Friday, December 16, 2005

Araw ng Pasko, Kailan Nga Ba Nagsimula?

Araw ng Pasko, Kailan Nga ba Nagsimula?
Rey T. Sibayan
December 16, 2005


Namulat na tayo sa paniniwalang ang Disyembre 25 ay siyang araw ng kapanganakan ng Panginoong Hesukristo, ngunit marami ang nagsasabi na hindi daw ito at hindi talaga matiyak kung ano ang totoong araw kung kailan bumaba sa daigdig o isinilang bilang isang tao ang itinuring na tagapagligtas ng sanlibutan.

Sa kasaysayan ng tao, ang Christmas o Pasko ay itinuturing na napakatagal nang ipinagdiriwang, mas nauna pa ng ilang siglo bago ipinanganak ang kinilalang tagapagligtas o mesias na si Hesu Kristo.

Sinasabing ang pagdiriwang ng itinuturing ngayong 12 Araw ng Kapaskuhan, bigayan ng mga regalo, mga parada, mga nagka-caroling, kapiyestahan at prusisyon ay nagsimula pa noong unang mga tao sa Mesopotamia.

Ang ganitong mga tradisyon ay nagsimula sa pagdiriwang ng mga taga-Mesopotamia sa itinuturing nilang bagong taon. Ang mamamayan ng Mesopotamia noon ay naniniwala sa maraming diyos at ang kanilang itinuturing na pinaka-diyos ay pinangalanan nilang si Marduk. Ang pagdiriwang ay ginagawa tuwing papasok ang taglamig, at sa kanilang paniniwala, si Marduk ay siyang mangunguna para sa pakikipaglaban sa mga halimaw ng karahasan at kaguluhan.

Para matulungan si Marduk sa kanyang pakikipaglaban idinadaos ng mga taga-Mesopotamia ang kanilang kapiyestahan para sa pagpasok ng bagong taon. Ang kapiyestahan na ito ay tinawag nila sa pangalang Zagmuk, ang pagdiriwang na ito ay tumatagal ng 12 araw.

Batay sa kanilang tradisyon, ang Hari ng Mesopotamia ay kailangang mangako ng kanyang buong pusong pananampalataya sa diyos nilang si Marduk, at dapat siyang mamatay kasabay ng katapusan ng bawat taon.

Ngunit, para mailigtas sa tiyak na kamatayan ang kanilang tunay na hari, isang kriminal ang aaktong hari o “mock king”, sinusuutan ng damit bilang hari, binibigyan ng angkop na respeto at mga pribilehiyo ng tunay na isang hari at sa pagwawakas ng pagdiriwang ay hinuhubaran at pinapatay.

Ang mga taga-Persiya at Babylonia ay meron ding katulad na pagdiriwang ng kapaskuhan na tinagurian nilang Sacaea. Bahagi ng pagdiriwang na ito ang pagpapalit ng tungkuling ginagampanan tulad ng ang mga alipin ay siyang magiging amo samantalang ang mga amo ay kailangang maging alipin.

Noong mga unang panahon sa Europa sa ganitong panahon na magwawakas ang taon kung saan mas mahaba ang gabi at maigsi ang araw, ilang espesyal na ritwal ang kanilang ginagawa para matiyak lamang na hindi mawawala ang pagsikat ng araw sa pangambang maghari sa sanlibutan ang mga masasamang espiritu, mga halimaw at mga kaluluwa.

Sa Scandinavia, nawawala sa paningin ng mamamayan doon ang sikat ng araw sa panahon ng tag-lamig. Pagkalipas ng 35 araw, may mga taong ipapadala sa ituktok ng mga bundok para hintayin ang pagsikat ng araw, at kapag nakita na ang kauna-unahang liwanag saka sila bababa at ibabalita sa mamamayan ang kanilang nasaksihan kasunod ng pagdaraos ng kapiyestahan na tinaguriang Yuletide.

