Thursday, June 29, 2006

Katotohanan Sa Project Serpo, Ilabas

Panahon na para ilantad ng Estados Unidos ang lahat ng mga proyekto o programa nito na may kinalaman sa pakikipagkasundo sa mga Ekstra-Terestriyal (ET) tulad na lamang ang kontrobersiyal na Project Serpo – ang Exchange Program ng US at ang mga ET sa Zeta Reticuli Star System.

Ito rin ang nais ng ating mga kababayan lalu na ang mamamayang Amerikano na patuloy na sinisilip at kinakalkal ang mga lihim na operasyon ng US na maituturing na panloloko sa kanila ng kanilang pamahalaan.

Bro. Antolin: Brother Rey, mahalaga po na malaman ng mga tao ang tungkol sa Serpo. Dapat po ilantad sa tao ang mga pangyayari sa Serpo, maging sa mga paaralan ay dapat isiwalat na at tutukan.

RS: Maraming salamat brother sa iyong reaksiyon. Harinawa ay ganito nga ang gawin ng US o maging ng iba pang makapangyarihang bansa na meron ding lihim na ugnayan sa mga nilalang mula sa ibang planeta. Hanggang ngayon ay mahirap paniwalaan at tanggapin ng tao ang mga ET dahil sa wala pang pormal na pahayag dito ang mga higanteng bansa tulad ng US.

Lheeze Perez: Then whats the importance of that planet Serpo? Is there a chance that we may also live there? (E ano ang halaga ng planetang Serpo? Meron bang tsansa na tayo ay mabuhay doon?

RS: Of course the project itself is important dahil it is about time na malaman ng tao na matagal nang nakikipag-ugnayan ang ating planeta sa mga nilalang sa ibang solar system o planeta. Bagaman sinasabing napakainit ng planetang Serpo at malabong mabuhay ng mahabang panahon ang mga taong maninirahan doon ay isa itong patunay na hindi lamang tayo ang nilalang sa buong kalawakan. Yun ang kahalagahan na nakikita ko na magising tayo sa katotohanan na hindi lamang tayo sa planetang ito ang nilalang ng Diyos kundi marami pa palang nilalang na hindi natin natutuklasan o ayaw nating tanggapin na sila man ay nilalang din ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Kung gaano katotoo ang US-Ebens Exchange Program, mismong isang dating special agent Richard Doty na nakatalaga sa Air Force Office of Special Investigations ng US ang umamin na meron siyang direktang karanasan sa kanyang pananatili sa militar at kung paano ito maiuugnay sa mga detalyeng nabunyag tungkol sa Project Serpo. Si Doty ay isa sa isang grupo ng dating “insider” na merong access sa classified information tungkol sa mga UFO ang lumantad para kumpirmahin ang umanoy alien exchange program na ibinunyag ng anonymous mula sa Defense Intelligence Agency.

Sa katunayan, si Doty ay naging kasama ni Robert Collins para sulatin ang aklat na pinamagatang “Exempt from Disclosure” noong 2005. Isinalarawan ni Doty ang kanyang mga direktang karanasan tulad ng personal niyang nakita ang isang napakalaking flying saucer sa isang klasipikadong pasilidad sa Indian Springs noong 1969.



Binigyan din umano siya ng access sa isang napaka-klasipikadong report tungkol sa tinawag niyang Extraterrestrial Biological Entities (EBEs), maging ang kanilang sistema ng komunikasyon at mas makabagong teknolohiya. Personal din umano niyang nakita noong 1983 ang isang EBE mula sa Zeta Reticulum sa isang pasilidad sa Los Alamos, New Mexico. Isinalarawan niya itong may taas na 4’ 9” na nilalang, walang buhok at may suot na tinaguriang tight fitting cream-colored suit. Napakinggan ni Doty ang umanoy panayam sa naturang nilalang sa pamamagitan ng makabagong translator at tungkol sa pinagmulan nitong planeta.

Sa pahayag ni Doty na inilathala sa UFO magazine noong Pebrero 2005, sinabi ng dating special agent na nagsimula ang kanyang serbisyo sa AFOSI sa isang briefing tungkol sa compartment program ng EBEs at pagbagsak ng mga UFO sa Corona at Datil, New Mexico. At binanggit nga dito ang pagkakasalba sa isang alien o nilalang mula sa bumagsak na sasakyang pangkalawakan na nagmula sa planetang Sieu ang unang pangalan ng Serpo sa Zeta Reticulum. Nasa pangangalaga ito ng US mula taong 1947 hanggang sa mamatay ito noong 1952.

Bukod kay Doty, dalawa pang katao na pawang mula sa Defense Intelligence Agency ang lumantad, at ang mga ito ay sina Gene Lakes aka Gene Loscowski at Paul McGovern. Si Lakes ay nagtrabaho sa DIA mula 1964 hanggang 1996 bilang imbestigador at naging director ng security operations ng ahensiya. Si McGovern naman ay dating security chief ng DIA. Kapwa sinabi nina Lakes at McGovern na nakakita sa briefing document na pinamagatang Project Serpo na naglalaman ng mga detalye ng alien exchange program.

