Tuesday, January 31, 2006

Mga Boses, UFO at Malalim na Bangin sa Panaginip

Mga Boses, UFO at Malalim na Bangin sa Panaginip
Rey T. Sibayan
January 30, 2006

Naritong muli ang hanay ng mga katanungan ng mga kababayan tungkol sa kanilang mga kakaibang karanasan sa daigdig ng kababalaghan at misteryo habang tinatatahak ang buhay na ito.

Marami na ang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa pag-asang magkaroon ng kasagutan ang kanilang matagal nang katanungan sa kanilang isipan mula sa kanilang panaginip hanggang sa pang-araw araw nilang buhay.

Isa sa mga kababayan natin ang nagtanong kung ano ang tungkol sa malalim na bangin sa panaginip. Bagaman ang panaginip ay maituturing na salamin ng ating pang-araw araw na buhay kung ano ang mundong ginagalawan natin, kung ano ang pakikisalamuha natin sa kapwa, kung ano ang nararamdaman natin, kung ano ang naiisip natin, kung ano ang dumarating na mga problema sa ating buhay at kung paano natin ito haharapin. Ang panaginip din ay isang realidad na ang bahagi ng iyong kaluluwa ay nasa ibang daigdig at dun naglalakbay.

May tanong tungkol sa malalim na bangin sa panaginip si Richard, isang estudyante ng Capiz, Aklan.

“Nabasa ko po sa Balita ang kuwento ng ilang kababayan natin na may tanong sa sarili na di pa nasasagot. Nung highschool pa po ako nung gabi yun hindi ako makatulog. Tapos ng tulog na family ko napakatamihik ang paligid, bigla lang po ako may narinig na boses. Dahil po sa natatakot ako, hindi ko pinakinggan yun. Ang boses na yun ay napakaminor ang tinig. Simula noon ay lagi na ako nananaginip hanggang sa ngayon. Unti unti na naman bumabalik ang isip ko. Bakit isa pang kinatatakutan ko na alam ko nasa higaan na ako at nananaginip lang ako. Bakit po hindi ko maigalaw ang aking katawan ko ganun pa rin. Ang panaginip ko ay parang nahuhulog sa isang napakalalim na bangin na walang katapusan at wala ako magawa sa sarili ko. Ano po kaya yung bangin na palagi ako nahuhulog na walang katapusan ang lalim at napakadilim halos wala ako makita pero nakakramdam lang. Akoy nagdarasal lamang tapos nun. Wala ako magawa sa sarili ko kundi manalangin na lang at unti unti naman siyang bumabalik sa normal. Di ko lang maintindihan kung bakit ganun. Hindi kaya bangungot?”

RS: Una muna sagutin ko lang ang tanong mo Richard tungkol sa narinig mong boses. Kung lahat ng posibilidad na hindi ito mula sa isang tao tulad nga ng sinabi mong tulog na ang lahat ay bigla mong narinig, maaaring ito ay mula sa espiritu o nilikhang hindi mo nakikita. Kadalasan ang mga espiritung ganito ay gustong magpapansin, ibig sabihin kailangan nila ng iyong atensiyon. Kahit na sinong espiritu ay maaari itong gawin, ngunit sa aking palagay ay kadalasang gumagawa nito ay mga elemento ng lupa tulad ng mga duwende, kung maliit ang boses at kapre kung malalaki ang timbre ng boses ginagawa din ito ng mga kilala sa tawag naging engkanto, mga nilalang nasa daigdig ng mga engkantada. Maaari mong kausapin ang mga elementong ito ngunit mag-ingat lamang dahil hindi natin matiyak kung ang mga espiritung ito ay may layuning masama o mabuti, mainam na alam mo rin kung ano ang takbo ng magiging usapan ninyo. Kung takot kayong sumagot sa paniniwala ng mga matatanda na wag sagutin baka may mangyaring masama ay nasa iyo ang desisyon, hindi ka naman nila pipilitin ngunit hindi mo rin sila mapigil na ikaw ay kulitin. Maalala ko noong 1994 nang nagbakasyon ako sa aming bayan sa La Union ay bigla ako nagising ng hatinggabi dahil sa animoy maliliit na kamay na kumikiliti sa aking mga talampakan at may narinig akong maliliit na boses at naghahagikgikan sa tuwa. Noon ko rin nalaman na ang mga maliliit na boses ay mula sa mga maliliit na nilalang – mga duwende.
Ang malalim na bangin sa panaginip ay simbolo ng kawalan mo ng kontrol sa iyong buhay at di mo alam kung saan ka direksiyon patungo. Nais iparating sa iyo ng iyong panaginip na matuto kang magplano at tignan mong mabuti ang iyong patutunguhan para hindi ka mahulog sa bangin. Ngunit sa kabila ng ganitong kahulugan ng panaginip ay totoo naman talaga itong nangyari sa kabilang daigdig na tinatawag nating astral world. Sa mga eksperto ng Astral Projection at Traveller, ang panaginip ng pagkahulog sa bangin ay patunay lamang na lumabas ng iyong katawan ang bahagi ng iyong espiritu. Ang pagkahulog sa bangin ay ang muling pagbalik sa iyong katawan mula sa isang paglalakbay sa iyong panaginip. Tandaan na halos lahat ng panaginip natin ay totoong astral projection o travel ngunit karaniwang nakakalimutan natin ang ating panaginip. Maaalala ko minsan nang lumabas ako ng katawan ko ay naramdaman ko ang sarili ko na para akong hinihigop ng isang malakas na pwersa pabulusok sa malalim na bangin. Hindi ito makontrol dahil sa otomatikong hinahatak ng ating katawan ang bahagi ng ating espiritu kapag tapos na ang itinakdang panahon sa paglalakbay mo at kung merong panganib habang nasa labas ka ng iyong katawan.

