Thursday, October 26, 2006

Mga Tip Sa Ghost Hunting?

Mahilig ba kayo o interesado sa ghost hunting?

Bagaman marami ng duda pa rin sa realidad ng kabilang buhay o spirit world sa katagang ingles, marami rin ang mga interesadong maranasan ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu at mga gumagalang kaluluwa ng mga namatay na tao.

Ito ang dahilan kung bakit marami ang nagaganyak na sumasama sa “ghost hunting” o ang pagtungo sa mga lugar na kilalang pinagpapakitaan ng mga multo tulad ng haunted house, sementeryo, mga lumang gusali o di man kaya ay sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen o trahedya. Ngunit mahigpit ang aking babala na ang ghost hunting ay hindi isang biro o laro lamang dahil sa nakasalalay dito ang kaligtasan ng kahit sinuman

Dahil dito, nais kong ibahagi sa inyo ang mga dapat ninyong tandaan at gawin sa inyong pagtungo sa lugar kung saan kayo magsasagawa ng ghost hunting o imbestigasyon sa mga multo at espiritu.

Kailangang irespeto mo ang mga multo ogumagalang kaluluwa at mga espiritu sa paligid dahil sa minsan naging tao rin sila tulad natin at kailangang maging mabait tayo hindi yung matapang natin silang harapin.

Wag natin silang duduruin o uudyukan para hindi sila gumanti at pagsisihan natin sa bandang huli dahil sa tiyak na susundan ka nila hanggang sa bahay niyo at saktan ka o sinuman sa miyembro ng inyong pamilya.

Lagi mong isaisip na kontrolado mo ang sitwasyon bilang isang prupesyunal sa larangan ng paranormal investigation. Ang tiwala sa sarili at lakas ng loob ay siyang nakapagbibigay sayo ng proteksiyon dahil sa malakas ang iyong enerhiya na bumabalot sa iyong katauhan.

Wag kang maglalakad mag-isa sa iyong ghost hunting. Tiyakin na merong kasama – dalawa man kayo o di man kaya ay mas maganda at mas rekumendado na tatlo kayo sa isang team. Kung sobrang dami kayo sa ghost hunting ay maaari kayong maghati-hati ng grupo na tatluhan.

Dapat walang bisyo ang taong nais gumawa ng ghost hunting. Ang mga nakaka-adik na bisyo tulad ng droga, alak, sigarilyo ay nakapagpapahina sa iyong katawan at enerhiya kung kaya’t mas madali kang saktan ng negatibong espiritu.



Laging makinig sa anumang mensahe sa iyong panaginip. Ngunit lagi ding maging alerto sa panaginip dahil ito ang pagkakataon na nakaka-ugnayan natin ang mga espiritu at sikapin na mag-usal ng panalangin sa Diyos o sinumang mataas na espiritu alinsunod sa iyong pananampalataya bilang proteksiyon kapag may mga umaatakeng espiritu. Ang suhestyun ko dito ay ang pagtawag sa mga anghel sa pamamagitan ni San Miguel Arkanghel.

Maaari kayong gumamit ng mga banal na bagay tulad ng krus, medalyon, o anupaman na bagay na para sa iyo ay sandigan ng iyong pananampalataya sa Kapangyarihan ng Poong Lumikha. Laging isaisip na ang mga bagay na ito ay instrumento lamang at ang tunay na kapangyarihan dito ay ang iyong paniniwala at pananampalataya.

Makinig sa iyong sariling abilidad na tinatawag na intuition. Isang kapangyarihan sa ating isipan na makaramdaman ng mga di nakikitang nilalang sa ating kapaligiran. Mas lamang dito ang mga taong tinaguriang clairvoyant o anupaman na may psychic power.

Kailangang wag hihiwalay sa iyong grupo o ika nga sa kasabihang “walang iwanan.” Mas mabuting sama-sama kayong magtrabaho at nagtutulungan sa anumang misyon ninyo. Kailangang gawin ng buong tatag ang anumang ibibigay sayong trabaho.

Sa inyong gagawing imbestigasyon, tiyakin na lahat ng mga posibilidad na sanhi ng pagmumulto o hauntings sa wikang Ingles ay dapat na bigyang pansin – lohika mang dahilan yan tulad ng mga ingay na likha ng mga bagay-bagay sa paligid, o di man kaya ay ang hindi nakikitang enerhiya sa paligid kasama na rito ang kundisyong kaisipan at emosyonal ng mga taong nakatira sa lugar na pinuntahan. Bigyan din ng halaga ang isang babala na ang mga taong mahina ang kalooban at wala sa tamang kundisyon ang pisikal, mental at espiritwal ay nanganganib na atakehin ng mga masasamang espiritu.

Laging Tandaan na ikaw ang dapat na may kontrol sa sitwasyon. Ikaw bilang imbestigador ay lamang sa mga di nakikitang nilalang dahil sa taglay mong pisikal na katawan, meron kang sapat na kapangyarihan lalu na at ang dimensiyon na iyong ginagalawan ay pisikal at mas may karapatan ka sa mundong ginagalawan mo kesa sa mga espiritu na bigla na lamang narito. Panatilihin ding maging malusog at maayos lagi ang iyong pagkain.