Ang iginagalang na manunulat na si Whitley Streiber at isang Linda Moulton Howe ay lumantad din na nagpapatunay sa katotohanan ng Project Serpo. Ayon kay Streiber mismong siya ay kinausap ng isang tao na kabahagi ng Project Serpo na sa unang dinig niya noon ay Serpico na kalaunan ay Serpo.

Sa ngayon ay tampulan ng balitaktakan sa hanay ng mga mananaliksik sa larangan ng UFOlogy sa Estados Unidos ang Project Serpo na ang isang grupo ay naniniwalang totoo ang naturang programa samantalang sa kabilang panig naman ay sinasabing hindi ito totoo at pawang kathang isip lamang naturang kuwento.

Marahil para matapos na ang ganitong mga pagtatalo sa magkabilang grupo ay panahon na para magsalita dito ang pamahalaang-Amerika at hindi naman siguro masama na aminin kung totoo nga ba ang programang ito. Dapat na ihayag ang katotohanan at hindi yung patuloy itong itinatago dahil sa may kasabihan nga na “walang usok kung walang apoy.”

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Source: http://www.jerrypippin.com/UFO_Files_serpo_project.htm

Tuesday, June 27, 2006

Planetang Serpo, Totoo Ba o Kathang-Isip?


Gaano katotoo ang Planetang Serpo? Sino ang nakatuklas nito? Bakit hindi ito ipinaalam sa tao?

Ilan lamang ito sa mga katanungan na ipinarating sa inyong lingkod nang mabasa nito ang dalawang magkasunod na artikulo ko tungkol sa 12 mga tao na ipinadala ng bansang Amerika sa Serpo, isa sa mga planeta ng Zeta Reticuli Star System.

Narito po ang ilan sa mga reaksiyon ng ating mga kababayan sa naturang mga artikulo.

Ernesto Jonjon Ancheta: Salamat po sa kolum niyong Misteryo at Lohika. Gaano katotoo na merong pong 12 katao na nakapunta sa sinasabi ninyong planeta sa Zeta Recituli System? Ipaliwanag po ninyong mabuti kung “truth or fact”, magbabasa po kami ng balita.

09104713103: Bakit po nagkaroon ng planetang Serpo? Kailan po ba nadiskubre ito? Bakit di isinama ito sa 9 na planetang pinag-aaralan ng mga estudyante sa buong mundo?

Gernel Tare, Sucat, Pque City: Mr. Sibayan nabasa ko yung misteryo at lohika. Nagulat ako kung totoo ba ang nabasa ko, sounds like very interesting. Totoo ba o hindi?

09205943215: Ano ba ang hitsura ng mga Eben?

Brother Antolin: Bro. Rey, interesado po ako sa nilathala niyo tungkol sa Planetang Serpo. Ano po ang ibig sabihin ng Zeta Reticuli Star System? Ano ibig ng Serpo? Kelan pa natuklasan? Sino ang nakatuklas nito? Bakit hindi ito napasama sa solar system natin? Lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, dapat suriin din ito.

Thristy Umali: I just want to ask kung totoo po itong mga nababasa ko at paano nyo po mapapatunayan na totoo lahat ng ito? umaasa po akong sasagutin nyo ang tanong ko. thank you po.

Halos magkakapareho ang mga tanong ng mga kababayan natin tungkol sa Serpo kung gaano ba ito katotoo. Paano ba ito natuklasan at kung kailan at paano nagsimula ang naturang Space Exchange Program ng mga ET o Ebens at ng Estados Unidos.

Batay sa mga impormasyon na ipinagkaloob ng isang hindi nagpakilalang opisyal ng US na nagsabing kasama siya sa naturang proyekto, ang orihinal na pangalan ng programa ay Project Crystal Knight. Ito ay sinimulan noon pang 1965, ngunit tinatayang mas maaga pa ang ganitong palitan ng mga impormasyon mula nang bumagsak sa Roswell, Mexico ang isang sasakyang pangkalawakan ng mga Ekstra-Terestriyal noong Hulyo 1947. Isa sa mga ET na lulan ng bumagsak na spaceship ay sinagip ng pamahalaang-US at ito ay tinawag sa pangalang EBE, katagang ginamit noon sa mga ET. Ang Eben na ito ay sinasabing merong taglay na gamit para magkaroon ng ugnayan ang tao ang kanyang mga kalahi sa planetang Serpo.

Sa tanong kung kailan natuklasan ang planetang Serpo. Nalaman lang ito sa pamamagitan ng nabuhay na ET, ngunit sinasabing noong dekada 90 ay merong namataan sa pamamagitan ng mas modernong teleskopyo ang mga siyentista na isang planeta sa solar system ng Zeta Reticuli Star System na katulad ng planetang Earth, ngunit agad namang binawi ang kanilang natuklasan sa pagsasabing isa lamang itong wobble o pagnginig ng isang pulsar, ang umiikot na neutron stars sa kalawakan na naobserbahang umanoy pinagmumulan ng electromagnetic radiation sa radio wavebands. Dito nagsimula ang mga espekulasyon na pilit itong pinagtatakpan ng mga kinauukulan sa gobyerno ng amerika.

