Thursday, May 25, 2006

Walang Masama sa Da Vinci Code

Katakot-takot na batikos ang inabot ni Dan Brown sa sinulat niyang nobela na “The Da Vinci Code” at lalu pa siyang inupakan nang isapelikula ang kanyang aklat na may katulad ding pamagat.

Dismayado ang inyong lingkod nang dumalo ako sa isang misa noong Linggo at matinding pag-alipusta ang ginawa ng pari kay Brown na inihambing sa isang alagad ng kadiliman dahil sa sinulat nitong nobela.

Sa aking pansariling pananaw, ang pari bilang isang alagad ng simbahan na nirerespeto sa isang komunidad o parokya hindi mo dapat alipustahin ng ganun ang isang tao na parang ituring mo na isang hayop at ginawa pa niya ito sa loob ng bahay ng Diyos na dapat ay nakalaan lamang sa panalangin at pagpuri sa Poong Lumikha.

Hindi man lang napag-isip isip ng paring ito na ang layunin ng mga taong magtungo sa simbahan ay para manalangin at busugin ang puso at isipan ng mga espiritwal na mensahe na makatutulong sa buhay ng mamamayan, lalu na at dumalo sa misa ang mga kabataan na nasa murang edad pa ang kanilang kaisipan.

Ang nobela ni Brown na isinapelikula ay punung-puno daw ng kasinungalingan, panlilinlang, pambabastos sa kabanalan ni Hesus at pagyurak sa estado ng Simbahan kung kaya’t hindi dapat na tangkilikin, basahin ang aklat at panoorin ang pelikula.

Dahil dito, minabuti ng inyong lingkod na basahin ang nobela ni Brown at panoorin ang pelikula kung ano nga ba ang mali sa kanyang sinulat at maging ang pagkakagawa sa pelikula.

Unang-una hindi ko kilala ng personal si Brown at hindi rin niya ako kilala, isa rin akong Katoliko, naniniwala ako kung ano ang mga mensahe sa Bibliya, naniniwala rin ako at lubos kong nirerespeto ang Panginoong Hesukristo at may respeto rin ako sa Simbahang Katoliko dahil ako’y naniniwala na ang bawat relihiyon ay merong misyon na dapat gampanan sa mundong ito.

Ngunit sa takbo ng kuwento ni Brown sa kanyang nobela ay masasabi kong wala namang masama at ako’y naniniwala na hindi nito matitinag ang pananampalataya ng isang indibidwal sa ating Panginoong Diyos,at kay Hesus.

Unang-una sa aking personal na pananaw, kumbinsido akong kathang-isip lamang ni Brown ang takbo ng istorya ng kanyang nobela dahil sa ang mga taong binabanggit dito ay hindi totoo at maging ang mga pangyayari sa buong kuwento.


Pangalawa, sa ika-apat na pahina ng kanyang aklat, malinaw namang sinabi ni Brown na ang mga lugar, gusali, dokumento at ritwal ay base sa tunay na pangyayari maging ang mga binabanggit na sikretong organisasyon tulad ng “Priory of Sion” at “Opus Dei”.

Pangatlo, ng aking tignan ang website ni Brown - http://www.danbrown.com/novels/davinci_code/faqs.html, kung saan nakasaad dito ang kanyang mga sagot sa mga tanong tungkol sa kanyang nobela at mga pagkutya sa kanyang ginawa, malinaw niyang sinabi na wala siyang hangarin na siraan ang Kristiyanismo bagkus ay inilatag lamang niya ang kuwento para pag-usapan, pagdebatehan at mismong siya ay nanawagan na wag basta paniwalaan ang bawat salitang kanyang sinulat sa nobela.

