Sunday, December 31, 2006

Mga Prediksiyon sa 2007

Sa totoo lang ayaw kong pangunahan ang kapalaran ng tao sa hinaharap dahil sa aking sariling paniniwala na hayaan natin na dumaloy ang panahon sa ating buhay sa mga sumusunod na minuto, oras, araw, buwan at mga taon.

Ngunit may mga pagkakataon na mahalagang malaman natin kung ano nga ba ang mga posibilidad na mangyari sa ating buhay sa pangkalahatan sa planetang ito, dahil sa paniniwala rin ng karamihan na nang likhain ng Poong Maykapal ang buong kalawakan ay meron nang nakatakdang kapalaran ang bawat nilikha nito sa bawat lugar, bawat dimensiyon at bawat panahon.

Bagaman masasabi nating ang kapalaran ng bawat nilikha ay nakatakda na, binibigyan naman tayo ng Poong Lumikha ng pagkakataon na baguhin ang anumang kapalaran na ayaw nating mangyari sa pamamagitan ng free will o kalayaan nating mag-desisyon, mag-isip at umaksiyon.

Ang taong 2007 batay sa kalendaryong sinusunod ng mga Intsik ay ang taon ng baboy. Ang baboy ay kapwa merong positibo at negatibong katangian. Sa aking personal na pananaw ang negatibong katangian ng baboy ay mismong nasa pangalan nito. Hindi ba’t karaniwan nating ginagamit ang mga katagang “pambababoy”, “binababoy” na ang kahulugan ay panyuyurak sa dangal at pagsira sa buhay ng kapwa, magulo ang buhay, at wala sa tamang diskarte ang bawat aksiyon. Ngunit ang ganitong masamang katangian na nakikita sa baboy ay kayang takpan ng magagandang ugali nito dahil sa alam naman ng karamihan na kapag may baboy ka sa iyong bakuran ay magandang kinabukasan ang maibibigay nito…ngunit kailangan lamang na bigyan ng tamang giya para magkaroon ng magandang resulta.

Ang 2007 tulad ng mga taong 1887 at 1947 ay tinatawag na “fire boar” sa Chinese sign. Ang Fire Pig o Boar ay masasabing malakas at matindi ang taglay nitong emosyon na suungin ang anumang pagsubok sa buhay dahil sa matinding determinasyon, kung kaya’t ang taong 2007 ay masasabing magandang pagkakataon na mag-negosyo. Ang sinuman ay merong pagkakataon na piliin kung anong kabuhayan ang angkop sa kanyang panlasa at umaasa siyang magiging siksik, liglig at umaapaw ang biyaya. Ngunitk kailangan lamang na maging malakas ang loob sa anumang desisyon dahil sa ang katiting na pagdududa sa papasuking oportunidad na maaaring mauwi sa kawalan sa halip na umusbong ng maganda at lumago ang kabuhayan.

Pinag-iingat din ang mga tao sa taon ng mga baboy dahil sa madali itong kapitan ng sakit kapag naging pabaya sa kanyang katawan lalu na at kapag subsob tayo palagi sa trabaho. Dahil sa matinding determinasyon sa kanyang buhay, ang tao sa taon ng Baboy ay iniisip lamang ang pagkayod ng kayod at handang tumulong sa kapwa ngunit nakakalimutan na ang kanyang sariling kaligtasan sa kalusugan. Hindi ba’t ngayon pa lamang ay marami na ang nagkakasakit dahil sa sipon, ubo, lagnat at trangkaso na sa akala natin ay bunsod ng matinding pagbabago sa ating panahon, ngunit kung susuriin nating mabuti at titignan natin ang katangian ng isang baboy, hindi ba’t sensitibo ito sa sakit lalu na at hindi kaya ng kanyang katawan ang takbo ng panahon? Ngunit, may iilan na nakasasabay sa mga pagbabago ng klima at mutasyon ng mga bakterya at virus at sila ang makatatagal sa pag-atake ng mga sakit.