Maging pamilyar sa lahat ng aspekto ng paranormal at supernatural. Kailangang kabisado mo kung ano ang ibat-ibang uri ng mga espiritu mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon. Ika nga, “ang karunungan ay kapangyarihan”. Kung mas marami kang alam ay mas mabuti dahil sa nakapagpapalakas ito ng tiwala sa sarili, ngunit kailangang mag-ingat dahil sa hindi lahat ng karunungan ay makabubuti. Mainam na sumandal ka sa mas lohikang paliwanag.

Hindi maiiwasan na kapag aktibo sa imbestigasyon, ay makakasagupa ka ng mga masasamang espiritu – aminin man natin sa hindi, dalawang klase ang mga espiritu – masama at mabuti. Kailangang armado ka rin na parang isang sundalo na sasabak sa digmaan tulad ng mas masidhi pang pananampalataya sa Diyos. Napatunayan na ang walang kundisyong pag-ibig ang maituturing na proteksiyon at laging balutan ang sarili at sinuman sa inyong team ng puting liwanag mula sa Langit.

Wag matakot na mag-eksperimento. Hindi lahat ng iyong ginagawa ay magiging maganda ang resulta. Kapag sumablay ang isang teyorya, subukin uli o di man kaya ay gawin ang isa pang paraan. Wag maiinip, at wag magiging mainitin ang ulo wala kang matatapos na gawain.

Bago puntahan ang lugar ng may nagmumulto, kailangang alam mo na ang kasaysayan ng lugar na ito, nagsagawa ka na ng inisyal na pananaliksik tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga taong nakatira o nagmamay-ari ng lugar bahay man ito o lupain. Ang anumang impormasyon na makukuha mo ay malaking bagay para malutas mo ang anumang misteryong bumabalot sa lugar.

Kailangan meron kang kaibigan o sinumang mapagkakatiwalaan mo ang nakakaalam ng gagawin ng iyong grupo at kung saan kayo magtutungong lugar. Kailangang magdala ka ng cellphone para madali ka makatawag o matawagan sa sitwasyong gipit na at kailangan niyo ng tulong.

Kailangang alam mo lahat ng magiging problema tulad ng pinakamalalang senaryo ng demonic possession o pagsanib ng mga masasamang espiritu sa taong sensitibo lalu na kung ito ay miyembro ng iyong grupo o di man kaya ay mga taong kontak niyo sa lugar na pupuntahan niyo. Kaya mahalagang kabisado mo ang dapat na gawin kapag may problema lalu na kapag di maiwasang makipag-ugnayan kayo sa mga espiritu sa pamamagitan ng spirit of the glass, Ouija board, medium at iba pa.

Kailangang alam mo ang tinatawag na “low level possession”. Ito ay kagagawan ng mga mababang espiritu na walang dudang negatibo ngunit may kakayanan na impluwensiyahan o kontrolin ang isang tao. Ang mga espiritung ito ay gumagawa ng paraan para hindi produktibo ang isang tao sa pamamagitan ng pagiging mahiligin sa mga materyal na libangan tulad ng kinalolokohan ngayong pag-cha-chat, computer games, pagtungo sa mga bar, at iba pang libangan na nasasayang lamang ang oras mo.

Bagaman meron kang karanasan sa mga multo at iba pang espiritu, mainam pa rin na ang direksiyon ng imbestigasyon o ghost hunting ay ang naaayon sa siyensiya o mas lohikang pamamaraan para hindi pagdudahan ng sinuman lalu na ang mga hindi naniniwalang merong kabilang buhay o dimensiyon ng mga espiritu. Kailangang merong makitang pisikal na ebidensiya tulad ng larawan, video o mga tunog na nai-record.

Magtiwala sa sariling abilidad. Dapat na laging nakikinig sa ating intuwisyon kung saan likas sa atin na nakakaramdam kung merong panganib sa ating gagawin. Kung magiging sensitibo lang tayo sa ating pandama ay ito rin ang paraan para madali natin malaman kung merong mga espiritu sa ating kapaligiran. Kahit naman na hindi mo maabot ang tinatawag na pagiging clairvoyant o yung abilidad na makakita ng multo o anumang espiritu ay malaking bagay na ang pagkakaroon ng malakas na pakiramdam.

Siguruhin na ang bawat hakbang na gagawin ay nakatala kasama na dito ang oras, lugar, mga taong kasama sa imbestigasyon at wag kaliligtaan na magdalawa ng mga pangunahing instrumento tulad ng tape/video recorder. Buti na ngayon at nauso na ang mga cellphone na merong audio at video recording.

Kailangang lagi mong tandaan na ang anumang teyorya sa iyong imbestigasyon ay pabagu-bago anumang oras, anumang araw. Anuman na masasabi mong totoo ngayon ay maaaring mali sa kinabukasan. Kailangang ang sandigan ng resulta ng imbestigasyon ay ang mga pisikal na ebidensiya. Hindi dapat na nakasandal lamang sa lumang teyorya tungkol sa mga espiritu.

Siguruhin na ang bawat hakbang ng ghost hunting ay merong magandang resulta. Ito ang dahilan kung bakit ipinapayo ng mga eksperto na kailangang naitala ang anumang gagawing hakbang. Dapat na organisado ang bawat hakbang para magkaroon ng magandang resulta ang imbestigasyon.

