Thursday, November 30, 2006

Reinkarnasyon, Panaginip at Multo

Sa aking programang Misteryo sa DZRH ay binaha ako ng mga katanungan ng mga listener, bagaman ang iba ay nasagot ko ng direkta sa himpapawid, ang iba naman ay minabuti kong isulat ang mga tanong at sagutin sa aking pitak dito sa Balita.

Yvette ng Sinait, Ilocos Sur: Ano po ang kahulugan ng panaginip ko. Nanaginip ako ng maraming tao na parang may handaan.
RS: Hindi mo binanggit ng buo ang kabuuan ng iyong panaginip ngunit nais ipahiwatig sayo ng iyong panaginip na maaaring may inaasahan ka na magaganap na sadyang mahalaga sa iyong buhay.

Evelyn ng Cavite: Bakit po kaya sa tuwing mananaginip po ako, mga kabaong at bangkay na bumabangon. Ano po kaya ang ibig sabihin ng panaginip ko.
RS: Karaniwan ang panaginip ay repleksiyon ng inyong personalidad at mga intensiyon. Sa aking sariling opinyon, nais sabihin sa iyong panaginip na wag ka nang bumalik sa mga dati mong ugali na sa akala mo ay naglalagay sayo sa problema. Matagal mo na silang gustong ilibing ngunit parang hindi mo sila lubusang maalis sa iyong sarili.

She ng Sorsogon City: Paano po mabubuksan ang aking 3rd eye. Kasi po nong bata pa ako hanggang Grade 6 nakakakita pa po ako pero sandali lang. Nang mamatay po ang lola ko ay wala nap o kahit po paramdam.
RS: Bawat tao ay merong tnatawagt na ikatlong mata o third eye. Sa katunayan, ang ganitong abilidad ay ipinagkaloob sa atin ng Diyos para lamang magising tayo sa katotohanan na hindi lamang tayo ang nilalang sa mundong ginagalawan natin bagkus ay meron ding ibang nilalang sa kabilang dimensiyon. Pagkasilang ng isang sanggol ay bukas na bukas ang third eye, ngunit habang lumalaki ito ay unti-unting pumipikit. Ang 3rd eye ay hindi naman talaga nasa pisikal na katawan kundi ito ay nasa espiritwal na aspeto ng ating katauhan. Ngunit ayon sa mga eksperto, ang third eye ay ang pineal gland na nasa gitna ng ating utak. Ito ay ini-uugnay sa sixth chakra o ang third eye chakra sa larangan ng yoga. Bagaman, nagsara ang third eye ay maaari pa itong magising sa pamamagitan ng mga pamamaraang may kaugnayan sa espiritwal tulad ng meditasyon. Si Israeli Psychic Uri Geller ay nagsabi na isa sa paraan para mabuksan ang third eye ay palaging mangarap at gamitin ang inyong imahinasyon.









Arthur ng Dagupan City: Ano po ang masasabi niyo sa nakikita ko. Sa kainan naming ang dingding lumabas ang imahe ni Hesukristo pati po sa sala namin.
RS: Ang mga manipestasyon ng mga imahe sa pisikal na realidad natin ay depende sa kung ano ang epekto sa mga taong nakakita o nakapaligid sa mga ito. Bagaman ang bawat manipestasyon ay maaring mensahe sa mga taong nakakita gayunman ito ay tumutugma din sa pangangailangang espiritwal ng isang indibidwal. Kung naging maganda naman ang resulta o bunga ng ganitong manipestasyon tulad ng imahe ni Hesukristo at iba pang banal na personalidad ay masasabi kong wala itong intensiyong masama.

