Tuesday, March 21, 2006

Patay, Nakakapag-text

Patay, Nakakapag-text?
Rey T. Sibayan
March 21, 2006


Sa panahong ito ng makabagong teknolohiya kung saan uso ang text sa cellphone at internet sa pamamagitan ng kompyuter ay marami sa ating mga kababayan ang nakakaranas ng kababalaghan tulad na lamang ng umanoy pagte-text ng mga taong sumakabilang buhay na.

Ako mismo ay nakasaksi sa ganitong pangyayari nang mamatay ang aking bayaw, ilang taon na ang lumipas nang magawa pa nitong makapagpadala ng text sa kanilang katulong para dalhin ang kanyang paboritong gamit sa lalawigan ng Cavite kung saan nangyari ang aksidente. Walang kaalam-alam ang katulong at sinagot pa nito ang text ng aking bayaw. Laking gulat na lamang ng katulong ng pagdating nya ay nalaman nyang patay na pala ang aking bayaw bagupaman ito nakapag-text sa kanya.

Bigla kong naitanong sa aking sarili, paanong makakapag-text ang patay samantalang imposible namang magamit nito ang cellphone na noon ay nawala sa lugar ng aksidente na maaaring kinuha ng ibang tao.

Kamakailan sa isang kolum ni Professor Jimmy Licauco ng Innermind Development Institute, sumulat sa kanya ang isang Joe Bayani na nagsabing ang kanyang kasintahan na si Carmina ay laging nagpapadala ng text messages sa kanya sa panahon ng burol nito at sinasabi nito kung gaano nya kamahal ang lalaki. Ang buong akala ni Joe ay matatapos na ang pagpapadala ng text ng kanyang girlfriend nang ito ay mailibing ngunit nagkamali siya dahil sa patuloy pa rin ito sa kanyang pagte-text. Ang sim card na gamit ni Carmina ay ginagamit na ng kanyang pinsan ngunit sa kabila nito ay nagagawa pa rin nitong magamit ang numero kahit nasa kabilang buhay na.

Isa namang kababayan natin na reader din ng Balita ang nagsabi na maging siya ay dumanas ng ganitong kababalaghan. Naka-text nya ang kanyang kaibigan na nagngangalang si Randy noong Nobyembre taong 2005 nang sabihin sa kanya na ito ay nagpapagaling matapos na siya ay ma-ospital.
Narito ang bahagi ng kuwento sa akin ni Beverly Jalmasco:
"Nagpapagaling kasi siya kagagaling pa lang sa ospital. Sinabi nyang pupunta siya ng Canada after a week at pagkatapos nun ay di na nag-text. Makalipas ang ilang araw, nag-wrong send ako sa number nya at nag-reply yung katulong nila at sinabing patay na siya noong October 15 pa. Eh di ko makalimutan, November talaga ka text ko siya. Sa katunayan ay kausap ko pa nun ang kapatid ko at alam nya na katext ko yung friend ko. Ano po ba yun? Totoong patay na talaga siya. Bakit po yun nangyari sa akin?"

RS: Tulad ng mga naunang insidente na binanggit ko sa aking kolum ngayon, ay talagang nangyayari na ngayon na ang mga espiritu ng mga patay ay nagagawang makapag-text sa daigdig ng mga buhay, ke maniwala man tayo o hindi. Ang mga patay na patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga buhay ay silang mga kaluluwang hindi matahimik o tinatawag na "earthbound souls". Sila ang mga kaluluwang hindi alam na sila ay sumakabilang buhay na o hindi matanggap ang katotohanan na sila ay patay na dahil sa hindi pa kumpleto ang kanilang misyon sa mundong ito. Kung paanong nagagawa nilang makapagpadala ng text sa ating daigdig ay sila lamang ang makapagsasabi nyan. Ngunit sa mga pananaliksik ng mga eksperto ay hindi malayong magawa ito ng mga espiritu dahil sa kabilang buhay ay walang imposible kapag napagana ng husto ang kapangyarihan ng kanilang kaisipan. Hindi bat kaya ring pagalawin ng mga multo o kaluluwa ng patay ang anumang bagay sa paligid? Ito ay dahil sa kakayanan ng kanilang isip bilang mga kaluluwa. Lagi nating isipin na ang isip ay wala sa utak dahil ang utak ay kasamang namamatay ng ating katawang lupa, ngunit ang isip ay nakakabit sa ating kaluluwa.

Ilan pang tanong ng ating mga kababayan sa inyong lingkod:
(09223337145) Magandang Araw po Mr. Sibayan. Nabasa ko sa isang kolum mo, Misteryo at Lohika, ang tungkol sa mga koro ng mga anghel. Meron bang mga aklat na nabibili tungkol dito? Meron ba kayong alam na isang grupo na nagtitipon para makaalam ng paranormal na katulad na naisulat mo sa iyong kolum?
RS: Maraming salamat sa walang sawang pagsubaybay sa aking kolum. Oo, maraming mga aklat sa mga tindahan na mabibili tungkol sa koro ng mga anghel. Bagaman hindi natin masasabing kumpleto ang mga aklat na ito, nasa sa iyo kung ano ang naaangkop sa nais mo. Sa tanong mo kung merong mga grupo na nagtitipun-tipon tungkol sa paranormal, may mga grupo nang nabuo tulad ng samahan ng mga naging estudyante ni Prof. Jimmy Licauco - ang Innermind Association of the Philippines.