Pang-apat, inihayag din ni Brown na ang ideya tungkol sa diumanoy naging relasyon nina Maria Magdalena at Hesukristo ay hindi na bago sa panahong ito dahil sa matagal na itong pinag-uusapan ilang daang taon na ang lumipas base sa mga natuklasang dokumento tungkol dito. Kumbinsido akong tama ang katwiran ni Brown dahil sa totoo namang may mga natuklasang mga sinaunang mga dokumento tulad ng mga nakasulat sa papyrus na mga aklat na sinulat ng mga apostoles sa Nag Hammadi, Egypt; ang Dead Sea Scrolls at kamakailan lang ang katatapos maisalin na Gospel of Judas.

Sa aking pansariling pananaw, tayo bilang isang Kristiyano at may pananalig sa Poong Lumikha ng lahat at kay Hesukristo ay may karapatan na suriin, busisiin, at himay-himayin ang mga detalye sa aklat na The Da Vinci Code at hindi lang yung atin itong isantabi na lamang na hindi natin binabasa.

Kung totoo na nagkaroon nga ng relasyon sina Hesukristo at Maria Magdalena noong mga panahon na iyon, bilang tao wala ba siyang karapatang magmahal, samantalang ang kanyang laging bukambibig sa mga panahon ng kanyang pananatili dito sa lupa ay ang PAG-IBIG.

Mahirap bang tanggapin ang ganong katotohanan? Mahirap bang tanggapin ng isang Kristiyano na si Hesus ay nagka-anak kay Maria Magdalena na ang pangalan ay si Sarah? Mahirap bang tanggapin na si Hesus ay umibig sa isang babae? Mahirap bang tanggapin ng sangka-Kristiyanuhan na naging asawa ni Hesus si Maria Magdalena?

Marahil sa aking sariling pananaw ay mas dapat pa nating hangaan at purihin ang Panginoong Hesukristo sa kanyang ginawa dahil sa ipinakita niya ang kanyang pagmamahal hindi lamang sa kanyang mga tagasunod at sa buong sangkatauhan kundi nagpakita siya ng magandang halimbawa kung paano mahalin ang isang babae na sa pagkakakilala ng karamihan ay isang kalapating mababa ang lipad.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin din ang aking abang website: http://misteryolohika.tripod.com.#

Thursday, May 18, 2006

Da Vinci Code, Dapat Bang Paniwalaan?

Ngayong naging paksa na naman ng balitaktakan ang kontrobersiyal na librong sinulat ni Dan Brown tungkol sa diumanoy “totoong buhay” ni Hesus dito sa ibabaw ng lupa, ang laging naririnig ko ay “naniniwala ba kayo?”, “totoo ba yun?” at “bakit ganun?”

Lalu pang naging mainit ang debate tungkol sa nilalaman ng aklat ni Brown nang ito ay isapelikula at pinipilit na pigilin ang pagpapalabas nito sa mga sinehan dito sa ating bansa.

Sa aking personal na pananaw, wala namang masama kung maging bukas tayo sa mga impormasyon o paliwanag tungkol dito, lalu na at itinuturing lang naman ito ng Simbahan bilang kathang-isip o fiction sa katagang Ingles.

Kung ganun, wala akong makitang dahilan na marami sa mga Kristiyano ang mabubuwag ang kanilang paniniwala o pananampalataya sa panginoong Hesukristo. Ngunit merong sektor ang nagsasabing kailangang ipagbawal ang pagpapalabas sa naturang pelikula sa paniniwalang ito ay naglalayong iligaw ang kaisipan ng karamihan.

Ngunit may mga sektor din ang nagsasabi na ang paglutang ng ganitong kontrobersiya ay magsisilbing pagsubok sa pananampalataya ng bawat isa sa atin, anuman ang sekta o relihiyong kinaaniban.

Ano nga ba ang mga nakasaad sa Da Vinci Code na itinuturing na paglabag sa turo ng Simbahan kung kaya’t iginiit na hindi dapat na ipalabas sa mga sinehan ang pelikula tungkol dito?

Sa mga nakabasa na ng aklat na sinulat ni Dan Brown, alam na nila na ang mga paksang kinukuwestyun dito ay ang umano’y namagitang pagmamahalan nina Hesus at Maria Magdalena na nagbunga ng isang anak.