+639176004394: Nakaranas ako na may nakisakay na multo. Pagtigil ko sa kanto dalawa lang kasama ko, yung isa nakita niya may isa daw sa likod di ko naman kita agad. Mga alas-6 ng gabi padilim nung pagbalik sa lugar, nakita ko may lalaki sa likod pero di ko Makita mukha siguro mahigit isang kilometro ang tinakbo andun tapos bigla na lang naglaho.
RS: Karaniwan na sa mga multo ang nakikiangkas sa mga sasakyang dumadaan sa lugar na tambayan ng mga multo. Kabilang sa mga tambayan ng mga ito ay ang mga likuan o kurbada na malimit may aksidente, sementeryo, at iba pang lugar na merong nagpapakitang mga multo. Kung wala naman nais sabihin ay hayaan na lang sila na maki-angkas dahil sa kusa naman silang mawawala. Mainam din na bumusina sa mga lugar na alam niyong merong manipestasyon ng mga ligaw na kaluluwa.

Dadi ng Cavite: I can see spirits. They are good at nakakatulong sila to cure illness and locate missing persons or things.
RS: You are an objective clairvoyant because you can see the invisible beings if you’re saying you can see them with your eyes. And I presume what you see are positive entities because they are helping you especially locating missing persons or things. Ito ang sinasabi ko na kung marunong kayong makipag-ugnayan sa kanila maaari niyo silang makatulong sa inyong pang-araw araw niyong buhay at maging sa inyong kapwa na nawawalan ng kanilang mga mahal sa buhay at sa ikalulutas ng krimen. Sa Amerika, karaniwan nang ginagamit ng mga otoridad doon ang mga clairvoyant sa imbestigasyon ng mga krimen.

Ana ng Sta. Rosa City: Totoo po ba ang reincarnation? Di ba sa Bibliya sabi Life after Death e di parang contradiction yung reincarnation.
RS: Wala kang matatagpuang katagang “reinkarnasyon” sa Bibliya ngunit may mga nakasaad sa luma tipan at bagong tipan tungkol dito sa kaganapan ng reinkarnasyon. Bagaman kailangang dumaan sa matinding debate lalu na at hanggang ngayon ay hindi pa rin tanggap ng mga relihiyong Kristiyano ang konseptong ito, ang mga bahagi sa Bibliya na nakasaad ang reinkasyon ay ang Genesis 28:12 tungkol sa panaginip ni Jacob na hagdan na nangangahulugan ng panhik panaog ng mga espiritu sa langit at lupa; Job 14:7-9 tungkol sa isang puno na namatay ngunit maaari na naman mabuhay; Job 14:14-15; Psalm 16: 10, 11 na nagsasaad naman ng sinulat ni Haring David tungkol sa buhay matapos ang kamatayan. Maraming mga bersikulo sa Bibliya na nagmumungkahi ng reinkarnasyon at ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: Psalm 16:10-11; Psalm 102:26; Psalm 107:10-14; Ecclesiastes 3:15; Isaiah 25:8; Isaiah 26:19; Jeremiah 18:1, 6; Matthew 11:10-15; Matthew 17:10-13; John 8:56-58; John 9:1-3.

Para sa inyong mga katanungan, mangyaring mag-text sa 09206316528; mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com/. #

Thursday, November 23, 2006

Soulmate, Perpektong Kakambal ng Kaluluwa

Marami ang mga naniniwala tungkol sa soulmate ngunit marami rin ang nagkakamali tungkol dito. Kadalasan nating napagkakamalan na soulmate o kakambal ng ating kaluluwa ang mga minamahal o kabiyak. Ngunit, kaiba pala ito sa tunay na kahulugan ng soulmate.

Hindi ba madalas nating sabihin na kapag matindi ang pagmamahal natin sa isang tao ay sinasabi nating siya ang ating soulmate. Madalas natin itong marinig sa mga magkasintahan lalu na kapag magkakapareho ang kanilang hilig.

Ngunit sa bandang huli ay sasabihin mong hindi siya ang iyong soulmate kapag umabot na sa puntong nag-away na kayo, nagkasakitan na kayo at tuluyan nang nagkahiwalay.

