winston Chruchill, Harry Truman, Prince Charles, King Juan Carlos ng Spain, Mikhail Gorbachev, Bill Clinton, Osama Bin Laden, ang mag-amang George Bush at lahat ng mga santo papa.

Ang mga ito ay pinaghinalaang may taglay na bilang na 666 alinsunod sa interpretasyon ng Bibliya sa sinulat na ebanghelyo ni Apostol Juan na kilala nga bilang Revelation o Pahayag.

Ngunit sa pananaliksik na ginawa ng dating British Intelligence agent Edward Alexander (Aleister) Crowley (1875-1947), lumalabas na ang numero 666 ay hindi naman pala masama, bagkus ito ay maituturing na sagradong bilang na ang kahulugan ay ang kapangyarihang taglay ng araw.

Si Crowley na mismong lumantad at nagsabing siya ay Beast 666 ay nagsabing ang naturang bilang ay sagrado dahil sa ito ang misteryosong numero ng Araw na nagbibigay ng buhay, at may kaugnayan din ang bilang na ito sa heart chakra o psychic center sa dibdib ng tao na kilala rin bilang “Christ Center”.

Kung bakit ganito ang interpretasyon ni Crowley, binanggit nito ang sagradong itinuturo ng Hebrew Kabbalah na nagsabing ang “sphere” ng Araw ay ang pang-anim na purong espiritu o pure essence ng Panginoong Diyos.Para maipaliwanag ng husto ang ganitong paniniwala ay inilatag ito sa mga numero na siyang tradisyung ginagawa ng mga Kabalista sa panahon ng sinaunang Babylonia.

Isang kuwadradong tinaguriang “magic square” na binubuo ng 36 na maliliit na kuwadrado (6 x 6). Ang mga numero ay mula 1 hanggang 36 na kapag inayos sa isang balansyadong pamamaraan kung saan ang bawat hanay at linya nito ay pare-parehong 111, na kapag pinagsama-sama ay ang kalalabasan ay 666.

Ipinaliwanag din ni Crowley ang kanyang sariling interpretasyon sa nakasaad sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya, na ang nais ipahiwatig ni San Juan sa kanyang sinulat na katapusan ng mundo ay ang katapusan ng tinatawag na “old age” dahil sa pagpasok ng “new age” sa ika-20 siglo ng buhay ng tao sa mundong ito.

Halos tumugma naman ito sa lumabas na pagsusuring ginawa ng mga Bible Scholar na ang isinasaad sa Book of the Revelation o Aklat ng Pahayag ni San Juan o St. John of the Divine ay hindi tumutukoy sa katapusan ng mundo, kundi isinalarawan lang nito ang masasamang pangyayari sa buhay ng tao sa mga kamay ng mga Romano na nagwakas sa ikalawang Jewish Revolution noong A.D. 72 na sumira noong sa Herusalem.

Ngayon masasabi ba nating nakakatakot ang numbero 666. Sa aking personal na pananaw, bago natin husgahan ang sinuman na kesyo siya ay “kampon ng kadiliman” na maghahasik ng kasamaan sa mundo, mainam na suriin nating mabuti ang ating sarili kung ano ba ang ginagawa natin sa ating kapwa, maaaring tayo mismo ay maituturing na isang “demonyo” na umaapi sa ating kapwa, yumuyurak sa dangal ng kapwa, nabibingi-bingihan sa karaingan ng ating kapwa at ang masaklap pa nito ay tayo mismo ang pumapatay sa ating kapwa.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Monday, June 04, 2007

Paranormal, Nomal Na

Nitong nakalipas na Sabado sa aking programang Misteryo alas-5:30, muli akong binaha ng maraming tanong tungkol sa mga usapin sa espiritwal at paranormal, isang patunay na ang tao sa ngayon anuman ang kinaaanibang relihiyon ay gising na sa ganitong paksa ng usapan.

Kung noon ay nahihiya kundi man ay takot na ihayag sa kapwa ang anumang karanasan na hindi agad maipaliwanag ng lohikang kaisipan, dahil sa hangarin na magkaroon ng liwanag ang maulap na paniniwala ay lumalantad na ang ating mga kababayan.

At hindi na ako naso-sorpresa sa ganitong dami ng mga may karanasan tungkol sa paranormal dahil sa tayo nga ay pumasok na sa tinatawag na “Age of Aquarius” o kilala rin sa tawag na Golden Age, ang bahagi sa buhay ng tao sa planetang ito na mas nagigising ang isipan sa mas malawak na pananaw at mas malakas na kuneksiyon sa Diyos.