Sa paniniwala ng mamamayan ng Greece noong unang panahon, ay katulad din ng pagdiriwang ng mga taga-Sacaea ang kanilang kapiyestahan para tulungan ang kanilang diyos na si Kronos para magtagumpay sa pakikipag-laban kay Zeus at sa mga Titan.
Sa mga Romano, ipinagdiriwang nila ang kapiyestahan ng kanilang diyos na si Saturn na tinawag na Saturnalia na nagsisimula sa kalagitnaan ng Disyembre at magwawakas sa unang araw ng Enero. Bukod sa mga pagdiriwang sa mga lansangan, pagbisita sa mga kaibigan at bigayan ng mga regalo na tinawag nilang Strenae, ginagawa rin nila ang palitan ng mga puwesto ng mga amo at ng kanilang mga alipin.

Sa pagpasok ng Kristiyanismo sa Sanlibutan, sinadya umanong baguhin ng simbahan ang pagdiriwang ng mga pagano at ituon na lamang ang kapiyestahan sa kapanganakan ni Hesus Kristo na itinuturing na siyang Bugtong na Anak ng Diyos.

Dito na idineklara ang December 25 na itinuturing ng mga Romano na sagrado, at ganito rin ang pagkilala ng mga taga-Persia na ang relihiyon ay Mithraism, isa sa mga pangunahing karibal ng Kristiyanismo sa mga panahong iyon.

Ngunit kung ang December 25 nga ba ang tunay na petsa nang isilang si Hesukristo sa Betlehem, hindi pa rin ito matiyak ng mga eksperto sa kasaysayan, ngunit ang malinaw ito ay sinimulan nang ipagdiwang noong taong 98 AD.

Noong taong 137 AD, ipinag-utos ng Bishop ng Roma na ipagdiwang sa araw ng kapanganakan ni Hesukristo ang mga kapiyestahan sa pamamagitan ng taus pusong pagdarasal at mga misa.

Noong taong 350 AD, isa pang Obispo ng roma si Julius I ay siyang pumili sa December 25 na siyang pagdiriwang ng kapaskuhan.

Para sa inyong mga katanungan, suhestyun, o kung meron kayong karanasan ng kababalaghan, mangyaring mag-text sa 0920-6316528/ 0917-7931451, o mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Kung meron kayong internet, tignan ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Wednesday, December 14, 2005

Kulam, Hula, at Kaluluwa ng Patay

Kulam, Hula, at Kaluluwa ng Patay
Rey T. Sibayan
December 14, 2005

Nais kong sagutin sa artikulo kong ito ang mga tanong sa akin ng mga kababayan nating tumatangkilik sa ating abang kolum tungkol sa kababalaghan at iba pang dapat na malaman tungkol sa paranormal.

Tanong ni Evangeline Ariola ng Quezon City. Nabasa ko po ang kolum niyo Mr. Sibayan. Magtanong lang ho ako kung naniniwala ba kayo sa kulam kasi may mga pinuntahan na ako mga manggagamot. Totoo ho kaya ang kulam? Kinulam daw ako pero bakit di ako makatapat ng manggagamot pabalik balik ang nararamdaman ko.

Sagot: Sa aking kaalaman, ang kulam ay nagkakaroon ng epekto sa mga taong merong mahinang enerhiya sa katawan. Hindi naman nangangahulugan na ang taong tinamaan nito ay mahina ang kanyang pananampalataya sa Diyos. May mga pagkakataon kasi na ang enerhiyang bumabalot sa ating katawan ay napakanipis. Ito ang mga pagkakataon na maaaring samantalahin ng sinuman o maaari din namang di sinasadya na nagbigay sayo ng negatibong enerhiya na maaaring magresulta sa karamdaman.

Ngunit bago ka humantong sa paniniwalang ikaw ay nakulam ay mangyaring komunsulta ka muna sa duktor dahil karaniwan sa isang tao kapag naniniwala tungkol sa kulam maging ang sakit na kumapit sa normal na proseso ay itinuturing nating resulta ng pangkukulam.

Ang kulam ay maaaring magresulta ng sakit sa isang tao depende sa kakayanan ng pag-iisip ng gumawa nito. Karaniwan ang kulam at sumpa ay halos hindi magkaiba dahil sa ito ay ginagawa ng isang tao na merong malakas na galit o hinanakit sa dibdib.