Ang Serpo, batay sa mga impormasyong isiniwalat ng nagpakilalang Anonymous batay sa kanyang natuklasang “debriefing book” tungkol sa Project Serpo na merong 3-libong pahina at maaaring makita sa website na http://www.serpo.org/, ay merong 3-bilyung gulang, at ang dalawang mga araw nito ay kapwa tinayang nasa tig-5 bilyung taong gulang na.

Ang diameter ng Serpo ay 7, 218 milya; Mass – 5.06 x 10 24; Distansiya sa Unang Araw – 96.5-milyung milya; sa Sun #2 – 91.4 milyung milya; Moons – 2; Gravity – 9.60m/s 2; Rotation periods – 43 oras; Orbit – 865 araw; Tilt – 43 degrees; Temperatura – 43 – 126 degrees centigrade; Distansiya mula sa Earth – 38.43 light years; Bilang ng mga planeta sa Eben Solar System – 6; at Pinakamalapit na planeta sa Serpo – Otto.

Ano nga ba ang mga Eben? Sila ay sibilisasyong umabot na sa 10-libong taong gulang na. Sila ay lumipat sa Serpo, 5-libong taon ang lumipas matapos na manganib sila sa matinding aktibidad ng mga bulkan sa hindi binanggit na una nilang planeta. Naharap sa matinding digmaan ang Eben, tatlong libong taon ang lumipas, kung saan libu libong Ebens ang namatay ngunit nagwagi sila sa pakikidigma. Sila ay unang dumalaw sa planetang Earth, 2-libong taon na ang lumipas.

Ilan lamang yan sa mga detalye ng website na ginawa ni Bill Ryan, batay sa mga tinanggap niyang mga impormasyon na ipinasa ng isang journalist na si Victor Martinez noong Nobyembre 2005.

Ang pagsisiwalat na ito tungkol sa planetang Serpo at mamamayang Ebens ay sinuportahan ng batikan at kinikilalang manunulat na si Whitley Strieber na nagsabing maging siya ay nakatagpo ng isang tao na nagsabing kasama din siya sa project Serpo.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528; mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Photos courtesy of: http://www.jerrypippin.com/UFO_Files_serpo_project.htm

Thursday, June 22, 2006

Tao, Paano Nabuhay sa Ibang Planeta?


Paano nga ba nabuhay sa Planetang Serpo ang 12 katao na ipinadala doon batay sa salaysay ng isang umanoy dating opisyal ng US government na naging aktibo sa Project: SERPO, ang kontrobersiyal na kasunduan ng Amerika at mga Ekstra-Terestriyal mula sa Zeta Reticuli Star System.

Ano nga ba naging buhay ng 12 kataong ipinadala ng Amerika sa planetang-Serpo na merong dalawang araw at dalawang buwan sa gabi?

Batay sa pahayag ni Request Anonymous na isiniwalat ni Bill Ryan sa website na http://www.serpo.org/release2.asp, ang planetang Serpo ng mga ekstra-terestriyal na tinawag na Eben ay matatagpuan sa solar system ng Zeta Reticuli Star System at ito ay mas maliit ng konti kesa sa ating planetang Earth.

Ang atmospera ng Serpo ay katulad din umano ng Earth at meron itong taglay na Carbon, Hydrogen, Oxygen at Nitrogen. Ang Zeta Reticular ay tinatayang nasa layong 37 light years mula sa Earth, at inabot ng siyam na buwan ang 12 katao na lumipad sa kalawakan lulan ng sasakyan ng mga Eben.

Habang nasa biyahe, ang bawat isa sa mga miyembro ng team ay palaging nakakaramdam ng pagkahilo, nawawala sa wisyo at nakakaramdam ng pananakit ng ulo. Nagagawa naman umano ng buong team na makapag-ehersisyo sa loob ng spaceship dahil sa sinadya ng mga Eben na mapanatili ang gravity sa loob ng sasakyang pangkalawakan.

Nang makarating sa Serpo ang 12 katao, kailangan nilang gumugol ng maraming buwan para makapag-adjust ang kanilang katawan sa kapaligiran doon kung saan palagi silang nakakaranas ng pagsakit ng ulo, pagkahilo at nawawala sa kanilang sariling kamalayan.

Problema din ng mga ito ang matinding sikat ng dalawang araw sa Serpo, na bagaman meron silang dalang sunglasses naging matindi pa rin ang epekto nito sa kanilang kalusugan lalu na sa mata at sa balat. Ang radiation level sa naturang planeta ay bahagyang mas mataas kesa sa Earth at palagi silang nagsusuot ng pananggalang sa init o sikat ng araw doon.

Walang makitang refrigeration ng mga Ebens maliban lamang sa mga pabrika. Napakatindi ng temperature sa planeta lalu na sa pinakagitna nito ay nasa 94 hanggang 115 antas ng sentigrado, bagaman may mga ulap at pag-ulan ay bihira itong mangyari.

Sa hilagang bahagi ng planetang Serpo ay may temperatura ng mula 55 hanggang 80 antas ng sentigrado. Maituturing itong pinakamalamig na bahagi ng planeta para sa mga Eben dahil sa mas sanay ang kanilang katawan sa napakainit na panahon. Iilan lamang sa mga Eben ang nakatira sa hilaga ng kanilang planeta.

