Thursday, April 27, 2006

Makinig Sa Inyong Anghel

Sa araw-araw na takbo ng ating buhay ay masyado tayong abala sa ating pang-araw-araw na gawain. Halos nakakalimutan nating bigyang pansin ang mga hindi nakikitang nilalang na lagi nating kasama sa araw at gabi, bawat segundo saanman tayo magtungo.

Bagaman, marami sa atin ay araw-araw na nag-aalay ng panalangin sa ating Poong Maykapal, iilan lamang sa atin ang pumapansin sa ating mga anghel o kilala sa katawagan sa ingles na “guardian angel”.

Sa aking pagkaka-alam, ang ating “anghel de la guwardiya” ay itinalaga sa atin ng Poong Maykapal mula nang tayo ay isilang sa buhay na ito hanggang sa ating kamatayan at pamamaalam sa pisikal na daigdig.

Ngunit ang masaklap nito ay paminsan-minsan lang natin sila naaalala. Karaniwan lamang natin sila naalala kapag pumasok tayo sa simbahan, nakapanood tayo ng pelikula tungkol sa mga anghel at mga pagkakataon na nalalagay sa panganib ang ating buhay.

Isang kababayan natin na nagpakilala sa pangalang Rose ng Taguig ang nagbahagi ng kanyang karanasan nang sila ay umuwi sa kanilang lalawigan sa Ilocos.

Pabalik na sila ng Maynila noong Biyernes Santo (Abril 14, 2006) nang muntik nang malagay sa panganib ang kanyang buhay maging ng kanyang mga kamag-anak.

Bagupaman sila umalis ng Ilocos ay naramdaman na ni Rose na tila merong pumipigil sa kanya at napakabigat ng kanyang pakiramdam.

Ipinagtapat din nito sa inyong lingkod na nanaginip na ito na merong masamang mangyayari sa kanilang biyahe kinabukasan at kitang kita nya kung paano sila nadisgrasya.

Ngunit, dahil sa hindi naman nya kontrolado ang sitwasyon at ang desisyon ay nakasalalay sa kanyang mga magulang at mga kaanak ay hindi niya sinabi sa kanila ang posibleng masamang mangyayari sa kanila.

Nang sila ay paalis pa lamang sa bahay ay napapansin niyang napakabigat ng kanyang pakiramdam na tila siya ay lalagnatin at merong pumipigil sa kanyang mga paa nang ihakbang nito at sumakay sa kanilang sasakyan pabalik ng Maynila.

Habang sila ay nasa biyahe ay bigla siyang nagulat sa kanyang nakita na walang ulo ang kanyang ama na siyang nagmamaneho ng van na kanilang sinakyan at damang

dama niya kung paano sila maaksidente at kitang-kita ng kanyang mga mata na lahat sila ay duguan sa loob ng sasakyan.

Kumunsulta sa isa pang kaibigan na nakakaintindi si Rose at tinanong ang kanyang nakita kahit na siya ay gising. Binigyang diiin ni Rose na siya ay gising at hindi nananaginip nang makita niyang duguan ang sarili sa loob mismo ng sasakyan.

Pinayuhan siya ng kanyang kaibigan na sabihan ang kanyang ama na sila ay tumigil muna sandali at palipasin ang ilang minuto para maiwasang magkaroon ng aksidente lalu na at kasama nila sa sasakyan ang mga batang pawang kanyang mga pamangkin.

Si Rose ay aminado namang malakas ang kanyang abilidad na makakita ng mga pangyayari bago maganap, itinuturing niyang siya ay isa ring clairvoyant batay na rin sa pagsusuring ginawa sa kanya ng kanyang kaibigan na nakakaintindi sa ganitong mga sitwasyon.

Noong una, ay ayaw ng kanyang ama na ihinto ang sasakyan pansumandali ngunit kalaunan ay sumang-ayon din ito.

Pinayuhan si Rose ng kanyang kaibigan na subuking tawagin ang tulong ng Panginoong Diyos at sa mga anghel partikular na kay Arkanghel San Miguel.

Ang buong akala ni Rose ay walang magiging katugunan sa kanyang panalangin, ngunit lubos siyang nabigla at manghang-mangha nang biglang tumambad sa kanyang paningin at magsulputan ang mga anghel at nakipag-usap sa kanya at sinabi kung ano ang dapat na gawin.

Nagniningning sa liwanag dahil sa puting kasuotan at enerhiya ang pitong mga anghel na biglang sumulpot sa kanyang harapan at pinayuhan siyang sabihin sa kanyang ama na magpahinga muna sila ng 15 minuto bago uli bumiyahe.