Kaya nga palagi kong sinasabi sa sinuman, marunong man o hindi sa pangkukulam na wag kang magsasalita ng masama sa kapwa lalu na kapag may kahalong masamang loob dahil sa may mga pagkakataon na nagkakatotoo kung ano ang gusto mong mangyari sa isang taong kagalit mo.

Ang taimtim na pagdarasal nang walang pag-aalinlangan ay maituturing na mabisang panlaban sa kulam o sumpa. Ang meditasyon tulad ng white light meditation ay subok ko nang mabisang panlaban dyan dahil sa ang liwanag na magmumula sa kalangitan ay merong healing energy o enerhiyang nakagagamot, at nagsisilbi din itong proteksiyon.

Mangyari lamang na mag-relaks sa pamamagitan ng malalim at dahan-dahang paghinga at isaisip na merong napakaputing liwanag sa itaas mula sa kalangitan na babagsak at tatama sa inyong bumbunan pababa at dadaloy sa buo ninyong katawan para maalis ang negatibong enerhiya na maaaring kumapit sa inyong katawan.

Hindi ako pabor sa uri ng panggagamot ng ilan dyan na maging ang kanilang ginagamot ay sinasaktan o pinahihirapan para lamang komprontahin kung sino ang taong gumawa ng masama sa kapwa. Maaari namang kausapin kung sino ang gumawa at alamin kung ano problema at lutasin yun sa mas mapayapang paraan.

May nagtanong din sa akin kung naniniwala ako sa hula o fortune telling? Ang aking sagot kahit sino sa atin ay may kakayanan na makita ang maaaring mangyari sa hinaharap ngunit depende ito sa taong makakakita. Ayaw kong tawagin itong manghuhula dahil sa ang nakita ng isang taong sensitibo ay hindi isang panghuhula kundi ay posibleng mangyari sa hinaharap. Mas nanaisin ko pang tawagin ito na “pagbabasa” o psychic reading. Ang Psychic reading ay hindi dapat na nakatuon sa maaaring mangyari sa buhay ng isang tao, kundi dapat may kaakibat itong payo sa tao kung ano ang dapat nyang gawin. Bagaman, ang mga psychic ay kayang basahin ang isang tao sa pamamagitan ng tingin sa mukha, paghawak sa kamay, gumagamit pa rin ang mga ito ng mga bagay tulad ng tarot cards, bolang kristal, astrology, numerology at iba pa para mas tumpak at detalyado ang kanilang pagbabasa.

Isang tanong naman ang ipinadala sa akin ng taga-Ilocos Region tungkol sa isang mensahe sa text na humihiling sa kanya na dalawin naman siya sa kanyang bahay. Ngunit sa bandang huli, ang taong nagpadala ng mensahe sa text ay dalawang araw na palang naka-burol sa kanilang bahay.

Nangyayari na ito ngayon sa mga panahong ito, at ito ay napatunayan ko mismo nang mamatay sa isang aksidente ang aking bayaw. Nagawa pang makapag-text sa katulong ang aking bayaw ilang oras na ang lumipas bago nalaman na ito ay patay na.

Mahirap man paniwalaan ngunit merong kakayanan ang mga kaluluwa o multo na gamitina ang mga modernong kagamitan ngayon tulad ng cellphone para iparating sa kanilang mga mahal sa buhay o mga kaibigan kung ano ang mensahe na dapat nilang sabihin.

Kung noon ay karaniwang nakikipag-ugnayan ang mga multo sa pamamagitan ng panaginip, ngayon ay maituturing na rin silang high tech dahil sa maaari na silang maghayag ng mensahe sa cellphone, at may mga pagkakataon na sila ay naririnig sa radyo at nakikita sa patay na telebisyon.