Ano nga ba ang tunay na soulmate? Mula sa naturang kataga, ang soul ay kaluluwa at ang mate ay katambal, o partner. Ngunit sa aking personal na pagkakaunawa ang soulmate ay hindi lang basta katambal o partner kundi mas malapit pa at ito ay maihahalintulad ko sa kakambal o twin soul.

Para kay Astrologer Linda Goodman, ang soul mate ay ang kalahati ng iyong kaluluwa kung saan ang kanyang enerhiya at mga katangian ay perpektong perpekto na na kasingtulad ng iyong enerhiya at mga katangian.

Para naman sa Amerikanong Psychic at Sleeping Prophet Edgar Cayce, ang soulmate ay siyang kaluluwa na umaalay sa kakambal nitong kaluluwa sa pangkalahatang buhay nito sa lupa.

Sa aklat na sinulat ni Professor Jaime T. Licauco na pinamagatang Soulmates, Karma and Reincarnation, ang konsepto ng soulmate ay hindi basta-basta maiintindihan kung hindi mo muna uunawain ang tinatawag na Universal Law of Karma at Law of Reincarnation.

Ito’y dahil sa malalaman mo lamang ang iyong soulmate sa serye ng iyong reinkarnasyon sa ibat-ibang buhay mula noong mga unang panahon hanggang ngayon o sa mga susunod mo pang buhay.

Hindi mo rin agad malalaman ang iyong soulmate ng buong magdamagan lamang dahil sa hindi nangangahulugan na ang iyong napangasawa ay ang iyong soulmate bagkus ito ay maaaring isa sa iyong mga malalapit na kaibigan, kamag-anakan at kasamahan sa trabaho.

Maaaring hindi rin niya alam na ikaw din ang kanyang soulmate lalu na kapag hindi pa niya nareresolba ang mga kinakaharap niyang karma sa buhay niya ngayon – pagkakaroon ng relasyon, pakikitungo o pakikisama sa ibang tao na kanya ring nakakasalamuha at natagpuan sa kasalukuyang buhay.

Sakaling nagkaroon kayo ng pagkakataon na nag-krus ang inyong landas ng iyong soulmate, hindi mo maipaliwanag kung ano ang mararamdaman mo dahil sa ang pakiramdam na iyon ay hindi lamang pisikal bagkus ay mula sa kaibuturan ng inyong mga kaluluwa.

Ito ang tinatawag ni Mathematician at Mistikong si P. D. Ouspensky na “Law of Types.” Ito ay ang hindi matanggihan pwersa o “irresistible force” na kahit sinuman sa mundong ito ay hindi kayo mapaghihiwalay. Kapag nagtagpo ang soulmates ay tiyak aniyang mararanasan nila ang katangi-tangi at walang hanggang pag-ibig na maaaring maging inspirasyon sa paghabi ng walang hanggan at walang kamatayang tula ng pagmamahalan.

Sa pagkalahatang resulta ng ibat-ibang kahulugan ng soulmate, inihayag ni Licauco na ang soulmates ay dalawang kaluluwa na naging malapit sa isat-isa sa serye ng mga naging buhay kung saan perpekto ang kanilang pakiramdam at katangian sa kanilang pagtahak sa serye ng kanilang buhay.

Sa aking pananaw, bagaman magkasama kayo o palagi kayong nagtatagpo ng iyong soulmate sa serye ng inyong buhay ay saka mo lang malalaman na soulmate mo ang isang kaluluwa kapag natapos na ang inyong karma sa mundong iyong ginagalawan, bagaman hindi maitatanggi ang masidhing damdamin ninyong dalawa bilang magkakambal na kaluluwa.

