Thursday, September 28, 2006

Totoong May Anghel


Sa araw-araw ng ating buhay ay nakakalimutan na nating bigyan ng pansin ang mga nilalang na nagpapa-alala at tumutulong sa atin na palaging makipag-ugnayan sa Diyos.

Ang tinutukoy ko dito ay ang mga anghel na siyang itinalaga ng Poong Lumikha na gumabay sa atin at magbigay ng proteksiyon sa atin habang tayo ay bumabagtas sa ating buhay.

Bagaman marami ang naniniwalang may anghel, meron pa ring ayaw maniwala na sila ay totoo at para sa kanila ang mga anghel ay resulta lamang ng malikot na kaisipan ng tao.

Hindi natin maaaring pilitin ang sinuman na maniwala kung totoong may mga anghel, ngunit batay sa karanasan ng maraming tao ay masasabi nating ang mga nilalang na ito mula sa Langit ay totoo at karamihan sa mga ito ay nasa piling ng bawat tao sa mundo, samantalang ang iba naman ay paroon at parito mula sa langit.

Mismong sa Bibliya ay maraming pagkakataon na naka-ugnayan ng mga tao ang mga anghel, ngunit karaniwan silang hindi naisalarawan bilang anghel dahil sa ang mga ito ay nagpakita bilang mga ordinaryong tao, kundi man ay nakita silang nakakasilaw na purong liwanag o di man kaya ay animoy apoy tulad ng nakita ni Moses sa nasusunog na puno.

Ngunit sa mga panahong iyon hanggang ngayon ay ibat-iba ang pagpapakitang ginagawa ng mga anghel, merong mga anghel na nagpakita na taglay ang kanilang mga espada tulad ng nakasanayan nating nakikita sa Simbahan na imahe ni Arkanghel Michael o San Miguel.

Sa aking sariling pananaliksik, gusto kong patunayan sa aking sarili sa tulong ng ilang mga kaibigang objective clairvoyant – mga taong may kakayanang makita ang mga espiritu sa pamamagitan ng mga mata, kung ano nga ba ang totoong hitsura ng mga anghel.

Sa aming opisina sa Makati City, isang lalaking kaibigan ang kinausap ko kung makikita niya ng malinaw ang aking anghel dela guardia na nagpakilala sa akin sa pamamagitan ng isip.

Ang anghel na ito na may boses batang lalaki ay unang nagpakilala sa akin habang ako ay lulan ng isang bus patungong Kalookan. Kasalukuyan akong napapa-idlip habang nakaupo sa bus nang bigla akong may marinig na munting tinig at tinatawag ang aking pangalan.

Napalingon ako sa gawing likuran ng aking upuan sa akalang may batang nakaupo na kakilala ko o kaya ay kapitbahay namin, ngunit pawang lalaki at babae ang nakita ko. Lumingon ako sa ibang upuan ngunit natanto ko na wala ni isang bata sa loob ng bus na kinalululanan ko.

Sinubok kong kausapin sa aking isipan ang naturang mahiwagang tinig at tinanong ko kung sino siya at kung nasaan siya. Ang sagot ng mahiwagang tinig siya daw ang aking anghel at ang pangalan ay Richard.

Sa Makati habang kami ay may breaktime, kinausap ko si Aldrine na isang clairvoyant at pinakiusapan kong tanungin ang pangalan ng aking anghel na agad naman niyang pinaunlakan.

Isinalarawan niya ang aking anghel na kasing-edad ng pitong taong gulang na bata at ibinigay ang kanyang pangalan sa ibang ayos ng mga letra na halos hindi mabasa. Ibinigay sa akin ni Aldrine ang mga letrang sinabi ng anghel at ako daw ang bahalang mag-ayos at laking gulat ko ng aking basahin, ito ay nabasa ko sa pangalang Richie. Ang pangalang Richie ay karaniwang palayaw sa mga may pangalan na Richard.

Kamakailan lamang ngayong taong ito, isa pang kaibigan ko na si Sammy ang naging mata ko para makita si San Miguel Arkanghel at hindi kami nabigo dahil sa nagpa-unlak ang itinuturing na pinuno ng mga mandirigmang anghel.

