Monday, September 24, 2007

Dapat Bang Sisihin ang Diyos?

Dapat bang sisihin ang Diyos sa mga kalamidad, terorismo at iba pang kamatayan sa mundong ito? Ang tuwiran kong sagot sa katanungan na ito ay HINDI! Hindi dahil sa Diyos Siya at malaki ang utang na loob natin sa Kanya na lumikha sa atin, kundi dahil sa wala talaga Siyang dapat na panagutan sa mga nangyayari sa atin dito sa lupa.

Bagaman may punto sa kanyang akusasyon ang isang senador ng Estados Unidos, na bilang Diyos hindi dapat nito pinababayaan ang Kanyang mga nilikha na magdusa, maghirap at mamatay, ang akin namang nais na bigyang diin ay oo nilikha nga Niya ang buong sanlibutan ngunit binigyan naman Niya tayo ng kalayaan na mahalin, pangalagaan at proteksiyunan ang buhay na ipinagkaloob sa atin.

Umani ng ibat-ibang reaksiyon ang hakbang ni Nebraska State Senator Ernie Chambers nang pormal itong magharap ng reklamo laban sa Diyos sa Douglas County court dahil sa responsable ito sa mga nangyayaring kalamidad, terorismo at iba pang kamatayan ng mamamayan sa mundong ito.

Ikinatwiran ni Chambers, bilang Diyos dapat lamang Siyang sisihin sa mga masasamang pangyayari sa buhay ng tao dahil sa hindi Niya ginagampanan ang kanyang responsibilidad bilang Diyos na pangalagaan ang buhay na Kanyang nilikha.

Si Chambers ay kilalang salungat sa turo na may Diyos ngunit sa kanyang tinuran ay tila maging siya ay naniniwalang merong Diyos na lumikha sa lahat sa buong kalawakan o universe.

Ang naging aksiyon ni Chambers ay agad namang sinagot ng “Diyos” nang biglang may lumagpak na mga dokumento sa mesa ng clerk of court ng Douglas County. Hindi lamang isa kundi dalawang dokumento na nagsasabi kung ano ang maaaring nasa damdamin o isipan ng Diyos ayon sa mga naniniwala sa Kanya.

Binigyang-diin ng “Diyos” na hindi Siya dapat sisihin sa mga nangyayaring kalamidad, pagkakasakit, terorismo at kamatayan ng Kanyang nilikha dahil sa lahat ng Kanyang nilalang ay binigyan niya ng kalayaan na mabuhay, mag-isip at umaksiyon para bigyang halaga ang buhay, mahalin at proteksiyunan ito.

Ang tinukoy sa umano’y sagot ng Diyos ay ang ipinagkaloob Niya sa ating FREE WILL, na para sa aking personal na pananaw ay siyang maituturing na pinakamahalagang regalo bilang Kanyang mga nilikha.




Dahil sa free will na yan ay kayang baguhin ng tao ang kapalaran o destiny nito sa hinaharap ngunit sa dalawang direksiyon – mabuti o masama. Oo, ang bawat nilalang ay merong kapalaran na itinakda sa kanyang buhay ngunit magaganap lamang ito batay sa nais ng may buhay kung gusto niyang maging maganda at kumplikado ang buhay.

Kung anuman ang nangyayari sa ating buhay ngayon tulad ng mga kalamidad, terorismo at iba pang maramihang kamatayan ng tao ay tayo rin ang may gawa. Sa paanong paraan? Tignan po natin ang pagbabago sa ating klima o panahon tulad ng global warming. Hindi po ba yan ay resulta ng naging pang-aabuso natin sa kalikasan? Ano naman ang nagtulak sa mga taong tinawag nating terorista para maghasik ng karahasan? Hindi po ba ito ay gawa rin natin bilang tao dahil sa maling mga desisyon ng pamahalaan kung paano pakitunguhan ang ibang lahi at hindi kauri.

Para sa inyong mga katanungan, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com. Mag-chat tayo, ang ym-id ko misteryo_lohika@yahoo.com. #

Monday, September 10, 2007

Mga Karanasang Paranormal

Bawat isa sa atin ay merong karanasang paranormal. Ito ay sa kabila ng nakagisnan nating kaisipan na hindi ito dapat paniwalaan sanhi ng impluwensiya ng relihiyon na ating kinaaniban.