Tanong ni Jane Javier ng Zamboanga City: “Ask lang po totoo po ba yung ufo o et kasi po gustong gusto kong makakita , kaso lang ayaw magpakita. Nabasa ko po sa column niyo at na-excite po ako. Maganda pala ang BALITA. May GOD bless you and your publishing company.”

RS: Kung totoo man o hindi ang UFO o ET, nais kong itanong sa inyo, “ano ang silbi ng mga bilyun bilyung mga planeta na nilalang ng Diyos sa buong kalawakan, kung tayo lang mga tao o nilalang ang nakatira sa iisang planeta? Hindi ba at malaking pagsasayang lamang ng enerhiya at panahon kung walang ibang nilalang bukod sa atin? Marami na ring mga patotoo na sila na nakakita sila at nakipag-ugnapan sa mga ET at nakakita na ng mga UFO, hindi pa ba sapat yun para paniwalaan na nandito na sila? Gayunman, hindi layunin ng inyong lingkod na kumbinsihin ang sinuman na maniwala sa kanila, mas mainam na paniwalaan niyo na lang kung ano ang inyong mga naging karanasan.Kung nais mong makakita at hanggang ngayon ay wala pa, mainam na hintayin na lamang ang takdang panahon kung nais na nilang makipag-ugnayan sa iyo.

Kung meron kayong mga katanungan sa mga kababalaghan sa inyong buhay, mag-text sa 09167931451; 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #

Monday, January 30, 2006

Premonisyon o Halusinasyon

Premonisyon o Halusinasyon
Rey T. Sibayan
January 30, 2006

Tanong ng ating mga kababayan kung totoo bang may kakayanan ang mga espiritu na manira ng gamit, magpagalaw nito, at iba pang kababalaghan na maaaring premonisyon o kaya ay halusinasyon lamang o guni-guni natin.

Kabilang sa mga nagtatanong dito ay si Jun Macamay, 49, Cainta, Rizal. “Tanong ko lang po kung naniniwala kayo sa middle earth, dwarves, spirits? That was 6 months ago when my children and me experienced to see the glass shattered to pieces sa lalagyan ng mga pinggan at first I was shocked but I regained my composure because I had that experienced in Mandaluyong exactly the same and I know that was also made by dwarves. I looked for somebody know how to mediate with middle earth creatures at nakakita naman ako at kinausap nya at sinabing wag kaming takutin at nangyari na naman. Ngayon ay kumuha ako ng mahusay na medium para makipag-usap sa kanila at first time naming natunghayan ang kanilang pagsagot sa aming mga katanungan sa pamamagitan ng pagsulat nila ng kanilang sagot sa pinggang puti at gamit ang kandila at sinabi nila na silay mnga dwarves na nakatira sa basement naming. Mahirap paniwalaan pero yan ang una nilang pakikipag-usap sa amin. Nang pangalawa ay sumanib siya sa medium at nag-usap kaming dalawa.”

RS: Sa dami ng mga patotoo tungkol sa duwende at iba pang nilalang sa elementong lupa ay mahirap natin sabihin na hindi sila totoo. Ang alam ko ang mga duwende ay mapagbiro, nagtatago ng mga gamit sa bahay, nangingiliti, humahagikgik at nais nila palagi ang makipaglaro lalu na sa mga bata. Ngayon kung ang sinasabi ninyo ay naninira ng gamit at sinabi niyong mga duwende ang may kagagawan nito, maaaring may nagawa kayong hindi mabuti para sa kanila. Ngunit kalimitan ang paninira ng gamit tulad ng pagkabasag ng mga salamin at biglang pagbagsak ng mga babasaging gamit ay kagagawan ng mga multong di matahimik. Gayunman, dahil sa sinasabi ninyong nakumpirma ninyong duwende ang may gawa nito maaaring dapat na lutasin ito sa lalung madaling panahon. Sa mga sumunod nating talastasan sa pamamagitan ng text ay dun ko nakita meron na pala kayong ugnayan sa mga nilalang na ito sa pamamagitan ng medium. Mag-ingat lamang sa pakikitungo sa mga nilalang ito dahil sa may mga pagkakataon na nalalagay sa alanganin ang buhay mo at ng iyong pamilya, ngunit sa aking pakiwari ay naging maayos naman ang ugnayan ninyo sa mga yan. May suhestyun lang po ako na hindi lamang mga duwende ang alam kong kasama ninyo sa bahay, bigyan din ng pansin ang mga ligaw na kaluluwa baka maaaring nangangailangan sila ng tulong ninyo kaya gusto nila magpapansin tulad ng pagbasak ng pinggan, baso at pagkalansing ng mga kutsara sa kusina. Pansinin naman natin sila, kausapin, tanungin kung ano ang gusto nila at ipanalangin natin.