Isinalarawan ito ng aking kaibigan na may taas na walo hanggang sampung talampakan, may suot na animo’y kabal na bakal, kalasag at may tangan na espada.

Isa pang kaibigan ko ang nagpatotoo na anumang oras na humingi siya ng tulong sa mga anghel sa oras man ng kagipitan laban sa aksidente at sakit o panganib laban sa mga masasamang espiritu ay biglang dumarating ang mga anghel na nakasuot ng puting-puti at nagliliwanag na mga damit.

Ang matindi pa nito, bagaman mahirap paniwalaan, isang tao ang nagpatotoo na nakita niya sa kanyang kaibigang lalaki ang animoy pakpak ng anghel na nagniningning sa liwanag sa gawing likuran nito na animoy nakakabit sa katawan ng naturang tao. Ito ba ay patunay na ang mga dating anghel ay maaaring naging tao sa proseso ng reinkarnasyon at kasalamuha din natin para gampanan ang kanilang mahalagang misyon sa ating buhay? May katotohanan ba dito ang mensaheng nais iparating ng pelikulang “City of Angels?”

Ngayon may mga debate kung totoo bang may pakpak o wala ang mga anghel? Ang masasabi ko lang dito, hindi na mahalaga kung sila man ay may pakpak o wala, basta ang bigyan natin ng pansin ay kung ano ang nagagawa nila sa ating buhay, kaya’t marapat lamang siguro na pasalamatan din natin sila lalu na sa mga pagkakataon na halos wala na tayong matakbuhan pag may problema, naililigtas tayo sa panganib, gumagaling tayo sa ating karamdaman at higit sa lahat ang mensaheng nais iparating sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel.

Para sa inyong mga katanungan at suhestiyon, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website – http://misteryolohika.tripod.com/ . Makinig din sa aking programang Misteryo tuwing araw ng Sabado alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi. #

Thursday, September 21, 2006

Paano Harapin ang mga Multo

Paniwalaan man natin sa hindi, tayo ay napapaligiran ng mga nilalang na hindi natin nakikita, saanman man tayo magtungo, saan man tayo manatili at anuman ang ating ginagawa sa pisikal na mundo na ating ginagalawan.

Ito ay dahil sa katotohanan na ang espiritwal na mundo o dimensiyon ay sumasabay sa pisikal na realidad dahilan kung bakit marami ang nakakakita ng mga multo o mga espiritu sa ating kapaligiran.

Ilan na ba sa atin ang may mga karanasang makakita ng mga multo kabilang na ang white lady, black lady, mga anino, mga paring pugot ang ulo, mga batang biglang sumusulpot, mga umiiyak na multo, nakalutang na kabaong, santelmo o mga liwanag tulad ng orbs, at iba pang mga nilalang na sa buong akala natin ay bunga lamang ng malikot nating imahinasyon.

Hindi lang marahil minsan kundi ay palagi o ilang beses na tayong nakakita o nakaramdam ng mga multo at mga espiritu ngunit karamihan sa atin ay hindi ito pinapansin o ipinagwawalang bahala lamang sabay sabing “hindi sila totoo o wala naman talagang multo.”

Hindi ko naman sinasabi dito na paniwalaan natin agad kung ano ang kuwento o karanasan ng ibang tao, ngunit nais ko lamang sabihin na maging bukas tayo sa ganitong mga karanasan dahil sa hindi naman magkukuwento ang isang tao kung hindi naman talaga nito naranasan na makaugnayan ang mga kakaibang nilalang.

Minsan nagkuwento ang isa naming kasamahan sa opisina at halos hindi magkandatuto sa kanyang salasaysay nang makakita siya ng multo ng isang babae o white lady sa loob ng comfort room ng mga kababaihan.

Kasalukuyang naghuhugas ng pinggan sa lababo si Weng kaharap ang malapad na salamin – ang normal na disenyo ng mga CR kung saan nakikita mo ang iyong sarili o repleksiyon habang naghuhugas ka o may ginagawa sa lababo.

Tiyempong tiyempo na tumingin si Weng sa salamin at laking gulat niya sa dulong bahagi ng CR ay may nakatayong white lady na pugot ang ulo.