Kung nakakaramdam ka ng takot….walang problema ngunit may babala ang mga eksperto na wag lang todo dahil sa ikaw mismo ang naglalagay sa panganib ng iyong sarili. Alam naman natin na kapag natakot ka ay mahina ang proteksiyon ng iyong katawan at posibleng pasukin ka ng masasamang elemento o espiritu.

Laging isaisip ang mga tip na ito para hindi ka magkaroon ng problema sa ghost hunting o imbestigasyon. Mainam na ma-enjoy mo ang ganitong hakbang ng pagsisiyasat para mapanatili mong sapat ang proteksiyon ng iyong katawan at espiritu laban sa masasamang elemento.

Harinawa ay makatulong ang mga impormasyon na sa inyo lalu na ang mga nagnanais na magsagawa ng ghost hunting. Nais kong ulitin ang babala na ang ghost hunting ay hindi dapat gawing laro o biro lamang dahil sa panganib na dulot nito sa sinumang maging biktima ng masasamang espiritu. Laging manalig sa Diyos dahil tiyak na protektado tayo sa anumang pag-atake ng mga negatibong espiritu sa ating kapaligirian.

Para sa inyong mga katanungan, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, bisitahin din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. Makinig din sa programang Misteryo sa DZRH tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi.#

Thursday, October 19, 2006

Hikbi, Hagikgik at Kalabit

Ngayong malapit na naman ang paggunita sa Araw ng mga Patay o Undas ay marami na naman sa ating mga kababayan ang nakakaranas ng mga nakapapangilabot na ugnayan sa mga ligaw na kaluluwa o mga sumakabilang buhay.

Isang araw, ilang empleyado ng isang sikat na broadcasting network ang nagkuwento sa akin nang sila ay balutin ng hilakbot at manindig ang kanilang balahibo sa sobang takot sa buong katawan nang makarinig sila ng mga hagulgol, hikbi at hagikgik sa kanilang comfort room.

Masaya silang nagkukuwentuhan nang isa sa kanila ay nagbibiro ng pananakot sa kapwa at kasunod nito ay ang pagkarinig nila ng mga hikbi at hagikgik ng mga bata.

Agad na nagpulasan palabas ng CR ang mga empleyado at halos kapusin ng hininga na nagkuwento ng kanilang naranasan.

Ang lugar ay kilala nang may manpestasyon ng mga ligaw na kaluluwa o earthbound soul dahil sa marami nang mga naikuwentong karanasan ng mga empleyado dito.

Meron yung biglang nagsasara ang pintuan ng cr, biglang may nagpa-flush sa inidoro o di man kaya ay bglang lumalakas ang aircon at magiging maingay ang paligid at nagpapagalaw ng anumang bagay tulad ng silya.

Ang ganitong mga manipestasyon ay palatandaan lamang na nais makipag-ugnayan sa daigdig ng mga buhay ang mga patay, o kundi man ay nais nilang iparamdam o patunayan sa pisikal na kahit sila ay sumabilang buhay na ay may kakayanan pa rin silang makapag-hayag ng kanilang damdamin.

Ang mga naririnig na paghikbi ay tanda ng kalungkutan ng multo o ng kaluluwa ng isang sumakabilang buhay at nangangailangan ng atensiyon mula sa daigdig ng mga buhay.

Maaaring ito ay gusto nang umalis dito sa pisikal na dimensiyon patungo sa mas mataas na dimensiyon at maaari itong matulungan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya at sabihin lamang na tanggapin ang katotohanan ng kanyang kapalaran at wag nang pagtuunan ng pansin ang kanyang naiwang gawain o problema at higit sa lahat ay matuto siyang magpatawad.

Ang mga multong humahagikgik ay tanda naman ng kakulitan, kasiyahan at mapagbiro na maaaring gawin sa kahit sinumang kunsunada nito.

Ngunit kung anong uri ng espiritu ang nasa likod nito ay dapat nating pakinggang mabuti ang hagikgik kung ito ay mula sa isang bata na alam naman natin kung paano siya humagikgik at maaari din itong mula sa mga maliliit na nilalang na kilala sa tawag na mga duwende.

Ako ay unang nakarinig ng ganitong mga hagikgik nung nagbakasyon ako sa aming lalawigan sa La Union nang isang gabi habang tulog ang lahat ay naramdaman kong may nangangalabit sa aking talampakan mula sa maliliit na kamay o daliri sabay ang hagikgik.

Lagi nating isaisip na hindi lahat ng ganitong mga pagpaparamdam ay mula sa mga sumakabilang buhay na tao, kundi malaki ang posibilidad na mula ito sa mga maliliit na nilalang.

Ngunit kung alin sa mga multo ang kailangan pag-ingatan natin ay yung mga humahagikgik o humahagulgol dahil sa masyadong negatibo ang kanilang taglay na enerhiya.

May isa akong kaibigan na nagsabing nang makita niya ang multong humihikbi o humagulgol ay kitang kita niyang nanlilisiksik ang mga mata at maitim ang aura o enerhiya sa paligid nito.