Dahil sa kahirapan sa matinding init, dinala ang 12 katao sa hilagang Serpo at ang transportasyon nila ay maihahalintulad sa isang helicopter. Ang power system ng sasakyan ay selyadong energy device na nakapagbibigay ng kuryente para ito gumana at makalipad.

Madali namang natutuhan ng mga pilotong kasama sa 12 kataong team ang pagpapalipad sa sasakyan sa loob lamang ng ilang araw ay sila na ang nakapagpapalipad dito. Ang mga Eben ay meron ding katulad na sasakyang panglupa dito sa Earth ngunit walang gulong dahil sa ang mga ito ay nakalutang.

May mga lider ang mga Eben ngunit walang iisang porma ng pamahalaan, at walang krimen na nakita ang team ng mga tao na nagtungo doon. Merong mga sundalo ang mga Eben na umaakto rin bilang mga pulis, ngunit wala silang mga baril o anumang uri ng armas.

Iniulat din ni Anonymous na may regular na pagpupulong ang bawat komunidad ng Ebens at merong pinakamalaking komunidad na itinuturing na pinaka-sentro ng kanilang sibilisasyon kung saan matatagpuan ang mga industriya, ngunit wala silang ginagamit na pera o salapi.

Ang bawat mamamayang Eben ay kusang binibigyan ng pangangailangan nito mula sa gobyerno. Wala silang mga tindahan, walang shopping mall o mga palengke. Ngunit merong itinakdang central distribution center kung saan doon kinukuha ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Eben. Nabatid din na lahat ng Eben ay nagta-trabaho sa angkop na tungkulin at ang kanilang mga anak ay pinananatiling nakahiwalay.

Naging mahigpit naman ang mga pulis ng Ebens na wag makunan ng larawan ang mga kabataan sa kung anong dahilan ay hindi binanggit.

Ang mga isiniwalat ni Anonymous ay kinumpirma rin ng iba pang opisyal na kabilang sa sikretong operasyon ng US at mga ET. Kabilang na rito sina Gene Lakes alyas Gene Loscowski at Paul McGovern ng Defense Intelligence Agency.

Bagaman merong pagkakasalungat sa ibang detalye ng kanilang impormasyon ay halos iisa ang iba pang mga detalye na kanilang isiniwalat. Tunghayan lamang ang website para sa kabuuang detalye tungkol dito at kayo na lang po ang bahalang humusga.

Para sa inyong katanungan, suhestyun at mga reaksiyon. Mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com . Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Tuesday, June 20, 2006

12 Katao, Ipinadala sa Ibang Planeta


Maniwala man kayo sa hindi matagal nang nakipag-usap sa tao ang mga Ekstra-Terestriyal (ET)? Sa katunayan, nakapagpadala na tayo ng tao sa ibang planeta….hindi lamang isa kundi 12 katao ang ipinadala sa isang planeta ng Zeta Reticuli Star System. Ang naturang hakbang ay nakapaloob sa programang SERPO o Project: SERPO na pinasimulan noon pang taong 1965.

Isang retiradong empleyado ng pamahalaang Estados Unidos na nagpakilala lamang sa pangalang “Request Anonymous” ang nagbigay ng mga impormasyon tungkol sa Project SERPO, dahilan para malikha ang website na, Serpo.org – The Zeta Reticuli Exchange Program (http://www.serpo.org/).

Inamin ni Request na siya ay kasama sa espesyal na programa tungkol sa Serpo at ibinunyag nito ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa mga hakbang na ginawa ng Estados Unidos nang makipagkasundo ito sa mga nilalang mula sa ibang planeta.

Sa kanyang testimonya, ibinunyag nito na hindi lamang isa kundi dalawa ang nangyaring pagbagsak ng UFO noong Hulyo 4 1947 malapit sa Roswell, New Mexico ngunit ang isa pang crash site ay natuklasan lamang noong Agosto 1949 sa Pelona Peak, South Datil, New Mexico.

Ang naturang UFO crash ay kinapalooban ng dalawang (ET) spacecraft. Nang madiskubre ang unang crash site sa Corona, isang buhay na ET ang nailigtas nang ito ay nakitang nagtatago sa isang malaking tipak ng bato, binigyan ito ng tubig ngunit hindi pinakain at dinala sa Los Alamos.

Sinuring mabuti ng mga otoridad ng Roswell Army Air Field and crash site at lahat ng mga ebidensiya ay kinuha at ang mga namatay na ET ay dinala sa Los Alamos National Laboratory dahil sa meron itong pasilidad ng freezing system para sa pananaliksik. Ang bumagsak na flying saucer ay dinala sa Roswell at nakarating hanggang sa Wright Field, sa Ohio.

Ang pangalawang crash site ay natuklasan lamang noong Agosto 1949 ng dalawang rantsero at iniulat ang kanilang nakita, ilang araw ang lumipas sa hepe ng Catron County sheriff, New Mexico. Dahil sa masyadong liblib ang lugar, inabot ng maraming araw para makarating sa kinabagsakan ng UFO. Nang makarating sa crash site ang sheriff ay kinunan nito ng litrato ang lugar at nagtungo sa Datil, kasunod nito ay naipaalam ang insidente sa Sandia Army Base, Albuquerque, New Mexico. Isang team ng mga otoridad ang kumuha lahat ng mga ebidensiya kabilang na ang anim na katawan ng mga patay na ET na kalaunan ay dinala din sa Los Alamos.