Tanong ng isang nagpakilalang Leica, 17 ng Cabanban, Nueva Ecija. “Ask ko lang po sana kung ano yung reason kasi po sa tuwing may pang nagpapakita sa akin na mga paa kung hindi naaksidente merong namatay. Saka nung habang nagbabasa ako may tumawag sa akin, then tumayo ako, pagtayo ko napansin ko na yung anino ko nakaupo pa rin. Nung una di ko yun pinansin then nung bumalik ako nakita ko uli yung anino ko na nakaupo at sa dating posisyon pa rin. Kasi po nagbabasa ako nang time na yun. Tapos tinawag ako ng mother ko then nang tumayo ako hindi sumunod yung anino.”
RS: Yung nakikita mo ang mga paa, at sinabi mo nang mga multong paa ito sa aking follow up sayo thru text ay tanda ng iyong abilidad na makakita ng mga multo at iba pang ligaw na kaluluwa saan ka man magtungo. Makatutulong ng malaki ang panalangin at meditasyon ng puting liwanag para maiangat ang mga kaluluwang ito at makapunta sa lugar na angkop sa kanila sa kabilang buhay. Ngunit hindi mo mapipilit ang mga ito na umalis sa daigdig na ating ginagalawan lalu na ang mga namatay sa aksidente at trahedya. Kailangan pa nila ang sapat na panahon para makapag-adjust sa lugar na kanilang ginagalawan. Yung nakikita mong naiiwan ang anino mo. Sa aking pakiwari ay isang espiritu na tinatawag nating Black Shadow. May mga teorya na ang black shadow na ito ay masama, ngunit sa aking paniniwala naman ay tignan mong mabuti kung ano ang resulta ng kanyang panipestasyon, mabuti ba o masama? Marahil gusto rin nitong makipag-ugnayan sayo dahil alam nyang nakikita mo siya. Ang mga ito ay masasabi kong “conscious ghosts” dahil sa maaari mo itong makaugnayan, ngunit kung ilang beses mong tinangkang kausapin ngunit hindi sumasagot at animoy robot na nagpapakita tapos nawawala, ito ay maituturing na recording lamang sa lugar na maaaring merong nangyaring trahedya.

Cecilia Pagaddu ng Tumauini, Isabela. “Nung bata pa po ako madalas po ako nakakakita ng airplane na umiikot pero walang tao, white lady, tapos tao kalahati ang katawan, taong lobo yung pusa tapos nagiging malaking aso na ewan kung ano yun. Marami po ako nakikita noon ngunit ngayon ay bihira na lamang po. Tanong ko lang kung baki nakakakita ako ng ganito.”
RS: Yung sinasabi mong airplane na umiikot ay maaaring gusto mong iparating na ang nakita mo ay isang pabilog na sasakyang panghimpapawid o kalawakan. Ito ang kilala sa tawag na UFO, dahil sa hindi maaaring ihambing sa mga kasalukuyan nating sasakyang panghimpapawid. Yung white lady naman ay maaaring ligaw na kaluluwa ng isang namatay na babae o kundi man ay likha ng enerhiya sa paligid na ginagalawan nito na paulit ulit lang na nangyayari sa parehong oras. Ang taong lobo, pusa na nagiging aso ay sinabi mo nang totoo at hindi lamang mga panaginip o espirity lamang ito. Ngayon kung totoo, ito marahil ang sinasabi ng mamamayan lalu na sa mga lalawigan na mga “aswang.” Ngunit nais ko ring ipabatid na hanggang ngayon ay wala pang pisikal na ebidensiya na magpapatunay na totoo nga ba ang mga ito. Maaari namang ang tingin mo ay pisikal ang mga ito dahil sa angkin mong abilidad sa mata, ngunit sa totoo pala ay mga espiritu ang mga ito. May mga clairvoyant na ang tingin nya sa multo ay parang multo.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun: mag-text sa 09206316528, 09167931451. Mag-emil sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang http://misteryolohika.tripod.com. #

Friday, January 20, 2006

Astral Projection, Sanib, Panaginip at Bulong

Astral Projection, Sanib, Panaginip at Bulong
Rey T. Sibayan
January 2006


Dumarami na nga sa ating mga kababayan ngayon ang nagigising sa katotohanan na may mga nangyayaring kababalaghan sa kanilang buhay, bagaman karamihan ay ayaw pa ring lumantad.

Ngunit sa aking palagay, kapag naging bukas lamang ang ating kaisipan sa mga karanasang hindi basta maipaliwanag ng lohika ay maraming kababayan natin ang maghahayag ng kanilang kakaibang karanasan.