Ang ganitong mga multo ang malaki ang posibilidad na sumanib sa pisikal na katawan ng isang tao, kung kayat hindi dapat na basta makipag-ugnayan dito kung wala kang alam sa pakikitungo sa mga kaluluwa o multo.

Ang mga nangangalabit naman ay isang uri ng multo na gustong ipahiwatig na nasa tabi lang siya o nasa paligid siya lalu na kung interesado siya sa pinag-uusapan ng mga taong nakapaligid sa kanya.

Naalala ko noong Setyembre 9, 2006 habang nasa kalagitnaan kami ng talakayan tungkol sa mga karanasan ng mga piloto ng Eye in the Sky ng DzRH sa mga multo at iba pang espiritu, ay bigla akong napa-igtad nang may kumalabit sa aking braso at kitang kita ito ng isa sa mga panauhin sa aking programang Misteryo.

Mag-ingat naman sa mga multo o espiritu na nag-iiwan ng mga pasa sa katawan pagkagising dahil sa may damdamain itong nagugustuhan ang isang tao lalu na ang mga kababaihan, kung kayat mainam na may proteksiyon dito ang ating katawan tulad ng panalangin o kaya ay pagtawag sa presensiya o puwersa ni San Miguel Arkanghel.

Kayo may mga karanasan ba kayo sa mga nilalang na hindi nakikita tulad ng mga multo, elemento, anghel, maging ng mga ekstra-terestriyal?

Kung meron, magpadala ng inyong kuwento sa aking e-mail address: misteryolohika@gmail.com o kaya ay mag-text sa 09206316528. Bisitahin din ang aking abang website: http://misteryolohika.tripod.com. Makinig din tuwing araw ng sabado sa DZRH alas-5:30 hanggang alas ng gabi para sa mga pagtalakay tungkol sa mga karanasang kababalaghan at hindi agad maipaliwanag ng ating lohikang kaisipan.#

Thursday, October 12, 2006

Dati'y Anghel, Ngayo'y Tao

Ang buhay natin ay talagang nababalot ng hiwaga at marami tayong dapat na malaman habang patuloy ang pag-inog ng ating mundo. Maraming mga karanasan ang hindi natin basta maipaliwanag maliban lamang kung ang ating isipan ay bukas sa ganitong mga kaganapan.

Marami ang nagsasabi na ang lahat ng ganitong mga karanasan at kaganapan ay katotohanan ngunit ibat-ibang interpretasyon ang maaaring maisaisip depende sa kundisyon ng kanyang paniniwala, pananampalayata at kundisyon ng kaisipan.

Mga karanasan tulad ng paglabas ng katawan o astral travel, pagkakita sa mga multo at iba pang espiritu, at ang patuloy na proseso ng kapanganakan o kilala bilang reinkarnasyon para maabot ang pagiging divine being at bumalik sa Diyos.

Isang araw, isang kaibigan ang lumapit sa akin at nagtatanong kung may posibilidad ba na ang isang anghel ay maaaring maging tao alinsunod sa proseso ng muling pagkapanganak bilang tao.

Meron umano siyang isang kaibigan na nagtataka rin sa kanyang sarili kung bakit mula't mula pa ay parang nararamdaman niyang isa siyang anghel ngunit mahirap paniwalaan dahil sa imposible umano itong mangyari lalu na at ang mga anghel bilang mensahero o tagapaghatid ng mensahe mula sa Diyos ay puro ang kanilang taglay na espiritu.

Ngunit isang araw umano, ay inimbitahan siya ng kanyang kaibigan na tignan ang tunay niyang anyo, at laking gulat nito nang tumambad sa kanyang harapan ang nagniningning na hugis ng isang anghel sa katauhan ng kanyang kaibigan.

Bagaman, nagulat at hindi kaagad naka-imik ay sinikap ng kaibigan na tanungin kung ito ba ay may ibang espiritu sa kanyang katawan o wala, at ang naging kasagutan ay wala siyang sanib, at ang kanyang nakikita ay totoo.

Ano ba ang nakita ng kaibigan kong ito sa kanyang kaibigan? Mahirap paniwalaan nang tumayo sa kanyang harapan ang kanyang kaibigan ay nakita niya itong may pakpak ng tulad ng sa mga anghel.

Sinikap niyang titigan ng husto at pinagalaw ito ng ilang ulit sa kanyang pagkakatayo maging ang balikat nito, laking gulat pa rin at hindi makapaniwala ang aking kaibigan na merong anghel na nakatayo sa kanyang harapan.



Kitang-kita ng kanyang mga mata kung paano umaayon sa bawat galaw ng kanyang kaibigan ang nagniningning na kulay puting pakpak sa kanyang gawing likuran at may anino itong maningning ng isang anghel na umanoy tunay niyang katauhan.

Ilang beses niya itong inunat palabas at kitang kita ang malapad at mahabang pakpak at nang itiklop ay kita rin sa gawing likuran ang maayos na pagkakatiklop nito tulad ng mga larawan o rebulto ng mga anghel na nakikita nitong nakapatayo ang pagkakaayos ng kanilang mga pakpak.