Binabanggit sa nobela ni Brown na ang Banal na Kopa o Holy Grail ay nagsasalarawan hindi ng bagay na ginamit sa Huling Hapunan kundi kay Maria Magdalena na siyang nagdalangtao ng anak nila ni Hesus.

Sinadya umanong itago ito ng Simbahan sa nakalipas na 2-libong taon sa pangambang mabago ang pananampalataya ng Sangka-Kristiyanuhan tungkol sa naging buhay ni Hesus sa ibabaw ng lupa.

Ang katotohanan tungkol sa naging buhay nina Hesus at Maria Magdalena ay iningatan ng Priory of Scion kung saan sinasabing miyembro si Leonardo Da Vinci.


Ang sikretong ito ay inihayag ni Da Vinci sa kanyang ipinintang “Huling Hapunan (The Last Supper)” kung saan ang katabi ni Hesus sa kanang bahagi nito ay hindi ang Apostoles nitong si John kundi si Maria Magdalena, at kapansin-pansin na walang makitang Banal na Kopa sa harap nito o ang kilala bilang Holy Grail.

Maging ang kanyang sariling larawan bilang babae na ipininta ni Da Vinci at tinaguriang “Mona Lisa” ay sinadyang ginawa ng pintor bilang simbolo umano ng pag-iisang dibdib nina Hesus at Magdalena – ang pagsasanib ng babae at lalaki sa iisang katauhan.

Ang pangalang Mona Lisa ay hango sa umanoy anagramo ng “Amon L’Isa”, ang itinuturing na Amang Diyos at Inang Diyos ng mga sinaunang taga-Ehipto. Tinutukoy dito sina Amon at Isis.

Mula nang kumalat ang nobela ni Brown tungkol sa Da Vinci Code ay hindi naman maiwasang umalma ang Simbahang Katoliko tungkol dito at tahasang idineklara na pawang mga kasinungalinan ang nakasaad sa naturang aklat.

Nangamba si Cardinal Tarcisio Bertone, Arsobispo ng Genoa na maaaring marami sa mamamayan sa buong mundo ang maniwala sa mga kasinungalingang isinulat ni Brown.

Para masagip sa umanoy maling paniniwala, isang seminar ang idinaos ni Bishop Bertone noong Marso 2005 na tinaguriang Storia Senza Storia (Story Without History) at inisa-isang pinasinungalingan ng Obispo ang bawat punto na isinulat ni Brown sa kanyang aklat.

Minaliit din ng iba pang lider simbahan ang nobelang sinulat ni Brown. Ayon kay Dr. Rowan Williams, Arsobispo ng Canterburry at Dr. Thomas Wright, Obispo ng Durham – kapwa ng Britanya, ay nagsabing hindi maaaring takpan ng kathang isip o teorya ang katotohanan tungkol sa Banal na Kasulatan.

Sa katunayan sinulat ni Bishop Wright ang aklat na “Decoding Da Vinci” para pabulaanan ang lahat ng mga sinulat ni Brown sa kanyang nobela.

Hindi matatapos ang ganitong baliktakan tungkol sa naturang nobela, ngunit kung maging bukas lamang tayo sa anumang mga impormasyon at ipaliwanag ng tama ang lahat at angkop sa paniniwala ng bawat isa ay maaaring magkaroon ng iisang direksiyon ang ganitong mga palitan ng salita. Nasa inyo na lang po mga giliw naming kababayan ang kapasyahan at pananaw kung dapat bang paniwalaan o hindi ang anumang impormasyon dahil ako’y naniniwala na tayong lahat ay may kalayaan na piliin kung ano ang katanggap-tanggap sa atin dahil tayo mismo ang humuhubog sa ating buhay na may basbas mula sa Diyos.

Para sa inyong mga suhestyun o reaksiyon, mag-text sa 09206316528. Mag-email sa misteryolohika@gmail.com at bisitahin din ang aking website: http://misteryolohika.tripod.com/. #

Thursday, May 11, 2006

Puting Liwanag, Ano ba Ito?