Ang buhay na ET ang siyang naging susi para magkaroon ng komunikasyon sa kanyang mga kalahi sa kanyang sariling planeta. Ito ay nanatiling buhay hanggang sa mamatay noong 1952.

Ngunit , bago siya namatay nasabi na niyang lahat ang mga impormasyon tungkol sa mga natagpuang mga kagamitan sa dalawang bumagsak na UFO, kung saan isa dito ay isang gamit komunikasyon na siyang ginamit nito para makipag-ugnayan sa kanyang planeta.

Inihayag pa ni Request sa kanyang testimonya, na noong Abril 1964, lumapag ang mga ET malapit sa Alamogordo, New Mexico at kinuha ang mga bangkay ng mga nilalang at dito na nagsimula ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng tao at mga ET kung saan ang ginamit na wika ay Ingles sa pamamagitan ng translation device ng mga Ekstra-Terestriyal.

Taong 1965 nang mabuo ang aniya’y exchange program ng pamahalaang-US at ng mga ET kung saan pinili nila ang 12 eksperto ng militar – 10 lalaki at 2 babae. Ang mga ito ay sinanay at maingat na unti-unting inalis mula sa ranggo ng military.

Nang handa na ang mga ito, sila ay sinundo ng mga ET lulan ng kanilang sasakyang pangkalawakan sa Nevada Test Site at naiwan sa pangangalaga ng US ang isang nilalang.

Ang orihinal na plano ay kailangang manatili sa planetang SERPO ang 12 katao sa loob ng 10 taon at saka sila ibabalik ating planeta, ngunit dito nagkaroon ng problema nang sila ay bumalik noong 1978, walo lamang sa kanila ang nakabalik ng buhay. Apat ang nagpasyang magpaiwan kung saan dalawa sa mga ito ang namatay sa planeta ng mga ET. Sa kabuuang walong nakabalik, lahat ay nangamatay at ang pinakahuli dito ay nito lamang 2002 sumakabilang buhay.

Ang pagbubunyag na ito ni Request ay sinang-ayunan ng iba pang mananaliksik sa nangyaring Roswell Crash bagaman merong nilinaw sa detalye ng buong pangyayari.

Ayon kay Victor Martinez, ang mga taong nakabalik sa ating planeta ay inihiwalay mula 1978 hanggang 1984 sa ibat-ibang instalasyon ng militar at mahigpit silang binantayan ng Air Force Office of Special Investigation.

Sinabi naman ng isang Gene Loscowski, na hindi 10 lalaki at 2 babae ang ipinadala kundi lahat ay pawang mga kalalakihan - 8 US Air Force, 2 US Army at 2 US Navy na pawang namatay lahat na ang pinakahuli sa kanila ay sumakabilang buhay noong 2003.

Sa susunod ay ihahayag ko sa inyo kung ano ba ang naging buhay ng mga taong ipinadala sa planetang SERPO kung bakit lahat sila ay hindi nagawang mabuhay ng mahaba-habang panahon mula nang sila magbalik sa Earth.#

Para sa inyong mga reaksiyon, katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang website: http://misteryolohika.tripod.com./

Thursday, June 15, 2006

Dalaga, Ineksperimento ng ET

Imbitasyon ba o sapilitang kinuha ng mga ET? Karaniwan itong tinatawag na “alien abduction” Ano ba ito? Ito ba ay totoong nangyari o guni-guni ng isang tao? Sa mga taong wala pang ganitong karanasan ay sasabihin na ilusyon lamang ito ng isang tao na marahil ay matindi ang pagkatakot sa mga kakaibang nilalang.

Ngunit lingid sa ating kaalaman, ang ganitong mga insidente ay sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng ibat-ibang grupo sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa na naniniwala na ang mga Ekstra-Terestriyal ay narito sa ating planeta para unti-untiin nila tayong sakupin, o kaya ay gunawin ang planeta, o kaya ay iligtas ang ating planeta mula sa tuluyang pagkagunaw o pagkasira.

Isa sa mga kababayan natin ang biglang nagpadala ng mensahe sa akin matapos niyang mabasa ang aking artikulo tungkol sa mga ET at UFO na hindi pa rin katanggap-tanggap sa tao.

Ayon sa isang nagpakilalang Mae, siya daw ay kinuha ng mga ET at ineksperimento sa kanilang sasakyan. Narito ang kanyang mensahe sa inyong lingkod sa pamamagitan ng text. “Hi isa po ako sa naka-experience ng tungkol sa ekstra-terestriyal. My name is Mae, 24 years old. Kinuha me ng kanilang spaceship when I was about to sleep. Then pinag-aralan nila ang buong body ko sa like emergency room and then may inilagay sila sa loob ng body ko na its like metal and sinabi nila na on the right time sasakupin nila ang earth.”

Sa mensahe ni Mae, hindi lang naging malinaw kung siya ba ay kinuha ng pisikal o ang kanyang astral body. Dahil karaniwan ng mga alien abductee batay sa talaan ng mga paranormal group sa ibang bansa ay pisikal ang pagkakakuha sa kanila ng naturang mga nilalang.