Napaluha pa ng bahagya ang kaibigan kong ito nang makita niya ang tunay na katauhan ng kanyang kaibigan at halos hindi siya makakibo sa kanyang nasaksihan, ngunit may katanungan sa kanyang isipan na posible bang maging tao ang isang anghel?

Maging ang kanyang kaibigan ay nagtatanong din dahil para sa kanya maituturing pa rin niyang isa lamang siyang ordinaryong tao kahit na may nakikita sa kanyang anino ng isang anghel at nararamdaman niya ang aniya'y kanyang mga pakpak.

Nang tanungin ko tungkol dito si Professor Jimmy Licauco ng Inner Mind Development Institute, na sa kanyang pagkaka-alam pinayagan ng Diyos na maging tao ang anghel na si Metatron na sa pagkakaintindi niya ay si Enoch para sa mahalagang misyon sa daigdig ng mga tao.

Nagtanong din ako sa iba pang nasa larangan ng paranormal at psychic phenomena at halos iisa ang kanilang kasagutan na posible ngang maging tao ang mga anghel dahil sila man ay may pagkakataon na sumailalim sa tinatawag na "soul evolution."

Ayon kay Daisy Martinez, isang psychic counselor, umiiral ang exception kesa sa patakaran at ang mga anghel ay maaaring mag-evolve o sumailalim sa ebolusyon sa pamamagitan ng pagganap ng kanilang tungkulin bilang tao.

Sa panig naman ni Cora Guidote, isa ring psychic counselor, inihayag nito na ang pagiging tao ng mga anghel ay bahagi ng ebolusyon ng espiritu. Ang mga tao ay merong kalayaan na mamili samantalang ang mga anghel ay walang ganung kalayaan, kung kayat ang pagiging tao ng isang anghel ay maituturing na isang napakahalagang pagkakataon para sa kanya.

Sa aking personal na pananaw tungkol dito, kung ang mga anghel nga ay naghahangad na maging tao para maabot ang tinatawag na ebolusyon ng espiritu, dapat sanang ganito rin ang lagi nating isaisip bilang mga tao lalu na at maituturing kong mas maswerte tayo dahil sa napakagandang pagkakataon na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos na makabalik sa kanyang kaharian.

Kung kayo po ang tatanungin ko, naniniwala ba kayong mga anghel man ay may pagkakataon din na maging tao? Kung oo ang inyong sagot, Bakit?

Para sa inyong mga katanungan, mag-text sa 9386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang akin website: http://misteryolohika.tripod.com . Makinig tuwing Sabado, 5:30 hanggang 6 ng gabi para sa aking programang Misteryo sa DzRH.#

Tuesday, October 10, 2006

Astral Travel, Di Dapat Katakutan

Nitong Sabado ay natalakay ko sa aking programang Misteryo sa himpilang DzRH ang tungkol sa Astral Travel/Projection o kilala rin sa tawag na Out Of Body Experience (OOBE).

Sa punto ng aming usapan ni Aldrine Fermin, isang beteranong astral traveler, nais naming ipabatid sa ating mga kababayan na walang dapat na ikatakot o ipag-alala kapag nakita niyong nasa labas kayo ng inyong katawan at kayo ay naglakbay sa malayo at kakaibang lugar, dahil kaya naganap yun dahil may layunin sa inyong buhay.

Ang Astral Travel/ Projection o OOBE ay isang pagkakataon para sa isang tulad nating nilalang ng Diyos na masilip kundi man makitang mabuti at maranasan ang ibang realidad o mundo na masasabi nating napupuntahan lamang ng mga taong sumakabilang buhay na.

Tayo bilang may mga kaluluwa ay karaniwan nang lumalabas sa ating katawan na hindi natin namamalayan dahil sa normal natin itong naisasaisip na pawang panaginip lamang.

Ang bahagi ng ating kaluluwa ay kusang lumalabas sa ating katawan habang tayo ay tulog dahil sa ito ang pagkakataon na kailangang magkaroon ng sapat na enerhiya ang ating Astral na katawan o astral body at makapamahinga ng todo ang ating pisikal na katawan.

Kaya’t habang nasa labas ang ating astral na katawan ay may mga lugar itong napupuntahan na karaniwan nating nakikita bilang panaginip ngunit may mga pagkakataon bigla natin makikita na parang totoo ang lahat.

Sa pagkakataong ito, ay marami ang posibilidad na mangyari, maaari kang mapunta sa mababang antas ng kabilang dimensiyon kabilang na rito ang pisikal na mundong ating ginagalawan o kundi man ay ang matataas na dimensiyon tulad na lamang ang paglalakbay sa tinatawag nating langit o paraiso..

May mga pagkakataon din tayong nakakausap natin ang mga sumakabilang buhay nating mga kaanak dahil sa ang ating astral na katawan ay pumasok na sa antas na maaari tayong makipag-ugnayan sa mga kaluluwa, dito man sa dimensiyon na ginagalawan natin sa pisikal o saan man sa kabilang buhay.

Ngunit karaniwan ang ganitong mga karanasan ay hindi natin kontrolado dahil sa umaayon lamang tayo sa partikular na layunin ng pakikipag-ugnayan at saka tayo bumabalik ng kusa sa ating katawan at magigising mula sa akala natin ay panaginip na hindi maaaring pansinin.