Hindi rin kaila ngayon, na marami na sa tao lalu na ang mga bata ay mas madaling makaramdam, at nakakakita ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon tulad ng mga gumagalang kaluluwa, mga engkanto, anghel at mga ekstra-terestriyal.

Narito ang ilan sa mga katanungan sa aking programang Misteryo sa radio DZRH noong Sabado na minabuti kong sagutin sa aking pitak dito sa Balita.

Jun ng Midsalip Zamboanga del Sur: Totoo bang may engkanto? Dito sa amin may madalas kaming makarinig na parang may nagdidisko na walang makitang tao.
RS: hindi ko masasabing yan nga ay mga engkanto o maaaring iyan nangyari talaga sa pisikal na daigdig natin.Gayunman, kung wala kayong nakita o nalaman na merong espesyal na okasyon nang marinig niyo ang diskohan na yan, maaari nating sabihin na yan ay mula sa kabilang dimensiyon. Ilan ba kayong nakakarinig niyan? Paulit-ulit bang nangyayari yan sa isang lugar? May mga karanasan ba kayo sa pagiging aktibo ng mga engkanto tulad ng mga kapre, tikbalang o duwende sa inyong lugar? Ilan lamang yan sa mga tanong na dapat niyong sagutin. Ngayon kung OO ang sagot niyo malaki ang posibilidad na kagagawan nga nila yan. Sa totoo lang para ding tao ang mga engkanto dahil sa may mga espesyal din silang okasyon na nagkakasayahan at kung sila nga yan ay masasabi kong pati sila ay sunod na rin sa uso tulad ng ginagawa ng tao.

Roel ng Pampanga: Tanong ko lang po. Ano po ang mabisang pangontra sa masamang espiritu at sa elemento na di nakikita?
RS: Una muna, gusto kong sabihin na hindi lahat ng mga engkanto, elemento o mga nilalang na hindi natin nakikita ay masama. Ako ay naniniwala na marami sa kanila ang mabubuti. Inaakala lang natin na masama ang mga espiritu sa mga pagkakataong ayaw natin silang maramdaman, makita at makaugnayan. Paano kung gusto nilang magpakita o magparamdam dahil sa meron silang mensahe o babala sa atin? Hindi ba’t maganda ang resulta nun sa ating buhay. Gusto ko lang ipaalala sa lahat na masasabi lang nating masama ang manipestasyon ng mga espiritu o mga di nakikitang nilalang kung ang epekto nun sa atin ay masama tulad ng pagkakasakit, o kamatayan. Ngayon kung ano ang pangontra sa bad spirits ay una ang pananalig natin sa Poong Diyos na pinakamakapangyarihan sa lahat at pangalawa na lamang ang anumang dasal na alam ninyo ngunit kaakibat pa rin nito ng taos puso at buong loob na pananampalataya sa pwersa ng Kalangitan.

Cashper: Tanong ko lang po, paano ba mabuksan ang 3rd eye kasi ang dami ko ng karanasan sa ibat-ibang klaseng lugar na napakakuwestyunable sa aking isipan.
RS: Depende sa karanasan mo, ano ba ang mga nakita mo naranasan mo. Kung may mga nakikita kang mga nilalang tulad ng mga kaluluwa o mga engkanto, bukas na o aktibo ang iyong “3rd eye”. Ayaw kong tawagin na third eye ang pagkakaroon ng karanasan na hindi normal sa nakagisnang paniniwala ng tao bagkus ay tinatawag kong sensitibo na ang taong meron nito. Isang maling katawagan ang third eye o sixth sense dahil sa totoo lang kung meron tayong limang senses sa pisikal ay meron din tayong mga senses na ito sa espiritwal. Clairvoyance ang tawag sa abilidad na makakita, Clairaudience sa mga nakakarinig sa mga espiritu, Clairsentience naman ang tawag sa mga nakakaramdam. Clairalience sa mga nakakaamoy. Claircognizance sa mga nakakaalam kung sino at ano ang isang tao o bagay nang di mo alam kung bakit mo alam. Clairgustance naman ang tawag sa kakaibang panlasa mo na wala ka naman kinain o isinubong bagay.

Sa susunod ay ang mga kasagutan ko sa iba pang katanungan ng ating mga kababayan na lumahok sa aking programa sa radyo para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website http://misteryolohika.tripod.com/. #