Ngunit dito sa Pilipinas batay sa aking sariling pananaliksik at karanasan, ang astral body o ang espirtwal na bahagi ng ating katauhan ang kinukuha ng mga ET dahil sa katotohanang ang mga nilalang na ito ay hindi naman talaga pisikal bagkus ay kalahating pisikal at espirtiwal.

Ang maituturing na kauna-unahang dokumentadong alien abduction ay ang naging karanasan ng mag-asawang Betty at Barney Hill noong Setyembre 1961 nang sila ay makakita ng UFO, sinundan nila ngunit nabigla sila nang lapitan sila ng kakaibang sasakyang pangkalawakan at tamaan sila ng liwanag.

May mga ibang kaso na bumaba pa sa harapan nila ang mga ET para sila ay sapilitang kunin sa kabila ng pagmamaka-awa ng kanilang mga biktima.

Ngunit, ang paksang ito ay patuloy na pinagdedebatehan ng ibat-ibang grupo sa larangan ng UFOlogy, dahil hindi lahat ng mga taong sumama sa mga ET ay sapilitang kinuha bagkus ay karamihan sa mga ito ay tumugon lamang sa imbitasyon ng naturang mga nilalang.

Bagaman dito sa Pilipinas ay walang mga dokumentadong naitala ng alien abduction, may mga ilan tayong nakilala na sila man ay naka-ugnayan ng ganitong mga nilalang ngunit karamihan, sila ay inimbitahan, samantalang ang iba naman ay sapilitang kinuha hindi ang pisikal na katawan kundi ang espiritwal o astral body.

Sa kaso ng isang Nelia Reyes ng Mandaluyong City, nagpakita sa kanyang panaginip ang mga nilalang na ito at inimbitahan siyang sumakay sa kanilang sasakyang pangkalawakan o spaceship at ipinakita lahat sa kanya ang kanilang mga aktibidades.

Hindi naman naranasan ni Nelia ang naibahagi sa atin ni Mae na dinala sa isang animoy operating room at kung anong eksperimento ang ginawa sa katawan o kaya sa kanyang astral body.

Isang bata naman na edad na walong taon mula sa Malabon ang nagsabi sa akin na siya ay kinaibigan ng mga ET sa kanyang panaginip at dinala siya sa kanilang sasakyan ngunit hindi para eksperimentuhin kundi turuan ng kanilang mga karunungan.

Sa katunayan ay ipinakita pa niya sa akin ang kanyang mga ginuhit na hitsura ng kanyang mga nakitang ET at kanilang mga sasakyan.

Ipinagtapat din ng batang ito na itago natin sa pangalang Marte na naging kalaro pa niya sa kanyang panaginip ang mga batang ET na umanoy naging mabait sa kanya.

Isang dalaga naman sa pangalang Rose, 20 taong gulang, ang nagsabing inimbitahan siya ng mga nilalang na ito at ipinasyal siya sa kanilang daigdig na para sa kanya ay sobrang makabago o moderno ang teknolohiya na hindi pa naaabot ng tao.

Ang inyong lingkod ay nagkaroon din ng pagkakataon na nagpakita sila sa aking panaginip at ipinagtapat nila kung ano ang kanilang layunin sa pakikipag-usap sa mga tao, pisikal man, sa isip man o sa espiritwal.

Kung bakit kadalasan sa panaginip sila maaaring magpakita, dahil sa ito ang pagkakataon na madali natin silang pakinggan hindi tulad kapag gising ang ating buong katawan. Ang diwa natin pag natutulog ay mas aktibo dahil sa nagpapahinga ang pisikal nating katawan.

Kayo po baka meron kayong karanasan sa mga ET alam niyo naman hitsura nila yung karaniwang malalaki ang ulo na hugis bombilya at malalaki ang mga mata na hugis almond, o kaya ay maaari din silang magpakita na mestiso na blonde ang buhok at may kulay ang mga mata, o mga nilalang na kakaiba ang hitsura pangit man o maganda, mangyaring ipabatid po sa inyong lingkod, mag-text sa 09209386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, o bisitahin ang website, http://misteryolohika.tripod.com.#

Tuesday, June 06, 2006

666, Dapat Bang Katakutan?

Takot ba kayo sa numero 666? Marami ang nagtatanong ano nga ba ang tunay na nasa likod ng naturang kinatatakutang kumbinasyon ng mga tatlong numero 6. Naukit sa ating isipan na dapat na iwasan ang naturang kumbinasyon ng numbero 6 dahil sa ito raw ay “tatak ng demonyo”. Ngunit alam ba ninyo na ang pagkatakot sa bilang na 666 ay tinatawag na Hexakosioihexekontahexaphobia.

Ano ba ang katotohanan sa likod ng 666? Ito nga ba ay ang tatak ng demonyo o mali lamang ang interpretasyon ng mga grupong relihiyon at iba pang sektor tungkol dito.Dahil sa paniniwalang ito nga ay tatak ng demonyo na maghahasik ng kadiliman sa buong sanlibutan ay marami nang mga personalidad sa buong daigdig mula pa noong unang panahon hanggang ngayon ay inakusahang siya ang Anti-Christ na merong tatak na 666.