Ngayon, ano ang mga palatandaan na ang isang tao ay iyong soulmate? Pag nagtagpo ang soulmates, kapwa nila hindi maipaliwanag ang kanilang damdamin hindi sa pisikal na atraksiyon kundi ang kanilang mga kaluluwa. Kung ano ang nararamdaman ng isa, halimbawa may bahagi ng katawan nito ang masakit ay nararamdaman din ito ng kanyang soulmate. At kung marunong ang soulmate na gamutin ang kanyang sakit ay otomatiko ding gagaling ang sakit ng soulmate nito. Malakas din ang kuneksiyon sa isip ng soulmates. Iniisip pa lang ng isa ang gagawin nito ay ginagawa na ito ng kanyang soulmate. May mga pagkakataon na ang isang tao ay magtatanong sa isa pa ngunit nagtaka na lamang ito na hindi pa niya natatapos ang kanyang tanong ay sinasagot na ng kabila. Ang matindi pa nito, ang soulmates kapag nagtalik ay kapwa sila walang kapaguran bagkus ay lumalakas pa sila kahit gaano katagal ang kanilang pagniniig. Kung bakit ganito, dahil sa kapwa iisa ang antas ng enerhiya ng dalawang taong soulmates at ang pagsasanib ng kanilang kaluluwa ay maaaring magresulta sa tinatawag na “spiritual enlightenment”.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Pakinggan din ang aking programang Misteryo tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi sa dzRH. #

Thursday, November 16, 2006

Ang Katotohanan Tungkol sa Multo

Kahapon, may mga kausap akong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at Adamson University at nagtanong sa akin tungkol sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon kung sila ba ay totoo o hindi.

Ang tinutukoy nila dito ay ang mga multo na gumagala sa ating paligid at iba ang mga espiritu tulad ng kapre, engkantada at iba pang elemental o tinatawag nating nature spirit.

Ang sagot ko sa kanilang tanong ay kung makikita niyo ba sila ay maniniwala ba kayong sila ay totoo? Kung makakausap niyo ba sila ay maniniwala ba kayong sila ay totoo?

Ang tugon nila sa akin ay depende kung talagang makakausap ba nila ang mga nilalang na ito sa kabilang dimensiyon o hindi, at ang pinakamatindi pang sagot nila ay maaaring ito ay produkto lamang ng imahinasyon.

Para kay Alexandra Martin ng PUP, ang mga multo ay maaaring produkto lamang ng malikot na kaisipan o imahinasyon dahil sa mga nababasa, naririnig at napapanood sa telebisyon.

Sinagot ko siya na may basehan ang kanyang katwiran dahil sa may mga pagkakataon na talaga namang naiimpluwensiyahan ang ating isipan at ang resulta nito ay ang takot sa ating dibdib na likha pa rin ng ganitong sitwasyon.

Ngayon para patunayan natin na totoo ang inyong karanasan ay subukin nating harapin ang anumang manipestasyon ng kababalaghan tulad ng pagpapakita ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon, multo man yan ng mga sumakabilang buhay na tao o mga espiritu sa kabilang dimensiyon.

Para sa akin kung meron nang interaksiyon o palitan ng komunikasyon sa panig mo at ng nilalang sa kabilang dimensiyon ay yun na ang isang matibay na ebidensiya na ang iyong nakikita o nakakaugnayan ay hindi lamang resulta ng iyong malikot na isipan.

Sa panig ni Irish Cero ng PUP, nakakatakot na makakita ng mga multo dahil sa baka sila ay manakit. Marami nang mga kuwento at karaniwan na ring napapanood ngayon sa pelikula at telebisyon na ang mga multo ay may kakayanang manakit ng tao.




Hindi ko itinatanggi ang katotohanan na may mga multong nananakit at ito ay resulta ng pakikitungo natin sa kanila o di man kaya ay sa maling interpretasyon natin sa kanilang manipestasyon sa ating buhay.

Sa mga bahay na merong ganitong manipestasyon na sobrang pananakit na ang ginagawa sa mga nakatira ay maaaring maitulad na sila sa poltergeist – isang salitang Aleman na ang ibig sabihin ay “noisy ghost” o maingay na multo.