Tulad na lamang ng katanungan ng isang nagpakilalang Procopio: Gusto ko lang pong itanong kung totoong merong nakagagawa ng astral projection at totoo din ba ang mga sinasapian ng mga kaluluwa tulad ni Emily Rose?
RS: Ang aking kasagutan sa tanong ni Procopio ay ganito, hindi natin alam na karaniwan na nating nararanasan ang astral projection sa ating pagtulog. Ang buong akala natin ay panaginip lamang ang ating naranasan habang tayo ay tulog, yun pala ay astral projection o astral travel na. Merong apat na uri ng Astral Projection: involuntary and conscious projection- di inaasahang astral projection ngunit alam mo na nasa labas ka ng katawan; involuntary but unconscious projection – di inaasahang paglabas ng katawan na hindi mo namamalayan na akala mo ay panaginip lamang; voluntary and conscious projection – sinadya mong makalabas ng katawan at alam mong ikaw ay naglalakbay; at ang voluntary but unconscious astral projection – sinadya mong lumabas ng katawan nang sa bandang huli ay hindi mo na namamalayan na naglalakbay ka sa labas ng iyong katawan.
Maraming nangangamba na baka hindi ka na makabalik sa iyong katawang lupa sa astral projection. Ang paliwanag dito ng mga eksperto sa astral travel, wala kang dapat na ipangamba dahil sa bahagi lamang ng iyong kaluluwa ang lumalabas ng iyong katawan taglay ang iyong kamalayan. Ang mga kaso ng bangungot ay ibang usapin dahil sa ito ay sanhi ng matinding problema sa katawan ng isang tao – maaaring bumigay na lamang kusa ang kanyang puso lalu na kapag nakakita ng mga di inaasahang nilalang sa panaginip o sa labas ng kanyang katawan. Ang lagi kong payo sa mga nakakaranas ng astral projection, panatiling maging kalmado at isipin na ang Diyos ay laging sumasainyo. At hindi ka maaaaring mamatay hangga’t hindi mo pa oras na sumakabilang buhay.
Yung isang tanong tungkol sa mga sinasaniban, baka hindi niyo alam na hindi namamalayan na tayo ay laging sinasaniban sa bawat araw ngunit yan ay kagagawan din ng ating mga anghel at iba pang mabubuting espiritu. Hindi bat may pagkakataon na nagawa natin ang isang bagay na hindi namamalayan? O kaya ay nagawa natin yun sa unang pagkakataon na hindi naman natin madalas na ginagawa. Ngunit ang pinakamatinding sanib sa katawan ay ang mga espiritung maituturing nating negatibo o mas matindi ang mga itinuturing nating mga demonyo. Kaya nagiging bayolente o

marahas ang isang taong may sanib dahil sa pumapalag dito ang kaluluwa ng may katawan ibig sabihin ay lumalaban ito, ngunit malakas ang espiritung pumapasok. Kahit sinong tao ay maaaring saniban lalu na ang mga sensitibong tao o ang mga nakakakita o nakakaramdam ng mga hindi nakikita. Ngunit wag kayong mag-alala merong mga hakbang na maaaring gawin para mabigyan ng proteksiyon ang sarili. Ang subok nang paraan laban sa sanib ay ang pagdarasal ng taimtin at pananalig sa Diyos, meditasyon ng puting liwanag na binabalutan ang sarili at ang masasabi kong mahalaga ay kailangang wala kang negatibong emosyon o kalooban.
Ang negatibong emosyon tulad ng galit, hinanakit, pagka-inggit, pagkamuhi, at iba pa ay siyang nagiging susi para sa isang masamang espiritu na sumanib sa katawan ng isang tao. Kaya kailangang panatilihing malinis ang kalooban at punung-puno ng pag-ibig ang inyong puso at isipan.

Tanong ni Mila Paz Cabanig ng Cavite: Tanong ko lang po bakit sa panaginip ko ay minsan nagkakatotoo gaya ng minsan ay napanaginipan ko na isang pampasaherong bus nahulog sa bangin. After ng mga ilang linggo o buwan may nangyari na.
RS: Tulad ng iba, ang ganitong panaginip ay matatawag na predictive dream na nangangahulugan na ipinapakita sayo ang isang senaryo na mangyayari pa lamang sa hinaharap. Nasa iyo kung paano mo maipaparating sa kinauukulan ang nakita mo sa panaginip ngunit ang pinakamainam sa lahat ay ipanalangin mo na wag mangyari

Tanong ni Dan ng Bulacan: Ano po kaya minsan yung nangyari sa akin parang may bumubulong sa akin pero di ko maintindihan parang ibang lenguwahe po saka nangyari po ito 12:30 ng madaling araw pag dun lang po ako natutulog sa kuwarto ng lolo ko patay na po siya 18 years na po kahit po nagtakip na ako ng unan nadidinig ko pa po pero iba po yung salita. Minsan naman po di ko maigalaw ang aking katawan pero di ko po alam kung panaginip o gising ako
RS: Ang nararanasan mo ay karanasan din ng iba. Napakasensitibo mo sa bulong ng mga espiritu kung kayat pag-ingatan mo. Wala namang masama na pakinggan mo sila baka mayron silang gustong iparating o sabihin na mensahe. Kung hindi mo maintindihan, maaaring makiusap sa kanila na magsalita sila ng lengguaheng alam mo. Ang mga espiritu ay may kakayanan na magsalita ng kahit na anong lengguwahe. Marahil ang tinig na iyon ay ang yumao mong lolo ngunit makikilala mo naman ang boses kung siya nga yun. Yung hindi mo maigalaw ang iyong katawan na akala mo panaginip o gising ka. Sa totoo lang ay tulog ang buong katawang pisikal mo nun kaya di mo maigalaw. Ang bahagi ng iyong kaluluwa ay nakahiwalay na sa iyong katawan ngunit hindi ka pa naman patay nun….yun ang tinatawag na astral projection. Karaniwan na itong nangyayari kapag sobrang pagod ang katawan o di man kaya ay masyadong relax ang katawan at kaisipan.