Ilan lamang po yan sa mga katanungan sa inyong lingkod na sa abot kaya ng aking kaalaman ay aking sinagot. Bukas naman po ako sa inyong mga suhestyun o katanungan, mangyaring mag-text sa 09206316528/09167931451. mag-email sa misteryolohika@gmail.com, at maaari din po ninyong tignan ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #





Wednesday, December 07, 2005

Sibilisasyon ng mga ET sa Daigdig…Nakita



Sibilisasyon ng mga ET sa Daigdig…Nakita
Rey T. Sibayan
December 7, 2005


Sa pamamagitan ng Remote Viewing o kakayanan ng isang tao na magamit ang kanyang isip na makita ang anumang lugar kahit wala siya dun, ay nakumpirma ang pananatili na sa planetang ito ng mga tinaguriang Ekstra-Terestriyal (ET).

Sa katunayan ang ganitong mga aktibidades na tuklasin ang mga sibilisasyon ng ET sa ating planeta ay nakakuha ng atensiyon sa mga mambabatas at iba pang opisyal ng bansang Canada.

Kailan nga ba, saan at sino ang nagsimula ng remote viewing (RV)? Sa kasaysayan nito, unang nalimbag ang tungkol dito sa isang artikulo ng psychic warfare noong taong 1916 sa French Review Annales des Sciences Psychiques sa ilalim ng pangangasiwa noon ni Nobel Prize Winner Pr Charles Richet.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga katagang “vision a distance” o remote viewing ay ginamit para lamang maisalarawan ang kakayanan ng isang tao na makita ang mga nakatagong lugar o pasilidades ng military sa pagitan ng magkakalabang bansa noon.

Bagaman, hindi na masyadong nabigyan ng pansin ang RV ng mga sumunod ng taon, ay muling nabuhay ang pananaliksik tungkol dito noong mga unang bahagi ng dekada 70 nang ito ay isakatuparan ni physicist Hal Puthoff noong 1972 nang pagkalooban siya ng halagang 50-libong dolyar ng US government para ipagpatuloy ang kanyang pananaliksik at magsanay ng mga ito.

Kabilang sa mga sinanay nito para maging sensitibo ay si New York Psychic Ingo Swan. Ngunit hindi ito masyado nagtagal nang itatag ni Lt. F. Holmes “Skip” Atwater ang US Army Remote Viewing Star Gate program noong 1978, at kinuha nito ang mga impormasyong sinimulan nina Puthoff at Swann.

Natuklasan ni Atwater ang mga dokumentong iniingatan ni Puthoff, dalawa sa mga ito ay tungkol sa pananaliksik ng Soviet Union o Russia sa tinatawag na psychic spying, samantalang ang pangatlo naman ay sinulat mismo nina Targ at Puthoff na nagsaad ng resulta ng kanilang pananaliksik sa remote viewing sa SRI International sa Menlo Park.

Kung noon ay unang ginamit ang remote viewing para sa pang-eespiya, ngayon ay hindi akalain ni Atwater na ginamit din ito para malaman kung saan sa planetang ito nakatira ang mga ET o mga tinaguriang UFO base.


Ito ay batay sa ginawang remote viewing ng isa pang psychic spy na si Pat Price na nakatuklas sa apat na mga lugar sa buong planeta na kung saan nagmumula ang mga UFO tulad ng mga flying saucer.

Nang ipasa ni Puthoff ang mga dokumento kung saan nakasaad ang mga natuklasan ni Price sa mga underground ET base, ay mas maraming impormasyon ang natuklasan dito ni Atwater.

Una sa tinukoy ni Price sa kanyang ginawang remote viewing ay ang Mount Perdido sa Pyrnees Mountains sa pagitan ng bansang Pransiya at Spain, kung saan makikita sa mga kuweba sa naturang bundok ang mga hugis ng mga sinaunang mga astronaut at kanilang lumilipad na kakaibang bagay at marami ring UFO sighting sa lugar na ito.

Ang pangalawang lokasyon ay ang Mt. Inyangani, ang pinakamataas na bundok sa bansang Zimbabwe na dating Rhodesia, Africa. Ang lugar na ito ay itinuring ni Price na siyang maintenance at tech center ng mga ET.