Ang mga sinaunang Kristiyano na naniniwalang magugunaw na ang mundo ay gumamit ng numerology sa wikang Aramaic, Greek at Hebrew at lumabas na si Roman Emperor Nero ang umanoy Anti-Christ.

Nang hindi mangyari ang kinatatakutang katapusan ng mundo sa mga panahong yun tulad ng pagkakaintindi sa Revelation o Pahayag, nangangamba ang tao na posibleng mangyari ang katapusan ng mundo sa malapit na hinaharap, at marami sa mga maimpluwensiyan lider ang inakusahang may tatak na 666.

Kabilang na nga sa umanoy may tatak na 666 ay sina Martin Luther, Henry VIII, Robespierre, Napoleon Bonaparte, George Washington, Adam Weishaupt, Lenin, Adolf Hitler, Stalin, Mao Tse Tung, Franklin Roosevelt, Winston Chruchill, Harry Truman, Prince Charles, King Juan Carlos ng Spain, Mikhail Gorbachev, Bill Clinton, Osama Bin Laden, ang mag-amang George Bush at lahat ng mga santo papa.

Ang mga ito ay pinaghinalaang may taglay na bilang na 666 alinsunod sa interpretasyon ng Bibliya sa sinulat na ebanghelyo ni Apostol Juan na kilala nga bilang Revelation o Pahayag.

Ngunit sa pananaliksik na ginawa ng dating British Intelligence agent Edward Alexander (Aleister) Crowley (1875-1947), lumalabas na ang numero 666 ay hindi naman pala masama, bagkus ito ay maituturing na sagradong bilang na ang kahulugan ay ang kapangyarihang taglay ng araw.

Si Crowley na mismong lumantad at nagsabing siya ay Beast 666 ay nagsabing ang naturang bilang ay sagrado dahil sa ito ang misteryosong numero ng Araw na nagbibigay ng buhay, at may kaugnayan din ang bilang na ito sa heart chakra o psychic center sa dibdib ng tao na kilala rin bilang “Christ Center”.

Kung bakit ganito ang interpretasyon ni Crowley, binanggit nito ang sagradong itinuturo ng Hebrew Kabbalah na nagsabing ang “sphere” ng Araw ay ang pang-anim na purong espiritu o pure essence ng Panginoong Diyos.Para maipaliwanag ng husto ang ganitong paniniwala ay inilatag ito sa mga numero na siyang tradisyung ginagawa ng mga Kabalista sa panahon ng sinaunang Babylonia. Isang kuwadradong tinaguriang “magic square” na binubuo ng 36 na maliliit na kuwadrado (6 x 6). Ang mga numero ay mula 1 hanggang 36 na kapag inayos sa isang balansyadong pamamaraan kung saan ang bawat hanay at linya nito ay pare-parehong 111, na kapag pinagsama-sama ay ang kalalabasan ay 666.

Ipinaliwanag din ni Crowley ang kanyang sariling interpretasyon sa nakasaad sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya, na ang nais ipahiwatig ni San Juan sa kanyang sinulat na katapusan ng mundo ay ang katapusan ng tinatawag na “old age” dahil sa pagpasok ng “new age” sa ika-20 siglo ng buhay ng tao sa mundong ito.

Halos tumugma naman ito sa lumabas na pagsusuring ginawa ng mga Bible Scholar na ang isinasaad sa Book of the Revelation o Aklat ng Pahayag ni San Juan o St. John of the Divine ay hindi tumutukoy sa katapusan ng mundo, kundi isinalarawan lang nito ang masasamang pangyayari sa buhay ng tao sa mga kamay ng mga Romano na nagwakas sa ikalawang Jewish Revolution noong A.D. 72 na sumira noong sa Herusalem.

Ngayon masasabi ba nating nakakatakot ang numbero 666. Sa aking personal na pananaw, bago natin husgahan ang sinuman na kesyo siya ay “kampon ng kadiliman” na maghahasik ng kasamaan sa mundo, mainam na suriin nating mabuti ang ating sarili kung ano ba ang ginagawa natin sa ating kapwa, maaaring tayo mismo ay maituturing na isang “demonyo” na umaapi sa ating kapwa, yumuyurak sa dangal ng kapwa, nabibingi-bingihan sa karaingan ng ating kapwa at ang masaklap pa nito ay tayo mismo ang pumapatay sa ating kapwa.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Thursday, June 01, 2006

Samut-Saring Reaksyon sa The Da Vinci Code

Lalu pang naging kontrobersiyal ang aklat na sinulat ni Dan Brown na may pamagat na The Da Vinci Code dahil sa magkakasalungat na reaksiyon ng mamamayan lalu na ng mga Kristyano tungkol sa naturang nobela na isinapelikula na merong katulad na pamagat.

Nang ilabas ko ang aking sariling pananaw tungkol sa kontrobersiyal na nobela, narito ang reaksiyon ng ating mga kababayan at base dito ay napatunayan kong magkakaiba ang paniniwala ng ating mga kababayan tungkol dito.

Merong isang panig ng mga Kristiyanong na talagang matatag ang kanilang paniniwala na ang Panginoong Hesukristo ay hindi kailan man nakipagniig kay Maria Magdalena at napanatili nito ang umanoy pagiging banal o malinis sa mga mata ng tao at sa Diyos.