Sa karanasan ng iba tulad ni Aldrine ay may kakayanan itong gawin o sadyain ang paglabas ng kanyang katawan, anumang oras, saanman niya ito naisin.

Maalala kong minsan sa isang pulong ng Inner Mind Association of the Philippines sa Makati, kasama ko si Aldrine at naipamalas niya ang kanyang abilidad nang umupo ito sa isang tabi, sinadyang matulog at hayun lumabas siya ng katawan ng walang kahirap-hirap at saka pumasok sa katawan ng ibang tao na lumahok sa isang spitiual painting session.

Hindi lang yun ang una at huli niyang pagpapakita ng kanyang abilidad. May isa pang pagkakataon na sinadya niya ring lumabas ng katawan para lamang kausapin ang isang ligaw na kaluluwa na tumatangging makipag-usap sa sinuman.

Ang inyong lingkod ay marami na ring pagkakataon na nakaranas ng astral travel at projection o OOBE. Ang hindi talaga maalis sa aking isipan yung unang pagkakataon na nakita ko ang aking katawang lupa na nakahiga habang ako ay nakalutang sa ibabaw nito na sa takot kong baka akoy patay na ay saka ako biglang nahulog ng napakabilis sa animoy malalim na bangin at bigla akong nagising.- yung ang sinasabi ng ilan na Forced Landing o pwersahang pagbalik sa katawan.

Bagaman, kahit paano ay naipaliwanag namin ni Aldrine ang ganitong mga karanasan ay marami pa rin ang mga katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa paglabas ng ating katawan.

Tulad na lamang ng tanong na “gaano kasiguro na makabalik sa katawan ang isang nag-astral travel”. Ang sagot ko dito, maaari tayong makabalik kaagad sa ating katawan sa isang iglap dahil sa totoo lang po mas madali pang bumalik kesa sa lumabas ng katawan. Ang ating katawang lupa ay meron ding tinatawag na defense mechanism na kung may panganib habang nasa labas ang katawang –astral o kaluluwa ay biglang hahatakin ito pabalik sa ating katawan.

Gloria Perilla: Ano po ba ang ibig sabihin ng panaginip ko na parang lagi kong kasama ang mahal kong lola sa langit at kung minsan ay may humahabol sa akin. Nasa kabilang buhay na po siya.
RS: Ang iyong panaginip na kasama ang iyong lola ay totoo at yung may humahabol sa iyo ay totoo rin dahil sa ang iyong astral na katawan ay talagang naglakbay at may naka-engkuwentro kang espiritu na siyang humabol sa iyo.

Ma. Dolores Zafra: Kapag nakapanaginip po bang mga pangyayari na nangyari in the future, ano po ba ang tawag dun? Lagi po nangyayari sa akin yun sa panaginip.
RS: Ang mga panaginip na nagkakatotoo ay tinatawag na precognitive dream dahil sa pamamagitan ng panaginip ay nasilip mo ang mangyayari. Kaya’t mainam na isulat ang mga panaginip kung kailan at kung ano ang nakita at para meron kang batayan kung gaano katagal bago mangyari ang panaginip para kahit paano ay meron kang magawang paraan.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09209386533, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. Makinig din tuwing sabado sa DZRH 666 khz 5:30-6pm sa programang Misteryo. #

Thursday, October 05, 2006

Kausapin ang Inyong Anghel

Bagaman marami ang naniniwalang merong mga anghel, hindi pa rin nawawala ang pag-aalinlangan tungkol sa kanila kesyo wala pa raw nagpapakitang anghel ng personal sa tao sa mga panahong ito, bagkus ay pawang mga kuwento lamang sila.

May tanong tungkol sa mga anghel si Bianca Yu ng Laguna: “nabasa ko o tungkol sa mga anghel, halos lahat o ng sinabi niyo tungkol dito ay naganap sa akin. Bata pa po ako ay nakakita ako ng isang lalaki na naka-puti. May time din po na natutulog ako tapos may bumubulong sa akin at tinatawag ang pangalan ko.
RS: Kung ang paniniwala mong anghel ang nagpakita sayo at bumubulong sayo ay yun ang ating magiging batayan. Totoo na ang mga anghel ay karaniwang nagpapakita ng lahat ay nakaputing suot, may iba na nagpapakita na walang pakpak bagaman karaniwan ay meron silang pakpak na puting puti. Ngayon para lalu natin malaman ang totoong mga tungkulin ng mga anghel ay narito ang paliwanag tungkol dito.

Sa paniniwalang pan-relihiyon, ang mga anghel ay nahahati sa siyam na baitang depende sa tungkuling kanilang ginagampanan, bagaman may mga anghel tulad ng mga arkanghel ang kayang gumanap sa halos lahat ng tungkulin ng mga anghel.

Ayon sa nakagisnan nating paniniwala at patuloy na sinusunod ngayon partikular na ng pag-aaral tungkol sa mga anghel – "Angeology", ang baitang na kinapapalooban ng mga anghel ay tinatawag na Seraphim, Cherubim, Thrones, Dominions o Dominations, Virtues, Powers, Principalities, Archangels at Angels.