Ang pangatlong lokasyon ay ang Mount Hayes, Alaska, na isinalarawan ni Price bilang weather at geological center ng mga ekstra-terestriyal. Itinuturing din na ang lugar na ito ang dahilan kung bakit napurnada ng ilang beses ang space projects ng us at soviet Russia.

Ang pang-apat na lokasyon ay ang Mt. Ziel, Australia na itinuring ni Price na personnel center ng mga ET. Dito matatagpuan ang maraming tauhang ET.

Dito sa Pilipinas, may mga lugar dito ang maituturing din na pugad ng mga ET kung saan lumalabas ang mga UFO.

Kabilang na dito ang bundok-Banahaw at iba pang lugar na karaniwan nang may UFO sighting. Bagaman hindi pa pormal na isinailalim sa remote viewing ng mga psychic natin, malakas ang kutob nila na nakatira na sa planetang ito ang mga ET.

Gayunman, para ito makumpirma ay kailangang puntahan ng personal ang mga lugar na ito, ngunit maaari din itong makita sa pamamagitan ng Remote Viewing na maaari ding gawin ng ating mga psychic.

Sa mga nakalipas na ugnayan ng ating mga psychic sa mga ET, ay isiniwalat ng mga ito na narito na nga sila sa planetang ito at tumutulong sa tao na mapangalaan ang ating buhay lalu na ang ating planeta.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528/ 09167931451, at maaari ding mag-mail sa aking email- address: misteryolohika@gmail, com. Visit also my site about the paranormal: http://misteryolohika. Tripod. Com.



Monday, December 05, 2005

Santa Klaus, Totoo Ba?

Santa Klaus, Totoo Ba?
Rey T. Sibayan
December 5, 2005

Pasko na naman! Usung-uso ngayon ang bigayan ng mga regalo kahit sa anong paraan para mabigyan ng kasiyahan ang mga mahal sa buhay, kaibigan at iba pang kapwa natin lalu na ang mga nangangailangan.

Ang ganitong diwa ng kapaskuhan ay ini-aalay sa kapanganakan ng Panginoong Hesukristo at ang pagbibigay ng anumang regalo sa kapwa ay simbolo ng pagpapakumpababa o kababaang loob kahit na anupaman ang antas ng iyong pamumuhay.

Sa panahon ng kapaskuhan ay isa rin sa tampok at nabibigyan ng pansin si Santa Klaus, na siyang palaging hinahanap ng mga bata dahil sa kahilingan nilang regalo na ipagkakaloob sa kanila.

Sino nga ba si Santa Klaus? Totoo bang siya ay nabuhay sa mundong ito noong unang mga panahon? At totoo rin ba ang paniniwalang siya ay nakasakay sa isang karwahe na hinahatak ng mga reindeer at lumilipad sa himpapawid para maghatid ng regalo sa bawat bahay?

Nais kong ilahad sa inyo ang dalawang paniniwala tungkol kay Santa Klaus – una ay ang paniniwalang pang-relihiyon at ang pangalawa ay ang paniniwala ng mga history expert sa buong daigdig.

Sa paniniwalang pang-relihiyon lalu na sa Simbahang Katoliko Romano at konserbatibong Protestante, si Santa Klaus ay walang iba kundi ang santong si Sazn Nikolas o Saint Nicholas ng Bari na umanoy nabuhay sa Asia Minor at namatay noong 345 o 352 A.D. o Anno Domini sa Latin o “Year of the Lord” sa Ingles – ang taon ng kapanganakan o “birth year” ni Hesu Kristo.

May espekulasyon ang Catholic Information Network na si San Nikolas ay maaaring ipinanganak sa Patara, sa probinsiya ng Myra ng Asia Minor. Ito ay base sa paniniwalang siya ay naging Obispo ng Myra sa Lycia na ngayon ay ang bansang Turkey.

Sinasabi din na si San Nikolas ay dumalo sa Unang Konseho ng Nicea bagaman hindi naisulat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga Obispo. Idineklara siyang Santong Patron ng mga bansang Austria, Belgium, Germany, Greece, Italy, Netherlands, Russia, Sicily at Switzerland. Itinuturing din siyang Santo ng mga Bata at mga Naglalayag sa Karagatan.