Pansamantala siyang tila napako sa kanyang pagkakatayo habang nakatitig pa rin siya sa white lady, ngunit ilang segundo ang lumipas ay nahimasmasan si Weng mabilisang tinapos ang paghuhugas at saka nagmamadaling lumabas ng cr.



Marami na sa aming mga kasamahan sa opisina ang dumanas ng kakaibang karanasan sa loob ng CR na yun, kabilang na ang isang insidente na sadyang naisara at ayaw mabuksan ng mga babaeng nasa loob ang pintuan, samantalang maaari lamang itong mai-lock sa loob at hindi sa labas.

Minsan naman, isa sa mga newswriter namin na si Malou ang naiwan sa loob ng CR at may narinig siyang nag-flush ng inidoro sa isa sa mga cubicle ngunit matagal siyang naghintay at wala namang lumabas na sinuman.

Sa ibang lugar naman sa aming tanggapan ay dumanas din ng kakaibang manipestasyon ng mga di nakikitang nilalang ang iba pang staff tulad ng may nakitang white lady sa may hagdanan, biglang may nag-flush ng inidoro sa CR ng isang opisina at mismong ang kinikilalang pinaka-beterano sa industriya ng broadcast media, si Tiya Dely ay biniro naman ng isang pilyung multo nang papasok na sana sa CR ay biglang sumara ang pinto.

Ang unang reaksiyon natin kapag nakakita tayo o nakaramdaman ng multo o espiritu sa paligid ay natatakot tayo, tatakbo tayo dahil sa hindi tayo sanay na nandyan sila sa ating paligid.

Ayon sa mga taong sanay nang makakita ng multo at nakakausap ang mga espiritu sa ating paligid, hindi dapat na matakot kapag nagpakita ang mga ito o nagparamdam.

Mainam na harapin sila at pakiusapan na wag magpakita ng nakakatakot kung nais nilang sila ay matulungan dahil karamihan sa mga nagpapakitang multo ay nangangailangan ng tulong – tulad ng gusto nang umakyat sa langit, naghahanap ng katarungan sa masamang kapalaran, at hindi matanggap ang kanyang biglang kamatayan dahil sa marami pa ring dapat na tapusin.

Ayon kay Sam, kapag nagpakita ang multo sa inyo “kausapin sila, wag katakutan. Tanungin kung ano ang kailangan, ano ang dahilan kung bakit sila nagpapakita at kun ano ang ikinamatay, taga-saan siya, ano pangalan niya nung buhay pa siya, at kung bakit siya nagpapakita.”

Sa akin namang personal na kaalaman, mainam na tanggapin natin ang katotohanan na anumang oras ay nandyan sa tabi natin ang mga multo o espirito ayon sa kanilang kagustuhan at hindi natin sila maaaring paalisin dahil sa ayaw man natin sa hindi ay nandyyan sila.

Ang isa pang dapat nating tanggapin na katotohanan ay hindi lahat ng mga multo o naramdaman nating espiritu ay masama bagkus may mga espiritu na ang layunin ay tumulong at mapalakas ang espiritwal na aspekto ng buhay ng tao.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website address http://misteryolohika.tripod.com. #

Thursday, September 14, 2006

Mag-Ingat sa Mga Itim na Nilalang

Isa sa mga kaibigan kong DJ ang nagtanong sa akin tungkol sa isang karanasan niya tungkol sa isang maitim na nilalang na ilang beses na siyang inistorbo sa kanyang pagtulog.

Si "Sugar" ng Yes FM101.1 ay halos hindi magkandatuto sa pagsalaysay sa akin nang makita niya ang isang nilalang na naka-itim na hindi niya maaninag ang mukha habang siya ay nakahiga.

Nakita niya ang nilalang na ito sa kanyang ulunan na bagaman hindi niya makita ang mukha ay nararamdaman niyang negatibo dahil sa animoy lagi siyang inaasar at gustung-gusto nito na naiinis siya at hindi na makatulog.

Isinalarawan ni Sugar ang naturang nilalang na matangkad, at hugis trayanggulo o tatsulok, masyadong maitim ang kanyang kulay na animoy isang anino.

Ang napansin ni Sugar sa naturang nilalang ay gustung gusto nito na siya ay naiinis o nagagalit at hanggang sa nararamdaman niyang nanghihina na siya na para siyang nauupos na kandila.