(09154424653) Mr. Sibayan, sana sa pamamagitan ng iyong kolum sa Balita, makarating sa mga kababayan natin ang panawagan ko na wag iasa ang kapalaran sa mga gameshow tulad ng wowowee o kauri nito. Magsikap na lang sila. May kasabihan nga "ang naghahangad ng kagitna isang salop ang nawawala."
RS: May punto ka sa iyong sinabi ngunit ang maaari lang natin gawin ay magbigay ng payo o suhestyun sa ating mga kababayan. Nangangahulugan na hindi natin sila maaaring pilitin na sumunod sa ating nais. Bagaman, kailangan lamang na wag tayong magsasawang magbigay ng paalala sa kanila.

PEH (09173554260) Misteryolohika, ano po ba masasabi niyo sa trahedyang nangyari sa Saint Bernard, Southern Leyte. May nagpahiwatig po ba sa nakatira at nagpadama sa diwa ng mga nakatira doon?
RS: Sa pagkakaalam ko may isang nakaputing babae daw ang nakitang naglibot sa naturang bayan partikular sa barangay Guinsaugon para bigyan ng babala ang mga residente bagupaman nangyari ang naturang trahedya. Ngunit hindi nakinig ang mga tao. Ang leksiyon na maaari nating makuha dito, paniwalaan man natin sa hindi ang anumang mensahe, mainam na maging handa o alerto sa lahat ng oras.

Ricky Patingo ng Calamba, Laguna: Sir dami ko na po koleksiyon ng artikulo mo sa Balita. Gusto ko po humingi ng advise o tulong. Meron po ako gift na gusto ko po i-develop. Malakas po ang vibration ko sa nangyayari sa ating paligid.
RS: Isa ka rin sa mga taong sensitibo o may malakas na pakiramdam ngunit hindi mo nasabi sa akin kung anong partikular na karanasan ang meron ka gayunman nagtatanong ka kung pwede mo pa to ma-develop. May mga grupo na nag-aalok ng seminar para mahasang mabuti ang abilidad ng pag-iisip tulad ng mga seminar ni Prof. Licauco. Pwde ka makipag-ugnayan sa akin tungkol dyan.

(09262122675) Ask ko lang po kung ano ang ibig sabihin na lumilipad at laging nahuhulog sa tubig. Pag malapit na ako lumapat ay nagigising ako.
RS: Nais ipahiwatig sayo ng iyong panaginip na wag kang magdali sa iyong buhay lalu na para maabot ang iyong gusto o ambisyon dahil baka bigla panandalian lamang ang tagumpay at balik ka sa dating buhay. Ngayon kung bakit pag malapit ka nang lumapat sa binagsakan mo ay nagising, yan ay tanda na dumanas ka ng astral travel o out of body experience na karaniwang nararanasan natin sa ating pagtulog lalu na kapag tayo ay nananaginip.

Kung kayo po ay magtatanong o magbabahagi ng inyong karanasan sa mga kababalaghan, pakibanggit lamang po ang inyong pangalan at kung taga-saan po kayo. Maraming salamat po.

Para sa inyong mga katanungan, karanasan, at suhestyun, mag-text lamang po sa 09206316528/0916-7931451. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Tignan din ang aking abang website: http://misteryolohika.tripod.com.

Monday, March 13, 2006

Kahulugan ng mga Panaginip

Kahulugan ng mga Panaginip
Rey T. Sibayan
March 13, 2006

Marami sa ating mga kababayan ang nagkakainteres na malaman kung ano ang kahulugan ng kanilang mga panaginip dahil sa naniniwala silang ang panaginip ay nakatutulong ng malaki sa buhay ng isang tao.

Oo, nakatutulong ang panaginip dahil sa pamamagitan nito ay may pagkakataon na nalulutas ang mga problema, bukod pa sa ito rin ang paraan para maka-ugnayan ang mga namayapang mahal sa buhay at ito rin ang pagkakataon na makita ang kabilang daigdig sa pamamagitan ng astral travel o out of body experience.

Ang panaginip ay salamin ng kundisyong mental, at emosyonal ng isang tao na nakakaapekto rin ng malaki sa kanyang kalusugan sa pisikal na pangangatawan.

Ang panaginip sa aking pagkakaunawa ay isa ring paraan para makita mo ang kahinaan ng iyong katauhan lalu na ang pagharap sa anumang pagsubok sa buhay.

Gayunman, ang interpretasyon sa panaginip ay walang iisang kahulugan dahil sa ito ay depende sa taong nanaginip. Ibig sabihin, ang karaniwang nababasa nating kahulugan ng panaginip sa mga aklat ay hindi ang eksaktong kahulugan nito kundi pahapyaw lamang na interpretasyon lalu na at karaniwan ang panaginip ay simboliko at hindi literal ang ibig sabihin.