Dapat na mag-ingat ang tao sa apoy at tubig sa taong 2007, lalu na ngayon paalis pa lamang ang taong 2006 na Year of the Fire Dog ay nagkasunud-sunod na ang mga insidente ng sunog samantalang may mga prediksiyon na magkakaroon ng mga pagbaha sa darating na taon. Samantala, dapat ding mag-ingat sa mga taong akala mo ay kaibigan mo ngunit yun pala ay lolokohin ka lalu na kapag pera ang nakataya. Laging tignan kung hanggang saan ang pakikitungo sa kapwa at iwasang lumagpas sa anumang limitasyon sa lahat ng aspeto tulad ng negosyo, relasyon, trabaho, pag-aaral at iba pa.

Kung kayo ay ipinanganak sa taong ng Baboy, narito ang mga pagtaya ng inyong relasyon sa ibang tao na ipinanganak sa ibang Simbolo. Pag ang kabiyak ay ipinanganak sa Taon ng Daga o Rat – masaya at mapayapang samahan; Pag Ox ang kabiyak – walang matinding alitan; Tiger – may napagkakasunduang bagay at maaaring magtulungan; Rabbit – may kooperasyon sa bawat isa; Dragon – madaling maayos ang anumang sigalot; Snake – hindi tugma dahil laging may away; Horse – may napagkakasunduan sa ilang bagay; Sheep – tugma sa relasyon dahil laging nagkakaunawaan; Monkey – walang masyadong problema; Rooster – paborableng relasyon sa pag-ibig at negosyo; Dog – respeto sa bawat isa; Pig – hindi maiwasang may banggaan sa bawat isa sa mga desisyon ngunit maalab ang pagmamahalan.

Minabuti ko ring kunin ang prediksiyon ng ilang psychic sa nakikita nilang kapalaran ng bansa sa darating na taon.

Sa prediksiyon nina Psychic Counsellors Daisy at Chito Mercader magiging maganda ang kalagayang negosyo at ekonomiya ng bansa; sa pulitika ay tiyak na magiging masaya at magulo; at ipinapayo nila na kailangan lamang na tignang mabuti ang nakalipas na taon para sa anumang aksiyon sa darating na taon, ngunit kailangang maging matalino ang tao sa anumang desisyon nito at wag maging padalus-dalos. May nakikita rin silang kalamidad ngunit may mga pagbabago at maaaring hindi na magiging matindi ang epekto.

Sa prediksiyon naman ni Psychic Anthony Vivero, ay meron siyang mga pananaw ng kalamidad, kaguluhan at karahasan. Enero – lindol sa Luzon sa ikalawa at ikatlong lingo na may lakas na magnitude 7 at marami ang mamamatay tulad ng nangyari noon sa Baguio City; Pebrero – gulo sa hanay ng military sa ikatlong linggo kaakibat ang tangkang Kudeta ngunit mapipigil, asasinasyon o pagpatay sa taga-oposisyon; Marso – pagkilos ng mga relihiyong grupo sa pangunguna ng simbahan ngunit hindi mauuwi sa people power; Mayo – madugong eleksiyon at makakaungos ang oposisyon; Hulyo, Agosto, Oktubre at Nobyembre – sunud-sunod na bagyo, pagbaha, landslide sa Quezon, Bikol, Kabisayaan at Mindanaw; Setyembre – magandang pagkakataon sa negosyo; Disyembre – rekonsilasyon sa mga pulitiko. Magiging matamlay ang pelikulang Pilipino sa susunod na taon.

Ilan lamang po yan sa mga prediksiyon para sa susunod na taong 2007. Nais ko lamang ipaalala sa lahat na ang anumang nakita ng mga sensitibong tao, bisyunaryo o psychic ngayon ay totoong yan ang nakita at naramdaman nila at hindi panghuhula o guessing lamang ngunit maaari nating baguhin ang mga masasamang prediksiyon sa pamamagitan ng kalayaan natin sa pag-iisip o free will. Isaisip po nating palagi na ang free will ay ang natatanging regalo sa atin ng Poong Maykapal para hubugin natin sa mas maganda ang ating kapalaran sa daigdig na ito. Para sa karagdagang detalye ng mga prediksiyon ay makinig mamayang hapon sa aking programang Misteryo 5:30-6 ng gabi sa DZRH.