Ganito rin ang naramdaman ng isa kong kaibigan na clairvoyant nang kanyang makaharap ang naturang nilalang na kitang-kita pa niyang may mapulang mga mata.

Karaniwan itong nagpapakita sa gabi mga alas-diyes hanggang alas-dos ng madaling araw, at sa mga unang pagkakataon ay nagpapansin muna ito tulad ng biglang pagpapakita sa bintana na bigla siyang mawawala o kundi man ay sumusutsot sa di kalayuan sa madilim na lugar.

At kapag nakuha na niya ang iyong atensiyon ay saka siya muling magpapakita at unti-unting lalapit sayo hanggang sa ikaw ay kanyang aasarin at makuha ang iyong enerhiya hanggang sa maramdaman mong ikaw ay nanghihina.

Sa mga taong hindi pa bukas ang kanilang ikatlong mata o "third eye" at hindi pa direktang nakikita ang itim na nilalang na ito, nagpapakita ito sa panaginip na maaaring mauwi sa bangungot dahil nga sa sadyang matatakot ka dahil sa bukod sa napakaitim niyang nilalang na animoy anino ay may nagbabaga pa itong mga mata.

Ang matindi pa, ipinagtapat sa akin ng aking kaibigan na nakita niya itong biglang lumapit sa natutulog niyang lola at ito ay kanyang pinagsasakal hanggang sa bangungutin at mamatay.

Maraming teorya tungkol dito ang mga imbestigador sa larangan ng paranormal at kabilang na rito ang hinalang ito ay isang negatibo kundi man napakasamang espiritu na ang iba naman ay maituturing nilang demonyo.

Ang iba naman ay itinuturing itong negatibong nilalang mula sa impiyerno na tinawag nilang "incubus" dahil sa may mga pagkakataon na pinagsasamantalahan o ginagahasa ang kanilang biktima na karaniwang babae habang nahihimbing sa pagtulog.

Sa aking sariling imbestigasyon tungkol dito, ang nilalang na ito ay kaiba sa mga negatibong nilalang o demonyo at ng tinatawag na incubus.

Aking natuklasan batay sa tulong din ng iba pa nating kaibigang clairvoyant at mga ET contact na ang itim na nilalang na ito ay isa palang uri ng Ekstra-Terestriyal (ET) na nasa kabilang panig o mga negatibong alien.

Lalu kong nakumpirma na negatibo itong ET dahil sa nang subukin kung tawagin ang mga mas positibong ET ay tila natakot ito at biglang naglaho.

Sa katunayan, nang tawagin ng kaibigan kong clairvoyant ang kaibigan niyang mabuting kapre ay natakot din ang maitim na nilalang at nawala itong parang bula at hindi mo malaman kung saan siya napunta.

Pinayuhan ko si Sugar na subukin ding tawagan ang mga positibong ET kung sakaling magpakita sa kanyang muli ang naturang maitim na nilalang ay ito nga ang kanyang ginawa nang isang gabing magpakita sa kanya at biglang naglaho nang gawin ang aking payo.

Ayon kay Heidi Hollis ng http://www.ufo2u.com/, ang maitim na nilalang na ito ay kabilang sa mga ET na tinaguriang “Shadow People”, ang isang uri ng mga alien na maituturing na mga negatibo.
Magkakaiba ang kanilang kaanyuan kapag nagpapakita sa tao, tulad ng pagpapakita na naka-itim na mahabang roba na merong saklob sa ulo at talagang mapupula ang kanilang mga mata.
Kitang kita ni Sugar na ang nilalang na nagpakita sa kanya ay merong mahahabang apat na daliri ang kamay at tinatayang nasa taas na 6 hanggang 7 talampakan.

Mag-ingat lamang kapag kayo ay nakakit ang ganitong nilalang, mainam na laging manalangin sa Poong Lumikha bago matulog para magkaroon kayo ng liwanag na magbibigay proteksiyon sa inyo.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod,.com/. Ugaliin ding makinig sa aking programang Misteryo tuwing araw ng sabado, alas-5:30 hanggang 6 ng gabi sa DZRH, 666 KHz.#

Saturday, September 09, 2006

Kahulugan Ng Mga Panaginip

Marami ang mga nagtatanong ng kahulugan ng kanilang panaginip. Ilan sa mga ito ay binigyang ko ng mga kahulugan.