Para sa inyong mga katanungan, suhestyun at iba pang nais niyong sabihin, mag-text sa 0916-7931451, 0920-6316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Tignan din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #


Wednesday, January 18, 2006

Roswell, Dejavu at Panaginip


Roswell, Déjà vu at Panaginip
Rey T. Sibayan
January 18, 2006


Kada labas ng aking artikulo ay marami sa ating mga kababayan ang nais na ibahagi ang kanilang kakaibang karanasan na hindi basta maipaliwanag maliban lamang kung ikaw ay nasa larangan ng paranormal.

Sa kabila ng may mga tao na nais akong patahimikin ng ilang grupo dahil salungat sila sa aking paniniwala at isinusulat sa aking kolumn, ay marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nagtatanong kung ano ba ang ibig sabihin ng kanilang mga karanasan.

Wala akong hangarin na baguhin ang paniniwala ng sinumang nakababasa ng aking sinusulat bagkus ay nais ko lamang na ihayag ang mga pangyayari na hindi basta maipaliwanag ng relihiyon o ng siyensiya.

Ang layunin ng aking kolum ay mabigyan ng kasagutan ang mga katanungan ng ating mga kababayan na merong ibat-ibang karanasan sa kanilang buhay. Mga karanasan na hindi nila basta masabi sa kapwa sa takot na sila ay pagtawanan lamang dahil hindi sila maintindihan. Sa abot ng aking kakayanan at kaalaman ay pinagsisikapan kong masagot ang inyong mga katanungan.

Tanong ng 09063426136: Magtatanong lang po ako tungkol sa mga alien at sa Roswell kung talagang nangyari ito sa New Mexico?

RS: Ang Roswell UFO Crash ay nangyari nung gabi ng Hulyo 2, 1947 nang bumagsak sa Rantso ng mga Foster malapit sa Corona, New Mexico ang isang flying saucer. May mga nakuhang pira-pirasong bahagi ng kakaibang sasakyan si William “Mac” Brazel at ang kanyang 7-taong gulang na batang kapitbahay na si Dee Proctor.
Noong Hulyo 6, 1947, ipinakita ni Brazel ang pira-pirasong bahagi ng sasakyan kay Chaves County Sheriff George Wilcox. Tinawagan naman ni Wilcox ang Roswell Army Air Field at kinausap si Intelligence Officer Major Jesse Marcel na agad namang nagtungo sa tanggapan ng sheriff at tinignan ang debris ng bumagsak na sasakyan.
Hulyo 8, 1947. Ipinag-utos ni Col. William “Butch” Blanchard, commanding officer ni Marcel, na maglabas ng press release si 2nd Lt. Walter Haut at ihayag sa publiko na merong natagpuang bumagsak na flying saucer ang US Army. Si Haut ay siyang public information officer ng 509th Bomb Group sa Roswell AAF. Agad na dinala ni Haut ang statement kay Frank Joyce ng radio station KGFL at mula noon ay umugong na ang balita tungkol sa bumagsak na flying saucer.
Kinahapunan, ay binawi ni General Roger Ramey sa isang press conference ang unang istorya tungkol sa bumagsak na flying saucer at sinabing ito ay hindi isang UFO kundi isang weather balloon. May ulat din noon na may mga nakuhang katawan ng kakaibang nilalang sa kinabagsakan ng flying saucer ngunit lahat ng ito ay pilit na pinagtakpan ng pamahalaang Amerika.

Tanong ni Sed ng Batangas: Ano po ibig sabihin ng panaginip pag nakita mo ang sarili mo na nagdadalang tao? Ano rin po ang puting kabayo
RS: Karaniwan ang isang panaginip ay mensahe ng iyong subconscious mind para malutas ang isang problema o isang sitwasyon sa buhay. Para sa isang dream interpreter, kailangan nya ang buong detalye ng iyong nakita sa panaginip para makuha ang buong kahulugan. Ang isang pagdadalangtao sa isang panaginip ay marahil isang bagong pag-asa o bagong buhay. Ang puting kabayo ay maituturing na isang simbolo ng paglalakbay ngunit tulad ng sinasabi ko hindi makukuha ang eksaktong kahulugan kung hindi buo ang detalye.

Tanong ni Mila Paz Demonteverde: Ask ko lang po kasi kaming magkakapatid na babae ay pare-pareho ang panaginip at madalas po naming napapanaginipan na yung bahay po naming na nun na up and down ay may butas na malaki sa gitna na ngayon po ay sementado na dahil na-renovate na po.
RS: Nais ipahiwatig ng inyong panaginip lalu na at pare-pareho kayong nakakita nito sa panaginip na isang babala ng hindi pagkakaunawaan sa inyong pamilya. Ang bahay ay simbolo ng isang tahanan na ang butas sa gitna nito ay marahil magkaroon ng away o problema sa relasyon sa isat-isa.