May mga ginawang pag-aaral na ang poltergeist na ito ay nalikha ng enerhiya ng mga taong nakatira sa isang bahay o lugar lalu na kapag ang mga ito ay talagang napakanegatibo tulad ng palaging pag-aaway, batuhan ng masasamang salita, matinding galit at iba pa.

Kapag may ganitong manipestasyon sa inyong bahay o lugar ay mainam na tumawag na kayo ng mga eksperto na kilala naman natin sa tawag na mga exorcist – maaaring ito ay sertipikadong exorcist na pari ng Simbahan o samahang relihiyon o di man kaya ay mga taong nasa larangan ng paranormal na meron nang sapat na karanasan at pagsasanay para harapin ang ganitong uri ng problema.

Sa panig naman ni Anna Lumentac ng Adamson, itinanong nito sa akin kung ang mga aswang, manananggal, kapre at iba pang engkanto ay kasama sa kategorya ng multo.

Dito tayo karaniwang nagkakamali dahil sa naiukit sa ating isipan na lahat ng mga hindi natin nakikita ay pawang mga multo, kung kaya’t maging ang mga elemental o tinatawag nating nature spirits tulad ng duwende at kapre ay napagkakamalan nating mga multo, at ang masaklap pa nito maging ang ating mga anghel de la guwardiya ay napagkakamalan nating multo.

Ang mga multo o ghost sa wikang Ingles ay mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na tao ngunit ang kanilang manipestasyon o pagpapakita ay depende sa kundisyon ng kanilang pag-iisip sa oras na sila ay binawian ng buhay.

Para sa akin ang mga elemental o nature spirit maging ang mga anghel ay hindi masasabing nasa kategorya ng multo dahil sa nagpaparamdam lamang sila depende sa naging reaksiyon sa kanila ng tao. Sa totoo lang hindi naman lahat ng mga espiritu ay may layuning manakot bagkus marami sa kanila ang tumutulong sa atin.

Wag ninyong kaliligtaang pakinggan ang aking programang Misteryo tuwing Sabado alas-5:30 hanggang alas-6 ng umaga. Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. #

Thursday, November 09, 2006

Hi-Tech Ouija Board, Natuklasan

Sumasabay nga sa pag-usad ng panahon ang mga espiritu lalu na at karaniwan na ngayong nagpapakita sa mga makabagong kamera (digital camera) ang mga multo, maging ang mga boses nila ay maaari nang marinig sa pamamagitan ng mga makabagong mikropono at naire-record na rin sa mga makabagong audio recorder.

Hindi lang sa mga makabagong kamera, at audio recorder maging sa mga makabagong video camera at mismong sa telebisyon ay nagpapakita na rin ang mga espiritu, ito man ay kaluluwa ng namatay na tao o kaya ay mga espiritung elemental o mga engkanto sa ating paligid, maging ng mga anghel at ekstra-terestriyal.

Ang ganitong mga kaganapan ay nakapaloob sa isang paranormal na katagang Electronic Voice/Video Phenomenon (EVP) batay sa marami nang mga dokumentadong kaso ng pagpapakita, at pagpaparinig ng mga espiruitu sa pamamagitan ng mga modernong gadyet.

Masasabi kong hindi hadlang ang mga pagbabago sa pamumuhay ng tao sa pisikal na daigdig na ito ang mga hakbang na ginagawa ng mga espiritu para makipag-ugnayan sa mga buhay.

At talagang nakapagtatakang nagagawa na nilang gamitin ang mga electronic device tulad ng radyo, telebisyon, kamera, maging ang mga cellphone para lamang ipakita sa daigdig ng mga tao na meron talagang kabilang buhay.