Teresita Mariano-Cruz: Ako po'y masugid ninyong mambabasa ng misteryo at lohika. May tanong po ako. May panaginip ako na umiihi ako sa timba at ito'y napuno na at napa-ihi ulit daw ako ilang sandali at sa pitsel na inumin ako raw umihi. Ano ba ang ibig sabihin nito. At ito rin sa oras nay un napanaginipan ko si Poon Nazareno na hinahaplos ko raw yung katawan niya at nakita ko raw na yung buhok niya ay nakalagay sa harap ng dibdib niya para bang nakaadit at ako bumulong ng panalangin sa kanya. Ano po ba ang ibig iparating sa akin nito?

RS: Ang ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa pag-ihi sa timba na hindi mo namalayan ay puno na at sa pitsel na inumin, ay wag kang padalus-dalos sa mga desisyon mo maaaring kung saan ka na lang masuong niyan. Mainam na imulat na mabuti ang iyong isipan, puso at mga mata sa mga kinakaharap na problema bago magpasya dahil sa maaaring mag-resulta ito ng kalituhan sa iyo. Nais ding ipahiwatig ng iyong panaginip na tama lamang na magtabi ka ng kahit anong kusing mula sa iyong bulsa para may magamit ka sa hinaharap. Ang panaginip mo tungkol sa Poong Nazareno ay salamin ng iyong espiritwal na pananampalataya. Tama lamang na lagi kang manalangin at tumawag sa Poong Lumikha para gabayan ka sa pang-araw araw mong buhay.

Josephine Centeno: I know GOD has message to me in my dream. I don't know if I'm correct in my interpretation. Being a psychic I know you are in a better position to analyze. Here it is. In my dream I was already walking to church with my former co-teachers for my necrological services. When we reached the church I took hold of the bible and proceeded forward. I was praying fervently. The one who read my biography was my co-teacher who died last year. The service was over but I'm still alive and very weak. When I was awakened I'm still weak. Did GOD gave me already a sign that very soon I'll be leaving this life or it's just the opposite? I'm worried.

RS: As I look at it your dream is trying to tell you that you must free yourself from any emotional attachment with other person maybe your friends, or your co-teacher who died last year. Any dream of dying is not actually a death of a dreamer but a part of his emotion or personality must die and leave behind to move on. Your co-teachers could help you overcome some emotional problem in your life and your former co-teacher who died last year is also helping you resolve the issues you're facing right now. Dead friends could be your guides to help you face the world in the future.

Daisy Lagman: Magandang Araw, Tanong ko lang po kung ano po ibig sabihin ng panaginip ko. Ang panaginip ko ay paulit ulit sa lumang CR sa bahay namin..... lagi daw po ako dumudumi dun at talagang napakarami… umapaw sa sobrang dami ng dumi...... palagi ganun ang panaginip ko....parehong pareho na paulit ulit. ano po kaya ibig sabihin nun? Eto pa po yun isa: kanina nanaginip me na pumasok daw ako sa work tapos magpapalit ako ng sapatos di ko mabuksan yun locker (di ko daw dala yun susi) ko kaya di ko nakuha yun sapatos kay pilit kong sinosoot ulit yun sapatos na inalis ko sa paa ko pero di na magkasya sa akin...... umupo ako at ang set-up ay naging Emergency Room na... nasa waiting area ako nakaupo, yun Nurse tinatanong ako kung confirmed na naka cofine na daw...may binanggit syang pangalan pero di ko kilala.... sabi ko di ko alam....inulit nya ulit ang tanong......kung confirm na confine na daw...sabi ko di ko nga alam..... so tumayo sya at nagtanong sa isang attendant at di rin sya nasagot.... pinakita yun patient list at hinahanap nya dun yun sinasabing nyang naka confine..... di nya nasiguro kung sino talaga yun na confine......ano po ba ibig sabihin?