Tanong ng 09273331427: Kuya Rey bakit po yung nangyayaring iba sa akin ay nangyari na pero alam kong hindi ko pa naman ginagawa. Bigla na lang po itong pumapasok sa isip ko na nangyari na. Pakisagot lang po.
RS: Ang isang sitwasyon na akala mo ay nakita mo na noon ngunit ngayon mo lang naranasan ay ang tinatawag na “déjà vu”, isang katagang Pranses na ang ibig sabihin ay already seen o nakita na. Ang déjà vu o paramnesia ay katagang itinawag ni French psychic researcher Emile Boirac sa kanyang aklat na L’Avenir des sciences psychiques (The Future of Psychic Sciences).
Bagaman, sa hanay ng mga siyentista ang déjà vu ay isang problema sa kaisipan ng tao, ngunit sa hanay ng mga mananaliksik sa paranormal at naniniwala sa memorya ng ating kaluluwa at kakayanan ng isip na makita ang hinaharap ay maituturing itong normal na kundisyon.
Karaniwan na itong nangyayari ngayon sa tao dahil marami na ngayon ang nagiging sensitibo sa mga nangyayari o mangyayari pa lamang. Ang isang sitwasyon na ipinakita na sa iyo bagupaman mangyari ay isang dapat ninyong bigyan ng halaga para sa inyong sariling kapakinabangan.

Ilan lamang po yan sa mga katanungan sa inyong lingkod na sa abot ng aking kakayanan ay sinagot ko sa kolum na ito. Para sa mga nais magtanong sa anumang kababalaghan o may suhestyun po kayo, paki-lagay lang po ang inyong pangalan at kung taga-saan kayo. Mag-text lang po sa 0916-7931451; 0920-6316528. Mag-e-mail sa misteryolohika@gmail.com. Tignan din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #

Thursday, January 12, 2006

Multo, Anino, Duwende at Iba pa

Sa artikulo ko ngayon, nais kong sagutin ang mga katanungan ng mga kababayan nating merong ibat-ibang karanasang paranormal. Paumanhin sa mga kababayan natin dahil wala akong naging artikulo ng mga nakalipas na linggo at hindi ko agad nasagot ang inyong mga katanungan bunsod ng masyadong abala nitong kapaskuhan.

Tanong ng cp # 09265592288 – Ako po ay nakakakita ng multo kada unang biyernes ng buwan at minsan naman po ay duwende sa bato sa likod ng bahay namin. Bakit po nagpapakita sa akin ito? Imaginary case lang ba ito?

RS: Normal lamang sa atin kung may mga pagkakataon na nakakakita tayo ng multo at duwende dahil sa tulad ng mga nauna ko nang sinabi lahat tayo ay merong third eye o kakayanan na makakita ng mga espiritu sa ating paligid. Kung bakit sa tuwing unang biyernes ng buwan ka lang nakakakita ng multo, maaaring sa araw na iyon ay yun ang pagkakataon na nakabukas ang iyong third eye. Hindi imaginary case lang yan kundi nangyayari talaga iyan.

Tanong ng cp #09105010732 – Ano po ibig sabihin nito nagpapakita siya sa hipag ko, anino po siya. Tapos binangungot ako kasi napanaginipan ko rin yung anino na pinagsasaksak po niya ako.

RS: Ang nakikita mong anino at ng hipag mo ay maaaring iisa lamang at ito ay isang negatibong espiritu na pumapasok sa inyong panaginip at doon kayo ginagambala. Karaniwan sa pagtulog natin nagkakaroon ng pagkakataon ang mga multo na makipag-ugnayan sa atin. Kung masyadong negatibo ang isang entity ay maaaring magresulta sa bangungot ang pagtulog. Ipinapayo ko na magdasal muna bago matulog at kung sakaling mapanaginipan muli ang isang negatibong espiritu ay wag matakot, harapin siya sa panaginip. Iyan ay isang takot na dapat na harapin nang mahinahon at wag mag-panic.

Tanong ng cp# 09158799671 – Pwede po bang ipaliwanag po ang mga kailangan gawin para magkaroon ng third eye? At hindi na gagamitan ng kung anu ano basta sa sariling paraan. Keep up the good work mr Sibayan.

RS: Tulad ng sinabi ko lahat tayo ay merong sixth sense o third eye na tinatawag. Ngunit ang pagbukas nito ay depende na rin sa taong nagtataglay nito. Karaniwan ang isang sanggol hanggang sa taon ng kanyang pagkabata ay bukas ang kanyang third eye at nagsasara na lang ito ng kusa pag-nagkaisip na o sa kanyang pagtanda. May mga taong mula pagkabata hanggang sa pagtanda nito ay nanatiling nakabukas ang kanyang ikatlong mata. May iba naman na pansamantalang nabubuksan ang kanilang third eye sa mga pagkakataong mataas ang lagnat o matindi ang sakit, at may mga kaso naman ang kanilang pagkakasakit ay siyang dahilan ng pagbukas ng kanilang ikatlong mata, at hindi na ito naisarang muli. May mga pamamaraan din kung paano mabubuksan ang inyong third eye tulad ng meditasyon, at patuloy na imahinasyon o pangangarap dahil sa ang third eye ay nagiging aktibo lamang batay sa paggamit ng inyong isip. May mga pananaliksik na ginawa na ang ganitong abilidad na makakita ng daigdig ng mga espiritu ay ang patuloy na paggamit ng kanang bahagi ng utak o right brain – ang bahagi ng utak na kilalang “imaginary brain”. Kailangang sumailalim sa tinatawag na Mind Development Seminar para magising o maging aktibo ang inyong right brain.