May ibang panig naman ay bukas sa sinulat na nobela ni Brown at naniniwala silang bilang isang tao, ay hindi maiiwasan na umibig si Hesus at hindi natin maaaring alisin ang naturang karapatan dahil sino nga ba tayo na dapat manghusga.

Abet Ediesca: Ginoong Sibayan hindi mabuting hangaan ang Hesus ni Brown. Ang tunay na Hesus ay hindi nag-asawa sa laman ayon sa mga kasulatan at mga propeta ng Diyos. Sa Bibliya merong babala na may mangangaral ng ibang Hesus, kaiba sa pangaral ng mga Apostol e ikatwil mo. Kung panatag ka sa pangaral ng Apostol, isang agiw lang yang kay Brown.

Janis Abuan: I have read your column in Balita re Da Vinci Code. I think you have reviewed the issue fairly, I gained insight re the matter. Thanks. I salute you for a fair, just and sensible views on the matter. (Nabasa ko po ang inyong kolum sa Balita tungkol sa Da Vinci Code. Sa palagay ko po ay nabigyan niyo ng sapat na timbang ang magkabilang panig tungkol dito. Nakakuha po ako ng dagdag kaalaman sa naturang paksa. Salamat. Saludo po ako sa pananaw ninyong patas, makatarungan at walang kinikilingan sa naturang paksa.)

Bro. Antolin (Born Again Christian): Bro. Rey nabasa ko sa iyong pitak sa Balita ang tungkol sa relasyon ni Hesukristo kay Maria Magdalena. Sa tingin ko Bro. Rey kaya hindi matanggap ng Simbahang Katoliko ang Da Vinci Code kasi bawal sa aral-Katoliko ang pag-aasawa ni Hesus bilang punong saserdote (pari) ay nais nila ipakita sa mata ng tao na malinis silang mga pari. Nakalimutan nila si Adan binigyan ng Diyos ng babaeng si Eba para may makasama at makatutulong. Tapos pagbawalan nilang mag-asawa (ang mga pari)? Di ba lumalabag sila sa nais ng Diyos sa tao? Dapat lang ituro sa tao ang totoo hindi kasinungalingan. Mag-isip po tayo! Tama ang The Da Vinci Code!

09169785844: Alam mo sir masama talaga ang imahe sa Da Vinci Code sa marupok na puso at hindi maganda ipalabas sa kahit saan man. Sayo ok lang kung matibay ang puso mo wag magdamay

Migs, 15y/o: Pwede po bang malaman kung ano po ang kabuuan ng istorya ng Da Vinci Code. Kasi gusto ko pong mapanood matagal ko pong inabangan yun, tapos R-18 pala. Paki-kwento naman po…please.

Sharon Palomar, 18, Tarlac: Tama kayo dyan, Masyado kung magbigay ng komento ang ilang pari even in politics nakikialam pa sila eh bakit po pinaghiwalay ang relihiyon at pulitika di ba?

Concon ng Bataan: Isa po ako sa estudyante ng Ikatlong Tipan (Third Testament) at hindi po lingid sa aming kaalaman na si Hesus at Magdalena ay totoo na naging mag-asawa sila. At ito talaga ang ipinagtapat sa amin ni Hesus matagal na panahon na ang lumipas. Ang pagtatapat niya ay tunay at totoo at doon nga tayo tinignang kung may mababago ba sa ating pananampalataya kay Hesus. Buhay niya yun walang karapatan ang tao na saklawin iyon kung ano man ang kasaysayan niya ay dapat tanggapin, huwag husgahan. Bilang makatarungang tao ay dapat na maglagay sa timbangan na hawak ng babae ay ang dalawang lalagyan parehong positibo at negatibo kasi kung isang panig lang po tayo titingin ay hindi patas kaya ano man ang di maganda na buhay ni Hesus sa pagiging mag-asawa nila ni Magdalena ay dapat tanggapin din ng tao. Kaya madami ka pang lihim ng Diyos na matutuklasan niyo po. Madaming lihim ng kalangitan para sa aming mga kapwa kung ayaw naman nilang tumanggap ay depende sa kanila pero gugulantangin na lang ang mundo sa darating na kaganapan. Ang Da Vinci Code na ipinalabas sa pelikula ay may pinagsabihan na kami na tao kaya lang hindi kami pinaniwalaan.

Sa mga nagbigay ng reaksiyon sa aking pitak dito sa Balita ay taus puso po ang aking pasasalamat. Negatibo man po o positibo ang inyong reaksiyon ay ganito po ang malayang pamamahayag. Nirerespeto ko po ang inyong mga opinyon at alam ko pong nirerepesto niyo rin ang opinyon ko. Ganito po ang nais po nating maganap sa ganitong usapin dapat ay bukas ang bawat isa sa opinyon o pananalig ng iba hindi yung isinasara natin ang pintuan ng mga lumalabas na mga detalye lalu na tungkol sa buhay ni Hesukristo.

Para sa inyong mga katanungan, at suhestyun, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Tignan ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. Kung may mga nakatabi kayong larawan ng kababalaghan multo man yan at iba pa, mangyaring ipadala po sa akin: Rey Sibayan c/o DZRH MBC building, CCP Complex, Pasay City.#