RS: Hi, Ang sabi ng iba kapag nakapanaginip ka ng dumudumi ka, posibleng may dumating na pera sa yo but for me depende rin yan sa situation mo now. But sa point of view ko, your dream is trying to tell you that you have to share something to people who need your help maybe financial assistance and you'll see the result in the future. There is another angle in your dream, maybe you should get rid of your negative emotions you are experiencing right now and you'll see the benefits from it. About your shoes that can't fit to your feet, wag mo daw ipipilit kung hindi pwede na pumasok ka sa isang situation baka hindi mo matiis at masaktan ka lang. About emergency room set up, you should always be aware of many things especially in emergency situation, meaning you must have your control in a situation that really needs your attention, maybe family matters especially financial issues and family relationships. I hope i interpreted your dreams right based on your present situation.

Lagi pong isaisip mga kababayan, na ang panaginip ay karaniwang simbolo lamang ng tunay na nangyayari sa inyong buhay at hindi basta-basta masasabing literal ang kahulugan o kaya ay kabaligtaran. Totoo, may mga panaginip na nagnanais na ipakita sa inyo ang kinabukasan o yung tinatawag na predictive o prophetic dream ngunit, bibihira lamang ito, at maaari itong maganap sa mga taong laging nakakakita ng mga mangyayari sa hinaharap o prophetic visions.

Para sa mga gustong magtanong, mangyaring paki-lagay lang ang inyong pangalan at kung saan, at maaari kayong mag-text sa 09209386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin din ang aking simpleng website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Monday, September 04, 2006

Multo Likha Din ng Ating Isipan

Sa madalas na pagkakataon, ay may tama ang mga kasabihang “gumagawa ka ng sarili mong multo,” “takot ka sa sarili mong multo,” at “likhang isip lamang ang multo.”

Ito ay napatunayan ng isang grupo ng mga mananaliksik sa ilalim ng Toronto Society for Psychical Research (TPSR) nang magsagawa sila ng eksperimento noong unang bahagi ng dekada 70 kung kaya ba nilang lumikha ng isang multo.

Isang grupo ang inatasang gumawa nito na sadyaing lumikha ng isang hindi nakikitang nilalang sa pamamagitan ng kanilang pinag-sama-samang lakas ng pag-iisip at saka nila kinausap ang naturang espiritu.

Sa ilalim ng superbisyon ni Dr. S. R. G. Owen, walo katao ang binuo ng TSPR mula sa mga miyembro nito, at ang mga ito ay tiniyak nilang walang anumang abilidad sa kaisipan o psychic abilities.

Ang unang unang ginawa ng grupo ay lumikha ng tinatawag na fictional historical character- isang kathang-isip na personalidad ng isang tao at buong buhay nito sa ilalim ng pangalang Philip Aylesford.

Batay sa ginawa nilang talambuhay ni Philip, ito ay isang respetadong tao na nabuhay sa kalagitnaan ng siglo 1600, mahigpit na tagasuporta ng hari at isang Katoliko. Pinakasalan niya ang isang maganda ngunit isang malamig na asawang si Dorothea.

Isang araw, habang nangangabayo sa hangganan ng kanyang teritoryo, nakita ni Philip ang isang magandang gypsy na si Margo at umibig siya dito at dinala ang babae para manirahan malapit sa kanilang bahay – ang Diddington Manor.

Medyo matagal nang itinago ni Philip ang lihim nilang pagmamahalan ni Margo, ngunit kalaunan ay natuklasan ni Dorothea ang lihim ng kanyang asawa, at inakusahan nito ang babaeng-gypsy ng pangkukulam at pagnanakaw sa kanyang asawa.

Takot na takot si Philip na mawala ang kanyang reputasyon bilang isang respetadong tao at kunin ang kanyang mga ari-arian kung kaya’t hindi na nito nagawang maipagtanggol si Margo at hinatulan ito ng kasong pangkukulam at sinunog ng buhay.

Matinding pagsisisi ang tumama kay Philip, hanggang isang araw ay natagpuan ang kanyang katawan na wala nang buhay sa ilalim ng kanilang bahay, at banaag sa kanyang mukha ang matinding pagdurusa at hindi nakayanan ang kamatayan ng babaeng minahal niya.

Nagawa ding mai-guhit ng isa sa mga miyembro ng grupo ni Owen ang mukha ni Philip at ngayong buo na ang kabuuang personalidad at buhay nito ay handa na sila sa pangalawa nilang misyon – ang makipag-ugnayan sa espiritu ni Philip.