Tanong ni Danilo Sy ng Greenheights Village, Sucat Paranaque – Minsan kapag nasa ibang lugar ako ay parang narating ko na noon at ang mga kilos o galaw ko ay parang nakita ko na rin. Ano po ba iyon?

RS: Ang ganitong karanasan ay karaniwang tinatawag na “déjà vu”, isang katagang Pranses na ang kahulugan ay “nakita mo na” o ang pagiging pamilyar sa isang sitwasyon o lugar, kahit na noon mo lang yun nakita sa tanang buhay mo. Ibat-iba ang dahilan ng déjà vu – maaaring ito ay sanhi ng sanhi ng iyong natatandaan sa nakalipas mong buhay o past life kung ikaw ay naniniwala sa reincarnation o maaaring ang isang sitwasyon o lugar ay nakita mo na sa iyong isip ilang buwan, linggo o araw bago ito maaaring maganap. Ito ay isa pang kakayanan ng ating isipan na makita ang future o hinaharap. Maaaring ang sitwasyon o lugar na iyon ay sadyang ipinakita sayo ng mas maaga dahil mahalaga ang mensahe na dapat mong malaman sa oras na iyon.

Kung meron po kayong mga katanungan sa pamamagitan po ng text, mangyari lamang po na ilagay mo ang iyong pangalan at kung saan po kayo para manatiling sikreto ang inyong numero. Mag-text sa 09167931451 (Globe) at 09206316528 (Smart). Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #









Sunday, January 01, 2006

Mga Prediksiyon sa 2007

Sa totoo lang ayaw kong pangunahan ang kapalaran ng tao sa hinaharap dahil sa aking sariling paniniwala na hayaan natin na dumaloy ang panahon sa ating buhay sa mga sumusunod na minuto, oras, araw, buwan at mga taon.

Ngunit may mga pagkakataon na mahalagang malaman natin kung ano nga ba ang mga posibilidad na mangyari sa ating buhay sa pangkalahatan sa planetang ito, dahil sa paniniwala rin ng karamihan na nang likhain ng Poong Maykapal ang buong kalawakan ay meron nang nakatakdang kapalaran ang bawat nilikha nito sa bawat lugar, bawat dimensiyon at bawat panahon.

Bagaman masasabi nating ang kapalaran ng bawat nilikha ay nakatakda na, binibigyan naman tayo ng Poong Lumikha ng pagkakataon na baguhin ang anumang kapalaran na ayaw nating mangyari sa pamamagitan ng free will o kalayaan nating mag-desisyon, mag-isip at umaksiyon.

Ang taong 2007 batay sa kalendaryong sinusunod ng mga Intsik ay ang taon ng baboy. Ang baboy ay kapwa merong positibo at negatibong katangian. Sa aking personal na pananaw ang negatibong katangian ng baboy ay mismong nasa pangalan nito. Hindi ba’t karaniwan nating ginagamit ang mga katagang “pambababoy”, “binababoy” na ang kahulugan ay panyuyurak sa dangal at pagsira sa buhay ng kapwa, magulo ang buhay, at wala sa tamang diskarte ang bawat aksiyon. Ngunit ang ganitong masamang katangian na nakikita sa baboy ay kayang takpan ng magagandang ugali nito dahil sa alam naman ng karamihan na kapag may baboy ka sa iyong bakuran ay magandang kinabukasan ang maibibigay nito…ngunit kailangan lamang na bigyan ng tamang giya para magkaroon ng magandang resulta.

Ang 2007 tulad ng mga taong 1887 at 1947 ay tinatawag na “fire boar” sa Chinese sign. Ang Fire Pig o Boar ay masasabing malakas at matindi ang taglay nitong emosyon na suungin ang anumang pagsubok sa buhay dahil sa matinding determinasyon, kung kaya’t ang taong 2007 ay masasabing magandang pagkakataon na mag-negosyo. Ang sinuman ay merong pagkakataon na piliin kung anong kabuhayan ang angkop sa kanyang panlasa at umaasa siyang magiging siksik, liglig at umaapaw ang biyaya. Ngunitk kailangan lamang na maging malakas ang loob sa anumang desisyon dahil sa ang katiting na pagdududa sa papasuking oportunidad na maaaring mauwi sa kawalan sa halip na umusbong ng maganda at lumago ang kabuhayan.