May mga nagtatanong sa akin tungkol sa puting liwanag na kalimitang nakikita sa mga sagradong lugar tulad ng simbahan, altar, relihiyong pagtitipon at iba pa. Yan din ang liwanag na nakikita sa mga pagkakataong taimtim ang panalangin o meditasyon ng isang tao.

Sa aking sariling pananaliksik tungkol dito, ang liwanag na ito ay karaniwang nakikita ng mga taong clairvoyant o may abilidad na makita ang enerhiya sa paligid tulad ng mga espiritu mula sa earthbound soul o mga ligaw na kaluluwa hanggang sa mga matataas na espiritu tulad ng mga santo at anghel.

Kung bakit sila lang ang nakakakita, dahil sa ang kanilang ikatlong mata o third eye ay bukas na bukas na. Lahat na hindi nakikita ng pangkaraniwang tao ay kitang kita ng kanilang mga mata – saan man sila magtungo, anumang oras nila gustong makita.

Ngunit may ibang mga tao na gumagana ang kanilang third eye sa pamamagitan ng isip, kung saan maaari nilang makita ang mga nilalang sa ibang dimensiyon sa pamamagitan ng ‘mata’ ng kanilang isip o mind’s eye.

Ngayon, tungkol sa puting liwanag na ito, paano ba ito nangyayari? Ano ba talaga ito? Una kong nalaman ang tungkol sa puting liwanag na ito nang matuto akong mag-meditate. Sa tuwing meditasyon ko bagaman nakapikit ang aking mga mata, ay nakikita ko ang napakaliwanag at napakatingkad na kulay putting liwanag na ito sa aking isip.

Hindi ko lang ito nakikita kundi nararamdaman ko kung ano ang epekto nito sa aking katauhan – hindi lamang sa aking pisikal na katawan kundi lalu na sa aking emosyonal at espiritwal na katawan.

Sa mga Katoliko, kalimitang bumababa ang liwanag na ito kapag nagdarasal na ng Ama Namin (Lord’s Prayer) kung saan ang palad ay nakaharap sa taas. Kung sensitibo ang tao na nagsimba at lumahok sa ganitong panalangin ay mararamdaman nya ang napakasarap na epekto ng liwanag na ito na parang tubig na bubuhos sa iyong katauhan, mangingilabot ang buo mong katawan at tila nadagdagan ang iyong lakas.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang ganung senaryo sa loob ng simbahan, bahay-sambahan, o saanmang sagradong lugar ay isang proseso kung saan iniuugnay mo ang iyong sarili sa Diyos na lumikha sa lahat – kung saan sa kanya nagmumula ang ating lakas bilang kanyang mga nilalang.



Ang ganitong proseso ay hindi lamang nagaganap sa iisang relihiyon kundi sa lahat ng mga sumasamba sa panginoong Diyos anuman ang tawag natin sa Kanya. Sa aking pansariling pananaw, ang Puting Liwanag na ito ay siya ring Banal na Espiritu o Holy Spirit na bumaba sa atin sa tuwing hihingi tayo ng basbas sa Poong Lumikha.

Nang minsan tanungin ko ang aking maybahay na isa ring clairvoyant kung ano ang nakikita niya sa tuwing umaawit ng Ama Namin o sa mga pagtitipong espiritwal lalu na sa mga healing session na minsan na niyang dinaluhan, kitang kita nya kung paano nagbubukas ang Kalangitan at bumaba ang nakasisilaw, napakaliwanag at napakaputing liwanag mula sa Kaitasan.

Sa aking meditasyon at sa taimtim na panalangin ng sinuman ay ganito rin ang kaganapan, biglang nagbubukas ang kalangitan at bumaba ang napakaputing liwanag na mas maliwanag pa sa sikat ng araw.

Nagaganap din ang ganitong senaryo sa mga oras na merong healing session dahil sa ang mga manggagamot (faith healer) ay kailangang kumuha ng enerhiya mula sa kalangitan.

Kabilang sa healing praktis na kailangan ng pagpapala mula sa Kalangitan ay ang pranic healing, reiki, psychic healing, maging ng mga manggagamot na nagtapos ng medisina na naniniwala sa kapangyarihan ng isip sa panggagamot ay ganito rin nagaganap.

Hindi lang sa gamutan o pagpapala ang naibibigay ng Puting Liwanag na ito kundi nagbibigay din ito ng proteksiyon laban sa panganib o aksidente.

Sa dinaluhan kong mga pagsasanay tungkol sa paggamit ng isip, ang sinuman o anupaman na binalutan mo ng Puting Liwanag ay tiyak na mabibigyan ng proteksiyon – maaaring ito ay ang iyong mga mahal sa buhay, iyong sasakyan, at bahay.

Kailangan lamang na paganahin ang iyong kaisipan, isipin mo na merong Puting Liwanag mula sa taas na bababa at babalutin ang sinumang tao o anumang bagay na gusto mong protektado o maibsan ang anumang problemang kaharapin niya.

Ngunit laging isaisip na gawin ito kaakibat ng iyong buong pagmamahal sa sinumang tao o anumang bagay na gusto mong bigyan ng proteksiyon o pagpapapala.

Para sa inyong mga katanungan at suhestyun, mag-text o tumawag sa 09206316528; magpadala ng liham sa aking e-mail: misteryolohika@gmail.com. Tignan din ang aking website – http://misteryolohika.tripod.com.#

Thursday, May 04, 2006

UFO at ET, Ayaw Pang Tanggapin ng Tao

Matagal nang nababalita ang tungkol sa pagpapakita ng mga kakaibang sasakyang pangkalawakan na kilala sa tawag nating UFO o Unidentified Flying Object, ngunit sa kabila ng mga ebidensiyang may kaugnayan dito tulad ng mga nakunan ng larawan at video ay bakit mahirap pa ring paniwalaan ito ng tao?

Ako man ay nagtatanong tungkol dito kaya’t minabuti ko ring magtanong sa iba kung bakit ganito ang takbo ng kaisipan ng tao, at ang mga sagot sa akin ay – “nasaan ang ebidensiya”, “gusto ko silang makita”, “totoo ba sila?”, at ang matinding naging sagot sa akin ng iba ay “nakakatakot sila”, sa paniniwalang ang mga nilalang na ito ay may planong sakupin ang buong planeta at patayin ang lahi ng tao.

Para sa aking pansariling pananaw, ang ganitong mga sagot ay resulta ng mga negatibong pahayag ng mga otoridad tungkol sa mga itinuturing nating kakaibang nilalang o kilala sa tawag na mga Ekstra-Terestriyal, sa hangarin ng mga pamahalaan na itago ang katotohanan tungkol sa kanila tulad halimbawa ng Roswell Crash, ang sikreto ng Area 51, dagdag pa rito ang mga masasamang impormasyon laban sa mga UFO/ ET na kesyo ang mga ito ay nangunguha ng tao para gawin nilang eksperimento.

Isipin po ninyo, karamihan sa ngayon ay nagsasabing maniniwala lamang sila kung may nakita sila – “to see is to believe”, ngunit nariyan na lahat ng ebidensiya ay hindi pa rin paniwalaan.

Sa palagay ko, hindi tamang ang itanong sa tao kung naniniwala ba tayo sa mga UFO o hindi, ang naisip kong angkop na tanong para dito ay “handa ba natin silang tanggapin sa ating buhay kapag dumating ang panahon na sabay-sabay na silang nagpakita sa atin saanmang panig ng mundo, anumang oras?”

Kung naging makatotohanan lamang sana ang mga balita tungkol sa pagpapakita ng mga nilalang na ito, disin sana ay halos tanggap na ng tao ngayon ang kanilang presensiya.