Sa paniniwala naman ng iba pang grupong relihiyon at mga eksperto sa kasaysayang pang-relihiyon sa buong mundo, walang balidong ebidensiya na magpapatunay na naging tao nga si San Nikolas o kilala bilang Santa Klaus.

Sa halip ayon sa mga historian, na ang buhay ni San Nikolas ay maituturing na halaw sa paniniwalang Pagano sa mga itinuturing nilang diyos, tulad ng mga paniniwala ng mga Griyego sa kanilang diyos na si Poseidon – ang Roman God Neptune at ang Teutonic God Hold Nickar, na sa paniniwala ng mga mamamayang Ruso ay siya umanong magiging tagapagmana ng Mikoula – ang diyos ng Anihan na umanoy siyang papalit sa Diyos na Lumikha kapag naging matanda na.

Nang likhain ng simbahan ang persona ni San Nikolas, ginamit nila ang titulo ni Poseidon sa tawag ditong “the Sailor”. At pinaniniwalaang kinuha ang pangalan nito sa diyos na si Nickar. Karamihan sa mga templo ni Poseidon ay naging mga templo din ni San Nikolas.

Natuklasan din ng mga mananaliksik, na ang katangian ni San Nikolas ay halaw din sa naging ugali ng itinuturing na na “grandmother o befana” ng Italya nang naging kilala siya sa paglalagay ng mga regalo sa stockings o medyas ng mga bata, at ang kanyang kapilya ay sa Bari ay inialay din kay San Nikolas.

Noong ika-11 Siglo, batay sa turo ng Simbahang Katoliko na noong panahon ng pananakop ng mga Muslim sa Asia Minor, ang mga labi ni San Nikolas ay inilipat sa Bari, Italya at dun siya kinilala bilang Nicholas of Bari. Nabatid na ang katawan umano ni San Nikolas ay hindi naagnas sa halip ay naging mabango pa umano ito at nakagagamot sa ibat-ibang karamdaman.

Marami umanong mga himala ang nagawa ni San Nikolas nang ito ay buhay pa batay sa turo ng simbahan. May mga paniniwala noon na nung siya pa ay sanggol, pinaiinom lang siya ng gatas tuwing miyerkoles at biyernes at fasting siya sa iba pang mga araw. Pinatigil nito ang isang bagyo para iligtas ang tatlong naglalayag sa karagatan. Mahal na mahal nito ang mga bata sa buong buhay nya at laging naghahagis ng regalo sa binatana ng bawat bahay.

Kung susuriin nating mabuti ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ng mga relihiyon at paniniwala sa buong mundo, wala ni isa man dito ay nagsasabi na si San Nikolas na kilala bilang si Santa Klaus, ay nakasakay sa lumilipad na karwahe at naghuhulog ng regalo.

Ngunit ang mahalaga sa lahat ay ang diwa na na nais ipahiwatig sa atin ni Santa Klaus, kathang isip man siya o hindi – ito ay ang pagmamahalan sa bawat isa at pagkakaloob ng anumang bagay sa sinuman gaano man kahirapan o karangya ang buhay lalu na ngayong kapaskuhan.

Para sa inyong mga katanungan, suhestyun at karanasang kababalaghan, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, at mag-log in sa website: http://misteryolohika.tripod.com.#


Thursday, December 01, 2005

Bahay, Tinirhan ng mga Espiritu

Bahay, Tinirhan ng mga Espiritu
Rey T. Sibayan
December 1, 2005


Dumulog sa akin nitong Lunes (Disyembre 1) si aling Virgie mula sa lalawigan ng Isabela kasama ang kanyang kaibigan at humingi ng payo kung ano ang nangyayari sa kanyang bahay na tinirhan na ng ibat-ibang uri ng espiritu tulad ng mga ligaw na kaluluwa at mga engkanto.

Ang sabi ni Aling Virgie, sa kanyang pamamahinga lagi siyang nakakaramdam na parang may insekto na gustong pumasok sa kanyang katawan ngunit buti na lamang at nahuhuli nya ang mga ito.