Pinag-iingat din ang mga tao sa taon ng mga baboy dahil sa madali itong kapitan ng sakit kapag naging pabaya sa kanyang katawan lalu na at kapag subsob tayo palagi sa trabaho. Dahil sa matinding determinasyon sa kanyang buhay, ang tao sa taon ng Baboy ay iniisip lamang ang pagkayod ng kayod at handang tumulong sa kapwa ngunit nakakalimutan na ang kanyang sariling kaligtasan sa kalusugan. Hindi ba’t ngayon pa lamang ay marami na ang nagkakasakit dahil sa sipon, ubo, lagnat at trangkaso na sa akala natin ay bunsod ng matinding pagbabago sa ating panahon, ngunit kung susuriin nating mabuti at titignan natin ang katangian ng isang baboy, hindi ba’t sensitibo ito sa sakit lalu na at hindi kaya ng kanyang katawan ang takbo ng panahon? Ngunit, may iilan na nakasasabay sa mga pagbabago ng klima at mutasyon ng mga bakterya at virus at sila ang makatatagal sa pag-atake ng mga sakit.

Dapat na mag-ingat ang tao sa apoy at tubig sa taong 2007, lalu na ngayon paalis pa lamang ang taong 2006 na Year of the Fire Dog ay nagkasunud-sunod na ang mga insidente ng sunog samantalang may mga prediksiyon na magkakaroon ng mga pagbaha sa darating na taon. Samantala, dapat ding mag-ingat sa mga taong akala mo ay kaibigan mo ngunit yun pala ay lolokohin ka lalu na kapag pera ang nakataya. Laging tignan kung hanggang saan ang pakikitungo sa kapwa at iwasang lumagpas sa anumang limitasyon sa lahat ng aspeto tulad ng negosyo, relasyon, trabaho, pag-aaral at iba pa.

Kung kayo ay ipinanganak sa taong ng Baboy, narito ang mga pagtaya ng inyong relasyon sa ibang tao na ipinanganak sa ibang Simbolo. Pag ang kabiyak ay ipinanganak sa Taon ng Daga o Rat – masaya at mapayapang samahan; Pag Ox ang kabiyak – walang matinding alitan; Tiger – may napagkakasunduang bagay at maaaring magtulungan; Rabbit – may kooperasyon sa bawat isa; Dragon – madaling maayos ang anumang sigalot; Snake – hindi tugma dahil laging may away; Horse – may napagkakasunduan sa ilang bagay; Sheep – tugma sa relasyon dahil laging nagkakaunawaan; Monkey – walang masyadong problema; Rooster – paborableng relasyon sa pag-ibig at negosyo; Dog – respeto sa bawat isa; Pig – hindi maiwasang may banggaan sa bawat isa sa mga desisyon ngunit maalab ang pagmamahalan.

Minabuti ko ring kunin ang prediksiyon ng ilang psychic sa nakikita nilang kapalaran ng bansa sa darating na taon.

Sa prediksiyon nina Psychic Counsellors Daisy at Chito Mercader magiging maganda ang kalagayang negosyo at ekonomiya ng bansa; sa pulitika ay tiyak na magiging masaya at magulo; at ipinapayo nila na kailangan lamang na tignang mabuti ang nakalipas na taon para sa anumang aksiyon sa darating na taon, ngunit kailangang maging matalino ang tao sa anumang desisyon nito at wag maging padalus-dalos. May nakikita rin silang kalamidad ngunit may mga pagbabago at maaaring hindi na magiging matindi ang epekto.

Sa prediksiyon naman ni Psychic Anthony Vivero, ay meron siyang mga pananaw ng kalamidad, kaguluhan at karahasan. Enero – lindol sa Luzon sa ikalawa at ikatlong lingo na may lakas na magnitude 7 at marami ang mamamatay tulad ng nangyari noon sa Baguio City; Pebrero – gulo sa hanay ng military sa ikatlong linggo kaakibat ang tangkang Kudeta ngunit mapipigil, asasinasyon o pagpatay sa taga-oposisyon; Marso – pagkilos ng mga relihiyong grupo sa pangunguna ng simbahan ngunit hindi mauuwi sa people power; Mayo – madugong eleksiyon at makakaungos ang oposisyon; Hulyo, Agosto, Oktubre at Nobyembre – sunud-sunod na bagyo, pagbaha, landslide sa Quezon, Bikol, Kabisayaan at Mindanaw; Setyembre – magandang pagkakataon sa negosyo; Disyembre – rekonsilasyon sa mga pulitiko. Magiging matamlay ang pelikulang Pilipino sa susunod na taon.

Ilan lamang po yan sa mga prediksiyon para sa susunod na taong 2007. Nais ko lamang ipaalala sa lahat na ang anumang nakita ng mga sensitibong tao, bisyunaryo o psychic ngayon ay totoong yan ang nakita at naramdaman nila at hindi panghuhula o guessing lamang ngunit maaari nating baguhin ang mga masasamang prediksiyon sa pamamagitan ng kalayaan natin sa pag-iisip o free will. Isaisip po nating palagi na ang free will ay ang natatanging regalo sa atin ng Poong Maykapal para hubugin natin sa mas maganda ang ating kapalaran sa daigdig na ito. Para sa karagdagang detalye ng mga prediksiyon ay makinig mamayang hapon sa aking programang Misteryo 5:30-6 ng gabi sa DZRH.

Para sa inyong mga suhestyun at katanungan, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #