Monday, August 27, 2007

Guardian Angel, Paano Makausap?

Bagaman, karamihan sa atin ay naniniwala na may kanya-kanya tayong guardian angel o anghel dela guardia, iilan lamang sa atin ang nagkakaroon ng pagkakataon na makausap ang ating anghel.

Ito ay dahil karaniwang hindi natin alam kung paano sila makakausap, at kalimitan kapag nagparamdam sila sa atin ay napagkakamalan nating sila ay multo o anumang espiritu na karaniwang kinatatakutan lalu na sa maling akala na sila ay kampon ng kasamaan.

Kapag ganun ang ating laging impresyon sa mga nilalang na hindi natin nakikita ay malabo nang magkaroon ng manipestasyon ang mga anghel lalu na ang bantay nating anghel sa ating buhay.

Ang aking laging suhestyun sa mga taong sumasangguni sa inyong lingkod tungkol sa mga espiritu at mga nilalang na hindi nakikita, kailangang alamin muna natin kung sino ang mga ito bago natin husgahan na sila ay mga kampon ng kadiliman o di man kaya ay mananakit sa atin.

Ang isa sa mga maaari nating palatandaan para malaman kung masama o mabuti ang espiritu o mga di nakikitang nilalang, ay ang mismong epekto ng kanilang manipestasyon.

Tulad halimbawa na kung palaging may away sa inyong bahay, may mga pasa o sugat ang kasambahay, at ang mga mensahe ay naguudyok ng galit o hinanakit sa kapwa, masasabi nating mga negatibo ang anumang nilalang o espiritu sa inyong tinitirhan.

Ngunit kung ang manipestasyon ng nilalang ay para sa pag-ibig, pagmamahal, kapayapaan at pagbibigay ng proteksiyon ay masasabi kong ang mga ito ay nasa pwersa ng liwanag anumang nilalang sila, pangit man o maganda.

Sa hanay ng mga anghel, karaniwan silang nagbibigay ng inspirasyon, pag-asa, lakas ng loob, pagmamahal at pagpapagaling sa mga may karamdaman.

Maraming paraan para maka-ugnayan ang inyong mga anghel, unang una na dito ay kailangang maging sensitibo tayo sa kanilang presensiya o manipestasyon, na ang ibig sabihin ay matuto tayong sila’y damhin.

Ang isa sa mairerekumenda kong paraan na sila ay makaugnayan ay sadyain nating hilingin sa ating anghel na kausapin tayo habang tayo ay natutulog, dahil karaniwan sa atin na nakaka-ugnayan ang mga nasa kabilang dimensiyon sa ating pagtulog na kadalasan nating napagkakamalan na isa lamang panaginip.

Maaari mong isama ang iyong kahilingan ng pakikipag-ugnayan sa iyong anghel sa iyong pagdarasal bago matulog sa gabi o di man kaya ay kahit na yung normal lamang na kinakausap mo siya na “aking anghel gusto kitang makausap pwede bang mag-usap tayo sa aking panaginip?”

Ang pangunahing susi para hindi mag-alangan na makipag-ugnayan sa inyo ang inyong anghel ay kaibiganin mo siya, ituring mo siyang hindi ibang nilalang na ang ibig sabihin ay ituring mo siyang napatalik mong kaibigan o di man kaya ay kapatid na hindi ka nahihiya lalu na kapag merong problema.

Isang araw, kinausap ako ng kasamahan kong announcer sa DZRH si Ruth Abao at nagtanong kung paano niya makakaugnayan ang kanyang anghel o sinumang spiritu guide.

Ang isang paraan na aking sinabi sa kanya ay matutong mag-meditasyon dahil sa ganung paraan pa lamang ay meron na tayong magagawa o sadya nating maisasakatuparan ang kahilingang kausapin an gating anghel dela guwardiya.

Sa inyong meditasyon, lumikha ng isang lugar sa inyong isipan tulad ng isang pabilog na hardin na merong dalawang lagusan. Ang isang lagusan ay siyang iyong pinagmulan samantalang ang isa naman ay katapat ng lagusan na pinasukan mo kung saan dadaanan ng iyong anghel dela guardiya papasok din sa loob ng pabilog na hardin na merong kahoy na mesa at dalawang magkatapat na upuan sa gitna..