Sa ngayon, maniniwala lamang ang isang tao kapag personal siyang nagkaroon ng karanasan sa mga nilalang na ito, ngunit kung hindi sapat ang kaalaman tungkol dito ay maaaring magresulta sa pagkabaliw ang isang tao na dumanas nito lalu na kapag walang nagpaliwanag sa kanila tungkol sa kanilang naging karanasan.

Ang isa pang masaklap na katotohanan, kapag ang isang tao ay may kaugnayan sa ganitong uri ng nilalang, ay hindi maiwasang bahain ito ng todo-pintas ng ibang tao na hindi naniniwala sa katotohanan tungkol sa mga ET at UFO.

Ang inyong lingkod ay ilang beses na ring dumanas ng masasakit na salita tulad ng “baliw”, “luku-luko”, “weirdo”, “demonyo”, “naliligaw ng landas” at iba pang pang-aalipusta lalu na mula sa mga taong ang tingin nila sa kanilang sarili ay nasa tamang landas daw ng buhay kesyo sila daw ay miyembro ng born-again Christian o ang kanilang sektang kinaaaniban ay tanging makaliligtas sa panahon na nagbalik na sa lupang ibabaw ang Panginoong Hesukristo o ang tinatawag na “Second Coming”.

Ang ganitong masasamang salita o hatol ng tao sa isang tulad ng inyong lingkod ay bukas puso kong tinanggap at minabuti kong hindi na lamang patulan, hindi dahil sa ayaw kong lumaki ang usapan o mauwi sa matinding debate na nagsisiraan, tulad ng ginagawa ng magkakalabang sekta ngayon, kundi ang tanging iniisip ko lamang ay may mga taong talagang sarado pa ang kanilang kaisipan sa ganitong mga impormasyon o paniniwala at balang araw ay maiisip din nilang mali sila ng paghusga sa kapwa.

Nais kung linawin dito na wala akong tinututulang relihiyon o sekta o anumang samahan na inyong kursunadang aniban dahil para sa akin ang lahat ng organisasyong espiritwal ay may mabuting layunin para makatulong sa espiritwal na pangangailangan ng tao.

Ang aking panawagan lamang dito ay matutuhan natin buksan ang ating isipan sa mga samut-saring impormasyon na ating naririnig, nababasa, o nakikita sa pang-araw-araw nating buhay, kahit na ito man ay kakaiba sa ating paniniwala, at wag nating isasara ang.ating pintuan sa mga kakaibang balita sa ating kapaligiran.

Ngayon, sa kabila ng marami ang ayaw pa ring tanggapin ang katotohanan tungkol sa mga UFO, ET at iba pang paksa na maituturing na paranormal sa kaisipan ng tao, ay hindi pa rin titigil ang mga nilalang na ito na magpakita ng mga ebidensiya na sila nga ay nasa ating paligid, at nais sabihin sa tao na “hindi kayo nag-iisa sa mundong ito dahil maging kami man ay nilalang din ng Diyos”.

Harinawa ang mga pamahalaan na merong kakayanan na gumawa ng pagsisiyasat sa ganitong mga kaganapan ay magsabi ng totoo, at hindi yaong ililigaw ang kaisipan ng tao tulad ng ginawa ng Amerika sa Roswell, Mexico noong July 1947.

Nakakalungkot isipin na maging ang media sa ngayon ay hindi basta-basta pinapatulan ang ganitong mga balita dahil sa kundisyon ng kaisipan na ang paranormal ay hindi angkop na basta na lamang ibalita, at ang mas binibigyan ng halaga ay ang magulong buhay ng tao sa larangan ng pulitika, at bangayan ng magkakalabang grupo.

Para sa ating mga kababayan na naniniwalang hindi lamang tayong tao ang nilalang sa buong kalawakan at merong mga karanasan tungkol sa mga UFO, Ekstra-terestrial, at iba pang kababalaghan, makipag-ugnayan lamang sa inyong lingkod: cp. 09206316528; e-mail: misteryolohika@gmail.com; add: reysibayan, MBC Building, CCP Complex, Pasay City; website: http://misteryolohika.tripod.com. #