Hindi bat marami na rin ang mga nakaranas na ang mga namayapang tao ay nagagawa pang makapag-text sa kanilang kakilala o kaibigan kahit na sila ay nakalibing na sa hukay.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag na mabuti ng mga siyentista kung bakit may kakayanan ang mga kaluluwa o multo at mga espiritu na makontrol ang mga de-baterya o de-kuryenteng mga bagay.

Ngunit sa simpleng paliwanag dito, ang mga espiritu ay pawang enerhiya kung kayat malaki ang posibilidad na maaari itong makaimpluwensiya sa mga gamit na merong enerhiya de-baterya man o de-kuryente.

Tulad na lamang ng pakikipag-ugnayan sa mga kaluluwa ng patay na kadalasan ay ginagawa lamang sa pamamagitan ng makalumang estilo tulad ng paggamit ng Ouija board o spirit of the glass, coin, at ballpen.

Natuklasan ng mga batikang Okultista o mga taong beterano sa pakikipag-ugnayan sa mga patay na maaari ding magamit sa ganitong pamamaraan na kilala rin sa tawag na séance sa wikang Ingles ang isang modelo ng Ipod mp3 player – Apple Ipod Nano 4Gigabytes.

Muli ang aking babala sa lahat na hindi basta-basta ginagawa ng sinuman ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu lalu na sa patay dahil sa panganib na baka kayo saniban ng demonyo o masasamang espiritu.

Nagbabala na rin tungkol sa ganitong pamamaraan ang paring Exorcist na si Fr. Jose Francisco Syquia, director ng Archdiocese ng Maynila, tanggapan ng Exorcism, at sinabing ang mga pamamaraan ng tulad ng spirit of the glass, coin, at maging spirit of the ballpen ay maaaring magresulta sa pagsanib ng demonyo sa katawan ng tao.

Ngayon nga ay ang paggamit ng makabagong musical player ang Ipod Nano mp3 player na natuklasang merong pagkakahawig sa orihinal na disenyo ng Ouija Board at siyang ginagamit na rin ng mga gustong makipag-ugnayan sa daigdig ng mga patay.

Sa pamamagitan ng Click Wheel na taglay nito ay kasing-hawig na nito ang kumbinasyon ng Ouija Board at plantseta nito at mas maganda pa kung tutuusin sa makalumang pamamaraan dahil sa naturang gadyet ay hindi lamang mga letra ng alpabeto at numero ang mapagpipilian ng espiritu kundi maging ng musika at iba pang mensahe na maaaring sabihin ng mga ito.

Kung anong pamamaraan ang ginawa ng mga Okultista ay tulad ng din ng ginagawa sa spirit of the glass, coin at Ouija Board kung saan ilalagay lamang ang mga hintuturong daliri ng bawat taong kasama sa ritwal at kapag naramdaman nang meron nang sumanib na espiritu sa aparatu ay kusa na lang gagalaw ang magkakapatong ninyong daliri at madidiinan ang Click Wheel ng Ipod para piliin ng espiritu ang letrang katugunan nito sa bawat katanungan.

Ang pinakabagong disenyo ng Ipod ay merong search feature na siyang dinidiinan kung pipili ka ng letrang nais mo para sa mga kanta o musika na nasa loob ng gadyet, at ito ang nagsisilbing plantseta kung ihahambing sa Ouija board.

Inuulit ko, wag na wag ninyong gagawin ang ganitong pamamaran dahil delikado. Sa totoo lang hindi ko inirerekumenda na magtawag kayo ng espiritu para kausapin sila at magtanong ng kung ano man tungkol sa buhay nila dito sa lupa o buhay ng tao dito sa mundo.

Kung merong mahalagang mensahe sa inyo ang isang namapayapa lalu na kung kamag-anak ninyo ay kusa silang magpapakita sa inyo kundi man ay makakaugnayan ninyo sila sa panaginip, at hindi niyo na kailangang sila ay tawagin.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, magtext sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Tignan din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. Makinig sa dzRH tuwing Sabado 5:30-6 ng gabi sa programang Misteryo.#