Sa abot ng aking nalalaman at kakayanan ay sisikapin kong mabigyan ng kahulugan ang inyong mga panaginip, lalu na at marami sa ating mga kababayan ang nagtatanong kung ano ang ibig sabihin ng kanilang panaginip - masama man ito o hindi.

Tanong ni Lara Joy ng Paranaque City: Nabasa ko po ang inyong kolumsa Balita kaya interesado din po akong magtanong tungkol sa aking panaginip. Palagi po kasi akong nananaginip na bundok na pinipilit ko pong akyatin hanggang sa isang beses daw naakyat ko ang tuktok ng bundok. Ano po ba ang ibig sabihin ng aking panaginip, gusto ko pong malaman sana matulungan niyo po ako.

RS: Nais ipabatid sayo ng iyong panaginip na wag kang susuko na sagupain ang anumang pagsubok sa iyong buhay lalu na para maabot mo ang iyong tagumpay. Balang araw ay makakamit mo rin ang tagumpay at magbubunga ang iyong sakripisyo at pagtitiyaga. Bagaman, sinasabi ng iyong panaginip na talagang mahihirapan ka na maabot ang iyong nais ngunit sa bandang huli ay magtatagumpay ka pa rin. Wag lang magmadali na akyatin ang bundok para hindi mahulog.

Tanong ni Riezel ng Taytay, Rizal: I often dream of people whom I don't know and after a while, I come to interact with them. May mga situation din na I dreamed of at madalas ding mangyari. Deja Vu raw ito. Pero kasi madalas mangyari ito. Ano po bang ibig sabihin nito?

RS: Tama ka ng sinasabi mong ito may mga panaginip kang ito ay Deja Vu ngunit kadalasan ang panaginip mo ay "predictive" na nangangahulugan na ipinapakita sayong panaginip ang mangyayari pa lamang sa hinahanap na ikaw mismo ay nasa ganung sitwasyon. Ibig sabihin ay meron kang mahalagang dapat na gampanan sa naturang sitwasyon at ipinapakita lamang sayo para meron kang advance na impormasyon o ideya na ganun ang kakaharapin mong sitwasyon sa yung buhay.

Tanong ni Vicky: I always dream of going to a certain place but when I try to leave, I couldn't find my way home. I continue to dream of it even long after my husband has died.

RS: I would see your dream as trying to get out of a situation but can't find solution to a problem. Nahihirapan kang makalabas sa naturang sitwasyon marahil ito ay makaugnayan sa pagpanaw ng iyong mahal na asawa. Maaaring hanggang ngayon ay hindi mo pa rin matanggap na sumakabilang buhay na ang iyong asawa o di man kaya ay maaaring sa alam mo ay tanggap mo na ngunit hindi pa rin ito lubos na tanggap sa kaibuturan ng iyong puso. Subukin mong talikuran ang lahat ng iyong kalungkutan, hinagpis at kabiguan sa buhay at harapin ang magandang kinabukasan na punung-puno ng pag-asa.

Tanong ni Rhea: Ano po ba ang kahulugan ng panaginip ko na mga bampira na tinatakot ako pero di naman ako takot sa kanila. May ibig sabihin po ba yun? Kasi lagi ako nakakapanaginip ng ganun.

RS: Kung paulit-ulit mong napapanaginipan ang isang sitwasyon ay nais ipahiwatig sayo ng iyong panaginip na kaya mong harapin ang anumang pagsubok sa buhay. Ingatan mo din ang mga taong naiinggit sayo, bagaman kayang kaya mo naman silang harapin.

Tanong ni Weng Barloso: Tanong ko po nanaginip ako na nakasakay ako sa bangka sa karagatan.

RS: Hindi mo binanggit ang kabuuan ng iyong panaginip. Ngunit ang panaginip sa isang bangka sa gitna ng karagatan kung ito ay nakalutang lang ay nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang ano ang tinatahak na direksiyon ng iyong buhay. Kung may direksiyon ngunit nasa gitna ka ng karagatan ay malayo pa ang tatahakin mong landas patungo sa iyong paroroonan para makamit ang tagumpay.

Sana kahit paano ay nasagot ko ang inyong mga katanungan tungkol sa inyong mga panaginip. Nais ko lamang sabihin sa inyong lahat na mabuting maglaan kayo ng isang notebook o kuwaderno na mapagsusulatan ng inyong panaginip. Ito ang magsisilbi ninyong "dream journal."


May mga pagkakataon kasing ang panaginip ay predictive o maaaring mangyari sa hinaharap ay magagamit mo itong basehan kung gaano katagal na napanaginipan mo to hanggang sa dumating ang araw na ito ay nangyari na sa iyong buhay o sa buhay ng tao sa mundong ito.

Kung may mga suhestyun kayo o katanungan, mangyaring mag-text sa 09206316528/09167931451; mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Kung may kuneksiyon kayo sa internet, tignan ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. Paki-usap lang po na paki-text ang inyong pangalan, saan kayo nakatira kung meron po kayong mga tanong. Maraming salamat po. #