Ipinagtapat din ni Aling Virgie ang mga pagkakataon na may nararamdaman siyang kakaiba tulad ng parang may humahaplos sa kanyang mga braso at kamay, at nakakarinig siya ng mga tinig na hindi naman nya alam kung saan galing.

Halos gabi-gabi aniya ay hindi siya agad nakakatulog dahil sa tila marami siyang katabi sa kanyang higaan na pawang hindi naman nya nakikita.

Nang ikunwento nya ito sa ilang mga kaibigan, sa halip na unawain ay tinawag pa siyang nababaliw o nasisiraan ng isip na siyang lubos nyang ipinagdamdam at ikinasama ng loob.

Sa takbo ng aming usapan ay unti-unti kong natuklasan kung ano ang talagang problemang kinakaharap ni aling Virgie bukod sa tiyak kong siya ay napaka-sensitibo sa mga hindi nakikitang nilalang o mga espiritu.

Una, masasabi kong meron siyang abilidad na makakita ang mga espiritu sa kanyang kapaligiran – nabanggit din nya sa akin na nakakita na siya ng white lady na kumausap sa kanya at ang palaging nakabuntot sa kanya na umanoy higanteng tao na sa wari ko ay isang engkanto.

Nang subukin ko ang kanyang kakayanan o abilidad na makakita habang kami ay nag-uusap ay napatunayan kong siya ay isa ngang clairvoyant ngunit hindi pa masyadong developed, at meron din siyang abilidad na makakita ng mangyayari sa hinaharap.

Habang lumalalim ang aming usapan, ay natuklasan ko ang pangunahing dahilan kung bakit lalu siyang naging sensitibo sa mga espiritu – mga multo at engkanto.

Ito’y nang aminin niyang pinaputol niya ang tatlong malalaking punungkahoy sa paligid ng kanilang bahay, na maituturing ko namang tinitirhan ng mga nilalang na hindi nakikita.

Sabi ko sa kanya, hindi maiwasang nagalit sa kanya ang mga nilalang o espiritu na nakatira sa mga pinutol na punung-kahoy dahil sa nagambala ang pananahimik nila sa kanilang kaharian.

Isa sa mga paghihiganting ginawa ng mga ito laban kay aling Virgie ay ang nararamdaman nyang kakaibang sakit sa katawan na hindi naman makita ng duktor tulad ng pananakit ng tiyan at iba pang mga sakit na hindi naman niya maipaliwanag.

Ipinaliwanag ko na sa dahil sa kanyang ginawa ay nagpasya ang mga espiritu na manirahan na sa bahay mismo ni aling Virgie, kung kayat nararamdaman nyang parang masikip na masikip ang kanyang bahay at patuloy siyang ginagambala ng mga ito.

Bilang tugon sa ganitong problema, pinayuhan ko si aling Virgie na panahon na para makipag-kaibigan sa mga di nakikitang nilalang na naging biktima ng sarili niyang desisyon.

Iminungkahi ko rin sa kanya na subukin niyang alayan ng pagkain ang mga hindi nakikitang nilalang alinsunod na rin sa payo ng mga matatanda, at dito na magsisimula ang mas malapit na pagkakaibigan.

Para sa akin kailangan nating tanggapin ang katotohanan na narito sa ating daigdig ang ang mga di nakikitang nilalang tulad mga duwende at mga engkanto, kasama na rin dito ang mga gumagalang kaluluwa na hindi pa rin umaakyat sa langit.

Sa mga desisyon natin na dapat gawin ay kailangang isa-alang alang natin hindi lamang ang ating kapakanan kundi ng mga nilalang sa ibang dimensiyon dahil sa apektado rin sila. Dapat na irespeto din natin sila tulad ng respetong ginagawa natin sa ating sarili.

At ang pinakamahalaga sa lahat na dapat nating isa-alang alang ay wag nating kalilimutan ang ating relasyon sa ating Panginoong Diyos na lumikha ng lahat sa pisikal man o sa ibang dimensiyon.

Para sa inyong mga katanungan, karanasan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang website: http://misteryolohika.tripod.com. #