Sinimulan ng grupo noong Setyembre 1972 sa pamamagitan ng ritwal ng tinatawag na séance ang pakikipag-ugnayan kay Philip. Una munang naupo ang walo-kataong grupo at tinalakay na mabuti ang buong buhay ni Philip, nagsagawa sila ng meditasyon tungkol sa kanya at binuo sa kanilang isipan ang mukha at hitsura at pag-uugali nito – ang prosesong tinatawag na collective hallucination.

Ang naturang proseso na lagi nilang ginagawa sa maliwanag na silid ay tumagal ng isang taon nang walang kaukulang resulta, gayunman ang ilan sa mga miyembro ng grupo ay nakaramdam ng presensya ng isang espiritu sa kanilang tabi ngunit walang nangyaring komunikasyon kay Philip.

Binago ng grupo ang kanilang taktika, nagpasya ang mga ito na baguhin ang atmospera ng silid, pinadilim nila ang ilaw, naupo sila sa palibot ng isang mesa, umawit sila at pinalibutan ang kanilang sarili ng mga larawan ng kastilyo ni Philip at mga bagay-bagay na ginagamit ng mga tao sa kapanahunan ng nilikha nilang personalidad ng isang tao.

Hindi nabigo ang grupo at isang gabi ay nagparamdam na sa kanila ang multo ng kathang isip na si Philip at nagsimula na itong mag-ingay sa mesa na parang pinapalo ng kanyang kamay at kalaunan ay sinasagot na ni Philip ang mga katanungan ng grupo – isang katok sa mesa na ang kahulugan ay OO at dalawang katok kung ang sagot ay HINDI.

Tiyak nilang si Philip ang kanilang kausap dahil sa lahat ng katanungan nila ay sinasagot nito ng tumpak at angkop sa ginawa nilang talambuhay nito.

Ngunit, lalung namangha ang grupo nang mas detalyado pa ang ginawang pagpapaliwanag ni Philip sa kanyang buhay tulad ng mga ayaw at gusto nito, kanyang mga pananaw sa anumang paksa at kung matindi ang kanyang pagtutol o kaya ay may punto na gustong pagdiinan ay napakalakas ang pagpalo nito sa mesa.

Nagawa ding pagalawin ng espiritu ni Philip ang mesang ginagamit ng grupo, at ginagalaw nito ng pagilid sa kabila ng ang sahig ay merong karpet at may pagkakataon na ang mesa ay sumasayaw mag-isa sa iisang paa.

Bagaman, nasagot ni Philip ang kanilang mga katanungan, napatunayan ng grupo na may limitasyon ito dahil sa unang-una ginawa lamang ng kanilang isipan ang multong ito kung kayat hindi nito alam ang kabuuan ng mga detalye sa panahon ng kanyang ginalawan at ang lahat ng mga sagot ay napatunayan nilang nagmula lahat sa kanilang isipan o tinatawag na subconscious mind.

Subalit, ang matindi sa lahat ay ang kakayanan nitong pagalawin ang mga bagay-bagay sa paligid tulad ng pabagu-bagong liwanag ng ilaw, pag-angat at paggalaw ng mesa at mga katok sa mesa para sagutin ang mga katanungan.

Bagaman ang grupo ni Owen ay kumbinsido na ang kanilang nakausap ay ang totoong multo ng kinatha nilang si Philip, may mga grupo naman na ito ay kinokondena sa pagsasabing may ibang espiritu na umaktong si Philip.

Magkakaiba man ang pananaw dito ng ibat-ibang grupo sa larangan ng paranormal at psychic phenomena, iisa lang ang maaari kong konklusyon dito - talagang makapangyarihan ang ating isipan.

Hindi ba’t palagi nating sinasabi na kapag gusto mong matupad ang pangarap mo ay lagi mo itong isipin at hubugin sa iyong isipan para magkatotoo. Wala itong pinagkaiba sa pag-iisip ng mabuti at masama laban o para sa isang kapwa. Kailangan lamang na tiyakin na nasa wasto at angkop sa inyong kagustuhan ang inyong naiisip.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Makinig din sa aking programang Misteryo tuwing araw ng Sabado, alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi sa DZRH, 666 khz.#