Para sa inyong mga suhestyun at katanungan, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Saturday, December 23, 2006

Mga Anghel Nagpakita

Ilan ba sa atin ang naniniwala sa mga anghel? Bagaman marami ang naniniwala sa mga anghel, iilan lamang ang kumbinsido na sila ay totoo at yan ay depende sa kanilang karanasan kung makikita nila ang mga ito, maramdaman ang kanilang presensiya at higit sa lahat ay ang kanilang mas masidhing ugnayan sa Poong Maykapal dahil sa mga anghel.

Isang estudyante mula sa Divine Word College ng San Jose, Occidental Mindoro ang kamakailan ay aking kinausap kung naniniwala siya sa mga anghel at sinabi ko sa kanya na kung makikita niya ang mga ito ay paniniwalaan niya. Ayon kay Coney, maniniwala lamang siya kung makikita niya mismo ang mga ito. Sinubok kong tawagin ang presensiya ng mga anghel para makita ng estudyante.

Sa una ay may pag-aalinlangan sa panig ni Coney ngunit nang kalaunan ay unti-unting nagbago ang kanyang reaksiyon ng unti-unti siyang may makita habang kami ay magkaharap, at halos maiyak siya sa kanyang nasaksihan.

Minabuti ni Coney na isulat ang kanyang karanasan at sanay kapulutan ng aral ng ating mga mambabasa sa aking pitak dito sa Balita.

Totoo ba ang anghel? Karaniwan na lamang ang tanong na ito para sa mga tao, kabilang na ako. Hindi ko talaga alam ang sagot dito, kasi wala pa naman akong karanasan na makakita ng mga anghel. Sa TV lang kasi ako nakakita ng mga anghel. Actually hindi ko rin alam kung maniniwala ba ako o hindi sa angels dahil ito’y mga kuwento lamang ito ng mga mas nakatatanda at iba pang mga tao.

Matapos kong maranasan ang ipinagawa sa akin ni Sir Rey na makita ang mga anghel habang nakapikit ang aking mga mata, masasabi kong may anghel nga pala. Noong una kahit na anong subok kong makita ang mga anghel ay talagang wala akong makita ngunit nang ipikit ang aking mga mata ay nag-iba ang aking pakiramdam.

I saw angels with their wings, nasisilaw ako sa sobrang liwanag na nakikita ko. So many angels at the back of Sir Rey. They were all smiling at me, waving their hands and saying “Hi”, “Hello”, and also saying “We are real Coney, believe in angels, believe in us”. Even Sir Rey, I saw him in white clothes (though he’s wearing red shirt) having wings and lights. That was the moment I realized that kahit na human beings ay maaaring maging anghel.

As I opened my eyes, I felt better masarap ang pakiramdam na hindi naked eyes nakakita sa mga bagay na mahirap paniwalaan tulad ng pagkakita ko sa mga anghel kundi sa pamamagitan ng aking imahinasyon and feelings.

Nang moment nay un naisip ko din na “I might be an angel too”. An angel with wings, lumilipad, nakasuot ng pure white na damit at anghel na may sobrang liwanag sa kapaligiran.

Sa experience kong ito, nais kong pasalamat kay sir Rey dahil through him nakita ko ang mga bagay na hindi nakikita ng iba, nasagot ko ang isang katanungan na nagsilbing palaisipan sa akin sa matagal na panahon.

Ang naging karanasan ni Coney bagaman sa pananaw ng iba ay kakaiba, kababalaghan at maaaring sabihin na kabaliwan lalu na at sinabi niyang sa imahinasyon niya nakita ang mga anghel. Sa katotohanan lang, ang pinakamadaling paraan para makita ang mga espiritu, elemento man ito o mga anghel ay ipikit ang mga mata at hayaan na tignan sila ng “mata” ng isipan.