Dito nagkaroon ng pagkakataon si Rose na makilala ang mga Anghel na ito at ang mga ito ay nagpakilala sa kanilang pangalan na sina anghel Athasia, Alyssa, Amanda, Jenemiah, Anthony, Genevieve at ang lider ng grupo na si anghel Genosiah.

Mahirap paniwalaan ngunit totoo itong naganap sa buhay ng isa nating kababayan. Ito ay patunay na kung nakikinig lamang tayo sa ating mga anghel ay malayong tamaan tayo ng sakit sa katawan o malagay sa panganib ang ating buhay.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa inyong lingkod sa 0920-6316528, mag-e-mail sa misteryolohika@gmail.com, maaari din kayong dumalaw sa inyong lingkod sa MBC Building, CCP Complex, Pasay City. Bisitahin din ang aking website sa http://misteryolohika.tripod.com. #

Thursday, April 13, 2006

Hudas, Dapat Pa Bang Kamuhian?

Hudas, Dapat Pa Bang Kamuhian?
Rey T. Sibayan
April 10, 2006


Ito ang tanong sa aking isipan nang lumabas ang nakagigimbal na interpretasyon sa nawawalang “Gospel of Judas” (Kasulatan ni Hudas) na nakapaloob sa may 1,700 taong gulang na codex o sinaunang porma ng aklat na nagsasaad sa tunay na katangian ni Hudas Eskariote (Judas Iscariot).

Hindi ba’t nagising tayo sa paniniwalang si Hudas ay napakasamang disipulo nang ipagkanulo nito ang Panginoong Hesukristo, dahilan para dumanas ito ng matinding pahirap at ipinako sa Krus.

Ngunit sa natuklasang Kasulatan ni Hudas ay nagsasabing hindi nito ipinagkanulo si Hesukristo bagkus ay isa siyang matapat na alagad na sinunod lamang ang kahilingan ng Panginoon, at matupad ang misyon nito sa mundong ibabaw.

Ang 66-pahinang matandang Aklat na ito ay kinapapalooban din ng iba pang kasulatan tulad ng kay James na kilala rin bilang First Apocalypse of James, ang liham ni Pedro kay Philip (Letter of Peter to Philip), isang bahagi ng kasulatan na tinagurian ng mga skolar na Book of Allogenes at ang kontrobersiyal na kopya ng Gospel of Judas.

Ang Gospel of Judas ng nakasulat sa pormang Coptic, isang sinaunang lengguwahe ng ancient Egypt ay isinailalim sa masusing pagbusisi ng grupo ng mga siyentista at skolar para malaman kung gaano na ito katanda at kung ito nga ba ay totoo at hindi ginawa lamang.

Umani ng ibat-ibang reaksiyon sa lahat ng sektor ng lipunan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang naturang pagbubunyag ng mga grupo ng skolar na binuo ng pinagsanib na pwersa ng National Geographic Society, Maecenas Foundation for Ancient Art at ng Waitt Institute for Historical Discovery.

Sa aking programa sa radyo sa dzRH, minabuti kong kunan ng reaksiyon tungkol dito si archbishop Oscar Cruz, itinuturing na isa sa mga otoridad ng Simbahang Katoliko. Narito ang buod ng pahayag ni Bishop Cruz tungkol sa Gospel of Judas.
"Yan po ay kasama sa mga tinatawag na apocryphal books sapagkat marami pong libro yan na mga matatanda na sinulat ng di malaman ng kung sino at kung ano ang pakay kaya hindi nila masabi kung saan galing at kung sino ang may-akda. Yan po ay hindi isinama sa bible pagkat alam ng mga nagsalansan ng ibat-ibang libro ng bibliya na yan po ay kasama sa mga tinatawag na apocryphal books. There is really nothing significant about that except for the fact that it is very old, it was written by somebody who is not known....The document is authentic but it is called apocryphal in the sense that it cannot be considered as a sacred book and inspired book dahil sa hindi malinaw kung sino ang sumulat at kung ano ang intention.Yun pong dead sea scrolls meron pong katotohanan yun bagaman po hindi yun inspired writings pero ang sinasabi po dun there are lot of historical truths there, unlike po dito sa Gospel of Judas, unang una yun pong nagbigay ng pangalan ay kung sino lang pero may mas value pa yung dead sea scrolls kesa ito.Maganda po ang istorya (Gospel of Judas) tulad din ng Da Vinci Code maganda ang istorya, maganda libangan, maganda panoorin, maganda basahin pero siyempre hindi po yan ang katotohanan. Alangan po naman na ang tao ay sabihin na sige ikaw na ang magpapatay sa akin para matapos na, si Kristo man po ay alam nya ang halaga ng buhay, sa totoo nga nagdasal nga siya sa ama sana po wag na mangyari to, if this is your will let this cup pass me by. Ayaw din po nyang maghirap pagkat tao po siyang totoo, mahirap naman pong sabihin a sige na ipapatay niyo na ako para matapos na ang lahat."