Kapag ikaw ay nasa loob ng pabilog na hardin, maupo ka at ibulong mo na gusto mong makausap ang iyong anghel dela guardiya. Mamaya ng konti kung di man katagalan ay may nilalang magpapakita sa iyo, maaaring bata, matanda, ibon, babae o lalaki sa kabilang lagusan, at kapag nakita mo na ngumiti ka at imbitahan mo siyang maupo sa harap mo, at doon na magsisimula ang inyong pag-uusap. Magtanong ka kung ano ang gusto mong tanungin at isaisip na mabuti ang kanyang kasagutan, maaaring nakangiti siya, malungkot, may pagkilos ang kanyang katawan o kamay at pakinggan kung may maririnig ka sa kanyang sinasabi. Pagkatapos ng inyong pag-uusap ay magpasalamat ka sa kanya at pinagbigyan ang iyong kahilingan, hanggang sa siya ay magpapa-alam na at nasa iyo kung gusto mo siyang yakapin, dahil nakilala mo siya at itinuturing mo na siya ngayong kapatid o kaibigan. Isulat ang anumang napag-usapan.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com.#

Monday, August 13, 2007

Tao, Gising na sa Kamalayang Espiritwal

Tulad ng dapat na maganap sa pagpasok ng Bagong Panahon ng Aquarius (Age of Aquarius), habang umuusad ang panahon ngayon ay nagiging kapansin-pansin ang unti-unting pagbubukas ng malawak na kaisipan at pang-unawa ng tao hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Tulad halimbawa sa nakalipas kong programa nitong sabado, Misteryo sa DZRH, ay naging mainit at kapupulutan ng aral ang naging talakayan naming ni George Balagtas, ang nagtataguyod sa aral na itinuturo ng kanilang samahan na tinaguriang DEO o Divine Endeavors Organization.

Kabilang sa mga naitanong sa aming talakayan na hindi namin nasagot sa himpapawid dahil kapos na sa oras ay ang mga sumusunod.

* Ako po ay isang couple for Christ, nung binawtismuhan po ako umangat daw ako sa tinatapakan ko at nagsalita ako ng ibat-ibang wika, gift po bay un. - Juliet

RS: Batay din sa paliwanag ni Ginoong George, at batay din sa paniniwala mo Juliet, totoong spiritual gift yan ang nakakapagsalita sa ibat-ibang wika. At ang pag-angat ay isang palatandaan na naging matibay ang kuneksiyon mo sa kaitaas-taasan.

* Tanong kop o pag may nangyayaring barilan sa Basilan katulad nung pinugutan ng ulo nakita ko sa isang baso ko ang isang pugot na ulo ang sabi ko sa sarili ko may masamang mangyayari, nagkatotoo nga. Umiyak nga ako.

RS: Marahil ay naging guilty ka sa nangyari dahil sa nasabi mong may mangyayaring masama. Tulad ng iba ganyan ang kanilang nararamdaman sa paniniwalang sila ang may gawa nun na parang isang sumpa, ngunit sa totoo lang kaya mo nakita ang isang pangitain tulad ng pagkakita sa pugot na ulo sa baso ay isang mensahe mula sa kabilang dimensiyon o daigdig na talagang may masamang mangyayari. Isang mensahe na mahirap ihayag sa tao lalu na at nakasalalay dito ang usaping pang-seguridad. Yan din ang problema ng mga taong sensitibo o nakakakita, nakakarinig ng mga mensahe dahil wala silang sapat na kalayaan na ihayag ang anumang mensahe na ipinaramdam o ipinakita sa kanila.

* Bakit po ba na-develop lalu yung pagka-sensitive ko sa paligid at pagkaganun, ano po ba mga pwede magawa o kaya gawin. Ayaw ko makaramdam ng may mamamatay. - Arki

RS: May mga pagkakataon talaga na kahit na ayaw mo man sa gusto ay talagang darating ang pagkakataon na nagiging mas sensitibo tayo sa mga hindi nakikita sa ating dimensiyon na ginagalawan. Ang iba ay takot lalu na at nakakakita na sila ng mga kaluluwa o engkanto sa paligid. Sa totoo lang hindi biro na magkaroon ng ganitong abilidad dahil sa isa itong malaking responsibilidad ng mismong taong nakakaranas nito

*Bakit po magkakaiba ang kapalaran ng bawat tao? – Nhorjan ng Maliga ng Buluan, Maguindanao

RS: Tayo rin ang gumagawa ng kapalaran natin. Oo nga at merong nakalaan na landas ng ating buhay o yung tinatawag na na destiny, maaari pa rin itong baguhin sa pamamagitan ng ating sariling desisyon na sa akala natin ay mas makabubuti sa atin.

*Yung sister ko po kapag nanaginip, nangyayari po o kaya ay nangyari na, ano po ba ibig sabihin nun.

RS: Tulad ng mga pangitain kahit na gising ay maaari ding magpadala ng mga mensahe ang mga nasa kabilang dimensiyon sa pamamagitan ng panaginip, bagaman hindi kadalasan na literal ang panaginip ngunit sa mga taong may mas sensitibong nararamdaman o matatawag nating visionary ay ganito ang nangyayari, kung kayat kung may pagkakataon ay ihayag natin sa iba kung ano ang nakita natin.

* Lord Jesus said “ang way to heaven ay ang pagpapatawad sa kapwa tao.” Paano po kung hindi nagpatawad ang isang tao at namayapa na, sa kingdom din po kaya siya ni Lord, magtutungo.

RS: Tulad ng sinabi ng Panginoong Hesukristo, magpatawad ka para patawarin ka, mahalin mo ang iyong kapwa (lalu na ang kaaway) ng tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Ang pagpapatawad ay isang napakahalagang aspeto ng pag-ibig sa ating kapwa ke kaibigan man natin o kaaway. Kung namayapa na ang isang tao, kapag may dinadalang mabigat sa dibdib nito ay dadalhin din niya ito sa kabilang buhay. Bagaman lahat ay tanggap sa Kalangitan ngunit kapag mabigat ang nasa kalooban ay malabong mangyari yun hindi dahil sa ayaw ng Diyos na tayo ay tanggapin kundi tayo ang maglalayo sa sarili natin sa kanya. Kahit na nasa kabilang buhay ay meron pa rin tayong pagkakataon na magpatawad ng kapwa, ngunit sa iba na hindi ganito ang pagkakaunawa ay matagal na panahon na mananatili sa pisikal na dimensiyon at pagala-gala dito ang kanilang kaluluwa.

Ilan lamang yan sa mga katanungan na aming tinanggap sa pagsasahimpapawid ng aking palatuntunang Misteryo sa DZRH tuwing araw ng Sabado, 5:30-6 ng gabi. Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09167931451 o mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website – http://misteryolohika.tripod.com.#

Monday, August 06, 2007

Babala sa paggamit ng Ouija Board, Spirit of the Glass

Isang araw, merong kababayan natin ang nagtanong sa akin kung tama bang makipag-ugnayan sa mga patay sa pamamagitan ng Ouija Board at iba pang pamamaraan tulad ng spirit of the glass, coin, at ball pen?

Kung ang personal na opinyon ko ang tatanungin, hindi ko gagawin yun dahil sa posibleng panganib na maaaring idulot ng ganitong hakbang sa mga taong gumagawa nito, at maaari lamang itong gawin ng tao na merong sapat na kaalaman at kakayanan.

Kung gagawin lamang itong isang katuwaan lalu na sa hanay ng mga kabataan ay mangyaring wag nang ituloy dahil sa posibleng masamang mangyari lalu na kapag ang nabuksan ay ang pintuan sa mababang antas o level na dimensiyon kung saan nananahan ang mga negatibong espiritu.

Lagi kong naaalala ang isang karanasan ng aking kapatid nang naging katuwaan nilang magkakaiban na gawin ang spirit of the glass sa mismong bahay namin sa lalawigan ng La Union na humantong sa kanilang pagkasindak nang biglang sumabog ang baso na ginamit nila sa naturang sesyon.

Kasunod nito ay halos gabi gabi silang binabangungot at tila nararamdaman nilang merong kaluluwa na laging nakasunod sa kanila saanman sila magpunta.

Nawala lamang ang ganitong mga karanasan at pagpaparamdam nang nag-alay sila ng dasal sa sinumang kaluluwa na kanilang natawag nang gawin nila ang spirit of the glass, at mula noon ay ayaw na nilang makarinig ng anuman tungkol sa kanilang ginawa at binalaan din ang iba pa na wag gagawin ang pagtawag sa kaluluwa ng patay bilang isang uri ng laro o katuwaan.

Batay sa aking nalalaman, ang paggamit ng Ouija board, at spirit of the glass ay isang mabisang paraan para mabuksan ang pintuan ng kabilang dimensiyon lalu na sa daigdig ng mga patay.

Ngunit ang panganib dito ay hindi mo matiyak na ang tinatawag mong pangalan ng sumakabilang buhay ay siya nga ang biglang darating sa sandaling ginawa niyo ang ugnayan.

Ito ay sa katotohanan na ang mga negatibo o masasamang espiritu ay maaaring magkunwaring sila ang inyong tinatawag para lamang makapasok sa daigdig ng mga buhay.

Ibig sabihin, kahit sinuman sa mga espiritu sa kabilang dimensiyon ay maaaring magsabing sila ang inyong tinatawag ngunit sa katotohanan ay kampon pala sila ng kadiliman na nais lamang na makipag-laro sa ginagawa niyong ugnayan sa kabilang dimensiyon.

Ang laging payo ko sa mga taong nagtatanong sa akin tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga sumakabilang buhay, hayaan natin na sila ang makipag-ugnayan natin lalu na ang mga namayapa nating mahal sa buhay.

Kung meron naman silang mensahe sa atin, ay marami silang paraan na gawin yun tulad na lamang ng pagpapakita sa ating panaginip, pagpaparamdam sa atin, pagpapakita sa atin kahit na tayo ay gising at mga kataga na mababasa natin sa pagkakataon na maaalala natin sila.

Hayaan na lang natin na sila ang magparamdam o magpakita para sabihin ang kanilang mensahe hindi yung tawagin natin sila para maka-ugnayan. Ngunit may mga pagkakataon na kailangang-kailangang gawin yun ngunit ito ay dapat na gawin lamang ng mga taong may sapat na kakayanan na isakatuparan ito sa ligtas na pamamaraan.#