Sa aking personal na pananaw, tayo ay may kanya-kanyang kakayanan na maranasan ang presensiya o makakita ng anghel depende yan sa kundisyon ng ating katauhan. Nabanggit din ni Coney na maging ako ay may pakpak at nagniningning sa liwanag ng mga sumandaling iyon, ganito rin ang sinabi ng iba pang clairvoyant na nakakita sa akin. Marahil ay ganito ang persepsiyon ng karamihan sa mga nakakakita sa mga espiritu lalu na ang mga anghel dahil sa lakas ng kanilang enerhiya.

Ngunit, paano kung magigising tayo sa katotohanan na may mga dating anghel na nagkatawang tao para tumulong sa mga nilalang dito sa lupa. Lalu na at mula’t mula pa ay may paniniwala na ang mga ninuno natin sa planetang ito na may mga bumabang anghel para makisalamuha sa tao at tumulong na mas mapabuti ang kasaysayan ng mga nilalang sa planetang ito.

Malay niyo kayo mismo, ang inyong mga kaibigan, kamag-anak ay dati ring anghel na hindi pa nagigising sa katotohanan ng kanilang tunay na misyon sa lupa. Maaari din tayong maging anghel sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamahal sa kapwa, pagpapatawad sa mga kasalanan ng iba, pagpapalaganap ng kapayapaan sa inyong mga lugar at sa inyong mga puso at ang palaging pagtawag sa presensiya ng Poong Maykapal at ang pinakamahalaga ay pasasalamat sa lahat ng mga biyaya at mga sakripisyong nalampasan natin sa ating buhay.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, at bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. Makinig din sa king programang Misteryo alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi sa DZRH. #

Thursday, December 14, 2006

Mga Tanong Tungkol sa mga ET

Totoo ba ang mga Ekstra-Terestriyal (ET)? Bakit sila nandito sa ating planeta? Ano ang kanilang plano para sa mga tao? Totoo bang may plano na tayo ay sakupin ng mga ET at gawing tayong alipin?

Ilan lamang yan sa mga pumailanlang na tanong ng maging paksa ng aming talakayan sa tungkol sa mga mensahe ng mga ET para sa sangkatauhan.

Tulad ng dati ang sagot ko sa unang tanong ay isa ring tanong na kayo mismo ang sasagot. “Kung hindi totoo ang mga ET, ano ang layunin ng Diyos na likhain ang bilyun-bilyung mga planeta at bituin sa kalawakan kung tayo lang mga tao sa nag-iisang planeta ang masasabi nating tanging buhay na nilalang.”?

Ang pangalawang tanong kung bakit sila nandito sa ating planeta ay sasagutin ko din ng isa pang tanong. “Kung totoong narito na sila sa ating planeta at matagal na silang nandito, at isang araw nagpakita silang lahat sa isang iglap, kaya ba nating tanggapin ang kanilang presensiya”?

Ang pangatlong tanong kung ano ang kanilang plano sa tao o para sa mga tao ay sasagutin ko din ng isa pang tanong. “Kaya ba natin tanggapin at ano ang ating gagawin kung ano anuman ang plano ng mga ET sa atin.?

Ang pang-apat na tanong kung totoong may planong sakupin tayo ng mga ET at gawin tayong alipin ay sasagutin ko ng “kapag nangyari ito, may magagawa ba tayo para iligtas ang ating lahi bilang tao?

Sa pang-apat na tanong kung may plano silang sakupin ang planeta? Ang sagot ko ay OO ngunit hindi lang naging matagumpay ang may plano nito dahil sa may ibang lahi ng ET na tutol dito. Ngunit kung talagang pipilitin ng mga ito na gawin ang pananakop sa ating planeta at magkakaisa ang mga ET ay dapat noon pa ay wala nang tao sa planetang ito.