Nang tanungin ko si Bishop kung dapat bang kamuhian si Hudas kung ang susundin ay ang paniniwalang ipinagkanulo niya si Hesukristo, sagot ni Bishop Cruz: "Christianity is a gospel of love we are not aloud to hate anybody in fact we are told to love our enemies. He just played the role that completed the redemption pagkat kung walang hudas, walang nagtaksil kay Hesus at si Hesus ay hindi nadakip at hindi siya napako at hindi siya nabuhay na mag-uli. Bagaman hindi magandang sabihin pwede natin sabihin na mabuti na lamang may Hudas pagkat kung wala pong Hudas wala pong semana santa."

Meron ding reaction tungkol sa pagbubunyag ng Kasulatan ni Hudas ang kinikilalang Paranormal Professor Jimmy Licauco: "Maraming gospels that were scattered (ikinalat) noong araw, isa lang yan yung iba ay nakita sa Naghamady (Naghammadi) in 1945, yung Gospel of Philip, Gospel of Thomas etc, mga 30 Gospels including Gospel of Mary Magdalene ay natagpuan on papyrus writings, also in coptic language. Yung coptic, isang lengguwahe yan ng ancient egypt. Yung gospel of judas the same style, the same type of when it was written. Ito ay nakuha sa ibang bahagi (another part), another portion ngunit merong hinala na ito ay malapit sa lugar ng matagpuan ang mga Kasulatan ng Naghamady (but there is a suspicion it was near the vicinity of where the naghamady was found, hindi yan sa naghamady nakuha."

Kumbinsido si Prof. Licauco na ginampanan lamang ni Hudas ang kanyang tungkulin: "In other words he was just doing his duty he did not betray (Jesus), he was just obedient...nasa bible naman yan, nasa canonical gospel yan, ang inaprubahan ng Simbahan (Roman Catholic). Kasi noong araw, nagkagulo ang Kristiyanismo dahil marami ang gospels of reading. They do not know which one is true which one is not...so noong the year 325 AD, si Constantine ay nagpatawag ng Council of Naiseah -- dun nila binuo kung ano ang dapat paniwalaan at kung hindi...dun nla binuo yung Naisean Creed, yung I believe in GOD...dun ginawa yan, tapos dun din pinili kung ano ang tatanggalin at hindi.

Binanggit pa ni Licauco na matagal nang maraming itinatago sa Sambayanan ang Simbahan: "Ang nangyayari kasi dito ay itinatago ito ng simbahan ayaw sa ating ipaalam....ngayon ay nakikita...nalalaman ngayon na pinili lang nila yung kanilang gusto at yung ayaw nila ay itinabi, ngayon lumalabas ang katotohanan. Dati hindi natin alam yan, akala natin yun lamang 4 gospels, yun lang aprubado ang existing, that's not true, that is a lie no, ngayon napatunayan na hindi totoo yung mga sinasabi nila ito lamang existing kaya ngayon ina-admit na nila. ruth (foundation of the christian faith is death on the cross)....kaya nga they are very adamant na what existing ay mga mali, they call it heresy, calling it false teaching......."

Para sa inyong mga katanungan, suhestyun o kung meron kayong karanasang paranormal lalu na kapag merong photo, maaaring ipadala sa aking e-mail address://misteryolohika.tripod com, pwede rin kayong tumawag sa mobile numbers: 09167931451; 09206316528.#

Tuesday, April 04, 2006

Bermuda Triangle, Lochness Monster, Bampira

Bermuda Triangle, Lochness Monster, Bampira
Rey T. Sibayan
April 4, 2006


Marami sa ating mga kababayan ang patuloy pa ring nagtatanong tungkol sa mga hiwagang nangyayari sa mga panahong ito. Bagaman may mga paliwanag na tayong natutunghayan tungkol sa mga nagpapakitang mga espiritu tulad ng mga multo o kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na tao, pagpapakita ng mga elemental o engkanto at maging ng tinatawag nating mga anghel, patuloy pa ring palaisipan sa tao ang hiwagang bumabalot sa Bermuda Triangle, Lochness Monster, Big Foot at maging ng mga bampira.

Ito ang tanong sa inyong lingkod ni Vince ng Balagtas, Bulacan. "I'm seeking the truth about these things: Loch Ness Monster, Gravitational Pull in Bermuda Triangle, the Origin of Vampires and Big Foot. Are they real or not?"

RS: Tulad ni Vince, ganito rin ang katanungan ng marami sa ating mga kababayan dahil sa naging bahagi na ito ng kasaysayan ng ating mundo. Nais kong ibahagi sa inyo ang mga pananaliksik na ginawa tungkol dito ng mga eksperto sa larangan ng paranormal.

Loch Ness Monster: Ayon sa mga kuwento at kasaysayan, ito ay tinatawag din sa pangalang "Nessie" o "Ness", isang dambuhalang nilalang o grupo ng mga higanteng nilalang na umanoy nabubuhay sa mga panahong ito sa isang malalim na look (Loch) malapit sa lunsod ng Inverness sa Hilagang Scotland. Tulad ng iba pang nilalang tulad ni Bigfoot, si Nessie ay isa sa kilalang misteryo sa larangan ng cryptozoology, bagaman marami rin sa mga siyentista ang hindi naniniwala dito at sinasabing gawa-gawa lamang ito ng malikot na kaisipan ng tao. May mga nagsabing totoong nakita nila ang nilalang na ito sa naturang lugar, ngunit bakit hindi nila siyasating mabuti ang kailaliman ng look na iyon para malaman ang katotohanan. Ngayon kung talagang wala silang makita ni anino nito at sinasabing may panahon lang kung ito ay magpakita, maaaring ito ay gumagalaw sa dalawang dimensiyon ng ating daigdig. Ito ay ang dimensiyon ng pisikal at espiritwal kung saan ang isang nilalang ay maaaring makita at hindi ng ating mga mata. Gayunman, kailangan lang talaga na masiyasat na mabuti sa may lohikang pamamaraan bago tayo pumasok sa paniniwalang ang mga nilalang na ito ay nasa ibang dimensiyon.

Big Foot: Tulad ng Loch Ness Monster, ang nilalang na ito ay hindi rin matiyak kung totoo o gawa gawa lamang ng tao, bagaman marami ang nagsasabi na ito ay nakita sa ibat-ibang lugar sa planeteng ito. Sa nakalipas na dalawang siglo, libu-libo katao ang nagsabing nakita nila si Big Foot at isinalawan ito bilang mabalahibong nilalang na animoy isang malaking gorilla at namataan sa bulubunduking lugar mula sa HIlagang America, Australia hanggang dito sa Asya. Ang nilalang na ito ay tinawag din sa pangalang Yeti, Sasquatch, Almaty at marami pang ibang pangalan depende sa kung saan at kung sino ang nakakita, nguniit halos iisa lamang ang hitsura o katangian nito. Bagaman may nagsasabing gawa-gawa lamang ito ng tao ngunit sa mga nakakita ay magsasabing totoong buhay ang naturang nilalang.

Bermuda Triangle: Ito ang mahiwagang lugar na tinagurian ding "the Devil's Triangle" na may lawak na 1.5-milyung-milyang-kuwadrado (million-square-mile) sa karagatan ng Bermuda, Puerto Rico at Dulong Timugan ng Florida sa Estados Unidos. Marami ang naniniwala na masyadong malalim ang kababalaghan na nangyayari dito na umanoy hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya, matapos na marami nang mga eroplano at mga sasakyang pandagat ang naglahong parang bula sa naturang lugar simula pa noong 1950s. Ang Bermuda Triangle na pinasikat ni Vincent Gaddis noong taong 1964 ay isa sa dalawang lugar sa ating planeta kung saan ang kompas (compass) ay nakaturo sa true north at hindi sa magnetic north kung saan ang compass variation o pagkakaiba ay nasa 20 degrees. Unang naitala ang pagkawala ng limang US Navy Avenger torpedo bombers na kilala bilang Flight 19 noong Disyembre 1945. Ang isa pang lugar sa karagatan na merong katulad na lugar ay ang tinatawag na Devil's Sea na matatagpuan sa rehiyon ng Pasipiko sa paligid ng Miyake Island - 100 km sa Timog ng Tokyo, Japan. Halos magkapareho ang misteryong bumabalot sa Bermuda at sa Devil's Sea dahil sa pagkawala ng mga eroplano at barko.