Ngunit mahirap ipagwalang bahala lamang ang mga kakaiba nating karanasan tulad ng pagkakita at pagkaramdam sa multo o anumang espiritu, at ang mga pangyayaring akala natin ay nagkataon lamang ngunit sa katotohanan ay hindi.

Narito ang ilan sa mga karanasan at katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa paranormal.

Liza ng Sta. Rosa, Laguna: Tanong ko po kapag kinikilabutan ka na kabilang braso at may malamig na humipo at parang may anino na tumatakbo sa likod ko ano po yon may nakatira po ba sa bahay ko? Kasi gabi na kami nauwi araw walang tao.

RS: Totoong merong ibang nilalang sa inyong bahay kapag ganyan ang inyong nararamdaman. Ang pagtayo ng balahibo na para bang may sapot ng gagamba o malagkit na enerhiya sa tabi mo ay tanda ng presensiya ng multo o espiritu. Karaniwan kapag walang tao sa bahay ay maaaring tirhan ng mga kaluluwa.

Magie ng Nueva Ecija: About reincarnation. Noon pong buhay pa sila na kapamilya ko ay malimit silang mag-argumento. Bakit kahit na ngayong namayapa na sila ay nagawa pa nilang magre-incarnate sa mga mahal nila . Mahal ko sila kapwa. Panu po ba sila mapagkasundo?

RS: Batay sa aking nalalaman, hindi reinkarnasyon ang sinasabi mo kundi ito ay manipestasyon ng mga namayapa mong kamag-anak. Dalawang bagay ang maaaring paliwanag ko sa mga posibleng nangyayari sa inyong bahay o lugar na sa akala mo ay kagagawan ng mga namayapa mong kamag-anak. Una, maaaring multo nila ang nasa likod ng mga manipestasyon tulad ng sinasabi mong argumento nila o pagtatalo. Maaaring naririnig mo sa dis-oras ng gabi ang kanilang mga boses o mga pagtatalo. Pangalawa, posibleng ang mga boses o mga argumento na naririnig niyo sa inyong paligid ay ang enerhiyang nilikha rin mga namayapa mong kamag-anak ng sila ay nabubuhay pa. Para itong nai-record na pangyayari sa isang lugar at ang enerhiyang nilikha ay dumikit sa paligid at lalu pang lumalakas lalu na kapag walang katahimikan sa inyong bahay. Ito rin ang maituturing na isang dahilan ng pagkakaroon ng “poltergeist” o di matahimik na multo sa isang lugar na nakapagpapagalaw sa mga bagay at nakakapanakit sa mga taong nakatira.

Alex ng Cagayan de Oro City: I tried to meditate then para akong hinihigop what should i do? Kasi dumidilat na lang ako, I’m afraid baka di na ako magising.

RS: Wala kang dapat ikatakot sa naturang karanasan. Sa totoo lang para ka ngang mamamatay sa naturang proseso. Ang prosesong ito ay tinatawag naming na Out of Body Experience (OBE) – ang isang natural na kakayanan ng ating kaluluwa na lumabas sa ating katawan. Karaniwan itong napagkakamalan nating simpleng panaginip lamang ngunit sa totoo ay nasa labas ka ng iyong katawan. Sa aking personal na karanasan at ng iba pa ang OBE o Astral Projection/Travel ay karaniwan nating kakayanan ngunit kailangan lamang na wag matakot dahil sa ito rin ang maaaring maging dahilan ng ating kapahamakan tulad ng mga taong namamatay dahil sa bangungot.

Ilan lamang yan sa mga naidulog sa aking karanasang paranormal ng ating mga kababayan. Para sa inyong mga katanungan at suhestiyon, mag-text sa 09286209127. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin din ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. #

Monday, September 03, 2007

Himala?

Bagaman bawat segundo ng ating buhay ay may nagaganap na himala, iilan lamang sa atin ang nakapapansin nito dahil sa masyado tayong abala sa ating trabaho, sa ating pag-aaral at iba pang mga pang-araw araw na nating Gawain.