Sa aking programang “Misteryo” noong Sabado, narito ang mga tanong ng ating mga kababayan tungkol sa mga Ekstra-Terestriyal.
Robert Landicho ng Quezon: Ano ang ibig sabihin ng nakita ko na isang malaking apoy na mabilis bumababa mula sa langit at lumapit sa akin ng mga 20 metro at may taas na 20 talampakan. Ang dayametro nito ay nasa 6 na talampakan.
RS: Bagaman hindi kumpleto ang detalye ng kanyang karanasan ang impresyon ko sa tanong ni G. Landicho ay isang UFO ang kanyang nakita niya at ito ay naganap sa gabi dahil para sa kanya ay malaking apoy ang tumambad sa kanyang paningin. Hindi lang niya nasabi kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari mula nang makita niya ang malaking apoy. Kung bakit apoy ang nakita niya at hindi ang totoong hitsura ng sasakyang pangkalawakan ng mga ET, dahil batay na rin sa paliwanag ng isang siyentista na si Robert BOB Lazar at iba pang mga eksperto, lumilikha ng animo’y apoy sa kabuuan ang mga UFO kapag ito ay lumipad na bahagi ng tinatawag na propulsion system ng mga sasakyang pangkalawakan ng mga ET.

Lester: Kung totoo po sila (ETs) bakit hindi po sila nagpapakita.
RS: Marami nang mga dokumentadong mga insidente na nagpakita ang mga ET sa tao. Mula pa noong unang mga panahon sa mga naunang sibilisasyon ng tao ay nagpapakita na ang mga ito at sa katunayan ay may personal na ugnayan dito ang ating mga ninuno. Marami ang mga naniniwala na ang mga higanteng straktura tulad ng mga pyramid sa Ehipto ay ginawa sa tulong ng mga ET. Ang makabagong teknolohiya sa modernong mga eroplano ng Estados Unidos tulad ng stealth bomber at F-117 fighter planes ay resulta ng pakikipag-ugnayan sa mga ET. At kung kayo ay magagawi o madadaan sa 100 milyang kahabaan ng Nevada Highway 375 ito ay idineklarang Extraterrestrial Highway ni Gov. Bob Miller noong Abril 16, 1996. Yung nakuhang mga debris at mismong mga bangkay at nakaligtas na nilalang sa bumagsak na UFO noong Hulyo 1947 sa Roswell, Mexico ay maituturing ding ebidensiya na narito na sa ating planeta ang mga ET.

Zaldy Laurete: Ano po ba ang hitsura ng mga ET?
Batay sa pag-aaral ng mga eksperto sa larangan ng UFOlogy at mga taong direktang may kaugnayan sa mga ET, ang mga nilalang na ito ay may ibat-ibang hitsura ngunit karaniwan silang nakikitang merong malalaki ang ulo na hugis bombilya at malalaking mga mata. Bagaman halos pareho ang kanilang mga mukha ay magkakaiba naman ang kanilang taas tulad ng mga Grey alien mula a Zeti Reticuli Star System na nasa taas na 3 hanggang 4 na talampakan, samantalang ang mga Martian ay nasa taas na 7 hanggang 8 talampakan. May mga ET din na magaganda ang mga hitsura na animoy mga anghel dahil sa kulay Blonde ang buhok na tinatawag na Nordic beings. Ang mga Reptilian naman ay yaong mga ET na kahawig ng mga dinosaur ang kanilang ulo samantalang may mga ET na ang tawag sa kanila ay Mothman na animoy gamu-gamo ang pakpak na may dalawang antenna sa ulo.

Kahit paano sa abot ng aking kaalaman ay harinawa’y nasagot ko ang mga katanungan tungkol sa mga ET na ang buong akala natin ay gawa-gawa lamang ng malikot na imahinasyon ng mga manunulat at gumagawa ng pelikula ngunit napatutunayang totoo batay sa karanasan na rin ng tao.

Para sa inyong mga katanungan mag-text sa 09206316528, mag-email sa misteryolohika@gmail.com, bisitahin ang aking website, http://misteryolohika.tripod.com at makikita niyo rin ang mga video tungkol sa paranormal, at ugaliing makinig sa aking pang-sabadong programa Misteryo, alas-5:30 hanggang alas-6 ng gabi. #