Ang Seraphim ay ang unang hanay ng mga anghel sa pinakamataas na antas na tinatawag na First Heirarchy o Choir. Sila ang sinasabing pinakamalapit sa trono ng Diyos, sila ang patuloy na nagbibigay papuri sa Panginoong Diyos na siyang lumikha sa langit at lupa, at sa buong kalawakan.

Ang Cherubim o Kerubin, ay ang mga anghel na naatasang pang-hawakan at pangalagaan ang Karunungan ng Diyos at umanoy kadalasang ipinapadala sa lupa para isakatuparan ang mahahalagang misyon tulad na lamang ng ginawa nilang pagpapalayas sa Hardin ng Eden kina Adan at Eba maging ang pagpapakalat ng balita sa kapanganakan ni Hesukristo.

Ang Thrones ay kilala rin sa tawag na Ophanin at sila ang nagsisilbi sa pangunahing tungkulin bilang "karwahe" ng Diyos o God's Chariot. Sila ang umanoy nagsasagawa ng mga pangunahing nais ng Diyos ng walang kinikilingan. Tinatawag din silang Wheels o Chariot, Kaballah at Merkabah para sa mga Jewish o Hudyo.

Ang Dominions ay ang mga anghel na nasa pangalawang antas sa grupo ng mga anghel na kilala sa katagang Second Heirarchy o Choir at nagsisilbing tagapamagitan sa mga matataas na anghel at sa mababang anghel. Sila ang karaniwang napag-uutusan ng mga Seraphim at Cherubim at sila rin ang nakatalaga para matiyak ang kaayusan sa buong kalawakan- pisikal man o espiritwal.

Ang Virtues ay ang mga anghel na umanoy nakatalaga sa natural na galaw ng mga planeta sa buong kalawakan at ang nagbibigay katiyakan sa pagkakaroon ng mga natural na proseso ng kalikasan tulad ng mga ulan, snow, hangin at iba pa.

Ang Powers naman ay ang mga anghel na tinaguriang "spirits of form". Sila ang umanoy nagsisilbing bantay ng kalangitan laban sa atake ng mga masasamang espiritu tulad ng mga demonyo, at sila ang nasa hangganan ng materyal na daigdig at espiritwal.

Ang Principalities naman ay ang mga anghel na maituturing na pinakalider ng Third Choir at nagbabantay sa materyal na daigdig sa buong kalawakan hindi lamang dito sa ating planeta at sila ang responsable para maisakatuparan ang mga Banal na Gawain ng Diyos sa pisikal na mundo.

Ang mga Archangel naman ay kilala bilang “fire angels” at silang may kapangyarihan na magtakda sa katungkulan at misyon ng mga anghel mula sa pinakamataas na antas hanggang sa pinakamababa dahil sa pinakamataas sila sa lahat ng mga anghel. Sila ang tinatawag na mga Dakilang Anghel dahil sa tinatawag din silang Chief Prince o Prinsipe ng mga Anghel tulad nina San Miguel at San Gabriel.

Ang mga Guardian Angel naman ay silang naatasang magbantay ng mas malapitan sa mga nilikha ng Diyos, bagaman meron isang uri ng anghel na nagsisilbing mensahero ng Diyos mula sa taas pababa sa pisikal na mundo.

Harinawa ay nakatulong ako sa aking mga paliwanag tungkol sa mga anghel. Maniwala man tayo sa hndi ay nandiyan sila, mainam lamang na kausapin natin sila sa pagkakataong nararamdaman natn ang kanilang presensiya.

Para sa inyong mga katanungan, mag-text sa 9206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at tignan din ang aking website: misteryolohika.tripod.com.#

Monday, October 02, 2006

Multo, Pangitain at Panaginip

Sa aking programa nitong Sabado, nais kong sagutin sa aking pitak ngayon ang katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa mga kababalaghang kanilang nararanasan.

Mula sa mga karanasan nila gising man o tulog hanggang sa mga tanong na patuloy na naghahanap ng kasagutan tungkol sa hiwaga ng ating buhay sa mundong ito.

VRS ng Pangasinan: Totoo po ba na may mga multo eh sa akin imahinasyon lang po.
RS: Marami tayong pagkakamali tungkol sa mga multo. Nais ko lang linawin na ang totoong multo ay yung mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay na tao sa mundong ating ginagalawan. Ngunit karaniwan nating napagkakamalan na multo maging ang mga engkanto tulad ng mga kapre, tikbalang, engkantada, at duwende. Ngayon kung totoong may multo, yan ay depende sa iyong pang-unawa kahit na sabihin kong totoo sila kung para sa iyo ay hindi ayaw kong makipagtalo dito. Ngayon sa sinasabi mong imahinasyon lamang sila, tama ka rin dahil karaniwan natin silang nakikita sa ating imahinasyon dahil sa mata ng ating isipan o kilala sa wikang Ingles na “mind’s eye.”