Maraming uri ang mga himala sa buhay ng tao. Unang-una ang ating buhay mula ng tayo ay gumising sa umaga hanggang sa tayo ay matulog sa gabi ay maituturing nating himala. Ang di inaasahang pagtulong ng ating kapwa sa atin ay masasabi nating himala. Ang pagkakasundo ng mga mag-kaaway ay himala. Ang paggaling ng isang taong may sakit ay himala. At ibat-iba pang himala na bagaman karaniwan na nating nararanasan sa araw-araw ay hindi na natin itinuturing na himala sa katwirang karaniwan na itong dumarating sa atin.

Ngunit paano kung ang materyalisasyon ng isang bagay mula sa kawalan ay naganap sa inyong buhay, masasabi ba ninyo itong himala? Tulad halimbawa ng biglang sulpot sa iyong harapan ng isang bagay na sa pagkakaalam mo ay imposible namang maganap.

Ganito ang naging karanasan ni Malou at kanyang mga kasamahan sa isang therapy center sa Paranaque City noong gabi ng Lunes, Agosto 20, 2007.

Pasado alas-7 ng gabi, katatapos lamang ng buong araw na pagsisilbi sa tao ang Dorn Method Back Pain Therapy Center sa Better Living Subdivision, Paranaque City nang unang mapansin ni Rose, secretary ni Malou ang isang kulay puting balahibo ng pakpak sa ibabaw ng susi ng sasakyan na nakapatong sa ibabaw ng mesa.

Bagaman, sa unang tingin pa lang nila ay nangilabot na sila dahil sa imposibleng magkaroon ng balahibo ng pakpak sa loob ng therapy center na dahil sa ito ay selyadong nakasara sanhi ng air condition ay wala naman silang alagang ibon o manok sa loob.

Nang hawakan ni Malou ang naturang balahibo ay nababalot pa ito ng mainit na enerhiya na kung iisipin natin ng lohika ay animo’y bagong pilas sa pakpak at damang-dama nilang lahat ang matinding kilabot ngunit masarap sa pakiramdam na enerhiya nang sumandaling iyon.

Iisa ang namutawi sa kanilang mga labi ng mga sumandaling iyon nang sila ay magtanong sa bawat isa kung saan nagmula ang balahibo ng pakpak – at ito ay mula sa pakpak ng anghel lalu na at bago nila simulan ang buong araw ng therapy ay nakaugalian na nilang magdasal sa Diyos at sa mga anghel partikular na kay San Miguel Arkanghel.


Bagaman sa kanyang paniniwala na ito ay mula sa isang anghel at malakas ang kanilang kutob na mula ito kay Arkanghel Miguel, minabuti ni Malou na sumangguni sa isang channel.

Ang Channel ay merong kakayanan na makipag-ugnayan sa mga nilalang sa kabilang dimensiyon o sa daigdig ng mga espiritu.

Nang taungin ng isang channel ang nilalang na maaaring pinagmulan ng naturang balahibo ng pakpak at kinumpirma nitong mula nga ito sa isang anghel, at ito nga ay si Arkanghel Miguel.

Maging ang inyong lingkod ay tumanggap din ng mensahe mula sa isang channel na ang naturang balahibo ay mula sa isang anghel, kung kayat maging ako ay kumbinsido tungkol dito.

Mahirap paniwalaan ngunit nagaganap ang ganitong materiyalisasyon ng mga bagay na sa akala natin ay imposibleng maganap. Ito ay kung buo ang ating paniniwala na kahit saan, anumang oras at panahon ay maaaring magkaroon ng itinuturing nating himala sa ating buhay.

Kung matuto lang tayo na isipin at tanggapin na maging ang ating buhay kahit gaano kahirap ay ituring nating isang himala ay di malayong maranasan natin ang ganitong kaganapan sa buhay ni Malou.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09286209127, mag-email sa misteryolohika@gmail.com. Bisitahin ang aking website http://misteryolohika.tripod.com. May mga guided meditation at music din tayo na maaari ninyong magamit para sa inyong psychic development, at mga video na makatutulong sa inyong pansariling espiritwal na kaalaman.#