Maraming teorya ang mga siyentista sa posibleng dahilan ng naturang misteryo sa dalawang lugar na ito at ang pinakamaugong dito ay ang posibleng aktibidad ng bulkan sa ilalim ng karagatan. Sa mga lugar na ito may nakita ring mga portal o lagusan sa papawirin, mahiwagang paikot na liwanag, at electronic distortions na tinatawag na electronic fog na nagiging sanhi ng time storm. Sa pangkalahatang paliwanag dito ng mga siyentista, ang bermuda at devil's sea ay bahagi ng tinatawag na pangunahing "planetary grid point" ng ating planeta. May teorya din ang Bermuda Triangle ay ang lugar na kinabagsakan ng Kometa.Sa larangan ng paranormal, ang Bermuda Triangle ay itinuturing na bahagi ng lumubog na Atlantis batay sa pahayag ng tinaguriang "sleeping prophet" na si Edgar Cayce. Itinuturing naman ito ng ibang tao na lugar kung saan nandun ang Atlantic Undersea Test and Evaluation Center o underwater Area 51, isang top-secret facility ng US Navy Research Center kung saan nakagagawa sila ng electromagnetic energy tulad ng Philadelphia Experiment noong 1943. At ang isa pang teorya ay ang posibilidad na ito ay kagagawan ng mga UFO dahilan kaya tinawag ang mga pangyayaring nangawala sa lugar na "Encounters of the Third Kind."

Mga Bampira: Hanggang ngayon ay nanatili pa ring misteryo ang bumabalot kung totoo nga bang merong bampira, gayunman sa paniniwalang Pinoy tulad ng aswang ay maituturing na isang uri ng bampira dahil sa umanoy kakayanan ng mga ito na magpalit ng anyo at maaaring lumipad. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mapatunayan kung totoo nga sila lalu na at walang lumalantad na nagsabing sila nga ay ganun. Lingid sa ating kaalaman ang paniniwala tungkol sa mga bampira ay mula pa sa mga sinaunang tao sa planetang ito lalu na sa paniniwala ng Babylonian demonology ang bampira ay mga espiritu na tinawag nilang Lilu at Akhkharu sa mga sinaunang paniniwala ng mga Sumerian na nambibiktima ng mga bagong silang na sanggol at mga buntis na babae. Isa sa mga ito ay tinawag noon bilang Lilitu na isinalin naman sa Jewish Demonology sa pangalang Lilith- tinawag na ina ng lahat ng bampira. Bagaman may mga ebidensiya tungkol sa bampira sa mga sinulat ng mga Assyrian sa clay o stone tablets. Ang kinatatakutan namang si Count Dracula sa mga pelikula batay sa panulat ni Irish writer Bram Stoker ay hindi eksaktong halaw sa tunay na buhay ni Vlad III Dracula na itinuring na bayani ng bansang Romania laban sa mga mga mananakop tulad ng mga Turkish nang siya ay lider ng naturang bansa simula noong 1456. Gayunman, kilalang malupit sa mga mapaniil na sibilyan si Dracula, sa katunayan ay tinawag siyang "Vlad the Impaler" dahil sa paraan nito ng pagpapahirap at pagpatay sa mga kalaban ng Romania kung saan itinutuhog sa kahoy ang mga biktima nito. Mula ng mga sinaunang paniniwala tungkol sa bampira hanggang ngayon ay laganap pa rin ang paniniwala tungkol sa bampirang may mga pangil na sumisipsip ng dugo ng tao dahil na rin sa mga napapanood sa mga pelikula at pagdiriwang ng Halloween. Sa mga sinaunang Griyego, itinuturing na bampira ang mga tinaguriang strigoe o lamiae. Kiang Shi naman ang tawag ng mga sinaunang-Chinese sa bampira samantalang Rakshasas at Baital naman ang katawagan sa India. Penanggalen naman ang katawagan ng ancient Malayan sa bampira, samantalang Algul sa mga sinaunang Arabo.

Harinawa kahit paano sa abot ng aking kakayanan ay naipaliwanag ko sa inyo at nasagot ko ang mga tanong tungkol sa mga misteryong bumabalot sa paksang tinalakay ko sa aking artikulo. Maaari din ninyong tignan ang aking website sa mga karagdagan pang impormasyon tungkol sa aking mga tinalakay. http://misteryolohika.tripod.com. Kung may mga larawan kayo ng multo, engkanto o hindi maipaliwanag na mga imahe ay mangyaring makipag-ugnayan sa inyong lingkod, ipadala sa misteryolohika@gmail.com; mag-text sa 09206316528/09167931451.#