Nancy Cruz ng San Jose Del Monte, Bulacan: Ang multo ba ay nabanggit sa Bibliya?
RS: Multo. Ghost sa wikang Ingles. Karaniwang binabanggit ngayon sa mga makabagong pagsasalin ng Bibliya ay ang katagang spirit at hindi ghost tulad na lamang ng Holy Spirit, ngunit marami naman ang nakakaalam na ang mga naunang lumabas na pagsasalin ng Bibliya ay gumagamit ng katagang Holy Ghost tulad ng klasikang King James Version ng Bibliya. Ngunit hindi naman nangangahulugan na ang mga manunulat ng King James ay hindi na gumagamit ng katagang spirit sa kanilang pagsasalin, ngunit pinipili lamang nila sa mga salitang “spirit” at “ghost” alinsunod sa kanilang diskresyon. Sa pagsasalin ng bibliya sa tagalog ay wala ka talagang mababasa o makikitang direktang pagsasalin ng katagang ghost sa multo kundi ang karaniwang ginagamit ay ang espiritu.

BR Dan: Anong ibig sabihin ng vision na may isang tao na nagdasal na may puting kalapati na nakapatong sa kanyang dalawang kamay.
RS: Kung ito ay isang vision o pangitain ay hindi ko masasabi kong ano ang nais na ipahiwatig nito. Marahil nais na ipahiwatig nito ang iyong espiritwal na ng katangian. Maaaring kailangan mong magdasal para sa kapayapaan dahil sa ang mga kalapati ay simbolo ng kapayapaan. Mainam na ang mismong ang nakakita nito ang tanungin dahil iyak na mararamdaman niya kung ano ang nais na ipahiwatig ng kanyang pangitain o vision. Kung palagi kang nakakakita ng ganitong mga vision ang ibig sabihin ay hindi mo pa nakikita o nauunawaan ang tunay na kahulugan ng lahat.


Sergio Pesalver Jr.: Totoo ba talaga ang “spirit of the glass.”
RS: Ang spirit of the glass ay maituturing kong isang ritwal ng pakikipag-ugnayan sa mga espiritu lalu na ng mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay kung kaya’t hindi dapat na gawing laro. Ito ay nakapaloob sa katagang séance – halaw sa katagang Prances na ang ibig sabihin ay seat o paupo at session o sesyon. Ang spirit of the glass ay walang kaibhan sa sesyon ng paggamit ng Ouija board, at spirit of the coin, dahil lahat ng ito ay mga paraan ng pagtatangkang makipag-ugnayan sa mga patay. Maaari lamang itong gawin ng mga taong may angking kaalaman sa pakikipag-ugnayan sa mga nasa kabilang buhay. Dahil kung hindi ay maaaring mag-resulta ito sa pagsanib ng masamang espiritu sa mga taong gumawa nito.

Di nagpakilalang texter: Ano po kaya ang ibig sabihin ng nangyayari sa mga naiisip ko kasi bigla na lamang pumapasok sa isip ko na mangyayari ang ganito tapos pagdating ng ilang araw o buwan ay nangyayari nga.
RS: Ito ay tinatawag na precognition, ang abilidad ng isang tao na makita ng mas maaga o advance ang anumang mangyayari o magaganap sa hinaharap, masama man ito o mabuti, kalamidad man ito o hindi. Ang suhestyun ko lamang sa mga taong nakakaranas nito maging mga panaginip na may kaugnayan sa mga kaganapan ay isulat ang detalye ng inyong mga nakita o pangitain. Kung paano kayo makatutulong, maaaring bigyan ng babala ang sinumang mga tao na ang akala ninyo kasama sa inyong nakita.

Marvs ng Tandang Sora, Quezon City: Ano po ba ang ibig sabihin sa panaginip na merong apat na patay.
RS: Hindi malinaw kung paano mo nakita ang mga patay., ngunit kung iyon ay kinapapalooban mo tulad ng ikaw ay nasa loob ng kabaong o pinaglalamayan ay simbolo lamang ito ng isang pahiwatig na dapat na mamatay ang isang masamang katangian mo o di man kaya ay tuluyang nang kalimutan ang isang bagay na may matinding koneksiyon sa iyong katauhan. May iba namang interpretasyon na ang patay ay simbolo daw ng pera na posibleng dumating sa iyong buhay ngunit para sa akin ang isang panaginip ay depende pa rin sa bawat sitwasyon na ginagalawan ng isang tao. Lagi natin tandaan na walang direktang interpretasyon ang panaginip maliban lamang kung ito ay isang mensahe ng maaaring maganap sa hinaharap dahil sa karaniwan itong simbolo ng mensahe na nais iparating sayo.

Rizalio Sanchez: Totoo ba talagang may mga anghel.
RS: Kung ang tanong mo ay totoo o hindi ang mga anghel, yan ay sasagutin ko na halimbawa may magpakita sayong anghel, kaya mo ba siyang tanggapin sa iyong buhay? Ang anghel sa ating nakagisnan ay mga mensahero ng Diyos para iparating ang anumang pahayag mula sa Poong Lumikha ng Langit at Lupa. May mga kilala akong clairvoyany na nagsabing nakita nilang may anghel.

Ilan lamang yan sa mga katanungan ng ating mga kababayan na lumahok sa ating lingguhang programang Misteryo sa DZRH tuwing Sabado alas-5:30 hanggang 6 ng gabi. Sa inyong mga katanungan mangyaring pakilagay lamang ang inyong pangalan at lugar at maaari kayong mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking simpleng website http://misteryolohika.tripod.com .